Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 5/22 p. 22-24
  • Ang Suot Mong Relo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Suot Mong Relo
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Siyensiya sa Likod ng Makina
  • Kaakit-akit Pa Rin ang Mekanikal na mga Relo
  • Alin ang Pipiliin?
  • ‘Anong Oras Na?’
    Gumising!—1986
  • Alam Mo Ba Kung Anong Oras Na?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2018
  • Mag-ingat sa Ating Paglakad
    Umawit ng mga Papuri kay Jehova
  • Pagbabantay
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 5/22 p. 22-24

Ang Suot Mong Relo

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRITANYA

ALAM mo ba kung anong oras na? Isang sulyap lamang sa suot mong relo at malalaman mo na. Pero tama ba ang oras sa relo mo? Madalas na hindi natin gaanong pansin ang mga relong ito, pero mas masalimuot ang mga ito kaysa sa ating akala.

Bagaman ang oras ay di-pisikal at lumilipas, noon pa man ay interesado na ang tao sa pagsukat nito. Ang siklo ng mga kapanahunan, pagbabago ng hugis ng buwan, at pagsasalitan ng araw at gabi​—ay pawang sumusukat ng oras sa likas na paraan. Pero malaon nang sinisikap ng tao na sukatin ang oras sa mas maliliit na yugto at sa mas tumpak na paraan.

Ang Siyensiya sa Likod ng Makina

Ang Horology​—ang siyensiya na may kinalaman sa paggawa ng mga makinang nagsasabi ng oras​—​ay isa sa pinakamatatandang kasanayan sa siyensiya. Ang “pinakapuso” ng mga makinang ito ay ang escapement. Ito ang kumokontrol sa bilis ng paglabas ng puwersang nagpapatakbo sa makina. Kapag unti-unti lamang at regular ang agwat ng paglabas ng puwersang ito, nasusukat ang mga yugto ng oras. Walang nakaaalam kung kailan eksaktong naimbento ang unang relo na pawang mekanikal, subalit malaki ang naging pagbabago noong mga taóng 1500, nang unang makagawa ng mga relong nadadala.

Kailan lamang nauso ang pangkaraniwang isinusuot na relo sa ngayon. Naging karaniwan ito noong huling bahagi ng ika-19 na siglo, lalo na sa mga babae. Noong unang digmaang pandaigdig, natanto ng mga opisyal ng sandatahan na mas praktikal ang isinusuot na relo kaysa sa relong inilalagay sa bulsa. Mula noon, lalong naging popular ang isinusuot na mga relo.

Sa ngayon, ang karamihan sa mga relo ay elektroniko at gumagamit ng mga kristal na kwarts. Kapag ginawang espesyal ang pagkakahugis at inilagay sa angkop na elektronikong sirkito, ang isang piraso ng kwarts ay gumagalaw sa eksaktong bilis, anupat gumaganang katulad ng pendulong mabilis na umuugoy.

Napakahirap gawing eksakto ang oras ng mekanikal o kwarts na mga relo. Kaya anuman ang relo mo, aabante o aatras ang oras nito sa paanuman. Gayunman, mayroon na ngayong mga relong kwarts na manaka-nakang nagtatama sa sarili nitong oras sa pamamagitan ng mga signal mula sa mga relong atomika.a Inaangkin ng mga tagaanunsiyo na ang gayong mga relong kontrolado ng radyo ay napakaeksakto anupat isang segundo lamang ang nagiging diperensiya sa loob ng isang milyong taon!

Kaakit-akit Pa Rin ang Mekanikal na mga Relo

Dahil sa pagiging eksakto ng mga relong kwarts at atomika at sa katotohanan na ang escapement na ginagamit sa mekanikal na mga relo ay mahigit dalawang daang taon na mula nang maimbento ito, baka isipin mong laos na ang mekanikal na relo. Tutal, sino nga ba naman ang gagamit ng makinang mekanikal sa pagkukuwenta kung may makukuha namang calculator? Gayunman, ang relong tumitiktak ay kaakit-akit pa rin sa marami. Milyun-milyong ganitong uri ng relo ang ginagawa taun-taon. Mas malaki pa nga ang halaga ng iniluluwas na Swisong mekanikal na mga relo nitong nakalipas na mga taon kaysa sa elektronikong mga relo. Mayroon na ngayong bago, mahusay gumana, at low-friction na mga escapement, at ang mga tao ay humahanap pa rin at umuupa ng mahuhusay na horologist para ipakumpuni ang kanilang mekanikal na mga relo.

Bakit kaya kaakit-akit ang mekanikal na mga relo? Naniniwala si Michael, isang horologist na may tatlong dekada nang karanasan, na isang salik ang mahabang buhay nito. Sinabi niya na bagaman maaasahang gagana ang relong kwarts sa loob ng 15 taon o higit pa, ang mekanikal na relo na mahusay ang pagkakagawa ay nananatiling nasa oras sa loob ng mahigit sa 100 taon. Maaaring may malaking sentimental na halaga ang gayong relo na naipamamana ng mga magulang sa kanilang anak.

Para naman sa iba, gustung-gusto nila ang mekanikal na mga relo dahil sa kasalimuutan at katumpakan ng teknikal na prosesong sangkot sa pagdidispley ng impormasyon hinggil sa oras at astronomiya na gumagamit ng pagkaliliit na mga piyesa at paigkas (spring). Isa pa, dahil maaaring manu-mano ang paggawa ng mga mekanismong ito, nauunawaan at nakukumpuni ng matiyagang horologist ang mga ito.

Di-tulad ng karamihan sa mga makina, ang mga relo ay inaasahang gumana nang tuluy-tuloy sa loob ng maraming taon. Karagdagan pa, ang isinusuot na mga relo ay pinagagana sa iba’t ibang temperatura at sa lahat ng maisip mong posisyon, kahit pa nga sa iba’t ibang direksiyon ng paggalaw, pero pambihira pa rin ang pagiging eksakto nito. Ang relong umaabante o umaatras ang oras nang hindi lalampas sa 20 segundo bawat araw ay nagkakamali lamang nang 0.023 porsiyento, ang antas ng pagiging eksakto na karaniwang inaasahan sa maseselang instrumento sa siyensiya. Kaya nga, hindi nakapagtataka kung namamangha ang maraming tao sa pinagsama-samang kasanayan, pagkamalikhain, at kahusayan na ibinuhos sa mekanikal na relong isinusuot!

Mangyari pa, may iba pang sangkot na mga salik. Ipinaliwanag ni Michael, binanggit kanina, na gusto lamang iwasan ng ilang tao ang pagpapalit ng batirya na kailangan sa karamihan ng mga relong kwarts. Kung gayon, ano ang tutulong sa iyong magpasiya kung aling relo ang isusuot mo?

Alin ang Pipiliin?

Walang alinlangan na ang gusto mong relo ay yaong pangunahin nang nakaaakit sa iyo. Para sa marami, nangangahulugan iyan na hindi lamang praktikal at magagamit ang relo kundi maganda rin naman. Bukod dito, inirerekomenda ni Michael na pag-isipan mo kung ano ang iyong inaasahan sa isang relo. Maghapon mo ba itong isusuot araw-araw o tuwing may espesyal na okasyon lamang? Mabubunggu-bunggo ba ito o mahahantad sa napakainit o napakalamig na temperatura? Halimbawa, ang regular na pagkahantad sa mga kemikal o sa tubig-dagat ay makasisira sa istrap at kaha ng relo. Kaya matalinong isaalang-alang ang mga salik na ito.

Tungkol naman sa presyo, pinakamainam nang magtakda ng badyet at sundin ito. Sa pangkalahatan, ang mekanikal na mga relo ay mas mahal kaysa sa mga relong kwarts. Gayunman, tandaan na pare-pareho ang ginagamit na saligang mga mekanismo sa maraming iba’t ibang relo. Ang mekanismo ay yaong bahaging nasa loob ng kaha nito at siyang sumusukat ng oras. Karaniwan nang mahusay ang pagkakadisenyo at pagkakagawa ng lahat ng ito. Kadalasang nag-iiba-iba ang presyo dahil sa mga bahagi nitong pampaganda, tulad ng kaha o istrap. Kaya ang mas mahal na presyo ay hindi laging nangangahulugan na higit itong eksakto o maaasahan.​—Tingnan ang kahon sa itaas.

Kapag may suot kang relo, madaling malaman ang oras. Ang pagkaalam sa kasaysayan ng isinusuot na mga relo ay makatutulong sa iyo na pahalagahan ang mga gamit na ito. Tutal, hindi ba’t para kang nalilito kapag wala kang relo?

[Talababa]

a Sa paggamit ng galaw ng mga atomo bilang pamantayan ng bilis, napananatiling eksakto ang oras ng mga relong atomika.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 24]

ALIN ANG PINAKAANGKOP PARA SA IYO?

URI: Nasusukat ng chronograph ang maiikling yugto ng panahon, na tamang-tama kung nais mong orasan ang mga pangyayari. Para naman sa isport, iminumungkahi ang relong di-tinatagos ng tubig. Kung lagi mong nalilimutang susian ang relo, tandaan na hindi na kailangang susian ang relong kwarts. Gayundin ang mga relong awtomatik o kusang nagsususi sa sarili nito, na nasususian sa pamamagitan ng galaw ng braso ng may-suot nito.

PAGIGING EKSAKTO: Kung mahalaga ito sa iyo, pag-isipan mong kumuha ng isang chronometer, isang relong napakaeksakto anupat nakaaabot sa malaon nang tatag at opisyal na mga pamantayan ng pagiging eksakto. Higit sa lahat, ang teknolohiya ng kwarts ang nagbibigay ng mas eksaktong oras. Ang isang modernong mekanikal na relo na mabilis gumalaw at tumitiktak nang 28,800 beses bawat oras ay gumagana sa bilis na apat na paggalaw sa bawat segundo. Ihambing iyan sa pangkaraniwang relong kwarts na gumagana sa pagitan ng 10,000 at 100,000 paggalaw sa bawat segundo!

DISPLEY: Ang relong digital ay gumagamit ng mga numero para isaad ang oras; ang displey na analog ay gumagamit ng mga kamay na umiikot. Naipapakita ng mga displey na digital ang impormasyong tulad ng petsa, alarma, karagdagang sona ng oras, at chronograph. Ang mga displey na analog ay nagsasaad ng oras sa paraang madaling basahin, sa isang sulyap lamang sa anggulo ng mga kamay.

PAGMAMANTINI: Sapagkat pinatatakbo ng matibay na paigkas ang mekanikal na relo, hindi ito madaling napapahinto ng dumi o alikabok di-gaya ng relong kwarts. Magkagayunman, upang manatili ito sa oras, mas kailangan ng mekanikal na mga relo ang pagmamantini kaysa sa kwarts. Yamang wala itong mga piyesang gumagalaw, ang mga relong kwarts na may mga displey na digital ay hindi na kailangang imantini, maliban sa pagpapalit ng batirya.

[Tsart/Mga larawan sa pahina 23]

ILANG KAKAIBANG RELO

◼ 1810-12

Ang unang iniulat na isinusuot na relo, Abraham-Louis Breguet

◼ 1945

Nakikita ang petsa sa relo, Rolex

◼ 1957

Relo na may de-kuryenteng motor, Hamilton Watch Company

◼ 1960

Nagsasabi ng oras sa pamamagitan ng elektronikong mekanismo, Bulova

◼ 1972

Relo na pawang elektroniko at may displey na “digital,” Hamilton Watch Company

[Credit Line]

Ikalawa at ikatlong larawan: Courtesy of Hamilton Watches

[Picture Credit Line sa pahina 23]

OMEGA

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share