“Ibinilanggo Dahil sa Kanilang Pananampalataya”
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA POLAND
HANGGANG sa araw na ito, makikita ang mga salitang Arbeit Macht Frei (Nagpapalaya ang Trabaho) sa bakal na mga pintuang-daan ng kampong piitan sa Auschwitz sa timugang Poland, mga 60 kilometro mula sa hangganan ng Czech.a Subalit ang mga salitang ito ay kabaligtaran ng nangyari sa karamihan ng mga pumasok sa mga pintuang-daang iyon sa pagitan ng taóng 1940 at 1945. Nang mga taóng iyon, mahigit isang milyon katao sa Auschwitz ang pinatay ng mga Nazi. Subalit maaari sanang makalaya anumang oras ang mga indibiduwal na kabilang sa isang grupo roon.
Ano ang kapalit ng kanilang kalayaan? Mapalalaya ang sinumang bilanggong Saksi ni Jehova kung pipirma siya ng dokumento na nagsasabing hindi na siya aktibong maglilingkod bilang Saksi. Ano ang naging pasiya ng karamihan? Sinabi ng istoryador na si István Deák na ang mga Saksi ay “katulad ng sinaunang mga Kristiyano na mas gugustuhin pang magpalapa na lamang sa mga leon sa halip na magbigay ng maliit na handog sa altar ng emperador ng Roma.” Karapat-dapat lamang alalahanin ang gayong paninindigan, at ito nga ang ginagawa ngayon.
Sa loob ng dalawang buwan, simula noong Setyembre 21, 2004, itinanghal sa malaking bulwagan ng Auschwitz-Birkenau State Museum ang eksibit na tungkol lamang sa mga Saksi. Angkop ang tema ng eksibit na “Ibinilanggo Dahil sa Kanilang Pananampalataya—Mga Saksi ni Jehova at ang Rehimeng Nazi.” Binubuo ito ng 27 makasaysayang displey na nagpapakita sa matatag na paninindigan ng mga Saksi na panatilihin ang kanilang Kristiyanong neutralidad noong panahon ng Nazi.
Marami sa mga pumunta ang naantig sa sulat na ipinadala ni Deliana Rademakers ng Netherlands noong siya ay nakabilanggo. Isinulat niya sa kaniyang pamilya: “Nanata akong gagawin ko ang kalooban ni Jehova. . . . Maging matapang kayo at huwag kayong matakot. Sumasaatin si Jehova.” Noong 1942, ipinatapon si Deliana sa Auschwitz, kung saan siya namatay pagkaraan ng wala pang tatlong linggo.
Mga 400 lahat-lahat ang mga Saksi sa Auschwitz. Tatlo sa mga natirang buháy ang naroroon sa pagbubukas ng eksibit, kung saan ikinuwento nila ang kanilang mga karanasan at sinagot ang mga tanong ng mga peryodista. Makikita pa rin sa kanila ang tibay ng loob na tumulong sa kanila na makayanan ang mga kalagayan sa kampo.
Sa kaniyang aklat na Imprisoned for Their Faith—Jehovah’s Witnesses in Auschwitz Concentration Camp, sinabi ng mananaliksik na si Teresa Wontor-Cichy ng State Museum: “Maganda ang naging impluwensiya ng paninindigan ng maliit na grupong ito sa iba pang mga bilanggo, at ang kanilang matatag na pagtanggi sa araw-araw ay nagpatibay sa pananalig ng iba na kaya ng mga tao na manatiling tapat sa pinanghahawakan nilang mga prinsipyo anuman ang maging kalagayan.”
Ang totoo, hindi na bago ang pagkabilanggo at kamatayan sa mga tagasunod ni Jesu-Kristo, na inaresto at pinatay dahil sa kaniyang pananampalataya. (Lucas 22:54; 23:32, 33) Pinatay rin ang apostol ni Jesus na si Santiago. Ibinilanggo si apostol Pedro, at maraming ulit ding pinaghahampas at ibinilanggo si apostol Pablo.—Gawa 12:2, 5; 16:22-25; 2 Corinto 11:23.
Sa katulad na paraan, nagpakita ng napakagandang halimbawa ng pananampalataya sa Diyos ang mga Saksi ni Jehova sa Europa noong dekada ng 1930 at 1940. Kapuri-puri ang ginawang pagkilala sa kanilang pananampalataya sa Auschwitz.
[Talababa]
a May tatlong pangunahing bahagi ang Auschwitz—Auschwitz I (pangunahing kampo), Auschwitz II (Birkenau), at Auschwitz III (Monowitz). Nasa Birkenau ang karamihan sa kinatatakutang mga gas chamber.
[Larawan sa pahina 10]
Hawak ng tatlong natirang buháy sa Auschwitz ang karatula ng tema ng eksibit
[Mga larawan sa pahina 11]
Si Deliana Rademakers, at ang ginawa niyang sulat noong nakabilanggo siya
[Credit Line]
Inset photos: Zdjęcie: Archiwum Państwowego Muzeum Auschwitz-Birkenau
[Picture Credit Line sa pahina 10]
Tore: Dzięki uprzejmości Państwowego Muzeum Auschwitz-Birkenau