Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 10/8 p. 3-4
  • Pag-abuso sa Alak—Kapaha-pahamak sa Lipunan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pag-abuso sa Alak—Kapaha-pahamak sa Lipunan
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Nasawi
  • Karahasan at Seksuwal na Pagsalakay
  • Pinsala sa Lipunan
  • Ipakipag-usap sa Iyong Anak ang Tungkol sa Alak
    Tulong Para sa Pamilya
  • Pag-abuso sa Alak at ang Kalusugan
    Gumising!—2005
  • Panatilihin ang Timbang na Pangmalas sa Paggamit ng Inuming De-alkohol
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Ang Alkohol at Ikaw
    Gumising!—1986
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 10/8 p. 3-4

Pag-abuso sa Alak​—Kapaha-pahamak sa Lipunan

ANG pag-inom ng alak ay may dalawang magkaibang epekto: isang masaya at isang malungkot. Ang katamtamang pag-inom ng alak ay nakapagpapasaya sa puso ng tao, ang sabi ng Bibliya. (Awit 104:15) Subalit nagbababala rin ang Bibliya na ang pag-abuso nito ay nakapipinsala at nakamamatay pa nga, gaya ng kagat ng isang makamandag na ahas. (Kawikaan 23:31, 32) Suriin nating mabuti ang malaking pinsalang idinudulot ng pag-abuso sa alak.

“Nasagasaan ng isang lasing na drayber ang isang 25-taóng-gulang na ina at ang kaniyang dalawang-taóng-gulang na anak na lalaki noong Sabado. . . . Ang babae, na anim na buwang nagdadalang-tao, ay namatay noong Linggo. Ang kaniyang anak, na nagtamo ng pinsala sa ulo, ay nasa kritikal na kondisyon,” ang ulat ng pahayagang Le Monde. Nakalulungkot, hindi mangilan-ngilan lamang ang gayong mga ulat. Marahil ay may kakilala kang naaksidente dahil sa pag-abuso sa alak. Taun-taon, libu-libong tao ang namamatay o napipinsala sa mga aksidente sa daan dahil sa lasing na mga drayber.

Mga Nasawi

Sa buong daigdig, napakalaki ng pinsalang naidudulot ng pag-abuso sa alak sa buhay ng mga tao. Sa Pransiya, ang pag-abuso sa alak ang ikatlong pangunahing sanhi ng kamatayan, kasunod ng kanser at sakit sa puso, na tuwiran o di-tuwirang kumikitil ng mga 50,000 katao bawat taon. Ito ay “katumbas ng pagbagsak ng dalawa hanggang tatlong jumbo jet bawat linggo,” ayon sa ulat na ipinagawa ng French Health Ministry.

Mas maraming kabataan ang nasasawi dahil sa alak. Ayon sa report ng World Health Organization na inilathala noong 2001, ang alak ang pangunahing sanhi ng kamatayan ng mga lalaking Europeo na edad 15 hanggang 29. Inaasahan na sa ilang bansa sa Silangang Europa, di-magtatagal ay 1 sa bawat 3 kabataang lalaki roon ang mamamatay dahil sa pag-abuso sa alak.

Karahasan at Seksuwal na Pagsalakay

Nagiging sanhi rin ng karahasan ang alak. Dahil sa pag-inom ay nawawalan ng pagpipigil sa sarili ang isang tao at maaaring bigyan niya ng maling pakahulugan ang ikinikilos ng iba, anupat mas malamang na tumugon siya sa marahas na paraan.

May malaking papel ang alak sa karahasan sa tahanan at seksuwal na pagsalakay. Ipinakikita ng isang pag-aaral sa mga bilanggo sa Pransiya na posibleng may kaugnayan ang alak sa dalawang-katlo ng mga panghahalay at seksuwal na panliligalig. Ipinakikita ng mga surbey na sa Poland, 75 porsiyento ng mga may-bahay ng mga alkoholiko ang dumaranas ng karahasan, ang sabi ng magasing Polityka. Ayon sa pagtaya ng mga awtor ng isang pag-aaral, “ang pag-inom ay iniuugnay sa halos pagdoble ng panganib na mapatay ang isa anuman ang edad niya at mas malaki ang panganib na mapatay [maging] yaong hindi umiinom na nakatirang kasama ng manginginom.”​—American Medical Association, Council on Scientific Affairs.

Pinsala sa Lipunan

Kung kakalkulahin ang gastusin sa pangangalaga ng kalusugan at seguro gayundin ang nawalang produksiyon dahil sa aksidente, sakit, o di-napapanahong kamatayan, napakalaki ng kalugihan ng lipunan. Sinasabing nalulugi nang isang bilyong dolyar bawat taon ang apat na milyon katao sa Ireland dahil sa pag-abuso sa alak. Sinasabi ng reperensiyang sinipi sa The Irish Times na ang halagang ito ay katumbas ng “presyo ng bagong ospital, istadyum na pang-isport at jet para sa bawat Ministro taun-taon.” Noong 1998, iniulat ng Mainichi Daily News na “mahigit 6 na trilyong yen [$55 bilyon] bawat taon” ang nawawala sa ekonomiya ng Hapon dahil sa sobrang pag-inom. Ganito ang isiniwalat ng report sa Kongreso ng Estados Unidos: “Ang tinatayang kalugihan sa ekonomiya dahil sa pag-abuso sa alak ay $184.6 bilyon noong 1998 pa lamang, o humigit-kumulang $638 para sa bawat lalaki, babae, at batang nakatira sa Estados Unidos nang taóng iyon.” At kumusta naman ang sikolohikal na pinsala dahil sa nasira o naulilang mga pamilya at sa natigil na edukasyon o propesyon?

Kitang-kita ang ibinubunga sa lipunan ng pag-abuso sa alak. Ang mga kaugalian mo ba sa pag-inom ay nagsasapanganib sa iyong kalusugan at sa kalusugan ng iba? Isasaalang-alang ang tanong na ito sa susunod na artikulo.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share