Mula sa Aming mga Mambabasa
Kagandahan Ako po ay 11 taóng gulang, at gustung-gusto ko ang seryeng “Ano ang Pinakamahalagang Uri ng Kagandahan?” (Disyembre 22, 2004) Kung minsan ay labis akong nababahala sa aking hitsura. Natulungan ako ng artikulong ito upang matanto na ang napapansin ng mga tao ay ang panloob na pagkatao.
A. L., Estados Unidos
Hindi ako lubusang masaya sa aking hitsura. Ngunit umaasa akong katanggap-tanggap kay Jehova ang aking panloob na kagandahan at na nalulugod siya sa akin at sa aking paraan ng pamumuhay. Hindi lamang talagang kawili-wili ang ganitong mga artikulo kundi nakapagpapatibay rin.
M. G., Alemanya
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong Salamat sa paglalathala ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Kung Sabihin Niyang Wala Siyang Gusto sa Akin?” (Disyembre 22, 2004) Tulad ng mga taong sinipi sa artikulo, ako man ay naakit sa isang lalaking Kristiyano ngunit hindi niya sinuklian ang aking pag-ibig. Bigung-bigo ako. Sa tulong ng artikulong ito, nananalangin ako nang espesipiko na tulungan sana ako ni Jehova na manatiling abala sa espirituwal na mga bagay. Gusto kong mapagtagumpayan ang aking naging kabiguan sa di-sinukliang pag-ibig na ito.
I. Y., Hapon
Hindi maipahahayag ng mga salita ang aking nadama matapos kong basahin ang artikulo. Tamang-tama ang pagdating nito, at eksaktung-eksakto ang pagkakalarawan nito sa nadarama ko! Hindi madaling tanggapin ang pag-ayaw sa iyo, subalit tinulungan ako ng artikulo na kalimutan na lamang ang bagay na ito.
M. P., Italya
Bagaman mahirap ikapit ang ilang punto nito, sa palagay ko ay natulungan ako sa wakas ng artikulong ito na muling makabangon. Makatulong sana ito sa maraming iba pa upang muling mapagtanto ang halaga nila sa paningin ni Jehova at magpatuloy sa kanilang buhay!
J. E., Estados Unidos
Binigyan ako ng artikulong ito ng lakas upang makayanan ang kabiguan. Bagaman damang-dama ko pa rin ang sakit ng pagkabigo, tinulungan ako ng artikulo na maibsan ito. Nakaaaliw malaman na nagmamalasakit si Jehova sa bawat isa sa atin.
M. L., Estados Unidos
Nang araw na matanggap ko ang isyung ito ng Gumising!, natanggap ko rin ang sulat ng isang lalaking Kristiyano na nagsabi sa mabait ngunit maliwanag na paraan na wala siyang gusto sa akin. Hindi ako nakakain o nakatulog nang ilang araw, subalit tinulungan ako ng artikulong ito na maging makatotohanan at mapanatili ang aking paggalang sa sarili.
M. I., Hapon
Pagkatapos magdusa nang matagal dahil sa pag-ibig na hindi sinuklian, napagtanto kong ang pinakamabuting magagawa ko ay harapin ang katotohanan. Nakikita ko na ngayon na hindi lamang ako ang nagdusa dahil sa pag-ayaw ng iba. Maraming salamat.
L.A.C., Brazil
Nasaktan at nasiphayo ako nang sabihin ng taong nagugustuhan ko na wala siyang gusto sa akin. Naiyak ako nang mabasa ko ang artikulo sapagkat sa pamamagitan nito, tinulungan ako ni Jehova. Alam ko na ngayon na nais niya akong iligtas mula sa malaking pasakit. Lalong napamahal sa akin si Jehova.
D. O., Austria
Bago at nakaaaliw sa akin ang punto sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong” na si Jehova ang naglagay sa mga tao ng pagnanais na umibig at ibigin at na alam niya kung paano natin makokontrol ang pag-ibig na iyan. Gusto kong maging isang tao na, gaya ng sabi sa seryeng itinampok sa pabalat ng isyung ito, maganda sa paningin ni Jehova—maganda ang panloob na pagkatao.
H. W., Hapon