Kung Paano Makapananatili sa Iyong Trabaho
“Nakakita ka na ba ng taong dalubhasa sa kaniyang gawain? Sa harap ng mga hari siya tatayo.”—Kawikaan 22:29.
GAYA ng ipinakikita ng talata sa Bibliya sa itaas, kadalasan nang lubhang pinahahalagahan ang mga manggagawang dalubhasa sa kanilang gawain. Ano ang ilang mga kasanayan at katangian na pinahahalagahan ng mga nagpapatrabaho sa kanilang mga manggagawa? Si George, direktor ng mga manggagawa sa isang kompanya na may 700 empleado, ay nagsabi sa Gumising!: “Pinahahalagahan namin sa isang empleado ang kaniyang kakayahang makipagtalastasan nang mabuti at makiisa sa iba sa pagtatrabaho.” Ang Bibliya ay naglalaman ng praktikal na payo na makatutulong sa iyong mapasulong ang mga kasanayang ito, anupat nakadaragdag sa iyong pag-asa na manatili sa iyong trabaho. Isaalang-alang ang ilang halimbawa.
Mabisang Makipagtalastasan
Ipinakikita ng manunulat ng Bibliya na si Santiago na nagsisimula ang gawain ng isang mabisang makipagtalastasan bago pa niya ibuka ang kaniyang bibig. Sumulat si Santiago na ang isa ay dapat maging “matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.” (Santiago 1:19) Bakit ito mabuting payo? Sumulat si Solomon: “Kapag ang isa ay sumasagot sa isang bagay bago niya marinig iyon, kamangmangan ito sa kaniya at kahihiyan.” (Kawikaan 18:13) Totoo, maiiwasan ang mga di-pagkakaunawaan at mahahadlangan ang mga pagkakamali kung makikinig kang mabuti sa nagpapatrabaho sa iyo at sa mga kamanggagawa mo.
Kapag nagsalita ka, mahalaga rin ang paraan ng iyong pagsasalita. Kung magsasalita ka nang malinaw at may sapat na lakas, mas malamang na mauunawaan ka, at tutulong ito upang higit na igalang ng tagapakinig ang iyong sinasabi. Ganito ang komento ni Brian, isang konsultant sa paghahanap ng trabaho na nabanggit sa naunang artikulo: “Magugulat kang malaman na napakaraming tao ang nawawalan ng trabaho, hindi dahil sa kakulangan ng teknikal na kasanayan, kundi dahil kulang ang kanilang kakayahan para sa mabisang pakikipagtalastasan.”
Makipagtulungan sa Iba
Dahil sa dami ng panahong ginugugol mo kasama ang iyong mga katrabaho, walang-alinlangang makikila mo sila nang husto. Dahil dito, baka matukso kang itsismis sila, anupat pinalalaki ang kanilang mga pagkakamali at mga pagkukulang. Gayunman, ang payo ng Bibliya ay ‘gawin mong tunguhin ang mamuhay nang tahimik at asikasuhin ang iyong sariling gawain.’ (1 Tesalonica 4:11) Sa paggawa nito, maiiwasan mong magkaroon ng reputasyon na “isang mapakialam sa mga bagay-bagay ng ibang tao.” (1 Pedro 4:15) Bukod diyan, maiiwasan mong mag-aksaya ng panahon at maging sanhi ng di-kinakailangang pakikipag-alitan sa iyong mga katrabaho.
Kapag hinilingan kang gumawa ng isang atas, isaisip ang matalinong payo ni Jesus: “Kung ang isang may awtoridad ay pumipilit sa iyo na maglingkod ng isang milya, sumama ka sa kaniya ng dalawang milya.” (Mateo 5:41) Binabanggit ni Jesus ang tungkol sa awtoridad ng pamahalaan, subalit ang simulain ay tiyak na kumakapit din sa pinagtatrabahuhan. Kung kilala ka bilang isang masipag na manggagawa—isa na gagawa nang higit pa sa hinihiling sa iyo—mas malamang na makapanatili ka sa iyong trabaho. Sabihin pa, may hangganan sa kung ano ang makatuwirang puwedeng hilingin sa iyo ng isang nagpapatrabaho. Sinabi ni Jesus na ibayad kay “Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Mateo 22:21) Sa diwa, ipinahihiwatig dito ni Jesus na ang mga nasa posisyon ay hindi dapat pahintulutang humadlang sa iyo sa mas mahahalagang bagay, gaya ng pagsamba sa Diyos.
Maging Matapat
Ipinakikita ng isang surbey sa mahigit na 1,400 kompanya na “itinala [ng karamihan sa mga nagpapatrabaho] ang pagkamatapat at integridad bilang mga katangiang lubhang hinahangaan nila sa mga naghahanap ng trabaho.” Maliwanag, kasama sa pagiging matapat ang hindi pagnanakaw ng pera o mga materyales mula sa nagpapatrabaho sa iyo. Nangangahulugan din ito ng hindi pagnanakaw ng oras. Natuklasan ng isang pag-aaral na isinagawa ng isang ahensiya ng pagtatrabaho na ang pagnanakaw ng oras ay umabot sa katamtamang 4 na oras at 15 minuto bawat empleado linggu-linggo. Bukod sa iba pang mga bagay, ang mga magnanakaw na ito ng oras ay palaging huli, umaalis nang maaga sa trabaho, at nakikipagkuwentuhan sa ibang empleado sa oras ng trabaho.
Ang Bibliya ay nagpapayo: “Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw pa, kundi sa halip ay magtrabaho siya nang masikap, na gumagawa ng mabuting gawa sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay.” (Efeso 4:28) Bukod diyan, hinihimok ng Salita ng Diyos ang mga Kristiyano na gumawang masikap, kahit na hindi sila tuwirang minamasdan ng mga nasa awtoridad. Sumulat si apostol Pablo: “Maging masunurin kayo sa lahat ng bagay doon sa inyong mga panginoon ayon sa laman, hindi sa pamamagitan ng mga gawa na pakitang-taong paglilingkod, gaya ng mga nagpapalugod sa tao, kundi may kataimtiman ng puso, na may takot kay Jehova.” (Colosas 3:22) Kung kilala ka sa pagiging masipag na manggagawa—kahit walang nangangasiwa sa iyo—isa kang empleadong mapagkakatiwalaan.
Maging Makatotohanan
May-katumpakang inihula ng Bibliya na ang ating panahon ay magiging mapanganib at mahirap pakitunguhan. (2 Timoteo 3:1) Ang idinudulot nitong kawalang-katatagan at kaligaligan sa pulitika at sa lipunan ay tiyak na magbubunga ng kawalang-katiyakan sa ekonomiya. (Mateo 24:3-8) Kaya naman, kahit na ikapit mo ang nabanggit na mga mungkahi, maaari ka pa ring mawalan ng trabaho.
Gayunman, makatutulong ang pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya upang mabawasan ang kabalisahang nauugnay sa kawalan ng trabaho. Sinabi ni Jesus: “Kung dinaramtan nga ng Diyos nang gayon ang pananim sa parang, na narito ngayon at bukas ay inihahagis sa pugon, hindi ba mas lalong daramtan niya kayo, kayo na may kakaunting pananampalataya? Kaya huwag kayong mabalisa at magsabing, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming isusuot?’ . . . Sapagkat nalalaman ng inyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito.”—Mateo 6:30-32.
Tulad ng milyun-milyong iba pa sa buong daigdig, naranasan ni Ericka, na naunang binanggit, ang katotohanan ng mga pananalitang sinipi sa itaas. Ganito ang sinabi niya hinggil sa kaniyang nadarama: “Gustung-gusto ko ang aking kasalukuyang trabaho. Ngunit alam ko mula sa karanasan na nagbabago ang mga bagay-bagay. Magkagayunman, sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya at pagtitiwala kay Jehova, natutuhan ko kung paano babawasan ang aking kabalisahan kapag wala akong trabaho at kung paano higit na masisiyahan sa trabahong nakuha ko.”
[Larawan sa pahina 10]
Ang hindi pakikinig sa mga miting ay maaaring maging dahilan upang mawalan ka ng trabaho