Recife—Naging Lunsod Dahil sa Asukal
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRAZIL
HINDI lamang “ginto, papuri, at ebanghelyo” ang dahilan ng kolonisasyon sa mga lupain ng Amerika. Sabik sa asukal ang mga aristokrata ng Europa. Pasimula noong kalagitnaan ng ika-15 siglo, ang kita mula sa mamahaling tubóng ito na tumutubo sa mga isla ng Atlantiko ang nagpalaki sa pondo ng Portuges. Kaya noong 1516, ipinasiya ng Portuges na si Haring Manuel I na magtatag ng pagawaan ng asukal sa kaniyang mga teritoryo sa Bagong Daigdig.
Bagaman sa timugang Brazil itinayo ang unang mga kabyawan (sugar mill), ang lalawigan noon ng Pernambuco,a na nasa hilagang-silangan ng Brazil, ang naging sentro ng isang bagong sibilisasyon ng produksiyon ng asukal. Nakatulong sa pagtubo ng tubó ang mainit na klima, saganang ulan, di-gaanong matatarik na dalisdis, at ang mataba’t mabanlik na lupa nito. Ang tropikal na mga kagubatan sa baybaying-dagat ay napalitan ng malalawak na plantasyon hanggang sa mga burol at mga talampas sa palibot ng delta ng Ilog Capibaribe.
Pagsapit ng 1537, nagkaroon ng isang maliit na pamayanan ng mga magdaragat at mangingisda. Ito’y nasa tuktok ng makitid na ismo patimog mula Olinda, ang kabisera noon ng Pernambuco. Yamang nasa kanlurang bahagi nito ang Ilog Capibaribe at nakakanlungan ng isang pader ng mga bahura ng korales mula sa Karagatang Atlantiko sa silangang panig nito, ang likas na daungang ito ay nakilala bilang Povo dos Arrecifes (Nayon ng mga Bahura) at nang maglaon ay Recife. Dito iniimbak ang hilaw na asukal na ibinibiyahe sa ilog mula sa asyenda ng asukal habang naghihintay na ilulan sa barko patungong Europa.
Di-nagtagal, ang napabalitang pag-unlad ng Pernambuco ay tumawag sa pansin ng inaayawang mga panauhin. Ang Recife ay binihag at dinambungan ng mga piratang Pranses muna noong 1561 at pagkaraan noong 1595, ng mangangalakal na Ingles na si Sir James Lancaster, na kung minsan ay tinutukoy bilang isang pirata. Iniulat na naglayag palayo si Lancaster matapos ikarga ang kanilang mga dinambong sa kaniyang plota at sa 12 pang barkong “hiniram” sa mga negosyanteng Pranses at Portuges. Nagtayo ng mga tanggulan sa ismo sa pagitan ng Recife at Olinda upang hadlangan ang susunod pang mga pagsalakay subalit wala ring nagawa ang mga ito.
Ang Labanan sa Asukal
Pagsapit ng unang mga taon ng ika-17 siglo, ang Pernambuco na nasa ilalim noon ng pamamahala ng Kastila ang naging pinakamalaki at pinakamayamang lugar sa daigdig na gumagawa ng asukal, palibhasa’y may 121 kabyawan. Ang Recife ang naging pinakaabalang daungan sa Amerika na kontrolado noon ng Portugal.
Ang Europa ay nahilig sa matamis na pagkaing gawa sa asukal ng Brazil, na ang karamihan ay dinadalisay sa Holland. Nang matapos ang pansamantalang kasunduan ng Holland at Espanya noong 1621, nanganib ang kapaki-pakinabang na negosyong ito. Ipinagkaloob nang taon ding iyon sa Dutch West India Company (tatawaging Kompanya sa artikulong ito), ang monopolyo sa pakikipagnegosyo sa Aprika at Amerika. Nagmungkahi ang Kompanya ng isang solusyon sa isang dokumentong nagsisiwalat sa kanilang layunin na pinamagatang “Mga Dahilan Kung Bakit Dapat Agawin ng West Indies Company ang Brazil sa Hari ng Espanya sa Lalong Madaling Panahon,” kalakip ang “Talaan ng Posibleng Produksiyon ng Brazil.” Pasimula na ito ng Labanan sa Asukal!
Noong Pebrero 14, 1630, isang plota ng 65 barko sa ilalim ng bandila ng Kompanya ang lumitaw malapit sa baybayin ng Pernambuco at pagkatapos ng maikling pakikipaglaban, ibinaon ang bandila nito sa lupain ng Brazil. Ipinalagay ng mga sumalakay na mas ligtas na lugar ang Recife na may tanggulan, karatig na mga pulo, at mga ilog kaysa sa mga burol at malalawak na lugar ng Olinda. Kaya noong Nobyembre 25, 1631, sinunog ng mga Olandes ang Olinda at inilipat ang kanilang punong-tanggapan ng pampangasiwaan sa Recife. Dito nagsimula ang pag-unlad ng Recife.
Dahil kapos sa lupain, matataas na bahay ang itinatayo upang mabigyan ng lugar ang dumaragsang mga tao. Matataas at makikitid na sobrados, o bahay, na may tigalawa at tigatlong palapag, na karaniwan sa mga kabiserang Europeo noon, ang itinayo gamit ang mga materyales na naisalba sa mga labí ng Olinda. Gayunman, pagsapit ng 1637, halos wala na ring mapagtayuan sa Recife. Noon dumating ang bagong gobernador-heneral at kondeng Aleman na si John Maurice ng Nassau, na may planong magtayo ng pinakamalaki at pinakaprogresibong lunsod sa Timog Amerika.
Ang Bayan na Itinayo ni Maurice
Ang Mauricia, gaya ng tawag niya rito, ay naitayo sa loob lamang ng pitong taon at itinulad sa istilong Europeo, na sementado pa ang mga kalye, may pamilihan, mga palasyo, zoo na punô ng mga hayop na galing pa sa Aprika at mga rehiyon ng Brazil, mga harding botanikal, unang obserbatoryo ng mga lupain sa Amerika, isang museo, mga ospital, at isang aklatan. Itinayo ni John Maurice ng Nassau ang kaniyang lunsod sa Antônio Vaz Island, ilang daang metro mula sa Recife, at iniutos na gumawa ng dalawang tulay—isang tagumpay sa inhinyeriya noong kanilang kapanahunan—upang pagdugtungin ang Recife, Mauricia, at ang kontinente.—Tingnan ang kahong “Si Maurice ng Nassau at ang Lumilipad na Baka.”
Palibhasa’y hindi naman siya talaga mersenaryong mananakop, tinukoy ni John Maurice ang bago niyang tahanan bilang “magandang Brazil na walang kapantay sa ilalim ng langit.” Ang kaniyang pagkahumaling sa bansang ito, na iniutos sa kaniya ng Kompanya na paunlarin, ay iningatan sa mga larawang iginuhit nina Frans Post at Albert Eckhout, mga miyembro ng kultural na grupong ipinadala ni John Maurice ng Nassau mula sa Europa. Sa kaniyang pagtangkilik, isang grupo ng 46 na alagad ng sining, siyentipiko, at bihasang manggagawa ang naglathala ng napakaraming aklat, drowing, at mapa na nagsisiwalat sa kahanga-hangang tanawin ng Pernambuco para sa interesadong mga Europeo.
Umunlad ang ekonomiya ng Mauricia at Recife dahil sa pamamahala ng kondeng si John Maurice ng Nassau. Nagpautang ang Kompanya upang tustusan ang muling pagtatayo ng mga kabyawang nasira noong panahon ng pananalakay. Di-naglaon, nagkalat na sa Recife ang mga opisyal na Ingles, mga abenturerong Sweko, mga mangangalakal na taga-Scotland, mga negosyanteng Aleman at Pranses—na pawang naakit sa bentahan ng mga alipin, asukal, at brazilwood.
Nakaakit din sa Judiong mga kapitalista at sa mga nagsilikas mula sa Europa at Hilagang Aprika ang mapagparayang administrasyon ni John Maurice ng Nassau pagdating sa relihiyon. Sa loob ng maikling panahon, hayagan nang nagpupulong ang dumaraming komunidad ng mga Separdim sa unang dalawang sinagogang itinayo sa mga lupain ng Amerika. Naging masyadong prominente ang mga Judio roon anupat nakilala ang sentro ng negosyo sa Recife bilang Rua dos Judeus (Kalye ng mga Judio).
Umasim ang Ugnayan ng Brazil at Netherlands
Sa kabila ng kahanga-hangang rekord ni John Maurice ng Nassau bilang administrador, nagreklamo pa rin ang mga direktor ng Kompanya na diumano’y sinisira ng pagkahumaling niya sa Brazil ang kaniyang mga pagpapasiya sa pananalapi. Halos hindi tumutubo ang puhunan ng mga kasosyo sa Kompanya. Nagbitiw si John Maurice ng Nassau at bumalik sa Holland noong Mayo 1644. Ang pag-alis niya, na ikinalungkot—maging ng mga Portuges—ay naging pasimula ng pagbagsak ng Brazil na kontrolado noon ng Netherlands. Ang sunud-sunod na pagbaba ng ani sa asukal, ang biglang pananamlay ng internasyonal na mga mamimili ng asukal, at ang malaking pagkakautang sa Kompanya ay pawang nag-udyok sa mga may-ari ng plantasyon na magplano ng pag-aalsa, na sa dakong huli ay nagpalayas sa mga Olandes noong 1654.b
Nawasak sa paglalabanan ang mga halamanan ni John Maurice ng Nassau at ang kalakhang bahagi ng lunsod na itinayo niya, subalit isang bagay ang nagbago. Dahil sa obsesyon ng mga Olandes sa asukal, ang sentro ng Pernambuco ay nailipat mula sa Olinda tungo sa mga isla ng delta ng Capibaribe at naitatag ang isang bagong kabisera. Ang Recife ay naging lunsod at sentro mismo ng ekonomiya.
Mga Bakas ng Lumipas
Sa unang tingin, ang modernong Recife, isa sa pinakamalalaking sentro ng industriya, ekonomiya, at mga turista sa Brazil, na may mahigit 1,300,000 populasyon, ay walang pagkakatulad sa maliit na kolonya ng pangingisda na pinakinabangan ng Olinda noong ika-16 na siglo. Malaon nang naging residensiyal na lugar ang mga taniman ng asukal sa kahabaan ng pampang ng Capibaribe, anupat naiwan na lamang ang mga pangalan nito at ilang magagandang mansiyon ng mga may-ari ng plantasyon ng asukal. Naglaho na ang marami sa kolonyal na arkitektura ng sentro ng komersiyo ng Recife, na sumasaklaw sa mga isla ng Recife at Santo Antônio at sa distrito ng Boa Vista na nasa mismong kontinente, dahil sa pagpapabaya at agresibong modernisasyon.
Magkagayunman, nakikita pa rin sa Recife ang mga ilog, isla, at mga bahura na umakit noon sa mga Olandes, at naaaninag pa rin sa modernong mukha nito ang mga bakas ng lumipas noong kalakasan ng produksiyon ng asukal. Ang Forte do Brum, kuwadranggulong tanggulan ng mga Olandes na orihinal na itinayo sa harapan ng dagat bilang sanggalang sa daungan, ay hiwalay na ngayon sa dagat dahil sa mga panambak—isang makasaysayang isla sa gitna ng modernong mga gusali. Sinusunod pa rin sa Rua dos Judeus, ngayo’y Rua do Bom Jesus (Kalye ng Mabuting si Jesus), ang istilo ng ika-16 na siglo at naroroon pa rin ang may iba’t ibang kulay na kolonyal na sobrados na nakaligtas sa modernisasyon.
Para sa mga gusto pang makakuha ng detalye hinggil sa kasaysayan ng Recife, may mga eksibisyon ng mga mapa at memorabilya ng mga Olandes—gaya ng nasa Forte das Cinco Pontas, na kinumpleto ng mga mersenaryo ng Kompanya noong 1630, at ng di-marangyang Institute of Archaeology, History, and Geography. Ipinakikita sa Museum of the Northeastern Man ang unti-unting pagsulong ng industriya ng asukal mula sa simpleng panimula nito hanggang sa pagkakaroon ng moderno at pang-industriyang mga kabyawan at masisilayan dito ang malungkot na buhay ng mga alipin, “ang mga kamay at paa ng malalaking tao sa negosyo ng asukal.”
Hindi na gayon katindi ang paghahangad sa asukal kung ikukumpara noong nakalipas na mga siglo. Ang kinikita rito na umakit noon sa mga sakim na pirata at sa West Indies Company ay lumiit na nang lumiit. Marami ang ayaw nang maapektuhan ng mga problemang pinansiyal, sosyal, at pangkapaligiran na dulot ng dating paraan ng pagpoproseso ng asukal. Gayunman, nangunguna pa rin ang asukal sa agrikultura ng baybayin ng Pernambuco. Di-kalayuan sa labas ng Recife, umaani ang mga manggagawa mula sa malalawak na taniman ng tubó, gaya noong nakalipas na limang siglo—isang paalaala na ang Recife ay naging lunsod dahil sa asukal.
[Mga talababa]
a Hinati ni Haring John III ng Portugal ang Brazil sa 15 pamunuan, o lalawigan, at naglagay ng mga amo na tinatawag na mga donatário upang pamahalaan ang mga ito.
b Natalo ang mga Olandes sa pakikidigma sa Brazil subalit hindi sa Labanan sa Asukal. Dahil sa praktikal na kakayahang natutuhan sa hilagang-silangang Brazil, gumawa ang mga Olandes ng mga plantasyon sa Antilles. Bago matapos ang ika-17 siglo, binaha na ang pamilihang Europeo ng mumurahing asukal mula sa West Indies na tumapos sa monopolyo ng mga Portuges sa asukal.
[Kahon/Larawan sa pahina 25]
Si Maurice ng Nassau at ang Lumilipad na Baka
“Sa pasimula, maliliit na bangka lamang ang sinasakyan ng mga tao paroo’t parito sa Mauricia at Recife, subalit napakalaking abala nito sa komersiyo. Ikinatuwa ng lahat ang planong gumawa ng tulay, at mabilis na natapos ang pagtatayo nito. Sa araw ng Linggo itinakda ang selebrasyon, at isinama sa programa ang isang panoorin na dinisenyo upang pukawin ang interes ng publiko—isang lumilipad na baka!
“Kinahapunan ng pasinaya, tumugtog na ang mga musikero at nasabitan na ng mga banderita ang mga kalye. Dumagsa ang mga tao sa tulay. Bagaman humanga sa bagong tulay, ang lumilipad na baka ang kinasasabikang makita ng lahat. ‘Ano kaya ang hitsura nito?’ ang tanong ng ilan. ‘Isang kasalanan na sabihing nakalilipad ang baka na parang anghel,’ ang sabi naman ng isang matandang babae.
“Nang sumapit ang takdang oras, lumitaw ang dilaw na hugis bakang may mga sungay at isang mahabang buntot mula sa itaas na bintana ng isang bahay sa pantalan. ‘Ayun!’ ang bulalas ng lahat. Sabay-sabay na napatingala ang mga maharlika, mga pangkaraniwang tao, at mga alipin. Biglang humugong ang malakas na tawanan. Ang baka ay isang lobong papel lamang pala na nilagyan ng mainit na hangin!
“Tuwang-tuwa ang mga tao sa pagbibirong ito ni Prinsipe Maurice ng Nassau at gumanap ito ng isa pang kapaki-pakinabang na layunin. Ang lahat ng tumawid sa tulay upang makita ang lumilipad na baka ay pinagbayad ng kaunting halaga, at ang nalikom na salaping ito ay naging malaking tulong sa pagtustos sa kaniyang kapuri-puring proyekto.”
[Credit Lines]
Terra Pernambucana (Ang Lupain ng Pernambuco), ni Mário Sette.
Maurice of Nassau: ACERVO FUNDAÇÃO JOAQUIM NABUCO--RECIFE
[Kahon sa pahina 27]
Ang Venice ng Amerika
“Gaya ng Venice, ang Recife ay isang lunsod na lumitaw sa tubig at naaaninag sa tubig; isang lunsod na nakadarama ng pulso ng karagatan sa pinakapusod nito.”—Joaquim Nabuco, estadistang taga-Brazil.
Ang paglalabanan ng mga tagapagtayo at ng dagat, mga latian, at ilog—na sumiklab mula nang gawin ang kauna-unahang pagtatambak at mga dike noong ika-16 na siglo—ang dahilan kung kaya ang kabisera ng Pernambuco ay nahati sa 66 na kanal at napagdugtong ng 39 na tulay. Ang modernong Recife ay sumasaklaw sa buong delta na binubuo ng mga ilog ng Capibaribe, Beberibe, Jiquiá, Tejipió, at Jaboatão. Palibhasa’y mga dalawang metro lamang ang taas ng Recife sa kapantayan ng dagat, binabaha pa rin paminsan-minsan ang ilang pangunahing daanan nito kapag malaki ang tubig at malakas ang ulan. Nakalulungkot sabihin, ang distrito ng Old Recife, lugar ng orihinal na pamayanan, na ilang siglo nang mahigpit na nakakunyapit sa kontinente sa pamamagitan ng makitid na buhanginan, ay hiwalay na sa kontinente dahil sa pagpapalawak ng mga pasilidad ng daungan noong 1960.
[Larawan sa pahina 23]
Itaas: Rua do Bom Jesus
[Larawan sa pahina 23]
Ibaba: Rua da Aurora
[Larawan sa pahina 24]
Ang plota ng Dutch West India Company habang nilulusob ang Olinda (sa kanan) at ang Recife (sa kaliwa) noong 1630
[Larawan sa pahina 24, 25]
“Gaya ng Venice, ang Recife ay isang lunsod na lumitaw sa tubig at naaaninag sa tubig”
[Mga larawan sa pahina 26]
Ang Forte do Brum at (sa ibaba) ang Forte das Cinco Pontas
[Picture Credit Lines sa pahina 23]
Itaas: FOTO: NATANAEL GUEDES/P.C.R.; ibaba: Bruno Veiga/Tyba/socialphotos.com; mapa: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.
[Picture Credit Lines sa pahina 24]
Plota: ACERVO FUNDAÇÃO JOAQUIM NABUCO–RECIFE; ibaba: MUNDOimagem