Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 12/8 p. 16-17
  • Maikling Kasaysayan ng Purpura

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Maikling Kasaysayan ng Purpura
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagtalunton sa Kasaysayan Nito sa Mexico
  • Tina, Pagtitina
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Ang mga Kulay at Tela Noong Panahon ng Bibliya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Susô
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Alam Mo Ba?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 12/8 p. 16-17

Maikling Kasaysayan ng Purpura

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA MEXICO

“Ikaw naman, O anak ng tao, humiyaw ka ng isang panambitan may kinalaman sa Tiro . . . Lino na may iba’t ibang kulay mula sa Ehipto ang kabuuan ng iyong tela, upang magsilbing iyong layag. Sinulid na asul at lanang tinina sa mamula-mulang purpura mula sa mga pulo ng Elisa ang iyong pantabing sa kubyerta. . . . Sila ay iyong mga negosyante sa napakagagandang kasuutan.”​—Ezekiel 27:2, 7, 24.

ANG Tiro ang pangunahing daungang-dagat ng sinaunang Fenicia, sa teritoryo na tinatawag ngayong Lebanon. Ang pangangalakal ng telang purpura ay isang maunlad na negosyo sa lunsod na iyon. Sa katunayan, dahil sa Tiro kung kaya nakilala ang matingkad na kulay na ito bilang purpura ng Tiro sa Imperyo ng Roma.

Dahil napakataas ng presyo nito, iniuugnay ang kulay na purpura sa kamahalan, karangalan, at kayamanan.a Sa katunayan, ipinag-utos ng emperador ng sinaunang Roma na parusahan sa salang paghihimagsik ang “karaniwang” tao na mangangahas magsuot ng mahabang damit na tininaan ng pinakamainam na uri ng kulay na ito.

Ang pantina na ito, noon at ngayon, ay nakukuha nang paunti-unti sa mga susóng-dagat​—isang patak mula sa bawat isa nito. Ginamit ng mga taga-Tiro ang sinaw (murex snail), lalo na ang brandaris at trunculus, na masusumpungan sa iba’t ibang lugar sa kahabaan ng Baybayin ng Mediteraneo. Iba-iba ang tingkad ng kulay ng pantina depende sa eksaktong lokasyon na pinagkunan ng mga susô.

Pagtalunton sa Kasaysayan Nito sa Mexico

Maraming siglo na ang nakalilipas nang ipakita sa mga manlulupig na Kastila sa Timog Amerika ang telang tininaan ng purpura, humanga sila sapagkat hindi kumukupas ang kulay na ito. Napansin nila na lalong tumitingkad ang kulay ng gayong tela kapag nilalabhan. Ipinakikita ng mga ebidensiya sa arkeolohiya na nagsusuot ng iba’t ibang damit na tininaan ng purpura ang mga katutubo.

Tinitinaan ng mga katutubo ng Mexico, lalo na ng mga Mixtec, ang kanilang tela sa pamamagitan ng substansiyang inilalabas ng susóng tinatawag na Purpura patula pansa, na kauri ng susóng ginagamit ng mga taga-Tiro. Ang dalawang uring ito ng susô ay lumilikha ng substansiyang waring mapusyaw sa umpisa subalit nagiging purpura kapag nahantad sa hangin at liwanag. Ginagamit ang pantina na ito upang kulayan ang hibla ng tela nang hindi na kailangan pang gumamit ng kemikal upang hindi ito kumupas​—isang kakaibang katangian na wala sa ibang pantina.

Kinukuha ng mga Mixtec ang mga susóng Purpura sa katubigan ng Karagatang Pasipiko. Pinapatay ng mga taga-Tiro at mga Romano ang mga molusko​—may natuklasan pa ngang isang bunton ng mga balat ng susô nang panahong iyon​—​samantalang “ginagatasan” lamang ng mga Mixtec ang mga susô. Hinihipan nila ang mga molusko upang maglabas ito ng mamahaling likido, na tuwirang ipinapatak sa mga hibla; pagkatapos, ibinabalik ang mga nilalang na ito sa dagat. Hindi “ginagatasan” ng mga katutubo ang mga susô sa panahon ng pagpaparami ng mga ito. Sa katunayan, naiingatan hanggang ngayon ang populasyon ng mga susô dahil sa ganitong pamamaraan.

Ayon sa National Commission for the Knowledge and Use of Biodiversity, hanggang noong unang mga taon ng dekada ng 1980, ang mga Mixtec na gumagawa ng tina ay naglalakbay nang 200 kilometro sa mga baybayin ng Huatulco, mula Oktubre hanggang Marso, upang manguha ng purpurang pantina. Napananatiling timbang ang ekolohiya dahil sa ganitong di-nakapipinsalang pamamaraan. Subalit nagbago ang mga kalagayan mula 1981 hanggang 1985, nang gamitin ng isang banyagang kompanya ang likas na yamang ito. Dahil dito, lumiit ang populasyon ng Purpura. Kaya naman, binuo ang isang opisyal na kasunduan na nagbabawal sa pagpatay sa susóng ito at nagpapahintulot na gamitin ito ng mga katutubong pamayanan lamang sa tradisyonal na paraan.

Ang susóng Purpura ay nanganganib pa rin dahil sa umuunlad na industriya ng turismo sa mga look na pinamumuhayan ng mga ito. Gayunpaman, marami ang umaasang maiingatan ang kawili-wiling nilalang na ito at patuloy na makapaglalaan ng magandang kulay na pantina.

[Talababa]

a Ang purpura​—pangunahin nang kombinasyon ng asul at pula​—​ay may iba’t ibang kulay, mula sa biyoleta hanggang sa matingkad na pula. Noong sinaunang panahon, ginamit din ang terminong “purpura” para sa krimson.

[Larawan sa pahina 16]

Ang susóng “Purpura”

[Larawan sa pahina 16]

“Ginagatasan” ang susô saka ibinabalik sa dagat

[Credit Line]

© FULVIO ECCARDI

[Larawan sa pahina 16, 17]

Purpurang estambre na handa nang habihin

[Mga larawan sa pahina 17]

Paghahabi ng “posahuanco” (palda)

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share