Kapag Nakasalalay ang Buhay sa Panlilinlang
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ESPANYA
SA DAIGDIG ng mga insekto, naghaharap ng dalawang mabibigat na suliranin ang bawat araw: kung paano makahahanap ng sapat na makakain at kung paano iiwasang makain. Ang mga insekto ay nakatatakam na pagkain para sa mga ibon, palaka, at bayawak. Para sa maraming insekto, ang pananatiling buháy ay nakasalalay sa pagiging kahawig ng kanilang kapaligiran.
Upang maglaho sa paningin, ang ilang uri ng insekto ay kamangha-manghang nagbabalatkayo. Nakahihigit ang bisa ng pagbabalatkayo ng mga ito kaysa sa anumang pagbabalatkayong nagawa ng pagkamalikhain ng tao. Isaalang-alang ang tatlong bukod-tanging halimbawa.
● Mga dead-leaf butterfly. Ang ilalim ng mga pakpak nito na kulay-kape ay kamukhang-kamukha ng lantang dahon. Kalakip sa disenyo nito ang kulay gayundin ang mga ugat at tangkay ng dahon. Napakahusay ng pagbabalatkayo anupat habang nakadapo ang mga paruparo sa berdeng mga dahon ay nagmimistula silang lantang dahon na nahulog mula sa kulandong sa itaas.
● Mga bush cricket, o mga katydid. Nakapananatiling buháy ang maraming bush cricket, hindi sa pamamagitan ng pagtulad sa lantang mga dahon, kundi sa paggaya sa berdeng mga dahon. “Ang pagkakahawig na ito ay hindi lamang sa hugis at kulay: kasama rin dito ang disenyo ng mga ugat [ng dahon] at pagiging patse-patse ng mga halamang-singaw [fungus],” ang paliwanag ng isang reperensiya. Kung titingnan mong mabuti ang kalakip na larawan, makikita mo ang maliit na patse, o batik, sa pakpak ng insekto, na siyang dahilan kung bakit mas nagmumukhang totoong-totoo ang pagbabalatkayo nito.
● Mga treehopper. Madalas na hindi mo halos mapapansin ang maliliit na insektong ito. At iyan ang susi sa pananatili nilang buháy—nagiging kahawig nila ang kapaligiran sa pamamagitan ng pagtulad sa hanay ng mga tinik. Sa pagkakataong ito, mukhang tinik ang bawat insekto, at nagmumukhang matinik ang sanga dahil sa grupo ng mga treehopper na nakahilera sa sanga. Matutuklasan na ang “mga tinik” ay maliliit na treehopper pala sa pamamagitan lamang ng malapitang pagsisiyasat.
Kung gaano kamangha-mangha ang pagkaeksakto ng panggagaya ng insekto, halos gayundin kahanga-hanga ang pagkasari-sari ng pagbabalatkayo nito. Isang higad sa Costa Rica ang kahawig na kahawig ng dumi ng ibon, samantalang halos hindi mo naman makita ang pagkakaiba sa pagitan ng tulad-patpat na mga insekto at ng—tama ang hula mo—mga patpat nga. May balang sa Timog Aprika na kamukhang-kamukha ng bato, at may bug na matatagpuan sa Israel na kagayang-kagaya ng kinakain nitong halaman na namumulaklak.
Anuman ang anyo ng pagbabalatkayo, naglalaan ito ng proteksiyon sa insekto at nagpapahintulot sa atin na mapagmasdan ang kamangha-manghang pagkakasari-sari sa sangnilalang.
[Larawan sa pahina 22]
Tulad-patpat na insekto
[Larawan sa pahina 23]
“Dead-leaf butterfly”
[Credit Line]
Zoo, Santillana del Mar, Cantabria, España
[Larawan sa pahina 23]
“Bush cricket”
[Larawan sa pahina 23]
Mga “treehopper”
[Larawan sa pahina 23]
Higad na mukhang dumi ng ibon
[Credit Line]
© Gregory G. Dimijian/Photo Researchers