May Nagdisenyo ba Nito?
Sapot ng Gagamba
◼ Mas magaan ito kaysa sa bulak, pero mas matibay pa kaysa sa bakal. Sa loob ng maraming dekada, pinag-aaralan na ng mga siyentipiko ang sapot ng mga orb weaver, o mga gagambang gumagawa ng bahay na paikot. Ang dragline silk—pinakamatibay sa pitong uri ng sapot ng mga gagambang ito—ang pinakakapansin-pansin. Ito ay mas matibay at mas di-natatagos ng tubig kumpara sa mga hibla ng higad na silkworm na karaniwang ginagawang telang seda.
Pag-isipan ito: Para makagawa ng pang-industriyang hibla gaya ng Kevlar, na karaniwang ginagamit sa mga tsalekong di-tinatablan ng bala, kailangan ng mataas na temperatura at mga organikong pantunaw. Samantalang nakagagawa naman ang gagamba ng sapot nito sa katamtamang temperatura at gamit lamang ang tubig. Bukod diyan, mas matibay ang dragline silk kaysa sa Kevlar. Kung palalakihin na sinlaki ng palaruan ng football ang bahay ng gagambang gawa sa dragline silk, kaya nitong pahintuin ang isang lumilipad na napakalaking eroplano!
Hindi kataka-taka na lubhang interesado ang mga mananaliksik sa tibay ng dragline silk. “Gustong gamitin ng mga siyentipiko ang katangiang ito sa paggawa ng iba’t ibang bagay, mula sa mga tsalekong di-tinatablan ng bala hanggang sa mga kableng pansuporta sa tulay,” ang isinulat ni Aimee Cunningham sa magasing Science News.
Pero hindi madaling gayahin ang dragline silk, dahil ito ay nalilikha sa loob ng katawan ng gagamba at hindi pa lubos na nauunawaan kung paano nabubuo. “Nakapanliliit isipin na maraming napakatalinong tao ang nagsisikap gayahin ang mga bagay na kayang-kayang gawin ng mga gagamba sa silong ng bahay natin,” ang sabi ng biyologong si Cheryl Y. Hayashi na sinipi sa magasing Chemical & Engineering News.
Ano sa palagay mo? Basta na lamang ba umiral ang gagamba at ang sapot nitong sintibay ng bakal, o nilikha ang mga ito ng isang matalinong Maylalang?
[Larawan sa pahina 24]
Inilalabas na sapot ng gagamba kapag tiningnan sa mikroskopyo
[Credit Line]
Copyright Dennis Kunkel Microscopy, Inc.