Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 12/22 p. 16-17
  • Mga Kuwento sa Bibliya na Inilahad sa Pamamagitan ng Yelo at Niyebe

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Kuwento sa Bibliya na Inilahad sa Pamamagitan ng Yelo at Niyebe
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Eksena sa Bibliya na Nililok sa Yelo
  • Paggawa sa mga Displey
  • Ang Pang-akit ng Pangingisda sa Nagyeyelong Dagat
    Gumising!—2004
  • Ang Kapistahan ng Niyebe at Yelo sa Sapporo
    Gumising!—1994
  • Antarctica—Isang Kontinenteng Nanganganib
    Gumising!—2000
  • Yelo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 12/22 p. 16-17

Mga Kuwento sa Bibliya na Inilahad sa Pamamagitan ng Yelo at Niyebe

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ALEMANYA

“NAPAKAGANDA!” Iyan ang naging impresyon ni Anja. Sinabi ni Georg, “Kamangha-mangha ang mga nagagawa mula sa materyal na ito.” Yamang nanabik kami sa sinabi nila, isang grupo kaming nagpunta sa Lübeck sa hilagang Alemanya upang makita ang Ice World, eksibit ng mga nililok na yelo. Ang tema ay “Ang Bibliya​—Mga Kuwento Mula sa Lumang Tipan at Bagong Tipan.”

Pagdating namin sa Lübeck, waring nalalambungan ng ulap-ulan ang kilalang Holstein Gate. Nakatayo malapit dito ang isang malaking tolda na waring pangkaraniwan lamang. Pero pagpasok namin, tumambad sa amin ang makulay at kumikinang na daigdig ng niyebe at yelo. Ang mga yelong tinatagusan ng liwanag ay ginawang mga pigura na nagniningning sa iba’t ibang kulay.

Bago pa man kami magsimula sa paglilibot, naalaala namin ang bilin sa amin na magsuot ng mainit na damit​—napakalamig sa loob! Bagaman hindi pa gaanong malamig ang -10 digri Celsius para sa mga nakatira sa malalamig na rehiyon, nanghinayang ang ilan sa amin dahil nalimutan naming magdala ng mga bandana at guwantes. Pero nalimutan namin ang lamig nang makita namin ang makukulay at kaakit-akit na mga pigurang gawa sa yelo.

Mga Eksena sa Bibliya na Nililok sa Yelo

May nakita kaming anghel na may masinsing lupi sa damit at humihihip ng trumpeta. Waring lumilipad sa ibabaw ng niyebe ang eskultura. May nililok na yelo na naglalarawan sa iba’t ibang yugto ng paglalang, kabilang na ang paglalang kay Adan. Sa banda pa roon, nakita namin ang arka ni Noe. Napangiti kami nang makita namin ang isang hipopotamus na itinutulak ang asawa nitong naipit sa pinto ng arka habang ang maliit na hayop na parang daga at nasa ilalim ng tiyan nito ay pumupuslit sa arka. Nasa tabi nito si Noe na nakatayo sa gilid ng nakasalansang kahoy na gawa sa yelo.

Sumunod ay nakita namin ang eksena sa hardin ng Eden, na naglalarawan sa kasalanan nina Adan at Eva. Huminto kami sa isang malaking pigura na pinanabikan naming suriin nang mabuti: Si Moises na may hawak na dalawang tapyas ng Kautusan. Bakit nakuha nito ang pansin namin?

Nakasulat sa tapyas na nililok sa yelo, hindi ang Sampung Utos, kundi ang Tetragrammaton​—ang personal na pangalan ng Diyos, Jehova! Tuwang-tuwa kami dahil kitang-kita ang pangalan ng Diyos sa Hebreong anyo nito. Sa pabalat ng brosyur ng eksibit na ito, makikita pa nga ang pigurang ito ni Moises, at nasa gitna mismo ang kapansin-pansing Tetragrammaton. Kumuha kami ng maraming litrato ng eksena. Sa malapit ay makikita ang estatuwang guya na nagkulay ginto dahil sa nakapokus na ilaw. Para sa amin, paalaala iyon ng imoral na idolatriya ng mga Israelita hindi pa natatagalan pagkatapos silang iligtas mula sa Ehipto.

Nakapanghihinayang na ang inukit na pigura nina Jacob at Esau, Jose at Paraon sa pader na niyebe ay hindi madaling makilala. Mauunawaan naman sapagkat bahagyang nabago na ang mga inukit na pigura dahil sa pagkahantad sa mga 100,000 bisita sa unang tatlong linggo ng eksibit. Gayunman, madali namang makilala ang malaking imahen ni Samson, na ibinubuwal ang mga haligi ng templo ng mga Filisteo. Ipinakikita siya sa isa pang eksena nang maipaputol na ni Delaila ang buhok niya.

Itinampok din ang tauhan sa Bibliya na si David, noong natalo niya si Goliat at noong hindi siya nakapagpigil sa panonood kay Bat-sheba habang naliligo ito. Ipinakita rin doon ang kapanganakan ni Jesus. Nasa tapat iyon ng eksena ng Huling Hapunan na nililok sa niyebe.

Pagkatapos makita ang lahat ng eskulturang ito, ginaw na ginaw kami. Kaya lumabas kami at nagtungo sa kapihan sa katabing Holstein Hall. Ipinalalabas sa maraming iskrin sa bulwagan ang video kung paano ginawa ang mga nililok.

Paggawa sa mga Displey

Sa simula, hinakot ng trak mula sa Belgium ang 350 tonelada ng mga bloke ng yelong tulad-kristal at may sukat na mga 2 metro por 1 metro por 0.6 metro, at pinagpatung-patong ang mga ito, ayon sa magiging laki ng mga eskultura. Gumawa ang mga snow cannon ng 200 tonelada ng niyebe at ibinuga ito sa napakalalaking kahon. Sa tulong ng mga lagaring de-motor, pait, sipilyo, at istro, naiukit ng mga eskultor sa yelo at niyebe ang mga eksena sa Bibliya.

Ayon sa lider ng proyekto na si Jana Kürbis, ang pinakamalaking hamon ay ang paglikha at pagpapanatili ng tamang klima. Subalit lubha namang pinahalagahan ang lahat ng pagpapagal para sa proyekto. Isang babae ang napabulalas: “Parang hindi kapani-paniwala!” Sinabi ng isang lalaki na “napakahusay talaga” ng eksibit. Pero nanghinayang ang asawa niya sapagkat wala itong gaanong alam sa Bibliya.

Marami, pati na ang mga kabataan, ang naglibot sa mga displey habang binabasa ang nakalimbag na paglalarawan sa mga itinanghal na eksena mula sa Bibliya. Nang umalis kami sa eksibit na Ice World, dala namin hindi lamang ang maraming rolyo ng negatibo ng mga litrato kundi pati na rin ang malinaw at magtatagal na alaala ng mga kuwento sa Bibliya na inilahad sa pamamagitan ng niyebe at yelo.

[Larawan sa pahina 16]

Itinampok sa brosyur ng eksibit ang Hebreong anyo ng personal na pangalan ng Diyos, Jehova

[Larawan sa pahina 16, 17]

Paglalang kay Adan

[Larawan sa pahina 17]

Ibinubuwal ni Samson ang mga haligi ng templo ng mga Filisteo

[Larawan sa pahina 17]

David at Goliat

[Larawan sa pahina 17]

Arka ni Noe

[Picture Credit Lines sa pahina 16]

Moses in ice: Foto von: Nils Bergmann; snow crystal: snowcrystals.net; creation of Adam: Foto von: Nils Bergmann

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share