Mga Uring Nanganganib Malipol
Mula sa manunulat ng Gumising! sa Italya
Ipinakikita ng Red List of Threatened Species, na inilabas ng World Conservation Union (IUCN), na may punong tanggapan sa Gland, Switzerland, ang kalagayan ng mga halaman at hayop sa daigdig. Nakatala sa Red List noong 2004 ang mahigit sa 15,500 uri.
Ang isa sa mga pangunahing banta sa mga uring nanganganib malipol ay ang gawain ng mga tao. Sa halip na ingatan ang maselang pagkatimbang ng kalikasan, na napakahalaga sa pananatiling buháy ng tao, patuloy niya itong sinisira sa pamamagitan ng pagtataguyod ng mga gawain na sa dakong huli ay napakapanganib pala sa iba pang mga uri. Nakalulungkot, sa gayong paraan ay naglalaho ang maraming uri kasama na ang likas na yaman na maaari sanang pakinabangan.
Ang isa sa mga hayop na nakatala sa Red List noong nakaraang taon ay ang common dolphin (lumbalumba) na may maigsing tuka, gaya ng makikita sa larawan. Umunti ang mga ito sa Mediteraneo nang mahigit sa 50 porsiyento sa nakalipas na 30 hanggang 45 taon, at sinasabing nanganganib na itong malipol ngayon. Ayon sa IUCN, kabilang sa mga sanhi “ang pag-unti ng mga hayop na masisila ng lumbalumba sa Mediteraneo dahil sa mga pagbabago sa kapaligiran, labis na pangingisda, at pagkasira ng likas na tirahan.” Inaakala ring ang dami ng nakalalasong kemikal na gawa ng tao at nasumpungan sa mga lumbalumba sa Mediteraneo ay “maaaring maging sanhi ng paghina ng imyunidad at diperensiya sa sangkap sa pagpaparami.”
Hindi habang panahong pagtitiisan ng Maylalang ang walang konsiderasyon at makasariling mga tao na pumipinsala at naninira. Sa kabaligtaran, ipinahihiwatig ng hula ng Bibliya na napipinto na “ang takdang panahon” kung kailan ‘ipapahamak niya yaong mga nagpapahamak sa lupa.’ Pagkatapos, panunumbalikin ng Diyos na Jehova ang mga kalagayan kung saan ang mga tao ay magiging may-kakayahang tagapag-alaga ng “bawat nilalang na buháy” at ng ‘lahat ng pananim na nasa ibabaw ng lupa.’—Apocalipsis 11:18; Genesis 1:28-30.
[Larawan sa pahina 18]
Mga “common dolphin” na may maigsing tuka
[Credit Line]
© Goran Ehlme/SeaPics.com
[Larawan sa pahina 18]
Ang “black-browed albatross” ay kasama rin sa talaan ng mga uring nanganganib malipol