Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 5/8 p. 22-24
  • Kilalanin ang “Lumilipad na Guwantes”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kilalanin ang “Lumilipad na Guwantes”
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paano Sila Lumilipad?
  • Panggabing Piloto
  • Bakit Bihirang-Bihirang Makita?
  • Ang Utak ng Arctic Ground Squirrel
    May Nagdisenyo Ba Nito?
  • Ang Nag-a-adjust na Utak ng Arctic Ground Squirrel
    Gumising!—2013
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2005
  • Lumilipad na Nilalang, Mga
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 5/8 p. 22-24

Kilalanin ang “Lumilipad na Guwantes”

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA FINLAND

ANG mga ardilya (squirrel) ay makikita sa halos lahat ng dako sa lupa. Subalit iilan lamang ang gaya ng kakaibang lumilipad na ardilya ng Siberia na karaniwang tinatawag na “lumilipad na guwantes.”a Nakalilipad nga ba ang maliit na uring dagang ito? Anong uri ng kinapal ang lumilipad na guwantes, at bakit bihirang-bihira itong makita?

Paano Sila Lumilipad?

Bagaman ang lahat ng ardilyang namumugad sa mga punungkahoy ay nakapagpapalipat-lipat sa mga puno, wala sa kanila ang makatatalo sa lumilipad na ardilya. Ang mga uring dagang ito ay nakalulundag nang hanggang 80 metro ang layo! Subalit paano kaya ito nagagawa ng ardilyang ito?

Ang lumilipad na ardilya ay may mga lamad na siyang ginagamit ng mga ito sa paglipad na hinahangaan ng sinumang inhinyero ng eroplano. “Ang unahang bahagi nito ay sinusuhayan ng isang mahabang litid na nagmumula sa pupulsuhan,” ang sabi ng aklat na The World of the Animals. “Bagaman parang may dalawang suson lamang ng balat ang lamad, mayroon itong isang manipis na suson ng kalamnan na pinagagalaw upang mapabilis o mapabagal ng mga ardilyang ito ang paglipad depende sa pagkakabaluktot ng mga pansalimbay nito.”

Angkop lamang ang pangalang lumilipad na guwantes, yamang habang lumilipad, ang ardilya ay unat na unat na parang guwantes. Kapag hindi lumilipad, ang ardilya kung minsan ay parang nakasuot ng napakaluwang na abuhing fur coat!

Paano kaya nakalilipad ang ardilya nang hindi nababangga? Ang buntot nito ang pinakatimon, anupat gumigiya sa paglipad ng ardilya. Kapag malapit nang lumapag sa punungkahoy, ibinubuka ng ardilya ang “pamprenong parasyut” nito​—anupat ipinupuwesto itong patayo. Bihirang-bihira lamang sumablay at mahulog sa lupa ang ardilya.

Nakatutulong din sa mabalahibong “hang glider” na ito ang kaniyang pagiging magaan. Ang isang karaniwang adultong lumilipad na ardilya ay tumitimbang lamang nang mga 150 gramo at mga 20 sentimetro ang haba, puwera ang buntot. Maliit lamang ang tainga at walang nakakumpol na balahibo, kaya hindi ito nakaaabala sa paglipad ng ardilya.

Panggabing Piloto

Ang lumilipad na ardilya ay may kakaibang mga mata, na gaya ng malalaking perlas na itim. Di-tulad ng ibang mga ardilya, ang lumilipad na ardilya ay sa gabi lamang gising. Kaya naman, kailangan nito ang malilinaw na mata upang makakita ng paborito nitong pagkain​—ang mga catkin at nalalagas na mga dahon ng mga punungkahoy at mga supang ng conifer. Dahil mas kakaunti ang nakukuhang pagkain kung taglamig, nag-iipon na ang lumilipad na mga ardilya ng pailan-ilang catkin sa lihim na mga imbakan sa mga sanga at sa mga butas ng punungkahoy kapag taglagas.

Kung tagsibol naman, wiling wili sa paglalaro ang lumilipad na mga ardilya anupat nakakaligtaan na nilang umidlip sa hapon. Bukod diyan, kapag ganitong panahon, may ibang bagay na nasa isip ang mga ardilya​—ang pagpaparami. Kapag hangang-hanga na ang babaing ardilya sa pagpapasikat ng lalaking ardilya sa paglipad, panahon na ito para mag-isip ng pugad. Ang pugad ay maaaring isang bahay ng ibon, kung mayroon, o isang butas sa punungkahoy. Karaniwan nang maraming pugad ang lumilipad na mga ardilya. Ang ilan ay ginagawang imbakan ng pagkain, at ang iba naman ay bilang ekstrang pugad. Ang ilang lumilipad na ardilya ay gumagawa pa nga ng pugad sa kamalig. Pero di-gaya ng ibang ardilya, ayaw mamugad ng lumilipad na ardilya sa lunsod!

Sa pagtatapos ng tagsibol o sa pagsisimula ng tag-araw, magsisilang ng dalawa o tatlong anak ang inahing lumilipad na ardilya. Magiging abala siya sa pagpapakain sa mga ito, kahit sa araw. Kapag bagong silang, ang mga supling na ito ay halos kasinlaki lamang ng dulo ng iyong daliri; pero bago matapos ang taglagas, nagliliparan na sila mula sa pugad!

Bakit Bihirang-Bihirang Makita?

Bakit bihirang-bihirang makita ang lumilipad na ardilya? Ang isang dahilan ay sapagkat tahimik ang mga galaw ng maliliit na panggabing kinapal na ito sa tuktok ng mga punungkahoy at hindi ito halos namamalayan. Bukod diyan, mas namamalagi ang lumilipad na ardilya sa hilagang kakahuyan ng pinagsamang mga punungkahoy na nagpapalit ng dahon at ng mga conifer mula sa Dagat ng Baltic tungo sa kagubatan ng Russia hanggang sa Karagatang Pasipiko.

Waring ligtas naman ang lumilipad na ardilya ng Siberia dahil sa malalawak na kagubatan ng Siberia. Gayunpaman, ang mga uring ito​—gaya ng iba pang namumugad sa mga butas ng mga punungkahoy​—ay nawalan na ng angkop na dakong pamumugaran dahil sa pagkalbo sa kagubatan. Sa Finland, ang kanlurang rehiyon na pinamumugaran nito, protektado ng isang batas ng European Union ang lumilipad na ardilya. Kapag may namataan lamang na isang lumilipad na ardilya sa tuktok ng mga punungkahoy o may nakitang mga dumi mula sa mga ito, ipinagpapaliban na o kinakansela ang isang proyekto ng konstruksiyon.

Mangyari pa, walang kamalay-malay ang lumilipad na ardilya sa nagiging bunga ng kanilang mga dumi, at waring walang makaaabala sa kanilang rutin. Kapag nagtatakipsilim na sa mga kakahuyan sa hilaga, libu-libong maliliit na ilong ang nagsusulputan sa mga butas ng mga punungkahoy. Sa pagkibot ng mahahabang balbas, pag-ugoy ng maliliit na sanga, masigla na namang nagsusulputan ang lumilipad na mga ardilya!

[Talababa]

a Isa lamang ito sa mahigit 30 uri ng lumilipad na mga ardilya. Marami, lakip na ang higanteng lumilipad na ardilya na kasinlaki ng pusa, ang namumugad sa kagubatan ng Timog-Silangang Asia. Karaniwan nang hindi kabilang sa iba pang lumilipad na ardilya ang mga ardilya ng Aprika na may magaspang na buntot, bagaman magkamukhang-magkamukha ang mga ito. Ang tanging pagkakaiba ay ang kanilang buntot na may balahibo lamang sa dulo at sa bahagi ng punò nito.

[Larawan sa pahina 23]

Mga “catkin,” paboritong pagkain ng lumilipad na mga ardilya

[Larawan sa pahina 24]

Lumilipad na ardilya ng Siberia na maliit pa

[Picture Credit Line sa pahina 22]

Ilya Lyubechanskii/BCIUSA.COM

[Picture Credit Line sa pahina 23]

Mga ardilya: Benjam Pöntinen

[Picture Credit Line sa pahina 24]

Mga ardilya: Benjam Pöntinen

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share