Dagat na Pambihira—Pero Patay!
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ISRAEL
SA LAHAT ng dagat dito sa lupa, ito ang pinakamaalat, pinakamababa, pinakapatay at, para sa ilan, ang pinakamabuti sa kalusugan. Sa nagdaang mga siglo, tinagurian itong Mabahong Dagat, Dagat ng Diyablo, at Lawa ng Alkitran. Dagat Asin at dagat ng Araba naman ang tawag dito ng Bibliya. (Genesis 14:3; Josue 3:16) Ayon sa salaysay na pinaniniwalaan ng maraming iskolar, nasa ilalim ng dagat na ito ang mga guho ng Sodoma at Gomorra. Kaya kilala rin ito bilang Dagat ng Sodoma o Dagat ni Lot, isang tauhan sa Bibliya na binanggit sa sinaunang madulang pangyayari na naganap sa mga lunsod na iyon.—2 Pedro 2:6, 7.
Kapag narinig mo ang mga pangalan ng dagat na ito, hindi mo maiisip na isa itong lugar na magandang puntahan. Pero libu-libo ang dumadayo taun-taon sa pambihirang anyong-tubig na ito, na kilala ngayong Dagat na Patay o Dagat Asin. Bakit kaya napakaalat nito? Talaga bang patay ito, pero mabuti sa kalusugan?
Ang Pinakamababa at Pinakamaalat na Dagat
Ang Dagat na Patay ay nasa bandang hilaga ng fault line ng Great Rift Valley, na umaabot sa Silangang Aprika. Ang Ilog Jordan ay dumadaloy patimog hanggang sa pinakamababang dako ng lupa—mga 418 metro ang baba sa kapantayan ng dagat. Dito matatagpuan ang Dagat na Patay na nasa pagitan ng magkabilang pader ng guwang (rift)—ang mga burol ng Judea sa kanluran at ang kabundukan naman ng Moab sa Jordan sa silangan.
Pero bakit kaya napakaalat ng Dagat na Patay? Naaanod dito ang asin—pangunahin nang binubuo ng magnesyo, sodium, at calcium chloride—mula sa Ilog Jordan at sa iba pang maliliit na ilog, batis, at bukal. Mula sa Ilog Jordan pa lamang, tinatayang pagkarami-raming asin na tumitimbang nang 850,000 tonelada ang natatangay taun-taon. Dahil napakababa ng kinalalagyan ng dagat, wala nang iba pang mapupuntahang mas mababang lugar ang tubig nito; mababawasan lamang ang tubig sa pamamagitan ng ebaporasyon. Kapag tag-init, pitong milyong tonelada ng tubig sa loob ng isang araw ang sumisingaw mula sa lawa, na siyang dahilan kung bakit hindi tumataas ang tubig dito. Bagaman sumisingaw ang tubig, naiiwan ang asin at mineral. Kaya naman ito ang pinakamaalat na dagat sa lupa na binubuo ng mga 30 porsiyentong asin, ilang ulit na mas maalat kaysa sa mga karagatan.
Noon pa man, napapansin na ng mga tao ang kakaibang katangian ng Dagat na Patay. Nabalitaan ng Griegong pilosopo na si Aristotle na ang Dagat ay “napakapait at [napakaalat] anupat walang [nabubuhay na] isda roon.” Mas mataas ang densidad ng tubig dahil sa dami ng asin, kaya madaling lumutang dito kahit ang mga hindi marunong lumangoy. Binanggit ng Judiong istoryador na si Flavius Josephus na sinubukan ng Romanong heneral na si Vaspian kung totoo nga ito nang ihagis niya sa dagat ang kaniyang mga nabihag sa digmaan.
Baka nagtataka ka ngayon kung bakit mabuti sa kalusugan ang anyong-tubig na ito gayong patay naman ito.
Dagat na Pinakamabuti sa Kalusugan?
Ayon sa mga kuwento ng mga manlalakbay noong Edad Medya, walang nabubuhay na ibon, isda, o pananim sa dagat. Inaakala pa nga na nakamamatay ang mabahong singaw ng lawa. Ito ang dahilan kung bakit kumalat ang paniniwalang may mabahong dagat na patay. Totoo naman na dahil napakaalat nito, simpleng mga organismo lamang ang nabubuhay rito, gaya ng ilang matitibay na anyo ng baktirya, at kaagad namang namamatay ang kawawang mga isdang natatangay patungo rito.
Walang puwedeng mabuhay sa dagat, pero kabaligtaran naman ang masasabi tungkol sa rehiyong nakapaligid dito. Bagaman tigang ang kalakhan ng dakong ito, kapansin-pansin ang maliliit na oasis na may mga talon at tropikal na halaman. Kilala rin ang rehiyon dahil sa mga tirahan ng hayop-iláng. May 24 na uri ng mamalyang namumuhay malapit sa dagat, kasama na rito ang sand cat, Arabian wolf, at ang madalas makitang ibex. Sa tubig-tabang naman ng rehiyon nakatira ang maraming ampibyan, reptilya, at isda. Yamang ang Dagat na Patay ay pangunahing daanan sa pandarayuhan, mahigit 90 uri ng ibon ang makikita rito, tulad ng siguanang itim at siguanang puti. Nakatira rin dito ang griffon vulture at Egyptian vulture.
Pero bakit kaya ang Dagat na Patay ang anyong-tubig na pinakamabuti sa kalusugan? Sinasabing iniinom ng mga tao noong sinaunang panahon ang tubig mula rito sa pag-aakalang nakapagpapagaling ito—isang bagay na maliwanag na hindi inirerekomenda ngayon! Mas makatuwiran ang sinasabi ngayon na nakapagpapalinis ng katawan ang paliligo sa dagat. Kilalang-kilala rin na nakapagpapagaling ang buong rehiyon. Yamang mababa ang altitud nito, ang kapaligiran ay likas na mayaman sa oksiheno. Ang hangin na sagana sa bromide ay nakapagpaparelaks diumano, samantalang ang itim na putik na mayaman sa mineral at ang mainit na mga bukal ng asupre sa dalampasigan nito ay nakagagamot sa ilang sakit sa balat at artritis. Bukod dito, ang punungkahoy ng balsamo na dating tumutubo rito ay napakahalaga at ginagamit bilang kosmetik at panggamot.
Alkitran sa Dagat
Ang isa sa pinakapambihirang pangyayari sa Dagat na Patay ay ang paglalabas nito ng bitumen (alkitran), na nakikitang kimpal-kimpal na lumulutang paminsan-minsan.a Noong 1905, iniulat ng babasahing The Biblical World na may naanod sa dalampasigan noong 1834 na isang limpak ng bitumen na mga 2,700 kilo ang bigat. Inilarawan ang bitumen bilang “unang produkto ng petrolyo na ginamit ng tao.” (Saudi Aramco World, Nobyembre/Disyembre 1984) Naniniwala ang ilan noon na dahil sa mga lindol, may natitibag na mga tipak ng alkitran mula sa sahig ng Dagat na Patay at lumulutang sa tubig. Ganito ang mas malamang na nangyayari: Mula sa ilalim ng lupa, ang alkitran ay lumalabas sa pinakasahig ng dagat kasama ng mga batong umaahon, saka kumakapit sa mga batong-asin. Kapag natunaw ang mga batong-asin, lumulutang ang namuong alkitran.
Sa paglipas ng mga siglo, ginamit sa iba’t ibang paraan ang bitumen—pamahid sa mga bangka upang hindi tagusin ng tubig, sa konstruksiyon, at bilang panlaban pa nga sa insekto. Pinaniniwalaan na noong kalagitnaan ng ikaapat na siglo B.C.E., madalas gamitin ng mga Ehipsiyo ang bitumen para sa mga momya, bagaman pinagdududahan ito ng ilang eksperto. Nang panahong iyon, ang mga Nabateano, sinaunang mga taong pagala-gala na nanirahan sa rehiyon ng Dagat na Patay, ang may hawak ng kalakalan doon. Ang bitumen ay iniahon nila, hinati, at dinala sa Ehipto.
Talagang pambihira ang Dagat na Patay. Hindi kalabisang tawagin itong dagat na pinakamaalat, pinakamababa, pinakapatay, at marahil ang pinakamabuti sa kalusugan. Tiyak na isa ito sa pinakanaiibang dagat sa ating planeta!
[Talababa]
a Ang bitumen na mula sa petrolyo ay tinatawag ding alkitran. Pero sa maraming lugar, ang alkitran (na kilala rin bilang aspalto) ay tumutukoy sa bitumen na may halong buhangin o graba na karaniwang ginagamit sa pag-aaspalto ng kalsada. Sa artikulong ito, pinagsasalit ang bitumen at alkitran para tumukoy sa likas na anyo nito.
[Kahon/Larawan sa pahina 27]
HINDI NASIRA SA MAALAT NA TUBIG
Ayon sa ulat ng mga istoryador, ang Dagat na Patay ay abalang ruta ng kalakalan noon—isang paniniwala na pinatutunayan ng dalawang angklang gawa sa kahoy na natuklasan kamakailan lamang.
Natagpuan ang mga angklang ito sa kumikitid na dalampasigan ng Dagat na Patay, malapit sa dating kinaroroonan ng sinaunang daungan ng En-gedi. Ang isa rito ay pinaniniwalaang mga 2,500 taon na, kaya nga ito ang itinuturing na pinakamatandang angklang natuklasan kailanman sa rehiyon ng Dagat na Patay. At ang isa naman ay sinasabing 2,000 taon na at pinaniniwalaang ginawa gamit ang pinakamainam na teknolohiya ng Roma nang panahong iyon.
Madalas na nabubulok sa karaniwang tubig-dagat ang mga angklang gawa sa kahoy, at mas nagtatagal naman ang mga gawa sa metal. Ngunit dahil sa alat at kakulangan ng oksiheno sa Dagat na Patay, buo pa rin at hindi nabulok ang mga angklang ito pati na ang nakakabit na mga lubid dito.
[Larawan]
Angklang kahoy mula pa noong mga ika-7 at ika-5 siglo B.C.E.
[Credit Line]
Photograph © Israel Museum, Courtesy of Israel Antiquities Authority
[Larawan sa pahina 26]
Talon mula sa mainit na bukal
[Larawan sa pahina 26]
Barakong “ibex”
[Larawan sa pahina 26]
Nagbabasa ng pahayagan habang nakalutang