Mga Bee-Eater—Makukulay na Sirkero sa Himpapawid
Mula sa manunulat ng Gumising! sa Espanya
GUNIGUNIHIN ang isang pamilya ng ibon na may mga balahibong nagtataglay ng halos lahat ng kulay ng bahaghari. Kapag lumilipad, talung-talo nila ang ilan sa pinakamabibilis na insekto. At ang ilan sa kanila ay kabilang sa kakaunting uri ng ibon na ang mga miyembro ng pamilya ay nagtutulungan sa pagpapalaki sa mga sisiw. Tatlo lamang ito sa maraming kawili-wiling katangian ng mga bee-eater.
Pero ang makulay na hitsura ng mga ibong ito ang unang nakaaakit sa mahihilig manood ng ibon. Maraming ibong kumakain ng insekto ang may mapupusyaw na kulay at hindi gaanong nakatatawag-pansin. Pero walang kapantay ang mga bee-eater sa kulay at sa galíng sa pagsisirko habang lumilipad, na siyang hindi malilimutan ng mahihilig manood ng ibon. Ang kanilang mga balahibo ay maaaring matingkad na berde, asul, pula, at dilaw. Taglay ng ilang uri, gaya ng European bee-eater, ang lahat ng kulay na ito at mas marami pang kulay! At ang isang uri sa Australia ay angkop na tawaging rainbow bee-eater o ibong bahaghari.
Makikita ang paglipad ng mga bee-eater sa maraming bahagi ng Aprika, Asia, Australia, at timugang Europa. Yamang bihirang makita itong nakakulong, mapapanood lamang ang kanilang paglipad sa ilang. “Talaga namang nakalilibang panoorin ang malalakas ang loob at masisiglang ibon na ito,” ang sabi ng publikasyong Wildwatch na mababasa sa Internet. “Dahil maraming uri ang hindi naman takot sa tao, madali silang kuhanan ng larawan.”
Pambihirang mga Paglipad
Magagaling ang mga bee-eater sa paghuli ng mga insekto habang lumilipad ang mga ito. At dahil paborito nila ang malalaki at mabibilis lumipad na insekto, gaya ng mga bubuyog at mga putakti, kailangan nilang maging mabilis at maliksi. Nakatutulong din ang matalas na paningin. Nakikita ng European bee-eater ang isang bubuyog o putakti na 100 metro ang layo.a
Upang makahuli ng insekto, ang ilang bee-eater ay lumilipad nang pabulusok at hinuhuli ang insekto sa ibaba. O higit na karaniwan, dumadapo sila sa isang nakaungos na sanga at mabilis na tinutuka ang dumaraang insekto. Mas mahirap naman ang pamamaraan ng ibang uri. Una, lumilipad sila nang mas mababa sa likuran ng insekto kung saan hindi sila makikita nito—anupat halos sumayad na sila sa lupa. Pagkatapos ay bumibilis sila nang bahagya, tumitingala, at hinuhuli ang insekto sa ere sa pamamagitan ng kanilang mahabang tuka.
Nagpapatulong ang ilang African bee-eater sa iba upang makahanap ng pagkain. Maaari silang lumipad sa tabi ng malalaking hayop, ibang mga ibon, o maging ng mga sasakyan na nakatutulong sa pagbulabog sa mga insektong hinuhuli nila. Ang matapang na carmine bee-eater ay nakikisakay pa nga sa likuran ng isang avestruz, kambing, o sebra. Hindi lamang maalwang dapuán ng mga bee-eater ang mga hayop na ito kundi binubulabog din ng mga hayop ang mga balang o tipaklong na maaaring kainin ng mga bee-eater. Ang nasusunog na mga palumpungan ay nakaaakit din sa malalaking langkay ng carmine bee-eater, na lumalamon sa mga tipaklong na tumatakas sa apoy.b
Pagbibilad sa Araw, Pag-aayos, at Paliligo
Kailangang mapanatili sa pinakamahusay na kondisyon ang mga balahibo upang makalipad nang mabilis, at maraming paraan ang bee-eater upang alisin ang mga parasito sa kaniyang mga balahibo at panatilihin itong malinis. Hindi ito maliit na bagay lamang. Ang tipikal na bee-eater ay gugugol ng 10 porsiyento ng isang araw sa “nakapagpapaginhawang paggawi” na ito.
Ang pagbibilad sa araw ay nakapagpapasigla sa ibon sa umaga, at madalas na sinasabayan nila ito ng pag-aayos ng balahibo. Nagiging mas aktibo ang mga parasito kapag naiinitan sila ng araw kaya mas madaling alisin ang mga ito. Gusto ng ilang uri ng bee-eater na sama-sama silang magbilad sa araw, anupat ang ilang ibon ay nagbibilad nang may iisang posisyon. Habang ang kanilang likuran ay nakabilad sa araw at nakaunat ang kanilang mga pakpak, para silang mga turistang nakahilata sa baybayin.
Mas madalang ang paliligo at karaniwan nang ito ay mabilis na pagbulusok sa tubig sa panahon ng paglipad. Sa tuyong mga lugar, ang mga bee-eater ay nagpapagulung-gulong na lamang sa alikabok. Pagkatapos, palaging gumugugol ng panahon ang mga ibon sa pag-aayos ng kanilang mga balahibo at sa pagkakamot. Ang araw-araw na rutin na ito ang pangunahing paraan nila upang alisin ang mga parasito, na palaging problema ng mga nilalang na namumugad sa lupa, gaya ng mga bee-eater.
Pakikisalamuha ng mga Bee-Eater sa Isa’t Isa
Napakahilig makihalubilo ang karamihan sa mga bee-eater. Nagpaparami ang ilang uri sa malalaking kawan, na maaaring binubuo ng mga 25,000 ibon. Madalas na masusumpungan ang mga ito sa malalawak at mabuhanging mga pampang, kung saan madali silang makahuhukay ng kani-kanilang pugad. Ang mga dakong ito na pinamumugaran ng kawan ay nagbibigay sa kanila ng karagdagang proteksiyon mula sa mga maninila, at sa pamamagitan ng kanilang pagtutulungan, madali nilang nahahanap ang lugar na maraming pagkain. Kahit sa panahon ng paghahanap ng pagkain, magkakasama pa rin ang mga bee-eater na mahilig magkawan-kawan, anupat nakikipag-ugnayan sa iba sa pamamagitan ng kanilang matitinis na huni.
Sa ilang uri, gaya ng white-fronted bee-eater, ang mga kamag-anak nito ay tumutulong sa pagpapalaki sa mga sisiw.c Karaniwan nang ang mga tumutulong ay supling ng magulang na mga ibon, at dahil sa kanilang pagtulong, matagumpay na napalalaki ang dobleng bilang ng mga sisiw. “Ginagawa ng mga tumutulong ang lahat ng tungkulin sa pagpaparami: tumutulong sila sa paghuhukay ng pugad, paglimlim sa mga itlog at, higit sa lahat, pagpapakain sa mga sisiw,” ang paliwanag ng aklat na Kingfishers, Bee-Eaters and Rollers.
Gustung-gusto ng mga pamilya ng bee-eater na dumapo sa iisang lugar. Nagsisiksikan ang bawat ibon na para bang gusto nilang magkasya sa iisang litrato. Kung minsan, nagtatabi-tabi ang ilang ibon sa iisang maliit na sanga. Walang alinlangan, ang kaugaliang ito ay nakatutulong upang mapanatili nila ang init ng kanilang katawan sa malalamig na gabi.
Kaakit-akit na mga Ibon na May Iisang Kahinaan
Kamakailan, nagsisimula nang kumain ng mga balang ang mga bee-eater, lalo na sa Kanlurang Aprika, kung saan maraming mapaminsala at nandarayuhang mga balang. Binago pa nga ng carmine bee-eater ang paraan ng pagpaparami at pandarayuhan nito upang samantalahin ang saganang pagkaing ito. Sinusundan na ngayon nito ang nandarayuhang mga balang habang nagkukulupon ang mga ito sa tabi ng Ilog Niger.
Gayunpaman, gaya ng ipinahihiwatig ng kanilang pangalan, kahinaan ng mga bee-eater ang mga bubuyog—ang paborito nilang pagkain. Kaya tiyak na hindi sila ang paboritong ibon ng mga nag-aalaga ng bubuyog. Sa kabilang panig naman, kinakain din nila ang mga putakti na naninila ng mga bubuyog, at kapag taglagas, kinakain naman nila ang matatandang bubuyog na malamang na makahawa ng sakit sa ibang bubuyog.
“Sa ngayon, lubhang hinahangaan ng mahihilig manood ng ibon ang mga bee-eater dahil sa pagkasari-sari at kagandahan ng kanilang balahibo,” ang sabi ng Handbook of the Birds of the World. Ang ilang lugar kung saan sila nagpaparami ay di-malilimutang pasyalan ng mga turista na naglilibot sa ilang ng Aprika.
Kaya kung nakatira ka sa lugar kung saan masusumpungan ang mga bee-eater, bakit hindi gumugol ng kaunting panahon upang masiyahan sa pambihirang tanawing ibinibigay ng makukulay na sirkero sa himpapawid?
[Mga talababa]
a Kapag nanghuhuli ng nangangagat na mga insekto gaya ng mga bubuyog o putakti, hindi nilululon ng mga bee-eater ang mga ito hangga’t hindi nila naaalis ang kamandag ng mga insekto. Karaniwan na, dumadapo sila sa isang kumbinyenteng sanga at maingat na ikinukuskos ang tiyan ng insekto sa sanga upang alisin ang kamandag. Saglit pa nga silang pumipikit upang hindi matilamsikan ng kamandag ang kanilang mata.
b Dahil sa ugaling ito ng carmine bee-eater, ang lokal na pangalan nito sa Kanlurang Aprika ay nangangahulugang “pinsan ng apoy.”
c Isang kawan sa Kenya na binubuo ng mga 400 white-fronted bee-eater ang may 60 pamilya. Inilalarawan ng mga mananaliksik ang kayarian ng kanilang lipunan bilang isa sa pinakamasalimuot sa daigdig ng mga ibon na natuklasan hanggang sa kasalukuyan.
[Larawan sa pahina 23]
“Little bee-eater,” Silangang Aprika
[Larawan sa pahina 23]
“Rainbow bee-eater,” Australia
[Larawan sa pahina 23]
“Somali bee-eater,” Kenya
[Larawan sa pahina 23]
“White-fronted bee-eater,” Aprika
[Larawan sa pahina 24]
Mga “European bee-eater,” Espanya
Pagliligawan ng dalawang ibon kung saan inaalok ng lalaki ang babae ng isang “crane fly”
[Larawan sa pahina 24]
Mga “bee-eater,” Israel
[Larawan sa pahina 24]
Mga “carmine bee-eater,” Botswana
[Larawan sa pahina 25]
Mga “carmine bee-eater,” Botswana
[Credit Line]
©kevinschafer.com
[Larawan sa pahina 25]
Mga “carmine bee-eater,” Singapore