Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 10/22 p. 22-23
  • Mga Bahay na May Tulad-Balahibong Palitada

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Bahay na May Tulad-Balahibong Palitada
  • Gumising!—2005
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Kakaibang Gawang-Kamay sa Hapon
    Gumising!—2001
  • Retama, Punong
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Ang Balahibo ng Sea Otter
    Gumising!—2017
  • Kutamaya
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 10/22 p. 22-23

Mga Bahay na May Tulad-Balahibong Palitada

Mula sa manunulat ng Gumising! sa Ukraine

ANG mga tindahan, bahay, at gusaling pang-opisina sa buong Ukraine ay nagagayakan ng palitada na tinatawag na shuba, na nangangahulugang “pangginaw na gawa sa balahibo ng hayop.” Ang shuba ay isang tradisyonal na palitada sa gusali na nahahawig sa mabalahibong panloob ng pangginaw na gawa sa balat ng tupa. Tinatangkilik ng mga lalaking may dugong-mahal na nakatira sa malapalasyong bahay ang ganda ng shuba, at maging ang hamak na mga magsasaka ay gumagastos nang malaki upang gayakan ang kanilang maliliit na bahay ng gayong tulad-balahibong palitada.

Ang mga teknik sa ganitong pagpapalitada ay karaniwang natututuhan sa loob ng mga dalawang taon. Kaunti at simple lamang ang mga gamit ng mga bihasang tagapagpalitada ng shuba. Kasali rito ang timba na paglalagyan ng basang semento, maikling walis, at kahoy o metal na baston. Gayunman, hindi madali ang magpakadalubhasa sa pagpapalitada ng shuba.

Hindi lamang basta palitada ang shuba​—mayroon itong iba’t ibang disenyo, kulay, at kapal. Magiging dalubhasa lamang ang isang manggagawa sa sining ng pagpapalitada ng shuba kung alam niya ang mga disenyong babagay sa bahay na binabalak niyang palitadahan.

Ang sari-saring disenyo at heometrikong mga hugis na gagamitin ay maaaring iguhit sa pader bago ito palitadahan. Maaaring iba-ibahin ang disenyo kung gagamit ng sementong may matingkad at mapusyaw na kulay at ipapalitada ito nang iba’t iba ang kapal. Kapag tuyo na ang shuba, iniispreyan ito ng pintura para lalo pa itong gumanda at magkaroon ng pagkakasari-sari ang disenyo.

Isinasawsaw ng bihasang manggagawa sa semento ang walis na hawak ng isa niyang kamay. Pagkatapos ay bigla niyang ihahampas ang walis sa kaniyang baston, na tangan naman niya sa kaniyang kabilang kamay. Tatalsik at didikit ang semento sa dingding. Kung tuluy-tuloy na magtatrabaho ang isang bihasang manggagawa, makapagpapalitada siya ng 20 hanggang 25 metro kuwadrado ng pader bawat araw.

Bagaman matrabaho ang pagpapalitada ng shuba, ang mga bahay na nagagayakan nito ay hindi gaanong nangangailangang mantinihin. Ang kailangan lamang gawin ng may-bahay ay alisan ito ng alikabok minsan sa isang taon sa pamamagitan ng pag-iisprey rito ng tubig at pagkatapos ay pinturahan ang mga bahaging kumupas. Siguradong tatagal ang shuba kung susundin ang mga hakbang na ito. Sa katunayan, maraming bahay ang mukha pa ring bago kahit 20 taon na ang shuba nito.

Nagamit ng isang bihasang manggagawa ang kaniyang kasanayan sa ibang bansa. Noong dumadalaw siya sa isang kaibigan sa Balingen, Alemanya, pinakiusapan siyang palitadahan ang bahay ng isang kaibigan. Bagaman karaniwan lamang ang shuba sa Ukraine, bagong ideya naman ito sa bayan ng Balingen.

Habang nagpapalitada ng shuba ang bihasang manggagawa, naagaw niya ang pansin ng buong pamayanan. Nanood ang isang nasorpresang kontratista sa konstruksiyon, anupat hindi makapaniwala sa kagandahang nalilikha sa pamamagitan ng gayon kasimpleng mga instrumento. Napapalingon ang mga drayber habang mabagal na nagdaraan, at isang peryodista ang kumuha ng mga litrato para ilimbag sa mga pahayagan doon. Nang matapos ang bahay, nakatanggap ito ng gantimpala mula sa pamahalaang lunsod.

Malamang na bumagay sa iyong bahay ang isang maganda at bagong shuba, ang tulad-balahibong palitada.

[Larawan sa pahina 23]

Bahay sa Balingen, Alemanya na napapalitadahan ng “shuba” at nakatanggap ng gantimpala

[Larawan sa pahina 23]

Kasali sa kagamitan ng bihasang tagapagpalitada ng “shuba” ang maikling walis at kahoy na baston

[Larawan sa pahina 23]

Kailangan ang mahusay na kasanayan sa pagpapalitada ng “shuba” sa isang bahay

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share