Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 7/22 p. 24-27
  • Alak, Kahoy, at ang Sining ng Paggawa ng Bariles

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Alak, Kahoy, at ang Sining ng Paggawa ng Bariles
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Hinalinhan ng Kahoy ang Balat at Luwad
  • Napakalaking Hakbang sa Teknolohiya
  • Mula sa Kagubatan Tungo sa Apoy ng Cooper
  • Pagdarang sa Bariles
  • “Iba’t Ibang Pampalasang Ginagamit ng Gumagawa ng Alak”
  • Isang Munting Binhi Naging Dambuhalang Puno
    Gumising!—2010
  • Tuklasin ang Minahan ng Alak sa Moldova
    Gumising!—2004
  • Alak at Matapang na Inumin
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • “Halina sa mga Ubasan ng Hungary!”
    Gumising!—1995
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 7/22 p. 24-27

Alak, Kahoy, at ang Sining ng Paggawa ng Bariles

TSOKOLATE, nutmeg, banilya, o tustadung-tustadong tinapay​—ilan lamang ito sa malikhaing termino na ginagamit ng mga gumagawa ng alak upang ilarawan ang lasa ng alak. Anu-anong bagay ang nagbibigay ng ganitong sari-saring lasa? May kinalaman dito ang uri ng ubas, kalidad ng lupa, at lagay ng panahon. Gayunman, mula pa noong unang siglo, may idinaragdag pang sangkap ang mga gumagawa ng alak sa mahigit na 400 substansiya na nakaaapekto sa lasa at amoy ng alak. Ang mabisang produktong ito ay kahoy​—hindi lamang kahit anong kahoy, kundi ang partikular na uring kilala bilang white oak.

Paano unang nagsama ang alak at ang kahoy? At bakit kahoy ng ensina ang pinipili ng mga gumagawa ng de-kalidad na alak?

Hinalinhan ng Kahoy ang Balat at Luwad

Noon pa man sa nakasulat na kasaysayan, natuklasan na ng tao ang proseso ng paggawa ng alak. (Genesis 9:20, 21) Ibinubuhos ng mga gumagawa ng alak ang katas ng ubas sa mga lalagyang gawa sa luwad o sa mga sisidlang gawa sa balat ng hayop, kung saan ito pinakakasim. Hanggang noong panahon ni Kristo, ang balat ng hayop at luwad ang karaniwang sisidlang pang-imbak at pambiyahe. (Mateo 9:17) Subalit nang panahong iyon, isa pang paraan ng pag-iimbak at pagbibiyahe ng alak ang naging kilala.

Iniulat ng istoryador noong unang siglo na si Pliny na Nakatatanda na ang bihasang mga manggagawa na nakatira sa Gaul, Pransiya na ngayon, ay nakaimbento ng paraan ng paghuhugis at pagtatagni-tagni ng kahoy para makagawa ng mga bariles. Ipinasa ng mga gumagawa ng bariles, na tinatawag na mga cooper, sa mga sali’t salinlahi ang mga kinakailangang kasanayan sa paggawa ng kapaki-pakinabang na mga sisidlang ito. Bukod pa sa “masisinsing” bariles, na makapaglalaman ng mga likidong gaya ng alak at langis, gumawa rin ang mga cooper ng “di-masisinsing” bariles, na napapasok ng tubig. Subalit magandang gamitin ang mga ito para lagyan ng tuyong mga bagay, tulad ng harina o pako. Noong panahon na ang paglilipat ng mga kalakal ay nakasalalay sa lakas ng tao at hayop, napakalaking pagsulong ang pagkaimbento sa bariles. Bakit?

Napakalaking Hakbang sa Teknolohiya

Dahil sa paumbok na hugis ng bariles, hindi lamang napakatibay nito kundi nagagamit din ito bilang gulong. Kakailanganin ang maraming lalaki o hayop para mailipat ang isang malaking parisukat na kahong siksik ng mabibigat na kalakal, samantalang ang bariles na naglalaman ng gayunding mga bagay ay maigugulong at mamamaniobra ng iisang tao lamang. Dahil mas matibay ang mga bariles kaysa sa mga sisidlang luwad at mas madaling ilipat kaysa sa malalaking kahon, pinalakas nito ang kalakalan ng lahat ng uri ng paninda sa loob ng maraming siglo.

Sa ngayon, ang makalumang mga sisidlang ito ay nahalinhan na sa kalakhang bahagi ng mga lalagyang gawa sa bakal, plastik, at karton. Magkagayunman, hindi lamang nagtagal ang sining ng paggawa ng bariles kundi malaki pa rin ang pangangailangan para rito. Sa California, E.U.A. lamang, mga 12,000 katao ang nagtatrabaho sa industriya ng paggawa ng kahoy na bariles at kumikita ito nang $211 milyon taun-taon. Ang isa lamang gawaan ng bariles sa Napa Valley, kilalang rehiyon na gawaan ng alak sa California, ay gumagawa ng mahigit sa 100,000 bariles bawat taon. Paano ginagawa ang mga bariles na ito?

Mula sa Kagubatan Tungo sa Apoy ng Cooper

Ang mga bariles na may pinakamataas na kalidad ay nagmumula sa kagubatan ng ensina sa Pransiya. Dahil sa kalidad at dami ng kahoy, mga 45 porsiyento ng lahat ng mga bariles ng alak ay ginagawa sa bansang ito. Pagkatapos pabagsakin ng mga magtotroso ang mga puno na nasa pagitan ng 100 at 200 taóng gulang, nilalagari ito sa tistisan upang maging troso at binibiyak nang maingat ayon sa hilatsa, anupat nagiging mga tabla na tinatawag na mga stave. Kapag mali ang pagkakabiyak sa mga tabla, mababali ang mga ito kapag ibinaluktot o tatagas ang alak kapag napuno ang bariles. Isinasalansan ang mga tabla sa labas kung saan unti-unting inaalis ng araw, hangin, at ulan ang mapapait na tanin mula sa kahoy, habang pinatatapang ang mga substansiya mula sa ensina na nagpapabango sa alak. Kailangang maihantad sa lagay ng panahon ang mga tabla sa loob ng isa hanggang apat na taon bago ito gamitin ng mga cooper.

Ang pagpasok sa gawaan ng bariles ay waring pagbabalik sa kahapon. Ang hangin ay humahalimuyak sa ensina at umuugong sa tunog ng mga lagari, katam, at martilyo. Bilang pagsunod sa malaon nang tradisyon, huhugisan ng cooper ang mga tabla upang maging malapad sa gitna at makitid sa dulo. Tinatapyas niya ang mga gilid sa eksaktong anggulo nang sa gayon, kapag pinagtabi-tabi nang patayo, ang mga tabla ay bubuo ng hugis silindro. Saka niya minamartilyo ang matitibay na buklod ng bariles (hoop) na gawa sa bakal upang ikabit sa isang dulo ng nakapaikot na mga tabla, anupat nagmimistulang paldang may maluwang na laylayan ang di-pa-tapos na bariles.

Idinadarang niya ang mabigat na bariles sa baga na nasa sahig, at pinaiinitan ang kahoy. Pagkatapos, dinadampian niya ng tubig ang loob ng di-pa-yaring sisidlan, anupat pinasisingawan at pinalalambot ang kahoy. Susunod naman ay naglalagay ang cooper ng lubid o kable paikot sa hiwa-hiwalay na mga tabla sa kabilang dulo ng bariles at saka binabatak ito nang mahigpit, anupat nababaluktot ang mga tabla at nabubuo ang pamilyar na hugis ng bariles. Pagkatapos ay pinupukpok niya ang natitira pang pansamantalang buklod ng bariles na gawa sa bakal sa tamang puwesto nito; sa bandang huli naman inilalagay ang permanenteng mga buklod. Sa puntong ito, butas pa ang magkabilang dulo ng bariles.

Pagdarang sa Bariles

Kapag may hugis na ang bariles, inuukit ng cooper ang loob ng magkabilang dulo ng sisidlan upang makapaglagay siya sa kalaunan ng bilog at lapad na piraso ng kahoy, na tinatawag na mga head, bilang pantakip sa bariles. Ang mga pantakip ay gawa sa makikitid at pahabang mga piraso ng ensina na may nakasingit na maninipis na hibla ng tambo. Nagsisilbing panapal ang mga tambo upang tiyaking hindi tatagasan ang kahoy kapag di-pantay na namaga o umurong ito.

Bago itakip ang mga head, baka idarang ulit ng cooper ang bariles sa baga, anupat pinapupula, o bahagyang sinusunog, ang loob nito sa apoy. Nakasalalay ang antas ng pagdarang, mula sa bahagya hanggang sa sunóg talaga, sa gumagawa ng alak na siyang umorder ng bariles. Ang pagdarang sa kahoy sa ganitong paraan ay nagpapatapang sa lasa ng ensina sa alak. Maaari ring idarang nang hiwalay ang mga pantakip. Pagkatapos ay inilalapat ng cooper ang mga pantakip at binubutasan sa gilid ang bariles upang malagyan o maalisan ito ng laman. Pinakahuli, nililiha at nililinis niya ang labas ng bariles at ipinadadala ito sa gawaan ng alak.

“Iba’t Ibang Pampalasang Ginagamit ng Gumagawa ng Alak”

“Ang ensina ang pinakamagandang sisidlan para sa pagpapagulang ng aming alak,” ang sabi ni Bob, ang manedyer ng isang gawaan ng alak sa California. Habang inililibot sa gawaan ng alak ang isang grupong namamasyal, ipinaliwanag niya: “Ang ensina lamang ang kahoy na matibay para gawing bariles at nagpapasarap sa lasa ng alak.” Habang nakaturo siya sa mga hanay ng bariles, sinabi ni Bob: “Samantalang gumugulang ang alak sa bariles, ang mga sisidlan ay gumagana na parang bagà. Unti-unting tumatagos sa kahoy ng bariles ang oksiheno, anupat napasasailalim sa oksidasyon ang alak. Pinananatili ng prosesong ito ang kulay ng alak at binabawasan ang tapang ng lasa nito. Samantala, ang bariles ay naglalabas ng alkohol at tubig, na sumisingaw sa atmospera. Ang mga lees, o latak ng pampaalsa, ay tumitining sa ilalim ng bariles, at ang mga asukal at tanin mula sa ensina ay unti-unting humahalo sa alak, at nagdaragdag ng kanilang natatanging lasa. Depende sa uri ng alak, maaari itong pagulangin sa bariles sa loob ng 18 buwan o mas matagal pa bago ilagay sa mga bote.”

Patuloy pa ni Bob: “Maikli lamang ang buhay ng mga bariles ng alak. Pinagugulang namin ang ilan sa aming primera klaseng alak sa bagong mga bariles na gawa lamang sa ensina sapagkat pagkatapos gamitin ang mga ito nang minsan, ang karamihan sa lasa ng kahoy ay nawawala na. Maaaring gamitin nang higit sa isang beses ang mga bariles, ngunit pagkatapos gamitin nang maraming ulit ay maaaring magsimula nang maglabas ang mga ito ng di-magandang lasa sa alak.”

Bilang paliwanag kung bakit mahalaga ang pinagmulan ng ensina, sinabi ni Bob: “Ang white oak na pinasibol sa lupa ng Limousin, Pransiya, ay magbibigay ng ibang lasa kaysa sa gayunding uri na pinasibol sa Missouri, sa Estados Unidos.” Bakit may pagkakaiba? “Ang mga sangkap ng lupa, lagay ng panahon, at edad ng kagubatan ay kabilang sa maraming salik. Ang paraan ng pagpapatuyo sa kahoy, sa hangin man o hurnuhan, ay nakapagpapabago rin sa epekto ng ensina sa alak. Ang pinakamaiinam na bariles ng alak ay yaong gawa lamang sa kahoy na pinatuyo sa hangin. Ang karamihan sa aming bariles ay gawa sa ensinang mula sa Amerika o Pransiya o mula sa kombinasyon ng dalawang ito, ngunit may mga ensina ring pinasisibol sa Tsina at Silangang Europa na ginagawang bariles.”

Sa pagtatapos ng paglilibot, sinabi ni Bob: “Ang lahat ng mapagpipiliang ito​—ang uri ng ensina na gagamitin, antas ng pagdarang, at tagal ng alak sa bariles​—ay tulad ng iba’t ibang pampalasang ginagamit ng gumagawa ng alak, na tumutulong sa kaniya na bagu-baguhin ang lasa ng tapos nang produkto. Kaya sa susunod na uminom ka ng isang baso ng de-kalidad na pulang alak, pag-isipan mo hindi lamang ang panahon at ang pagsisikap na kinailangan sa paggawa ng alak kundi pati na rin ang kasanayang sangkot sa paggawa ng bariles na pinaglagyan ng alak.”

[Kahon/Larawan sa pahina 26]

Bariles na Ensina o Pinulbos na Ensina?

Pinagugulang ang ilang puting alak, tulad ng chardonnay, sa mga bariles na gawa sa ensina. Gayunman, hindi lahat ng alak ay pinagugulang sa mga ito. Sa paglalagay ng mga piraso ng ensina sa mga tangkeng pang-alak na gawa sa di-kinakalawang na asero o kaya ay pagdaragdag sa alak ng mga pinagtabasan o pinulbos na ensina habang gumugulang ang alak sa mga sisidlang gawa sa bakal o kongkreto, ang alak ay napaglalasang ensina ng mga gumagawa ng alak.

[Larawan sa pahina 24]

Ang mga ensina lamang na mataas ang kalidad ang ginagamit na mga bariles ng alak

[Larawan sa pahina 24]

Binibiyak ang mga kahoy sa pamamagitan ng “hydraulic jack”

[Larawan sa pahina 24]

Dapat lagariin ang kahoy ayon sa hilatsa nito, kung hindi ay tatagasan ang mga tabla

[Larawan sa pahina 25]

Mga tabla na handa nang gawing mga bariles

[Larawan sa pahina 25]

Pagkatapos idarang sa brasero ang mga bariles, ang mga tabla ay pinagtatagni-tagni ng bakal na buklod ng bariles

[Credit Line]

Seguin-Moreau, France

[Larawan sa pahina 25]

Pinagugulang ang alak sa mga bariles na gawa sa ensina upang pasarapin ito

[Larawan sa pahina 26]

Mga “cooper” sa Paris, maaga noong ika-20 siglo

[Credit Line]

© Cliché Bibliothèque nationale de France, Paris

[Larawan sa pahina 27]

Pagtikim sa alak na pinagulang sa mga bariles, mga 1900

[Credit Line]

© Cliché Bibliothèque nationale de France, Paris

[Picture Credit Line sa pahina 24]

© Sandro Vannini/CORBIS

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share