Pagmamasid sa Daigdig
Pag-awat sa mga Bata sa Panonood ng TV
Sa limang-buwang pag-aaral na nagsasangkot sa 16 na preschool sa hilagang bahagi ng New York, natuklasan na ang pagbibigay sa mga bata ng simpleng mga aralin tungkol sa mga panghalili sa panonood ng TV ay “nakabawas sa kanilang panahon ng panonood nang tatlong oras sa isang linggo,” ang ulat ng The New York Times. Ang mga aralin ay naghikayat ng pagbabasa at iba pang gawain tulad ng paggawa ng mga place mat para gamitin kapag kumakain ang pamilya at mga karatulang “Bawal ang TV” para sa bawat TV sa tahanan. Ang mga bata mismo ay nagmungkahi rin ng mga bagay na maaaring gawin kapag hindi nanonood ng TV o mga video. Pinasigla ang mga magulang na araw-araw basahan ng mga kuwento ang kanilang mga anak at patayin ang TV kapag kumakain. Sa panahon ng pag-aaral na ito, dalawang beses hindi binuksan ng mga pamilya ang TV sa loob ng isang linggo. Sinabi ng nangungunang mananaliksik na si Dra. Barbara Dennison na hindi dapat madama ng mga magulang na imposibleng ihinto ang kaugaliang manood ng TV, at sinabi niya na “nakagugulat na ang mga bata ay handang tumanggap ng mga panghalili.”
Nakapipinsala sa Buong Katawan ang Tabako
“Isinasapanganib ng mga naninigarilyo hindi lamang ang kanilang mga baga at arteri: napipinsala ang lahat ng himaymay,” ang ulat ng New Scientist. Itinala ng isang ulat na inilathala ni Surgeon General Richard H. Carmona ng Estados Unidos ang napakaraming sakit na iniuugnay sa paghitit ng tabako, kabilang na ang pulmonya, lukemya, katarata, sakit sa gilagid, at kanser sa bato, kuwelyo ng matris, sikmura, at lapay. “Alam na namin sa loob ng maraming dekada na masama sa iyo ang paninigarilyo, subalit ipinakikita ng ulat na ito na mas malala pa pala ito kaysa sa dati na naming alam,” ang sabi ni Carmona. “Ang mga lason mula sa usok ng sigarilyo ay nakararating sa lahat ng dakong dinadaluyan ng dugo.” Para sa mga nag-aakalang makaiiwas sila sa pinsala sa pamamagitan ng paghitit ng sigarilyong may mas kaunting tar at nikotina, idinagdag pa ni Carmona: “Walang ligtas na sigarilyo, ito man ay ‘light,’ ‘ultra-light,’ o iba pang pangalan.” Ang mga naninigarilyo ay karaniwan nang mas maagang namamatay nang 13 hanggang 14 na taon kaysa sa mga hindi naninigarilyo, ang sabi niya. “Nagdudulot ng sakit ang paninigarilyo sa halos lahat ng sangkap ng katawan sa lahat ng yugto ng buhay,” ang sabi ni Carmona, ayon sa ulat ng The New York Times.
Pagpukpok sa mga Sandata Upang Maging Kagamitan sa Palaruan
Isang kampanya na inilunsad sa Brazil ang nilayon upang bawasan ang dami ng mga sandatang pag-aari ng populasyon nito. Ang ibinabayad para sa bawat sandatang kusang isinusuko ay nasa pagitan ng $30 at $100. Gaya ng iniulat sa Folha Online, mahigit 200,000 sandata ang nakolekta sa bansa mula Hulyo hanggang Disyembre 2004. Ang mga sandatang naipon sa estado ng São Paulo ay dinurog, pinikpik, tinunaw, saka ginawang mga kagamitan sa palaruan, na inilagay sa parke sa lunsod. Sa mga parke ay mayroon na ngayong siso, mga swing, at padulasan, na pawang gawa sa nabawing mga materyales. Ganito ang sinabi ng ministro ng katarungan na si Márcio Thomaz Bastos: “Ang isa sa pangunahing layunin ng kampanya ay ikintal ang kultura ng kapayapaan.”
Mas Kaunting Madre
“Sa Argentina, paunti nang paunti ang mga babaing gustong magmadre,” ang ulat ng pahayagang Clarín sa Buenos Aires noong 2004. Idinagdag pa nito: “Sa nakalipas na apat na taon, bumaba ang bilang ng mga madre nang 5.5 porsiyento, mula 9,113 noong 2000 tungo sa 8,612 sa taóng ito. Mas malaki ang nabawas—halos 36 na porsiyento—kung ihahambing noong 1960, kung kailan may 13,423 madre.” Kabilang sa mga dahilang binanggit sa pagkaunti ay ang “di-magandang impresyon sa relihiyosong mga gawain” at ang “takot na matali nang habambuhay” sa eklesyastikal na karera. Kumaunti ang mga pari nang panahon ding iyon. “Inaasahan ng marami na lalo pang bababa ang bilang sa darating na mga taon,” ang sabi ng Clarín, “at sang-ayon ang lahat na nangyayari ito sa buong daigdig.”
Pag-aalaga sa mga May-edad Na sa mga Barkong Naglalayag
Napakalaki ng itinaas ng gastusin sa pag-aalaga ng mga may-edad na anupat iminumungkahi ng ilan ang pagtira sa mga barkong naglalayag bilang kaakit-akit na panghalili sa pagtira sa assisted living facility (ALF). Ayon sa isang ulat sa Journal of the American Geriatrics Society, “ang mga barkong naglalayag ay katulad ng mga [ALF] sa mga serbisyong ibinibigay, gastusin sa bawat buwan, at maraming iba pang pitak.” Sa katunayan, nag-aalok ang mga barkong naglalayag ng mga serbisyong wala kung minsan sa mga ALF. Kabilang dito ang 24 na oras na doktor, personal na kasama tuwing kakain, at paglilinis ng silid at paglalaba. Kabilang sa iba pang pakinabang ang kasiyahan ng paglalakbay at ang pagkakataong makakilala ng ibang tao. Sinasabi rin ng ulat na “magugustuhan ng mas maraming bisita na ‘dumalaw kay lola’ kung nakatira siya sa barkong naglalayag.”
Panic Disorder
“Ang panic disorder ay maaaring maging sanhi ng panic attack anumang oras, at ginigising pa nga nito ang mga biktima sa gabi sa sintomas na tulad ng paninikip ng dibdib, pangangapos ng hininga, labis na takot, pakiramdam na parang nasasakal, pagpapawis at paghahangad na tumakas,” ang sabi ng pahayagang Vancouver Sun. Ipinahihiwatig ng kamakailang ulat na tinipon mula sa pakikipanayam sa 36,894 katao, na may ganitong sakit ang 3.7 porsiyento ng populasyon ng Canada na ang edad ay 15 pataas, o mga isang milyon katao. Mas maraming kababaihan (4.6 porsiyento) ang iniulat na dumanas ng pag-atake nito kaysa sa kalalakihan (2.8 porsiyento). Ang mga may ganitong sakit “ay dalawang ulit na mas malamang na uminom upang makayanan ang kanilang kalagayan at halos tatlong ulit na malamang na manigarilyo kaysa sa mga indibiduwal na walang ganitong sakit,” ang sabi ng pahayagan. Nakatutuwa naman, halos 70 porsiyento ng mga may ganitong sakit ang humihingi ng propesyonal na medikal na tulong. Sinasabi ng ulat na naniniwala si Dr. Jacques Bradwejn, tsirman ng departamento ng psychiatry sa University of Ottawa, na bagaman henetiko at biyolohikong mga salik ang maaaring maging sanhi ng sakit na ito, maaari itong “sumumpong dahil sa maiigting na pangyayari sa buhay.”
Ang Pinakamalaking Iskandalo sa Pagkain
Ayon sa Food and Agriculture Organization ng United Nations (FAO), mga limang milyong bata ang namamatay sa gutom taun-taon, ang ulat ng pahayagang Corriere della Sera sa Italya. Ipinakikita ng ulat ng FAO na 852 milyon katao sa buong daigdig ang walang sapat na makain—815 milyon sa di-mauunlad na bansa, 28 milyon sa papaunlad na mga bansa, at 9 na milyon sa mauunlad na bansa. Binabanggit ng ulat ang deklarasyong pinirmahan ng mga kinatawan mula sa 110 bansa na dumalo sa 2004 World Leaders Summit on Hunger na idinaos sa punong-tanggapan ng UN sa New York. Ang bahagi nito ay nagsasabi: “Hindi ang pagkagutom ang pinakamalaking iskandalo kundi ang pagpapatuloy nito kahit na may kakayahan tayong lunasan ito.”