Kung Paano Mo Maiingatan ang Iyong Ngiti
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA CANADA
KAPAG nakaharap ka sa salamin, ano ang tinitingnan mo? Malamang, ang iyong buhok o ang iba pang bahagi ng iyong katawan. Pero kumusta naman ang iyong ngiti? Napansin mo ba kung paano naaapektuhan ng ngipin mo ang iyong ngiti? Oo, kung gusto mong ingatan ang iyong ngiti, iingatan mo ang iyong ngipin. Ang iyong permanenteng ngipin ay dinisenyo na tumagal nang habang buhay. Dapat pag-ukulan ang mga ito ng pantanging atensiyon. Bukod sa ginagamit sa pagnguya at tumutulong sa tamang pagsasalita, sinusuportahan ng iyong ngipin ang iyong mga labi at pisngi—pinagaganda nito at ginagawang kaakit-akit ang iyong ngiti. Talaga namang napakahalaga ng iyong ngipin!
Ano ang Magagawa Mo Upang Maingatan ang Iyong Ngipin?
Nagsisimula ang malusog na ngipin sa kinakain mo. Ang balanseng pagkain na may kalsyum at bitamina A, C, at D ay makatutulong na mabuo ang mga ngipin, mula sa sinapupunan hanggang sa lubusan na itong mabuo.a Ang maiinam na kaugalian sa pagkain ay makatutulong sa iyo na maingatan ang malulusog na ngipin, pero mag-ingat sa pagkaing mayaman sa asukal! Lalong nanganganib na masira ang ngipin dahil dito. Sa kabila ng paulit-ulit na mga babala hinggil sa kaugnayan ng pagkonsumo ng asukal at ng pagkasira ng ngipin, iniuulat na sa katamtaman, ang isang taga-Hilagang Amerika ay kumakain ng 50 hanggang 60 kilo ng asukal taun-taon! Bakit ang asukal ay nagdudulot ng panganib sa ating ngipin?
Ang pagkasira ng ngipin ay sanhi ng dalawang uri ng baktirya—“mutans streptococci at lactobacilli”—na nagiging bahagi ng plaque, isang malagkit na suson ng baktirya at tirang pagkain na namumuo sa ngipin. Kinakain ng baktirya ng plaque ang asukal at ginagawa itong mapaminsalang mga asido na sumisira sa ngipin. Ang ilang uri ng asukal ay mas madaling nagiging asido o mas madaling kumakapit sa ngipin, anupat bumibilis ang pagsira ng plaque sa ngipin.b Ang plaque na hindi natanggal ay maaaring tumigas at maging calculus, o tartar, sa pagitan ng ngipin at gilagid.
Napakahalaga na makontrol ang plaque at lalo na ang baktiryang mutans streptococci upang maiwasan ang pagkasira ng ngipin. Kaya kung gusto mong maingatan ang iyong ngiti, kailangan mong pangalagaan ang iyong ngipin at gilagid araw-araw. Ganito ang sinabi ng Columbia University School of Dental and Oral Surgery: “[Ang pagsisipilyo], kasama na ang paggamit ng floss, ang pinakamahalagang bagay na magagawa mo upang mapanatiling malusog at matibay ang iyong ngipin at ang mga kalamnan na umaalalay rito.” Ang mabibisang paraan ng pagsisipilyo at paggamit ng floss ay inilalarawan sa pahinang ito at sa susunod na pahina. Maaaring magrekomenda ang iyong dentista ng iba pang mga kagamitan at pamamaraan na tutulong sa iyo na mabisang linisin ang iyong ngipin at sa gayon ay ingatan ang iyong ngiti.
Ang paulit-ulit na pagkapit ng asido ay nagdudulot ng demineralization, o paglambot ng enamel ng ngipin. Gayunman, ang ganitong pagkasira ay naaayos naman araw-araw. Paano? Napatunayan na ang fluoride ay patuloy na nakatutulong sa pag-iwas ng pagkasira ng ngipin dahil naibabalik nito ang nawalang mineral sa ngipin. Kaya bagaman maaaring kumalat ang pagkasira sa iba pang mga ngipin, maiaayos din ito kung taglay ng ngipin ang ilang substansiya, gaya ng fluoride. Oo, kayang ayusin ng ngipin ang sarili nito!
Kung Ano ang Gagawin Kapag Nagpatingin sa Dentista
Sa isang surbey kung saan hiniling sa mga tao na itala ang mga bagay na kanilang kinatatakutan, pumapangalawa ang pagpapatingin sa dentista sa pagsasalita sa madla. Makatuwiran ba ang gayong pangamba? Sa mauunlad na bansa, ang mabibilis na barena ng ngipin at mga anestisyang ipinapahid at itinuturok ay tumutulong na ngayon sa mga dentista na isagawa ang kanilang paggagamot nang walang gaanong kirot o hirap sa pasyente. Ang pagiging pamilyar sa bawat hakbang ng paggagamot ay maaaring makabawas sa iyong mga pangamba.
Maaaring nasasangkot sa pagpapatingin sa dentista ang lubusang paglilinis ng isang hygienist sa iyong ngipin. Sa prosesong ito, tinatanggal ang tartar at plaque na hindi maabot ng sipilyo at ng dental floss. Pagkatapos ay pinakikintab ang ngipin upang mapigilan ang pagdami ng plaque at inaalis ang mga mantsa na makasisira sa iyong ngiti.
Yamang napatunayan na nakababawas sa panganib ng pagkasira ng ngipin ang mineral flouride, madalas itong inilalagay ng dentista bilang gel, solusyon, o pamahid sa ngipin ng mga bata. Masusumpungan din ang fluoride sa pampublikong suplay ng tubig sa maraming lupain, at kadalasan nang may fluoride ang mga toothpaste bilang karagdagang proteksiyon laban sa pagkasira ng ngipin.
Ano ang Maaaring Gawin ng Dentista?
Higit na sinasanay ang mga dentista na gumamit ng mga pamamaraan upang maiwasan at mabawasan ang pinsalang dulot ng demineralization. Kung maaagapan ang maliliit na sira sa ngipin, kadalasang naaayos pa ito. Kaya kung agad na masusuri at magagamot ang iyong ngipin, magiging kalugud-lugod ang iyong pagpunta sa dentista.
Subalit kung mananatili sa ngipin ang asidong ginawa ng plaque, magdudulot ito ng pagkasira ng ngipin. Kung hindi ito pipigilan, maaaring mabutas ang ngipin. Kaya kailangang ayusin ang ngipin. Kung hindi pa umaabot ang pagkasira sa pulp, ang kinaroroonan ng mga nerbiyo ng ngipin, karaniwan nang pinapastahan ang ngipin.
Gumagamit ng barena ang dentista upang linisin ang butas sa ngipin at ihanda ito sa pagpapasta. Pagkatapos ay papastahan ang butas. Ang mga pastang amalgam ay mabilis na tumitigas at hinuhulma, samantalang ang mga pastang composite resin ay pinatitigas sa pamamagitan ng blue fiber-optic light. Kung pababayaan ang butas anupat kumalat ang pagkasira sa pulp ng ngipin, baka kailangang magsagawa ng root-canal therapy o bunutin pa nga ang ngipin. Maaaring hindi na kailangan pang bunutin ang ngipin kung isasagawa ang root-canal therapy, yamang kasama sa prosesong ito ang pagpapasta at pagsasara sa root canal ng nabubulok na ngipin. Ginagamit ang mga crown upang takpan ang mga ngiping nasira nang husto, at ginagamit naman ang mga pustiso upang palitan ang mga ngipin.c
Kung Bakit Sulit Ito
Marahil ay nag-aatubili ka pa ring magpatingin sa dentista. Kung gayon, banggitin mo sa iyong dentista ang ikinababahala mo. Bago magpasimula ang paggamot sa iyo, pagpasiyahan kung ano ang isesenyas mo (gaya ng pagtaas ng kamay) sa iyong dentista kapag nasasaktan ka. Itanong sa kaniya kung ano ang nasasangkot sa bawat hakbang ng paggamot sa iyo. Makatutulong ka rin na maingatan ang kalusugan ng ngipin ng iyong anak sa pamamagitan ng pagbanggit ng positibong mga bagay hinggil sa pag-iingat sa kaniyang ngipin at huwag mong gamitin ang pagpapatingin sa dentista bilang panakot sa kaniyang kalikutan.
Ganito ang sinabi ni Dr. Daniel Kandelman, propesor sa Department of Oral Health ng University of Montreal: “Posible na ngayon na maabot ang mahalagang tunguhing ito hinggil sa kalusugan ng ngipin: ang maingatan ang iyong malusog, at natural na ngipin, taglay ang isang maganda at kumukuti-kutitap na ngiti habambuhay.” Sulit na sulit ito!
[Mga talababa]
a Ang lubusang nabuong ngipin ng isang bata ay permanenteng rekord ng kaugalian sa pagkain ng ina sa panahon ng pagdadalang-tao at sa panahon ng pagkasanggol ng bata habang nabubuo ang ngipin sa ilalim ng gilagid. Humihinto ang pagtubo ng ngipin kapag ang isa ay malapit nang mag-20 anyos o bago mag-25 anyos.
b Natuklasan ng mga dentista na ang xylitol, isang likas na asukal, ay napatunayang nakatutulong sa pagkontrol sa nakapipinsalang baktirya ng plaque na nagdudulot ng pagkasira ng ngipin. May xylitol ang ilang chewing gum.
c Para sa higit pang impormasyon hinggil sa mga pustiso, tingnan ang artikulong “Kailangan Mo ba ng Postiso?” sa Pebrero 22, 1993, isyu ng Gumising! pahina 18-20.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 12]
Pagsisipilyo sa Iyong Ngipin
May ilang paraan ng pagsisipilyo, pero mag-ingat—gumamit lamang ng kaunting toothpaste. Magaspang ang toothpaste at maaaring “daan-daang beses na mas matigas kaysa sa likas na kayarian ng ngipin.”
1 I-anggulo ang sipilyo nang mga 45 digri sa pagitan ng iyong gilagid at ngipin. Huwag magsipilyo nang mariin. Sa pamamagitan ng maiikling hagod, magsipilyo mula sa pagitan ng gilagid at ngipin patungo sa ibabaw ng ngipin. Tiyaking linisin ang loob at labas ng ngipin.
2 Sa pamamagitan ng maiikli at palabas na hagod, linisin ang ibabaw ng ngipin.
3 Upang linisin ang likuran ng iyong mga ngipin sa harap, hawakan ang sipilyo nang halos patayo. Magsipilyo mula sa pagitan ng iyong gilagid at ngipin hanggang sa ibabaw ng ngipin.
4 Sipilyuhin ang dila at ngalangala.
[Credit Line]
Steps 1-4: Courtesy www.OralB.com
[Kahon/Mga larawan sa pahina 13]
Paggamit ng Floss sa Iyong Ngipin
Inirerekomenda ng mga dentista ang paggamit ng floss araw-araw at palaging pagsisipilyo ng iyong ngipin pagkatapos kumain.
1 Itali ang isang hibla ng floss sa hinlalato ng bawat kamay, anupat nag-iiwan ng maliit na puwang sa pagitan ng mga daliri.
2 Sa pamamagitan ng hinlalaki at hintuturo ng kamay, batakin ang floss. Para maisingit ang floss sa ngipin, hilahin ito nang pasulong at paatras.
3 Ikaskas ang floss nang pataas at pababa sa gilid ng bawat ngipin. Maingat na isingit ang floss sa pagitan ng gilagid at ngipin, pero huwag itong idiin o iatras-abante sa mismong gilagid.
[Credit Lines]
Pinagmulan: The Columbia University School of Dental and Oral Surgery’s Guide to Family Dental Care
Steps 1-3: Courtesy www.OralB.com