Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 6/8 p. 15-18
  • Ligáw na Bulaklak ba ang mga Ito o mga Damong Ligáw?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ligáw na Bulaklak ba ang mga Ito o mga Damong Ligáw?
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Kailan Itinuturing na Damong Ligáw ang Ligáw na Bulaklak
  • Masiyahan sa Kawili-wiling Bahaging Ito ng Sangnilalang
  • Pagtatanghal ng mga Ligaw na Bulaklak sa Australia
    Gumising!—1994
  • Maganda Na, Masarap Pa!
    Gumising!—2004
  • May Pritilaria Ka ba sa Iyong Hardin?
    Gumising!—1995
  • Mga Bulaklak—Kababalaghan ng Paglalang
    Gumising!—1987
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 6/8 p. 15-18

Ligáw na Bulaklak ba ang mga Ito o mga Damong Ligáw?

Mula sa manunulat ng Gumising! sa Canada

Kaakit-akit ang mga ligáw na bulaklak. Huminto sandali at suriin ang masalimuot na hugis ng mga bulaklak na ito. Tingnan ang kanilang sari-sari at pagkagagandang kulay. Amuyin ang mabangong samyo ng mga ito. At talaga namang matutukso kang abutin at haplusin ang kanilang malalambot at maseselang talulot! Napupukaw ang ating mga pandama sa ganitong uri ng sukdulang kagandahan. Maging ang ating damdamin ay napasisigla ng gayong kariktan. Tunay ngang napagaganda ng mga ligáw na bulaklak ang ating kapaligiran. May natatanging bahagi ang mga ito para masiyahan tayo sa buhay. Dahil dito, may utang na loob tayo sa kanilang Maylalang at Disenyador!

Bagaman hinahangaan natin ang pamumukadkad ng mga bulaklak na ito dahil sa kanilang kahanga-hangang mga kulay, hugis, at bango, ang pangunahing papel ng mga ito ay gumawa ng mga binhi para sa mahalagang proseso ng pagpaparami. Para magawa ito, ang kanilang mga bulaklak ay dinisenyong makaakit ng mga insekto, ibon, at maging ng mga paniki para sa polinisasyon. Gustung-gusto ng mga paruparo at mga ibong umaawit ang mga ligáw na bulaklak. “Ang mga ito ay pagkain ng lumilipad na mga nilalang na ito, samantalang ang inaalagaang mga bulaklak ay hindi,” ang sabi ng hortikulturista at awtor na si Jim Wilson. Kapansin-pansin na ayon sa The World Book Encyclopedia, “dati, ang lahat ng bulaklak ay mga ligáw na bulaklak.”

Libu-libo ang namumulaklak na halaman sa buong daigdig. Kung gayon, paano makikilala ang ligáw na bulaklak? Ano ba ang isang ligáw na bulaklak? Sa pinakasimpleng pananalita, ang ligáw na bulaklak ay ang alinmang namumulaklak na halaman na tumutubo nang hindi inaalagaan ng tao. Sa Hilagang Amerika lamang, mahigit 10,000 ang itinuturing na mga ligáw na bulaklak. “Bagaman sa pangkalahatan ay tumutukoy ang termino sa mga halamang may malalambot na sanga at kapansin-pansing mga bulaklak, ang mga aklat tungkol sa ligáw na bulaklak ay nagsasabi na kasama rin dito ang mga halamang may matitigas na sangang parang kahoy. Dahil sa pagkakasalungatang ito, halos imposibleng makapagbigay ng katuturan na tutukoy sa lahat ng uri ng halaman na tinatawag nating ligáw na bulaklak,” ang sabi ng naturalistang si Michael Runtz, awtor ng Beauty and the Beasts​—The Hidden World of Wildflowers.

Malayo ang nararating ng mga binhi. Ang ilang tinatangay ng hangin o tubig ay napakalayo ng nararating. Ngunit ang karamihan ay may likas na mga limitasyon dahil dinisenyo ang mga ito para sa espesipikong mga lugar lamang. Natatangay ng hangin sa layong ilang kilometro ang mga binhing sinliliit ng alikabok. Gayunman, ang mga binhing may nakakabit na parang parasyut, gaya ng dandelion, ay di-gaanong nakalalayo.

Baka magulat ka kapag nalaman mo na kung nakatira ka sa Hilagang Amerika, marami sa mga ligáw na bulaklak na katutubo ngayon sa inyong lugar ay galing pala sa iba’t ibang lupain. Nang magsimula ang paggamit ng mga barko sa karagatan at ang pagtuklas ng bagong mga teritoryo, naikalat ang maraming halaman at binhi mula sa pinanggalingang mga lupain. Ang marami sa gayong mga halaman ay mula sa Europa o Asia. Ang ilan ay sadyang dinala sa ibang lupain, ang iba naman ay napadpad lamang doon. Sa katunayan, maraming halaman na nagpapalamuti ngayon sa lupain ng Hilagang Amerika ay talagang “nagmula sa mga damong ligáw na napasama sa mga binhi ng sinasakang mga pananim; ang iba naman ay napasama sa mga butil; sa mga tuyong damo at dayami na ginagamit sa pag-iimpake; sa tulakbahala (ballast) ng barko . . . Ang iba naman ay dinala bilang mga yerbang pampalasa, pantina, pabango, at panggamot,” ang sabi ng aklat na Wildflowers Across America. Subalit bakit kaya tinatawag kung minsan na mga damong ligáw ang mga ito at ang napakarami pang ibang namumulaklak na mga halaman?

Kung Kailan Itinuturing na Damong Ligáw ang Ligáw na Bulaklak

Karaniwan na, anumang halaman na mabilis dumami sa lugar na ayaw mong tumubo ito ay maituturing na damong ligáw, tumubo man ito sa iyong damuhan, sa iyong hardin, o kasama ng iyong mga pananim. “Ang maraming halaman na itinuturing na mga damong ligáw ay hindi mabubuhay . . . kung wala ang mga tanimang ito na gawa ng tao,” ang sabi ng reperensiyang akda na Weeds of Canada. Sinabi pa nito: “Tayo ang pangunahing may pananagutan sa paglikha ng isang angkop na kapaligiran para sa pagdami ng mga halamang ayaw na ayaw natin.” Ang ilang inangkat na mga ligáw na bulaklak ay mabilis na dumarami sa lugar na kung saan nakatanim ang ibang di-mabilis dumami at katutubong mga halaman, at binabago nila nang malaki ang kapaligiran. Sa ganitong paraan, ang inangkat na halaman ay hindi lamang basta nagiging naturalisadong ligáw na bulaklak kundi nagiging isa nang mapanirang damong ligáw.

Kung nasubukan mo nang mag-alaga ng kahit isang napakaliit na hardin, mauunawaan mo kung ano ang ibig sabihin ng mabilis na pagdami ng inaayawang halaman. Ang lupang walang tanim ay madaling maagnas dahil sa hangin at tubig. Sa anumang panahon, literal na milyun-milyong di-pa-tumutubong binhi mula sa sari-saring halaman ang nakakalat sa humigit-kumulang tatlong sentimetrong suson ng pinakaibabaw ng lupa. Kapag hinawan ang isang lugar, ang mga damong ligáw ay dinisenyong tumubo nang mabilis sa mga lugar na ito para huwag maagnas ang lupa. Bagaman ang prosesong ito ay maaaring maging sanhi ng pagtutunggali ng hardinero at ng mga damong ligáw, ang pagkaunawa rito ay tutulong sa iyo na malaman ang kani-kaniyang papel na ginagampanan ng mga damong ligáw at ng ligáw na bulaklak.

Masiyahan sa Kawili-wiling Bahaging Ito ng Sangnilalang

Hindi maaaring hindi mo hangaan ang karilagan ng di-nilinang na mga kakahuyan na nakatanim sa mga dalisdis na nalalatagan ng mga bulaklak ng puting trillium kung tagsibol o ng mga bulaklak ng chicory na kakulay ng bughaw na kalangitan na namumukadkad sa umaga at sumusunod sa sikat ng araw, saka tumitikom naman sa katanghaliang tapat. Hudyat lamang ang mga ito ng pasimula ng sunud-sunod na pagtatanghal ng likas na kagandahan na tuluy-tuloy sa lahat ng panahon, taun-taon, anupat nagpapaligsahan na matawag ang iyong pansin. Ang ilan ay sandaling-sandali lamang kung mamukadkad, tulad ng tawny daylily. Ang iba naman, tulad ng black-eyed Susan, ay makikitang namumukadkad sa naaarawang kaparangan o sa tabi ng daan mula sa huling bahagi ng tagsibol hanggang sa tag-araw.

Tunay ngang isang kawili-wiling bahagi ng sangnilalang ang daigdig ng mga ligáw na bulaklak. Kapag tumubo ang ilan sa iyong damuhan o hardin o napansin mo ang mga ito sa tabi ng daan o sa mga kakahuyan, mag-ukol ng panahon at pagmasdan ang kanilang masasalimuot na hugis, napakagagandang kulay, at mababangong samyo. Kilalanin kung ano talaga ang mga ito​—isang kaloob mula sa Disenyador ng mga ito, ang ating bukas-palad na Maylalang.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 18]

Alam Mo Ba?

Ang karaniwang dandelion ay hindi masusumpungan noon sa buong Hilagang Amerika. Ngayon, masusumpungan na ang halamang ito sa kalakhang bahagi ng daigdig. Inaangkin ng ilang awtoridad na nagmula ito sa Asia Minor. Dinala ito ng mga Europeong nakipamayan sa mga lupain sa Amerika para itanim sa kanilang bagong mga hardin dahil nakaugalian na nilang kainin ito. Ang ugat ng dandelion ay ginagamit na sa maraming rehistradong gamot, samantalang ang mga talbos nito ay isinasama naman sa mga salad.

Ang mga oxeye daisy ay kabilang sa pinakakaraniwang mga bulaklak sa tabi ng daan. Nagmula ang mga ito sa Europa. Sa kalakhang bahagi, nakapagbibigay-sigla ang mga ito sa tanawin. Ang bawat bulaklak ay literal na isang pumpon ng dilaw at puting mga bulaklak. Ang pinakagitnang bahagi nito na parang platito ay binubuo ng daan-daang maliliit, nagbibinhi, at ginintuang mga bulaklak na napalilibutan ng 20 hanggang 30 puting rayos, o mga talulot, na mga bulaklak na hindi nagbibinhi​—na nagsisilbing mga dapuan lamang ng mga insekto.

Pinaniniwalaan na ang tawny daylily ay nagmula sa Asia at pagkatapos ay dinala sa Inglatera at nang dakong huli ay sa Hilagang Amerika. Bagaman bawat sanga nito ay tinutubuan ng maraming bulaklak, ang bawat bulaklak ay tumatagal lamang nang isang araw. Bumubuka ang mga ito sa umaga at lubusan nang nagsasara sa pagtatapos ng maghapon.

Ang mataas na buttercup ay dinala rin mula sa Europa tungo sa Hilagang Amerika. Doon, karaniwan na itong matatagpuan sa mamasa-masang mga kaparangan at sa mga tabing-daan. Kung minsan, tumataas ito nang mahigit na dalawang metro. Subalit iilang tao lamang ang nakaaalam na maaari itong maging mapanganib. Halos lahat ng uri ng bulaklak na ito ay may iba’t ibang tindi ng askad. Sa loob ng ilang siglo, ang ilang buttercup ay nakilala bilang nakapagpapanaknak na mga halaman. Si Anne Pratt, ika-19 na siglong manunulat na Britano, ay nagsabi: “Karaniwan nang nangyayari na ang isang naglilibot ay nahihiga upang matulog sa tabi ng ilan sa mga bulaklak na ito, at nagigising na mahapdi at napakakati ng balat ng kaniyang pisngi dahil sa maaskad na mga bulaklak na napadikit doon.”

[Credit Lines]

Dandelion: Walter Knight © California Academy of Sciences; mataas na buttercup: © John Crellin/www.floralimages.co.uk

[Mga larawan sa pahina 16]

Mga bulaklak ng “chicory”

[Larawan sa pahina 16]

“Tawny daylily”

[Mga larawan sa pahina 16, 17]

Mga puting “trillium”

[Mga larawan sa pahina 17]

Mga “black-eyed Susan”

[Picture Credit Lines sa pahina 16]

Pinakaitaas sa kaliwa: www.aborea.se; pinakaitaas sa gitna: Courtesy John Somerville/www.british-wild-flowers.co.uk; tawny daylily: Dan Tenaglia, www.missouriplants.com, www.ipmimages.org

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share