Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagkabaog Bagaman hindi ako nag-aral ng medisina, wiling-wili ako sa pagbabasa ng seryeng “Pagkabaog—Ang mga Paggamot, ang mga Tanong.” (Setyembre 22, 2004) Nakalulugod malaman na lubhang pinahahalagahan ni Jehova ang buhay ng tao. Ang walang-kinikilingang pagtalakay sa mga usapin ay tumutulong sa isa na magkaroon ng higit na pagtitiwala sa kaniya. Maraming tao sa teritoryo ng aming kongregasyon ang natutuwang tumanggap ng magasing ito.
V. P., Russia
Di-nagtagal pagkatapos ng aming kasal, sinikap naming mag-asawa na magkaanak. Ngayon, pagkalipas ng maraming taon, napaharap kami sa mga suliraning inilarawan sa seryeng ito. Talagang nakapagpapatibay malamang naglalaan si Jehova ng pagkain sa tamang panahon. Nakasisiphayo noon—at ngayon—na marinig na hindi ka magkakaanak. Pero sa pamamagitan ng pananaliksik at ng artikulong ito, natulungan akong magkaroon ng kaaliwan na hindi lamang kami ang may ganitong problema. Itinuturing naming isang tunay na pagpapala na maiukol namin ang aming panahon upang lubusang paglingkuran si Jehova.
T. O., Estados Unidos
Vitiligo Maraming salamat sa artikulong “Ano ba ang Vitiligo?” (Setyembre 22, 2004) Limang taon na akong may ganitong karamdaman. Ngunit mas nakakayanan ko na ito mula nang ilathala ninyo ang artikulong ito. Natutuwa akong mapabilang sa isang Kristiyanong organisasyon na lubhang nagmamalasakit sa bawat isa sa amin!
C. H., Alemanya
Hindi kalabisang sabihin na ang pagkakaroon ng vitiligo ay napakahirap sa mental at emosyonal na paraan. Tinuturuan tayo ni Jehova na maging higit na mapagmalasakit sa isa’t isa. Umaasa ako sa panahon kapag maibabalik na ang aking natural na kulay.
B. W., Estados Unidos
Dalawampu’t limang taon na akong pinahihirapan ng vitiligo. Malaking kaaliwan para sa akin na malamang hindi lamang ako ang dumaranas ng gayong emosyonal na kabagabagan. Maraming tao ang may maling impresyon sa karamdamang ito, subalit sa pamamagitan ng artikulong ito, makapagtatamo sila ng tumpak na pagkaunawa. Maraming salamat sa pagsulat tungkol sa paksang ito!
K. S., Hapon
Naapektuhan ako ng sakit na ito sa loob ng halos 30 taon. Noong bata pa ako, nililibak ako ng aking mga kaedad dahil sa aking hitsura. Natutuhan kong batahin ang karamdaman. Tulad ni Sibongile, nagpasiya akong patibaying-loob ang iba sa pangako ng Bibliya na malapit nang alisin ni Jehova ang lahat ng mga problema sa kalusugan at ang kaakibat na kabalisahan ng damdamin na nagdudulot ng labis na kirot.
J. M., Czech Republic
Ganito ang karamdaman ng aking 19-anyos na anak na babae. Walang nakaaalam kung gaano karaming beses na siyang lumuha o kung ilang beses na siyang nanalangin kay Jehova hinggil dito. Iniibig niya si Jehova at naging buong-panahong ebanghelisador siya kamakailan. Nagpapasalamat kami na naglathala kayo ng mga artikulong gaya nito sapagkat tumutulong ito sa amin na madamang nagmamalasakit sa amin si Jehova.
S. S., Hapon
Ako ay isang buong-panahong ebanghelisador. Hindi ko maipaliwanag ang aking nadarama kapag tinititigan ako ng iba at nag-aatubili silang makipagkamay o yumapos sa akin dahil sa puting mga patse sa aking balat. Ang mismong pagkakaroon ng maibigin at tumpak na artikulo ay nagdulot sa akin ng labis na kaaliwan. Salamat sa pagtulong ninyo sa iba na maunawaang hindi nakahahawa ang aming karamdaman at sa pagpapaunawa na nagmamalasakit sa amin si Jehova.
C. S., Estados Unidos