Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 10/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Nagagawa ng Halakhak
  • Mas Maaraw na Hapon​—Mas Mahimbing na Gabi
  • Lumalaganap ang Chagas’ Disease
  • Pagsisikap na Makasingil ng Buwis
  • Relihiyon sa Russia
  • Sinusubukang Gamitin ng Simbahang Griego ang Makabagong Wikang Griego
  • Dumarami ang Diborsiyo Dahil sa mga Web Site na Tagahanap ng Kaibigan
  • Mapanganib ang mga Hagdanan
  • Chagas’ Disease—Isang Nakamamatay na Sakit
    Gumising!—1992
  • Paglaban sa “Halik” ni Kamatayan
    Gumising!—2000
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1994
  • Pagsasalin ng Dugo—Gaano Kaligtas?
    Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay?
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 10/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Ang Nagagawa ng Halakhak

“Tinataya ng mga siyentipiko na ang kalahating minuto lamang ng halakhakan ay katumbas na ng 45 minuto ng ganap na pagpapahinga,” ang ulat ng lingguhang pahayagan na Przyjaciółka sa Poland. “Ang biglang paghalakhak ay katumbas ng tatlong minuto ng ehersisyong aerobic, samantalang ang sampung magiliw na pagngiti ay katumbas ng sampung minuto ng puspusang pagsagwan.” Kasali sa iba pang pakinabang ang tatlong beses na pagdami ng hanging pumapasok sa mga baga gayundin ang mas mabuting sirkulasyon ng dugo, panunaw, metabolismo, paggana ng utak, at paglalabas ng nakapipinsalang mga substansiya mula sa katawan. Upang magkaroon ng tamang disposisyon, iminumungkahi ng magasin na ngitian mo ang iyong sarili, ang iyong asawa, at ang iyong mga anak paggising sa umaga. “Matutong tawanan ang iyong sarili,” ang sabi pa nito. “Sikaping makita ang positibong mga bagay kahit sa mahihirap na kalagayan.”

Mas Maaraw na Hapon​—Mas Mahimbing na Gabi

Isiniwalat ng isang kamakailang pag-aaral hinggil sa kaugalian sa pagtulog ng 56 na malulusog na sanggol, na inilathala sa Journal of Sleep Research, na “ang mga sanggol na mahimbing matulog sa gabi ay nahahantad sa higit na liwanag sa bandang pasimula ng hapon.” Gayunman, ang pagkahantad sa liwanag sa umaga at gabi ay walang epekto sa kalidad ng kanilang pagtulog. Ipinasiya ng awtor ng pag-aaral, si Dra. Yvonne Harrison ng Liverpool John Moores University sa Britanya​—isa ring ina​—na pag-aralan ang epekto ng liwanag sa pagtulog ng mga sanggol dahil ipinakikita ng mas naunang pananaliksik na nagiging mahimbing ang tulog ng mga may-edad na kapag higit silang nahahantad sa liwanag ng araw.

Lumalaganap ang Chagas’ Disease

Ang Chagas’ disease ay nagmumula sa isang parasito na naililipat sa tao sa pamamagitan ng dumi ng isang insektong sumisipsip ng dugo na karaniwang tinatawag na kissing bug. Pangkaraniwan ang sakit na ito sa mga lalawigan mula sa Mexico hanggang Argentina. Iniuulat ng The Herald ng Mexico na humigit-kumulang isa’t kalahati hanggang dalawang milyong Mexicano ang nahawahan ng parasitong ito. Gayunman, lumalaganap ang Chagas’ disease sa iba pang bahagi ng daigdig. Ang isang paraan ng paglaganap nito ay sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo. Ganito ang paliwanag ng Mexicanong biyologo na si Bert Kohlmann: “Nakakuha na kami ng mga report mula sa Australia, Europa, Estados Unidos at Canada hinggil sa mga impeksiyong dulot ng pagsasalin ng dugo. Ang mga nandarayuhan mula sa mga lupain sa Amerika na karaniwan nang malusog ay nagbibigay ng dugo at walang isa man sa mga lugar na iyon ang nag-iisip man lamang na suriin kung positibo ang dugo sa Chagas.” Tinataya ng World Health Organization na sa Kanlurang Hemisperyo, 16 hanggang 18 milyon katao ang nahawahan ng sakit na ito at 100 milyon pa ang nanganganib na mahawahan. Sa kasalukuyan, walang gamot sa Chagas’ disease, na karaniwan nang nakamamatay.

Pagsisikap na Makasingil ng Buwis

Upang himukin ang kanilang mga residente na bayaran ang kanilang utang sa amilyar na $1.15 milyon, kinansela ng mga opisyal ng lunsod sa Rajahmundry, India, ang ipinataw na mga multa at interes, ayon sa ulat ng serbisyo sa pagbabalita na Reuters. Nang mabigo ang pamamaraang ito, umupa ang mga opisyal ng 20 pangkat ng mga tagatambol upang tumugtog sa labas ng bahay ng mga hindi nagbabayad ng buwis. Ang mga tagatambol ay “nagtatanghal sa labas ng bahay ng mga hindi nakabayad, hinihikayat silang lumabas at ipinaliliwanag ang kanilang pagkakautang at ang pangangailangang bayaran ito nang buo sa lalong madaling panahon,” ang sabi ng komisyoner ng bayan na si T.S.R. Anjaneyulu. “Hindi sila humihinto hangga’t hindi sumasang-ayon ang mga tao na bayaran ang kanilang obligasyon.” Nagbunga ang kakaibang pamamaraan. Pagkalipas lamang ng isang linggong tuluy-tuloy na pagtugtog, nabawi ng lunsod ang 18 porsiyento ng di-nabayarang amilyar.

Relihiyon sa Russia

Noon, sinasabing halos puro babae, may-edad na, at mga hindi nakatapos ng haiskul ang relihiyosong mga mananampalataya sa Russia. Gayunman, ipinakikita ngayon ng mga estadistika na dumarami ang mga kabataan, mga lalaki, at may mataas na pinag-aralan na umaanib sa isang relihiyon, ang ulat ng diyaryong Rossiyskaya Gazeta sa Russia. Mula 1989 hanggang 1991, 30 porsiyento lamang ng populasyon ang nagsabing Ortodokso sila. Subalit makalipas ang 1999, umabot ang bilang na iyon sa mahigit na 50 porsiyento. Natuklasan kamakailan ng mga sosyologo sa Russia na 30 porsiyento ng mga Ruso ang naniniwala sa kabilang-buhay, 24 na porsiyento sa langit at impiyerno, at 28 porsiyento sa relihiyosong mga himala. Halos sangkatlo ng mga sinurbey ang sumang-ayon sa pangungusap na “Naniniwala akong umiiral ang Diyos at wala akong pag-aalinlangan hinggil dito.” Kasabay nito, “30 porsiyento ng mga Ruso ang naniniwala sa astrolohiya, at 50 hanggang 55 porsiyento ang naniniwala sa makahulang mga panaginip at tanda,” ang sabi ng report.

Sinusubukang Gamitin ng Simbahang Griego ang Makabagong Wikang Griego

Palibhasa’y nababahala na hindi mauunawaan ng maraming nagsisimba sa Gresya ang mga talata sa Bibliya na binabasa sa mga serbisyo sa simbahan sa sinaunang wikang Griego, ipinag-utos ng arsobispo sa Gresya na gamitin din ng mga simbahan sa Atenas ang makabagong wikang Griego. “Binabasa ang Bagong Tipan sa orihinal na Helenistikong ‘Koine’ o karaniwang wika, isang bersiyon ng wikang Griego na ginagamit mula noong huling mga taon ng ikaapat na siglo BC hanggang sa ikalimang siglo AD,” ang paliwanag ng diyaryong Kathimerini. Subalit “nababahala [ang arsobispo] na hindi nauunawaan lalo na ng mga kabataan ang anyong ito ng wikang Griego at hindi nila naiintindihan ang mga sinasabi sa mga serbisyo,” ang sabi ng report. Bilang eksperimento, ginawa nila ang isang programa na tinawag ng Kathimerini na “isang malaking hakbang para sa Simbahan na mahigpit na nanghahawakan sa mga tradisyon nito,” kung saan binabasa muna ang mga talata sa Bibliya sa Griegong Koine at pagkatapos ay sa makabagong wikang Griego. Gayunman, makalipas ang wala pang isang taon, iniulat ng pahayagan na ‘inihihinto’ na ng simbahan ang programang ito na isinagawa upang “mas maunawaan ang pagbasa sa Bagong Tipan.”

Dumarami ang Diborsiyo Dahil sa mga Web Site na Tagahanap ng Kaibigan

Ang muling pagtatagpo ng dating magkakaeskuwela sa mga site sa Internet ay “nagpapataas sa bilang ng mga mag-asawang naghihiwalay palibhasa’y nakikipag-ugnayan ang nababagot na mga asawang lalaki at babae sa dati nilang mga kasintahan,” ang report ng Guardian Weekly sa Britanya. Bilang komento hinggil sa epekto ng gawaing ito sa dami ng mga diborsiyo sa Britanya, na sa nakalipas na pitong taon ay umabot sa pinakamataas na bilang noong 2004, sinabi ni Christine Northam, tagapagsalita ng organisasyong Relate na nagbibigay ng payo sa mga mag-asawa: “Maraming tao ang may magandang impresyon sa una nilang kasintahan sa paaralan o sa kolehiyo. Kapag hindi sila masaya sa piling ng kanilang mga asawa, nagsisimula silang mangarap kung ano kaya ang naging buhay nila kung hindi nila iniwan ang dati nilang kasintahan.” Ang di-maliligayang kabiyak ay mas madali na ngayong “makapasok sa internet upang maghanap ng karelasyon,” ang sabi ng diyaryo, “sa halip na lutasin ang emosyonal na problema nilang mag-asawa.”

Mapanganib ang mga Hagdanan

Ang pag-akyat o pagbaba sa hagdan ay “nagdudulot ng mas maraming di-nakamamatay na mga pinsala taun-taon kaysa sa aksidente sa sasakyan,” ang sabi ng magasing The Week sa Estados Unidos. Ganito pa ang sinasabi sa ulat: “Taun-taon, tinatayang 1,091 Amerikano na umaakyat o bumababa ng hagdan ang namamatay at 769,400 ang nasasaktan.” Bakit sila nagkakamali ng hakbang at nahuhulog? “Karaniwan na, nagkakamali ang mga tao sa pagtantiya ng distansiya at naihahakbang ang isa nilang paa sa maling lugar,” ang sabi ng The Week.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share