“Magkita Tayo sa Balon”
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA MOLDOVA
KINAKABAHAN ang babaing bagong kasal habang pinanonood niya ang pag-igib ng tubig sa balon at pagbubuhos nito sa daan. Tuwang-tuwa siya nang buhatin at itawid siya ng kaniyang asawa sa basang daanan. Nagtipun-tipon ang mga kaibigan at kapamilya upang panoorin at palakpakan ang bagong kasal habang ginagawa ng magsing-irog ang matagal nang ritwal na ito. Malinaw na inilalarawan ng kakaibang kaugaliang ito sa kasal na sa Moldova, ang balon ay hindi lamang tipunan ng tubig.
Ang Moldova, na nasa timog-silangang Europa, ay masusumpungan sa pagitan ng Ukraine at Romania. Ang lupain nito ay may kabuuang sukat na mga 34,000 kilometro kuwadrado.
Bagaman halos 3,100 ilog ang dumadaloy sa Moldova, madalas na nagkakaroon ng tagtuyot dito anupat hindi sapat na natutustusan ng mga ilog ang pangangailangan ng 4,300,000 naninirahan dito. Upang masapatan ang kakulangan sa tubig, mahigit sa 20 porsiyento ng suplay ng tubig ng bansa ay nagmumula sa mga balon. Tinataya na mga 100,000 hanggang 200,000 balon ang masusumpungan sa lugar ng lunas ng ilog na Prut sa Moldova!
Ang mga balon na ito na may napapalamutiang mga bubong ay masusumpungan sa tabi ng malalaki at maliliit na daanan sa Moldova, anupat handa nitong pawiin ang pagkauhaw ng pagód na mga manlalakbay. Sa maraming nayon ng bansa, ang balon doon ay tambayan din ng magkakaibigan upang magkuwentuhan.
Kinaugaliang Paggalang sa Tubig
Sa Moldova, ipinakikita ang paggalang sa tubig sa balon sa iba’t ibang paraan. Halimbawa, itinatayo ang mga palikuran nang may sapat na layo mula sa balon ng pamilya, at upang higit pang maingatan ang kalinisan ng balon, ipinagbabawal ang pagbabalik ng tubig sa balon. Kung naparami ang naigib na tubig, ibinubuhos ang sobrang tubig sa lupa o sa isang lalagyan malapit sa balon. Bukod dito, sinasabing hindi magandang asal ang dumura malapit sa balon. Aba, ipinagbabawal pa nga ng tradisyon doon na mag-away malapit sa balon!
Sa mga taga-Moldova, naitataguyod ang pagkakaisa ng komunidad dahil sa mga balon. Ang paghuhukay ng bagong balon ay isang okasyon ng komunidad at itinuturing na kasinghalaga ng pagtatayo ng bagong bahay. Ipinahihiwatig ito ng kasabihan doon na nagsasabing, Ang taong hindi nakapagtayo ng bahay, nakapagpalaki ng anak, nakapaghukay ng balon, at nakapagtanim ng puno ay nagsayang ng kaniyang buhay. Kapag natapos ang isang balon, ang lahat sa komunidad na nakibahagi sa paggawa nito ay inaanyayahan sa isang malaking pagdiriwang.
Mga Problema sa Kapaligiran
Sa Moldova, ang tubig ng karamihan sa mga balon ay nanggagaling sa ilalim ng lupa na 5 hanggang 12 metro ang lalim. May makukuha ring tubig sa lalim na 150 hanggang 250 metro. Sa kabila ng kinaugaliang mga pag-iingat, ang karamihan sa pinagmumulan ng tubig sa Moldova ay narumhan dahil sa di-wastong pagtatapon ng mga kemikal na ginagamit sa industriya at agrikultura. Noong 1996, sinabi ng Republic of Moldova Human Development Report, isang lathalain ng United Nations, na dinumhan ng mga nitrate at baktiryang nagdudulot ng sakit ang “humigit-kumulang 60% ng mga balon sa Moldova.” Subalit nitong nakalipas na mga taon, sumulong naman ang kalidad ng tubig sa balon bilang resulta ng pagbaba sa produksiyon ng industriya at pagbawas sa dami ng kemikal at panggatong na napupunta sa pinagkukunan ng tubig sa ilalim ng lupa.
Kung mapasyal ka sa Moldova, hindi mo na kailangang magsaboy ng tubig sa daan upang makipag-usap at makipagkaibigan. Baka makasagap ka pa nga ng balita habang pinapawi mo ang iyong uhaw sa pamamagitan ng pag-inom ng isang baso ng malamig na tubig. Ang kailangan lamang ay anyayahan ka ng isang mapagpatuloy na taga-Moldova na makipagkita sa iyo sa balon.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 26, 27]
ISANG TRADISYONAL NA KASANAYAN
Si Oleg ay isang latero, at gumagawa na nang napapalamutiang mga bubong ng balon mula pa noong huminto siya sa pag-aaral. “Sa palagay ko’y nasa dugo namin ang paglalatero,” ang sabi ni Oleg. “Noong pasimula ng nakaraang siglo, natutuhan ng lolo ko ang paglalatero mula sa isa sa maraming laterong Judio na nakatira sa malaking komunidad ng mga Judio sa labas ng kaniyang nayon na Lipcani. Pagkatapos ng lansakang pagpaslang noong ikalawang digmaang pandaigdig, ang iilang laterong natira ay mga di-Judio. Noong panahong iyon pinag-aralan ng aking ama ang hanapbuhay na ito, at ipinamana niya sa akin ang kaniyang kasanayan.”
Habang hinuhulma ang masasalimuot na hugis na nagpapalamuti sa kaniyang mga bubong ng balon, gumagamit si Oleg ng simpleng mga kagamitan at ilang padron; ang tradisyon at imahinasyon ang gumagabay sa kaniyang paggawa. Lubhang pinahahalagahan ng mga residente roon ang kaniyang kasanayan. Ganito ang sabi ni Oleg: “Karaniwan nang nakikipagtawaran sa akin ang aking mga parokyano at inihahambing sa iba ang presyong ibinibigay ko, pero kapag natapos ko nang gawin ang bubong nila, madalas na nalulugod silang bayaran ang presyong sinabi ko.”
[Mga mapa sa pahina 26, 27]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
UKRAINE
MOLDOVA
ROMANIA
Dagat na Itim