Dalawang Beses Sinentensiyahan ng 25 Taon ng Puwersahang Pagtatrabaho
AYON SA SALAYSAY NI EFREM PLATON
Noong papatapos na ang 1951, sinentensiyahan ako sa ikalawang pagkakataon ng 25 taon ng puwersahang pagtatrabaho sa isang kampo. Ipinadala naman ako ngayon sa kinatatakutang kampo ng mga Sobyet sa Vorkuta, sa itaas ng Arctic Circle. Hayaan mong ipaliwanag ko kung paano ako napunta roon at kung paano ako muntik nang hindi makatakas mula sa marahas na kamatayan.
ISINILANG ako noong Hulyo 16, 1920, sa dukhang pamilya sa Bessarabia, sa lugar na Republika ng Moldova na ngayon. Kamamatay lamang ni Itay nang ipanganak ako, at namatay naman si Inay noong apat na taóng gulang ako. Naulila kaming anim na anak. Nagpapasalamat ako sa aking mga kuya, na tumayong mga magulang namin.
Bilang kabataan, interesadung-interesado ako sa mga bagay na may kinalaman sa relihiyon at aktibo ako sa mga gawain ng Simbahang Ortodokso sa aming lugar. Gayunman, hindi nagtagal at nasiphayo ako sa simbahan, lalo na sa mga pari, na nagbasbas sa pakikipaglaban ng mga bansa noong Digmaang Pandaigdig II, na nagsimula noong Setyembre 1939.
Sumiklab ang digmaan noong maagang bahagi ng dekada ng 1940 sa pagitan ng Romania at Unyong Sobyet, at naipit sa labanan ang Bessarabia. Muling sinakop ni Heneral Ion Antonescu, na namamahala noon sa Romania, ang Bessarabia. Nagpatupad ang mga awtoridad ng isang anyo ng pagsasanay bago pumasok sa militar ang mga lalaki na 20 taóng gulang pataas. Kasama ako sa nakalap. Sinanay kami sa Boroşeni, hindi kalayuan mula sa nayon kung saan kami nakatira ng asawa kong si Olga.
Natuto ng Katotohanan sa Bibliya
Isang araw sa aming pagsasanay, tanghalian noon, napansin ko ang isang grupo ng mga lalaking masiglang nag-uusap-usap; nalaman ko nang bandang huli na mga Saksi ni Jehova pala sila. Ang maikling pakikipag-usap ko sa kanila ay humantong sa marami pang pakikipag-usap. Hindi nagtagal, malaki ang naging kagalakan ko nang aking matanto na nasumpungan ko ang katotohanan sa Bibliya, na ibinahagi ko naman kay Olga at sa kaniyang mga magulang.
Ang talakayang pumukaw ng aking interes nang araw na iyon ay tungkol sa neutralidad. Ang naging konklusyon ng mga Saksi noon ay kailangan nilang manindigan sa isyung ito. Ipinasiya nilang tumanggap ng pagtuturo ngunit hindi sila manunumpa ng katapatan, na kailangan upang makalap sa hukbo.
Sinabi ko kay Olga at sa kaniyang mga magulang na plano ko ring hindi manumpa ng katapatan, at sinuportahan naman nila ang aking pasiya. Nang panahon na ng pangangalap—Enero 24, 1943—dumating ang sandaling kailangang manumpa na ng katapatan. Walo sa amin ang humakbang papalapit sa mga paring nangangalap ng mga lalaki para magsundalo. Sa halip na manumpa, sinabi namin na hindi kami maaaring makipagdigma dahil neutral kami.
Inaresto at dinala kami sa istasyon ng pulis sa Boroşeni. Ubod ng lupit kaming pinagbubugbog dito anupat halos hindi na ako makilala ng aking asawa pagkatapos nito. Saka kami inilipat sa Chişinău (dating Kishinev), ang pangunahing lunsod sa bansa, para humarap sa korte militar.
Kinailangan naming lumakad nang mga 140 kilometro, na inabot ng 21 araw dahil sa matinding lamig. Nakatanikala kaming walo habang sinasabayan ng armadong mga sundalo, na hindi man lamang nagbigay sa amin ng pagkain o inumin. Binubugbog kami sa bawat istasyon ng pulis na nadaraanan namin, at 13 lahat iyon! Nakatagal kami dahil binibigyan kami ng pagkain at inumin ng mga mamamayang tagaroon sa mga istasyon kung saan kami nagpapalipas ng magdamag. Sa kanilang mga gawa ng kabaitan, nadama namin ang pagmamalasakit sa amin ng Diyos.
Nakapagbata sa Kabila ng Pagkasira ng Loob
Habang nakakulong at naghihintay ng pagdinig sa korte militar sa Chişinău, labis na namang pinagmalupitan kaming walo. Sa pagtatangkang pahinain ang aming pananampalataya, sinabi sa amin ng mga awtoridad na tinalikuran na ng mga Saksi mula sa Zăicani, isang nayon sa hilagang Moldova, ang kanilang pananampalataya at pinauwi na sila. Nalaman namin nang bandang huli na pinauwi lamang sila para maghintay sa pagdinig ng korte sa kani-kanilang kaso. Bukod dito, sinipi ng isang pulis ang sinabi sa isang artikulo sa diyaryo na 80 Saksi ang sinentensiyahan ng kamatayan ng korte militar sa Ukraine.
Sa aming walo, ang ilan ay nasisiraan na ng loob, anupat iniisip na hindi na nila muling makikita ang kanilang mga anak. Ipinangako sa amin na palalayain na kami kung tatalikuran namin ang aming pananampalataya. Upang mapag-isipan ang aming kinabukasan, pinauwi kaming lahat nang isang linggo sa aming pamilya. Pagkatapos nito, tatlo na lamang sa amin ang determinadong manatiling neutral.
Noong Pebrero 20, 1943, ibinalik ako sa istasyon ng pulis sa Boroşeni kung saan ako dating binugbog nang husto. Nakita ko roon ang dalawang kasama kong Saksi na nanatili ring determinado. Tuwang-tuwa kaming muling magkita-kita! Dinala kami nang maglaon sa Bălţi sakay ng karetela. Nagkasakit ako nang malubha habang naglalakbay, na naging pagpapala naman sapagkat bus na ang naghatid sa amin sa Chişinău sa natitirang bahagi ng paglalakbay.
Pagdating namin, namukhaan ng guwardiya na kaming tatlo ang determinadong ayaw manumpa. Binugbog na naman nila kami. Pagkalipas ng isang buwan, sinentensiyahan kami ng 25 taon ng puwersahang pagtatrabaho sa kampo sa Romania.
Nabautismuhan sa Pinagbagsakan ng Bomba
Ipinadala kami nang maglaon sa Cugir, sa Romania, kung saan kami nagtroso sa gubat. Kapag naaabot namin ang itinakdang kahilingan, binibigyan kami ng mas marami-raming pagkain. Masipag ang grupo namin na binubuo ng sampung Saksi, kaya mas marami kaming pagkain dito kaysa sa mga bilangguan na pinanggalingan namin.
Noong 1944, sinimulang bombahin ng mga hukbo ng Estados Unidos ang lugar na malapit sa aming kampo. Isang araw, nahukay ang lupa malapit sa maliit na sapa dahil sa pagbagsak ng bomba. Unti-unting napuno ng tubig ang hukay. Noong Setyembre 1944, doon ako nabautismuhan bilang sagisag ng aking pag-aalay sa Diyos na Jehova na ginawa ko isa at kalahating taon na ang nakalilipas.
Malaya Na sa Wakas!
Pagkalipas ng ilang linggo, pinalaya ng hukbong Ruso ang daan-daang Saksi sa buong lugar na iyon, kaya nakauwi na kami. Sa kauna-unahang pagkakataon, nakita ko ang aking anak na lalaki na si Vasile, na isinilang noong 1943 habang nasa kampo ako ng puwersahang pagtatrabaho.
Nang magwakas ang Digmaang Pandaigdig II sa Europa noong Mayo 1945, naging teritoryo ng Unyong Sobyet ang Bessarabia at naging Moldavian Soviet Socialist Republic. Hindi kaagad kumilos laban sa ating gawaing Kristiyano ang mga awtoridad. Gayunman, napansin nilang hindi tayo bumoboto, at itinuring ng Estado ng Unyong Sobyet na mabigat na paglabag ito.
Isinilang ang aming pangalawang anak na lalaki na si Pavel noong 1946, at ang aming anak na babae naman na si Maria noong 1947. Maligayang-maligaya ang aming buhay bilang pamilya! Pero pagkalipas ng mga dalawang taon, may malungkot na nangyari. Nagkasakit at biglang namatay ang minamahal naming si Maria. Inilibing siya noong Hulyo 5, 1949. Pero simula pa lamang iyon ng aming kahapisan.
Ipinatapon sa Siberia
Ilang oras lamang pagkalibing kay Maria, ginising kami sa madaling-araw ng tatlong sundalo. Sinabi nila sa amin na ipatatapon kami dahil sa aming “ikinikilos laban sa Sobyet.” Pinayagan kaming magdala ng kaunting pagkain at damit, at noong Hulyo 6, 1949, naglakbay kami nang mga 4,000 kilometro patungo sa Kurgan, sa Siberia, sa hilaga ng Kazakhstan.
Naglakbay kami nang 18 araw. Isinakay kami na parang mga baka sa mga bagon. Dalawang beses lamang kaming binigyan ng pagkain sa daan. Maingat naming hinati-hati ang aming pagkain para magkasya sa buong paglalakbay. Lahat ng nasa bagon namin ay mga Saksi ni Jehova. Nanatili kaming aktibo sa espirituwal araw-araw sa pamamagitan ng maraming pakikipagtalakayan sa Bibliya. Ang pinakamahalaga naming pag-aari ay ang kopya ng Banal na Kasulatan.
Nang makarating kami sa wakas sa Kurgan, natanto namin na bagaman nakatira kami sa kampo ng puwersahang pagtatrabaho, may kaunting kalayaan kami. Nakapagtrabaho ako sa pandayan at naipakikipag-usap ko sa aking mga katrabaho ang aking pag-asang salig sa Bibliya. Pagkalipas ng dalawang taon, noong Setyembre 27, 1951, inaresto ako at muling dinala sa korte. Iniharap ng tagausig ang 18 katao na nagsabing inihula ko raw ang pagwasak sa Estado. Ang totoo, ginamit ko ang Daniel 2:44 upang ipakita na hahalinhan ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng pamahalaan ng tao.
Bukod dito, hinalughog ng mga awtoridad ang aming tirahan at natagpuan nila ang isang magasing Bantayan na palihim na ipinadala mula sa Moldova. Ang karaniwang natutuklasan ng mga awtoridad ay sulat-kamay o lokal na mga kopya ng mga magasin. Pero ang isang ito ay inilimbag sa labas ng Unyong Sobyet. Kaya sinentensiyahan ako sa ikalawang pagkakataon ng 25 taon ng puwersahang pagtatrabaho. Ngayon naman ay ipinadala ako para magtrabaho sa minahan ng karbon sa Vorkuta, isang kinatatakutang kampo ng puwersahang pagtatrabaho sa dulong hilaga ng Kabundukan ng Ural, sa itaas ng Arctic Circle.
Nakatakas sa Kamatayan sa Vorkuta
Ang Vorkuta ay isang napakalaking bilangguan na binubuo ng 60 kampo ng puwersahang pagtatrabaho. Sa kampo lamang namin ay may mahigit na 6,000 trabahador. Kumitil ng maraming buhay ang pinagsama-samang salik na gaya ng temperaturang nagyeyelo, di-makataong mga kalagayan, at pagmimina ng karbon sa ilalim ng lupa. Halos araw-araw ay may namamatay na kailangang ilibing. Humina nang husto ang kalusugan ko, anupat hindi na ako makagawa ng mabigat na trabaho. Naatasan akong gumawa ng diumano ay mas magaan na trabaho, magpala ng karbon sa naghihintay na mga bagon.
Napakasama ng kalagayan sa Vorkuta anupat nagwelga ang mga minero, at naging malaking paghihimagsik iyon. Nagtatag pa nga ng sarili nilang pangasiwaan ang mga minero at nag-organisa ng hukbong binubuo ng mga 150 lalaki na handang lumaban sakaling dumating ang mga sundalo. Nais nilang sumali ako at ang halos 30 Saksi sa kanilang “hukbo.” Subalit hindi kami sumama.
Tumagal nang dalawang linggo ang paghihimagsik hanggang sa dumating ang armadong hukbo at pagbabarilin ang lahat ng rebelde. Sinabihan kami na plano pala ng mga rebelde na bitayin kami sa minahan mismo! Mabuti na lamang at hindi nagtagumpay ang kanilang mga plano. Dahil sa sistematikong pagtatangka ng mga Sobyet na sirain ang aming pananampalataya, mauunawaan ninyo kung bakit ang ating dakilang Diyos na Jehova ang kinilala naming nagligtas sa amin!
Lubos na Ginamit ang Aming Kalayaan
Bumuti ang aming kalagayan nang mamatay si Stalin noong Marso 1953. Noong 1955, pinalaya ako mula sa Vorkuta at pinahintulutang umuwi sa aking pamilya, na nakatira pa rin sa kampo sa gubat sa Kurgan. Patuloy kaming nangaral sa mga tagaroon tungkol sa aming kamangha-manghang pag-asa.
Pagsapit ng 1961, ninais naming lumipat ng bagong teritoryong pangangaralan. Kaya sumulat kami sa lider ng bansa, si Nikita Khrushchev, at humiling na pahintulutan kaming lumipat, yamang walang mga paaralan para sa aming mga anak—na totoo naman. Pinayagan kaming lumipat sa isang maliit na bayan ng Makushino, kung saan may kampo rin ng puwersahang pagtatrabaho. Maligayang-maligaya kami dahil apat na malalaking pamilya roon ang natulungan namin na maging nakaalay na mga lingkod ni Jehova!
Sa wakas, noong 1965, pinalaya ako mula sa kampong ito. Bagaman hindi pa kami pinahihintulutang bumalik sa Moldova, maaari kaming lumipat kahit saan sa Unyong Sobyet. Pumunta kami nang sumunod na taon sa Qostanay (dating Kustanai), sa Kazakhstan, kung saan may dalawa nang kongregasyon ng mga Saksi. Yamang lubusan nang nakubrehan ang teritoryong ito sa gawaing pagpapatotoo, lumipat kami pagkalipas ng tatlong taon sa Chirchik, sa Uzbekistan. Nang panahong iyon, may asawa na ang aming mga anak na sina Vasile at Pavel. Kaya nagtuon kami ng pansin sa espirituwal na pagsulong ng natitira pa naming mga anak—sina Dumitru, edad 10, at Liuba, edad 7.
Sampung taon kaming tumira sa Uzbekistan, at sa loob ng panahong iyon ay natulungan namin ang iba pa na makilala si Jehova. Noong 1979, lumipat kami pakanluran sa lunsod ng Krasnodar, malapit sa Dagat na Itim sa timugang Russia na mahigit isang libong milya ang layo. Naglingkod kami roon ni Olga nang dalawang taon sa buong-panahong ministeryo bilang mga payunir, at natulungan namin ang iba pa na maging mga Saksi.
Pagbalik sa Moldova
Sa wakas, noong tag-araw ng 1989—40 taon pagkaraang ipatapon kami—ipinasiya naming bumalik sa Moldova. Kaagad kaming nagpayunir at nagpatuloy sa gawaing ito hanggang 1993. Natulungan namin doon ang mahigit 30 katao na maging aktibong mga Saksi ni Jehova. Nag-uumapaw ang aking puso sa kagalakan kapag naiisip ko ang saganang pagpapala sa amin ni Jehova bilang pamilya! Ngunit nakalulungkot, namatay ang aking minamahal na asawa noong Mayo 2004.
Gayunman, nakasusumpong ako ng kaaliwan sapagkat ang lahat ng 4 naming anak, 14 sa aming mga apo, at 18 sa aming apo sa tuhod, ay aktibong mga lingkod ni Jehova. Totoo, naging mahirap ang buhay namin, pero nakatutuwang matanto na tinulungan kami ni Jehova na manatiling tapat sa kaniya sa panahon ng pagsubok!
Yamang nagkakaedad na ako, nalilimitahan ng mahinang kalusugan at pagtanda ang nagagawa ko sa ministeryo. Ngunit ginagawa ko pa rin ang aking buong makakaya. Natutuhan ko na anuman ang hamong harapin natin sa buhay, laging naririyan si Jehova upang magbigay ng lakas at pampatibay-loob na kailangan natin.a
[Talababa]
a Namatay si Efrem Platon noong Hulyo 28, 2005, habang inihahanda ang artikulong ito para sa paglalathala.
[Larawan sa pahina 14, 15]
Mga Saksi ni Jehova sa kampo ng puwersahang pagtatrabaho sa Vorkuta
[Larawan sa pahina 15]
Kasama si Olga noong 2002