Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Kaya Ako Naaakit sa Di-kanais-nais na mga Tao?
“Alam kong hindi ako dapat maging masyadong pamilyar sa kaniya, pero pinahintulutan kong mangyari ito. Hindi ako makapaniwalang may lalaking gusto akong makasama.”—Nancy.a
“Mag-isa akong nagpupunta sa ‘skating rink,’ at di-naglaon ay regular na akong nakikisama sa naging mga ‘kaibigan’ ko roon. Di-nagtagal, naging imoral ang istilo ng aking pamumuhay.”—Dan.
MAY matatag na espirituwal na pasimula sa buhay sina Nancy at Dan. Pinalaki si Nancy sa pamilyang may takot sa Diyos at sinimulan niyang ibahagi sa iba ang kaniyang pananampalataya sa edad na nuwebe. Pumasok si Dan sa buong-panahong ministeryo bilang tin-edyer. Gayunman, kapuwa sila nakagawa ng malulubhang pagkakamali sa kanilang espirituwal na buhay. Bakit? Nakisama sila sa di-kanais-nais na mga tao.
Naakit ka na ba nang di-inaasahan sa isang tao na alam na alam mo namang masamang impluwensiya sa iyo? Baka ang indibiduwal na iyon ay kaklase mo na kapareho mo ng mga interes—o isang di-kasekso pa nga na nagugustuhan mo.
Malamang na naaalaala mo ang payo ng Bibliya: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” (1 Corinto 15:33) Pero lahat ba ng taong hindi sumasamba kay Jehova ay masasamang kasama? Paano kung sila ay may magaganda, kahanga-hanga pa nga, na mga katangian? Paano naman ang isang taong kapananampalataya nga ngunit nagpapakita naman ng di-magandang espirituwal na halimbawa? Bago sagutin ang mga tanong na ito, isaalang-alang muna natin kung paano at kung bakit nangyayari ang ganitong pagkaakit.
Ano ang Nasa Likod ng Pagkaakit?
Yamang lahat ng tao ay nilalang ayon sa larawan ng Diyos, maaasahang may magagandang katangian ang ilan na hindi nakakakilala kay Jehova. Bunga nito, makasusumpong ka ng ilang tao na kagalang-galang, magiliw pa nga, bagaman hindi sila sumasamba sa tunay na Diyos. Dapat mo bang lubusang iwasan ang gayong mga tao dahil lamang hindi nila alam ang mga katotohanan sa Bibliya? Hinding-hindi. Nang payuhan tayo ng Bibliya na “gumawa . . . ng mabuti sa lahat,” kabilang dito ang mga hindi nanghahawakan sa iyong Kristiyanong mga paniniwala. (Galacia 6:10) Kaya ang pagiging maingat sa pagpili ng iyong malalapít na kasama ay hindi nangangahulugang dapat kang umastang waring nakatataas sa iba. (Kawikaan 8:13; Galacia 6:3) Hindi maganda ang magiging impresyon sa iyong Kristiyanong mga paniniwala dahil sa gayong paggawi.
Gayunman, ang ilang kabataang Kristiyano ay hindi lamang naging mabait; masyado silang naging malapít sa mga indibiduwal na may kakaunti o wala pa ngang interes sa espirituwal na mga bagay. Naging napakahusay na roller skater si Dan, na nabanggit sa simula. Hindi mga Kristiyano ang mga taong regular niyang nakasama sa rink doon. Nang maglaon, sumama si Dan sa kaniyang bagong mga “kaibigan” sa imoral na paggawi at pag-eeksperimento sa droga. Yamang natanto niyang hindi na kasuwato ng Kristiyanismo ang kaniyang istilo ng pamumuhay, iniwan ni Dan ang kaniyang ministeryo at huminto na sa pagdalo sa mga pulong sa kongregasyon. Lumipas ang maraming taon bago siya nakapag-ipon ng lakas na gumawa ng kinakailangang mga pagbabago upang makabalik sa tunay na pagsamba.
Naakit si Melanie sa isang kapananampalataya na mahina sa espirituwal. “Sinabi sa akin na kailangan niya ng pampatibay-loob, kaya nagsimula akong makisama sa kaniya,” ang paliwanag ni Melanie. Sabihin pa, pinasisigla ng Bibliya ang mga Kristiyano na “alalayan ang mahihina.” (1 Tesalonica 5:14) Subalit nagsimulang sumama si Melanie sa kaniyang bagong kaibigan sa mga bar, kung saan ang higit na pakikipagsamahan sa iba pa ay umakay sa kaniya sa masamang paggawi.
Ang Papel ng Pamilya
Ang kalagayan ng iyong pamilya ay isang salik sa iyong pagkaakit. Nagtataka si Michelle kung bakit waring lagi siyang naaakit sa mga lalaking malamig makitungo at walang malasakit. Naghinuha siya na dahil sa kanila, naaalaala niya ang kaniyang ama na hindi niya kailanman nadamang malapít sa kaniya at na waring hindi kailanman nagkaroon ng panahon para sa kaniya. Naniniwala siyang nasanay na siya sa pagsisikap na makamit ang pagsang-ayon at atensiyon ng isang lalaking mahirap lapitan anupat hindi niya sinasadyang maakit sa gayong mga relasyon.
Sa kabaligtaran naman, ang isang kabataang pinalaki ng Kristiyanong mga magulang ay maaaring maging mapag-usisa kung paano namumuhay ang iba, yamang nadarama niyang napakahigpit ng kaniyang mga magulang. Iyan man ang situwasyon o hindi, ang paglusot ba sa kahigpitan ng mga magulang sa pamamagitan ng pakikisama sa ‘mga kaibigan ng sanlibutan’ ang kasagutan? (Santiago 4:4) Pansinin ang nangyari kay Bill.
Bagaman tinuruan siya ng kaniyang ina sa Kasulatan mula pa sa pagkabata, pinili ni Bill na hindi ialay ang kaniyang buhay kay Jehova, sa pag-aakalang ang paggawa nito ay susupil sa kaniyang kalayaan. Yamang nais niyang matuklasan mismo ang buhay na malayo sa tunay na Kristiyanismo, nagsimula siyang makisama sa isang gang na nagsangkot sa kaniya sa droga, karahasan, at krimen. Bilang resulta ng napakabilis na pakikipaghabulan sa mga pulis, napinsala siya at nakoma sa loob ng maraming buwan. Inakala ng mga doktor na hindi na siya mabubuhay pa. Nakatutuwa naman, gumaling si Bill. Subalit bulag at may kapansanan na siya. Natuto siya mula sa masaklap na karanasan at isa na siya ngayong nakaalay na Kristiyano. Ngunit napagtanto rin ni Bill na ang matuto mula sa masaklap na karanasan ay maaaring magdulot ng panghabangbuhay na mga resulta.
Iba Pang Impluwensiya
Kung minsan, naiimpluwensiyahan ng libangan sa media ang mga ideya ng isang kabataan tungkol sa kung ano ang ulirang kaibigan. Halimbawa, pangkaraniwan na sa mga aklat, mga programa sa telebisyon, mga pelikula, at mga music video na ipakita ang isang bida na waring mabagsik o mapangutya sa simula ngunit sa bandang huli ay ipinalalabas na may mahabaging puso. Nagbibigay ito ng impresyon na ang mga taong tila walang pakiramdam at makasarili ay, sa totoo, malamang na may matalas na pakiramdam at mapagmalasakit. Bukod dito, maaaring magbigay ito ng ideya na isang mabuting kaibigan, kadalasang isang di-kasekso, ang tanging kailangan upang mapalitaw ang magagandang katangiang ito. Oo nga’t mabenta ang ganitong konsepto. Pero sa palagay mo, gaano kaya kadalas nagkakatotoo ang ganitong romantikong ilusyon? Nakalulungkot, may ilang kabataang nalinlang ng gayong di-mabuting mga ilusyon at nakipagkaibigan—nagpakasal pa nga—sa isang makasarili at marahas na tao saka naghintay nang walang saysay sa “pagbabago” nito tungo sa pagiging maunawaing indibiduwal.
Isaalang-alang ang isa pang dahilan kung bakit naaakit ang ilan sa di-kanais-nais na mga tao: Pakiramdam nila ay hindi sila kaakit-akit at kung gayon ay tinatanggap na lamang ang halos kahit sino na waring nagkakagusto sa kanila. Alam ni Nancy, na nabanggit kanina, kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pag-aasawa “tangi lamang sa Panginoon.” (1 Corinto 7:39) Gayunman, noon pa man ay hindi na siya nagagandahan sa kaniyang sarili kung kaya natuwa siya nang magkagusto sa kaniya ang isang katrabaho na hindi niya kapananampalataya. Nagsimula siyang lumabas kasama nito at muntik nang makagawa ng seksuwal na imoralidad.
Gaya ng ipinakikita ng nabanggit na mga karanasan, maraming dahilan kung bakit naaakit ang isang kabataang Kristiyano sa mga taong may masasamang impluwensiya—at waring gayon din karami ang mga paraan upang ipagmatuwid ang malalapít na pakikipagkaibigan sa gayong mga tao. Magkagayunman, ang ganitong uri ng mga pakikipagkaibigan ay walang pagsalang humahantong sa nakapipighati, kapaha-pahamak pa nga, na mga resulta. Bakit?
Ang Kapangyarihan ng Pagkakaibigan
Ang totoo, nagiging katulad ka ng iyong mga kaibigan. Sa ganitong paraan nagkakaroon ng napakalaking kapangyarihan at impluwensiya sa atin ang mga nakakasama natin. Ipinakikita ng Kawikaan 13:20 na ang kapangyarihang ito ay maaaring makabuti o makasama: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.” Ang matalik na magkaibigan, tulad ng dalawang taong lulan ng iisang sasakyan, ay tiyak na nagtutungo sa iisang direksiyon at nakararating sa iisang paroroonan. Kaya itanong sa iyong sarili: ‘Ang landas bang tinatahak ng kaibigan ko ay hahantong sa nais kong puntahan? Mas ilalapit ba ako nito sa aking espirituwal na mga tunguhin at hangarin?’
Totoo namang mahirap gumawa ng tapat na pagsusuri. Maaaring sangkot ang masisidhing damdamin. Subalit ang damdamin ba sa ganang sarili ay maaasahang patnubay sa pagpili ng mga kaibigan? Baka narinig mo na ang payong madalas ulit-ulitin, “Sundin mo ang sinasabi ng iyong puso.” Subalit sinasabi ng Kawikaan 28:26: “Siyang nagtitiwala sa kaniyang sariling puso ay hangal.” Bakit? Sapagkat “ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at mapanganib.” (Jeremias 17:9; Bilang 15:39) Ang pagiging mapandaya ay pagiging di-tapat o di-totoo o pagiging manloloko. Magtitiwala ka ba sa isang tao na kilalang manlilinlang at traidor? Maaaring maging tuso ang ating makasagisag na puso. Kaya naman, hindi nangangahulugang mabuti ang isang relasyon dahil lamang tama ito sa pakiramdam mo.
Ang di-hamak na mas maaasahang patnubay ay ang Salita ng Diyos. Di-tulad ng puso mong di-sakdal, hindi ka kailanman dadayain o bibiguin ng mga simulain sa Bibliya. Paano makatutulong sa iyo ang mga simulain sa Bibliya para malaman kung ang isa ay malamang na maging mabuting kaibigan? At paano mo maiiwasang gumawa ng kapaha-pahamak na pasiya sa pagpili ng panghabangbuhay na kaibigan—isang mapapangasawa? Ang mga tanong na ito ay tatalakayin sa susunod na artikulo.
[Talababa]
a Binago ang mga pangalan.
[Larawan sa pahina 20]
Maaaring maimpluwensiyahan ng media ang ating konsepto hinggil sa ulirang kaibigan