Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 12/22 p. 26-27
  • Bass Rock—Kung Saan Nagkakawan ang mga Gannet

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bass Rock—Kung Saan Nagkakawan ang mga Gannet
  • Gumising!—2005
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pag-dive ng Gannet
    May Nagdisenyo Ba Nito?
  • Mga Ibong Mangingisda
    Gumising!—2011
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2005
  • Isang Maringal na Monolito
    Gumising!—2007
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 12/22 p. 26-27

Bass Rock​—​Kung Saan Nagkakawan ang mga Gannet

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRITANYA

ANG pagkalaki-laking Bass Rock ay mga 110 metro ang taas at may sirkumperensiya na mga dalawang kilometro. Nasa laot ito sa hilagang-silangan ng Edinburgh, Scotland, sa pasukan ng isang wawa na tinatawag na Firth of Forth. Tahanan ito ng marahil 100,000 northern gannet, 10 porsiyento ng populasyon ng kawili-wiling mga ibong-dagat na ito.a

Noong unang mga taon ng ika-20 siglo, hinuhuli ang mga gannet para kainin. Ipinanggagamot ang taba ng mga ito, at ipinapalaman naman sa kutson at unan ang mga balahibo nito. Mga 300 ibon ang kinakailangan upang mapuno ng balahibo ang isang kutson. Ang itlog ng mga ito, na dating itinuturing na masarap na pagkain, ay hindi na karaniwang kinakain sa ngayon.

Maaaring mabuhay ang mga gannet nang 30 taon at karaniwan nang isa lamang ang nagiging kapareha nito habambuhay. Nandarayuhan ang mga ito at nagbabalik sa buwan ng Enero sa dating pugad na matapang nilang ipinagsasanggalang. Sa Bass Rock, ang mga pugad nito na gawa sa damong-dagat at damo ay halos magkakatabi, na mga isang metro ang pagitan sa isa’t isa. Mas gusto ng mga ibong ito sa mga lugar na malakas ang hangin dahil nakalilipad sila nang deretso paitaas at paibaba.

Nakatutuwang panoorin ang mga gannet. Kapag tumingala at humaba ang leeg ng ibon, palipad na ito. Kapag yumukyok ito nang nakaharap sa isa pang ibon at nakabuka ang mga pakpak, babala ito na handa niyang ipagsanggalang ang kaniyang pugad. Parang nag-eeskrima ang nagliligawang ibon gamit ang kanilang mga tuka, at pumapayag nang makipagtalik ang babaing gannet kapag marahang tinuka ng kaniyang kapareha ang kaniyang leeg. Isa lamang ang nagiging inakay ng gannet sa isang taon, at ipinapatong ng alinman sa mga magulang na ibon ang kanilang mga paa sa itlog upang limliman ito at panatilihing mainit.

Kulay puti ang adultong gannet, at may kapansin-pansing itim na kulay sa dulo ng kanilang mga pakpak, na umaabot ng dalawang metro kapag parehong nakabuka. Sa kabaligtaran, ang mga sisiw nito ay kulay itim na may maliliit na puting batik. Sa loob ng 12 linggong paglimlim, mas mabigat na ang timbang ng guga (na siyang tawag sa inakay na gannet) kaysa sa mga magulang nito. May ekstrang mga suson ito ng taba na magagamit sa pandarayuhan sa kalaunan.

Nagsisimulang magsarili ang batang gannet kapag lumipad na ito patungo sa dagat, kung saan ito maglalalangoy. Gayunman, karamihan sa mga inakay ay hindi nakalilipad nang ligtas patungo sa tubig dahil dumudulas sila sa dalisdis at kadalasang nababali ang pakpak o binti. Kusang natututong manghuli ng isda ang mga inakay na nakalipad nang ligtas hanggang sa tubig. Sa kalaunan, mandarayuhan ang mga ito sa malayo, kadalasan ay hanggang sa Kanlurang Aprika, at maaaring tatlo hanggang apat na taon ang lumipas bago magbalik ang mga ito sa Bass Rock.

Kahanga-hangang pagmasdan ang pagbulusok ng mga gannet sa dagat upang manghuli ng isda. Umaabot sa 100 kilometro bawat oras ang bilis ng mga ito. Kapag malapit na silang bumagsak sa tubig mula sa taas na 30 metro o higit pa, iniuurong ng mga ito ang kanilang pakpak anupat nagmimistula silang ulo ng palaso habang walang nakapapasok na hangin sa butas ng kanilang ilong. May lamad na tumatakip at nagbibigay ng proteksiyon sa kanilang mga mata. Bukod diyan, may mga air sac sa ilalim ng kanilang balat na nagsasanggalang sa kanilang katawan sa puwersa ng pagbagsak sa dagat, na maaaring napakalakas yamang mataas ang pagtalsik ng tubig. Natitigilan kung minsan ang mga isda sa tindi ng pagbulusok ng mga ito.

Kapag nasa ilalim na ng tubig ang mga gannet, ginagamit nila ang kanilang mga pakpak at paa sa paglangoy habang naninila. Kumakain sila ng mackerel, sprat, herring, at sand eel. Maaaring manghuli sila ng isda nang 30 oras o higit pa sa isang pagkakataon. Ang ilang gannet ay kilalang nanghuhuli ng isda hanggang sa malayong baybayin ng Norway sa silangan.

Ang Bass Rock ay tahanan din ng humigit-kumulang sampung iba pang uri ng mga ibong-dagat. Pero nadaraig sila ng palaki nang palaking kawan ng mga gannet, at nahihirapan silang gumawa ng sariling teritoryo roon. Noon, halos 600 taon na ang nakalilipas, ginamit ng mga tao ang Bass Rock bilang santuwaryo para sa pananalangin at pagbubulay-bulay. Nang maglaon, tinayuan ito ng mga kuta, at ginawang bilangguan sa loob ng ilang panahon. Bagaman wala nang nagbabantay sa parola na itinayo noong 1902, nagpapasinag pa rin ito ng babalang liwanag hanggang sa kabilang ibayo ng wawa.

Matagal nang napabayaan ang hardin ng bantay-parola roon, at teritoryo na ito ngayon ng mga gannet. May kinawiwilihang mga iskursiyon para sa mga panauhin, na sumasakay sa mga bangka mula sa maliit na daungan sa North Berwick at namamasyal sa palibot ng isla upang mapagmasdan nang malapitan ang mga ibon. Kasiya-siyang pamamasyal iyon​—kung maganda ang lagay ng panahon.

Gayunman, kahit napakalakas ng bagyo, hindi mabibigo ang mga namamasyal​—salamat sa makabagong teknolohiya. Mapapanood sa isang pantanging presentasyon ng video sa Scottish Seabird Centre sa North Berwick ang lahat ng aspekto ng buhay sa Bass Rock. Kaya anuman ang piliin ng isang namamasyal, maaari niyang panoorin ang pambihirang mga maninisid na ito sa Bass Rock. Talagang isang di-malilimot na karanasan ang mamasyal dito.

[Talababa]

a Ang pangalang Latin ng northern gannet ay nagpapahiwatig na nagmula ang mga ibong ito sa Bass Rock. Sa ngayon, inuuri ang ibong ito bilang Morus bassanus, o Sula bassana.

[Larawan sa pahina 27]

Umaabot sa 100 kilometro bawat oras ang bilis ng bumubulusok na mga “gannet”

[Credit Line]

© NHPA/Bill Coster

[Picture Credit Lines sa pahina 26]

Two gannets: Stefan Ernst/Naturfoto-Online; background: Jörn Meier/Naturfoto-Online

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share