Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 11/8 p. 18-19
  • Nagtatangi ba ang Bibliya Laban sa Kababaihan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nagtatangi ba ang Bibliya Laban sa Kababaihan?
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Paano Itinuturing sa Hebreong Kasulatan ang Kababaihan
  • Nangangahulugan ba ng Diskriminasyon ang Pagpapasakop?
  • May Malasakit ba ang Diyos sa mga Babae?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Respeto at Dignidad sa Ilalim ng Pangangalaga ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Lalaki at Babae—Ang Marangal na Papel ng Bawat Isa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Mga Babaing Lubhang Nagpapagal sa Panginoon”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 11/8 p. 18-19

Ang Pangmalas ng Bibliya

Nagtatangi ba ang Bibliya Laban sa Kababaihan?

INILARAWAN ni Tertullian, isang teologo noong ikatlong siglo, ang kababaihan bilang “ang pintuang-daan ng diyablo.” Ginamit pa ng iba ang Bibliya para ipakitang mas mahalaga ang mga lalaki kaysa sa mga babae. Dahil dito, marami ang naniniwala na nagtatangi ang Bibliya laban sa kababaihan.

Para kay Elizabeth Cady Stanton, tagapagtaguyod ng karapatan ng kababaihan sa Estados Unidos noong ika-19 na siglo, “ang Bibliya at Simbahan ang pinakamalaking balakid sa liberasyon ng kababaihan.” Minsang sinabi ni Stanton hinggil sa unang limang aklat ng Bibliya: “Wala na akong alam na ibang aklat na lubusang nagtuturo ng pagpapasakop ng kababaihan at paghamak sa kanila.”

Bagaman ilan lamang ang maaaring may ganito kapanatikong paniniwala sa ngayon, marami pa rin ang naniniwala na itinataguyod ng ilang bahagi ng Bibliya ang pagtatangi laban sa kababaihan. Makatuwiran ba ang ganitong konklusyon?

Kung Paano Itinuturing sa Hebreong Kasulatan ang Kababaihan

“Ang iyong paghahangad ay magiging ukol sa iyong asawa, at pamumunuan ka niya.” (Genesis 3:16) Itinuturing ito ng mga kritiko bilang hatol ng Diyos laban kay Eva at pagsang-ayon Niya na kontrolin ng mga lalaki ang mga babae. Gayunman, hindi ito kapahayagan ng layunin ng Diyos, kundi sa halip ay isang tiyak na kapahayagan ng malungkot na resulta ng kasalanan at ng pagtanggi sa soberanya ng Diyos. Ang pang-aabuso sa kababaihan ay bunga ng di-kasakdalan ng tao at hindi kalooban ng Diyos. Sa maraming kultura, ang mga asawang babae ay totoong sinusupil ng kanilang asawa at madalas na pinagmamalupitan. Ngunit hindi ito nilayon ng Diyos.

Sina Adan at Eva ay parehong nilikha ayon sa larawan ng Diyos. Karagdagan pa, pareho silang binigyan ng Diyos ng utos na magpalaanakin, punuin ang lupa, at supilin ito. Magkasama nilang gagawin ito. (Genesis 1:27, 28) Maliwanag na walang sinuman sa kanila ang pinagmamalupitan noong panahong iyon. Ang Genesis 1:31 ay nagsasabi: “Nakita ng Diyos ang bawat bagay na ginawa niya at, narito! iyon ay napakabuti.”

Sa ilang pangyayari, hindi iniuulat ng Bibliya kung ano ang pangmalas ng Diyos sa mga bagay-bagay. Maaaring makasaysayang mga salaysay lamang ang mga ito. Walang binanggit kung ang ulat ba hinggil sa pag-aalok ni Lot ng kaniyang mga anak na babae sa mga taga-Sodoma ay katanggap-tanggap sa moral o hindi, o kung hinatulan ba ng Diyos ang ginawa ni Lot.a​—Genesis 19:6-8.

Ang totoo, kinasusuklaman ng Diyos ang lahat ng uri ng pagsasamantala at pang-aabuso. (Exodo 22:22; Deuteronomio 27:19; Isaias 10:1, 2) Hinahatulan sa Kautusang Mosaiko ang panggagahasa at prostitusyon. (Levitico 19:29; Deuteronomio 22:23-​29) Ipinagbabawal ang pangangalunya, at kamatayan ang parusa kapuwa sa lalaki at babaing nagkasala. (Levitico 20:10) Sa halip na magtangi laban sa kababaihan, ang Kautusan ay nagparangal at nagsanggalang sa kanila mula sa pagsasamantala na palasak sa nakapaligid na mga bansa. Ang isang Judiong asawang babae na may kakayahan ay lubhang iginagalang at pinahahalagahan. (Kawikaan 31:10, 28-30) Ang kawalang-galang ng mga Israelita sa kababaihan ay hindi kalooban ng Diyos, kundi resulta ng pagsuway nila sa kautusan ng Diyos. (Deuteronomio 32:5) Nang dakong huli, hinatulan at pinarusahan ng Diyos ang bayan sa kabuuan dahil sa kanilang tahasang pagsuway.

Nangangahulugan ba ng Diskriminasyon ang Pagpapasakop?

Magiging maayos lamang ang takbo ng isang lipunan kung organisado ito. Kailangang may magpatupad ng awtoridad. Kung wala, kaguluhan ang resulta. “Ang Diyos ay isang Diyos, hindi ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan.”​—1 Corinto 14:33.

Inilarawan ni apostol Pablo ang kaayusan ng pagkaulo sa pamilya: “Ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo; ang ulo naman ng babae ay ang lalaki; ang ulo naman ng Kristo ay ang Diyos.” (1 Corinto 11:3) Maliban sa Diyos, bawat indibiduwal ay nagpapasakop sa isang nakatataas na awtoridad. Dahil ba sa nagpapasakop si Jesus sa isang ulo ay nangangahulugan na may pagtatangi laban sa kaniya? Tunay na hindi! Ang pagbibigay sa mga lalaki ng maka-Kasulatang atas na manguna sa kongregasyon at sa pamilya ay hindi nangangahulugang may pagtatangi laban sa kababaihan. Upang sumulong kapuwa ang pamilya at ang kongregasyon, kailangang gampanan ng mga lalaki at babae ang kani-kanilang papel taglay ang pag-ibig at paggalang.​—Efeso 5:21-​25, 28, 29, 33.

Palaging pinakikitunguhan ni Jesus nang may paggalang ang kababaihan. Hindi siya sumunod sa tradisyon at tuntuning itinuturo ng mga Pariseo na nagtatangi laban sa kababaihan. Nakipag-usap siya sa mga babaing di-Judio. (Mateo 15:22-​28; Juan 4:7-9) Tinuruan niya ang mga babae. (Lucas 10:38-42) Naglaan siya ng mga simulain upang hindi abandonahin ang mga asawang babae. (Marcos 10:11, 12) Malamang na ikinagulat ng mga tao noong panahon niya ang pagkakaroon ni Jesus ng malalapít na kaibigang babae. (Lucas 8:1-3) Bilang ang sakdal na halimbawa ng mga katangian ng Diyos, ipinakita ni Jesus na ang lalaki at babae ay parehong mahalaga sa paningin ng Diyos. Sa katunayan, tumanggap ng kaloob ng banal na espiritu kapuwa ang Kristiyanong mga lalaki at babae noong unang siglo. (Gawa 2:1-4, 17, 18) Para sa mga pinahiran na may pag-asang maglingkod bilang mga hari at saserdote kasama ni Kristo, hindi na magkakaroon ng pagkakaiba ng kasarian kapag binuhay na silang muli tungo sa langit. (Galacia 3:28) Ang Awtor ng Bibliya, si Jehova, ay hindi nagtatangi laban sa kababaihan.

[Talababa]

a Tingnan Ang Bantayan, Pebrero 1, 2005, pahina 25-6.

[Larawan sa pahina 18]

Hindi tulad ng marami noong kaniyang panahon, magalang na pinakitunguhan ni Jesus ang kababaihan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share