Ang mga Kabataan ay Nagtatanong
Paano Kung Hindi Mabuti ang Kalusugan Ko?
“ANG kaluwalhatian ng mga kabataan ay ang kanilang kalakasan,” ang sabi ng Kawikaan 20:29. (Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Kung ikaw ay may sakit o kapansanan, baka isipin mong hindi bagay ang tekstong ito sa iyo. Pero huwag kang mag-isip ng ganiyan. Ang totoo, napagtagumpayan ng maraming kabataang may kapansanan at nagtatagal na sakit ang mabibigat na problemang dulot ng kanilang kalagayan. Kinapanayam ng Gumising! ang apat na kabataang may ganitong kalagayan.
Si Hiroki, na taga-Hapon, ay ipinanganak na may cerebral palsy. “Hindi ko maideretso ang ulo ko, at hindi ko rin makontrol ang galaw ng kamay ko,” ang sabi niya. “Hindi ko kayang kumilos nang mag-isa.”
Si Natalie at ang kaniyang kapatid na lalaking si James, na kapuwa taga-Timog Aprika, ay ipinanganak na may di-karaniwang uri ng pagkabansot. May scoliosis din si Natalie, isang kapansanan sa gulugod. “Apat na beses na akong naoperahan sa gulugod,” ang sabi niya, “at dahil may problema ang gulugod ko, humina ang baga ko.”
Si Timothy, na taga-Britanya, ay nasuring may chronic fatigue syndrome sa edad na 17. Ikinuwento niya: “Dati, malusog at masigla ako. Pero sa loob ng wala pang dalawang buwan, nanghina ako nang husto at hindi na ako makatayo.”
Si Danielle, na taga-Australia, ay nasuring may diyabetis sa edad na 19. “Dahil hindi halata ng iba ang sintomas ng diyabetis,” ang sabi niya, “hindi nila alam kung gaano ito kaseryoso. Pero ang totoo, puwede ko itong ikamatay.”
Kung ikaw ay may sakit o kapansanan, walang-alinlangang mapapatibay ka sa mga komento nina Hiroki, Natalie, Timothy, at Danielle. Kung malusog ka naman, matutulungan ka ng kanilang mga komento para maging mas maunawain sa mga katulad nila.
Gumising!: Ano ang pinakamabigat na hamong napaharap sa iyo dahil sa iyong kalagayan?
Natalie, 20 Timog Aprika
Natalie: Para sa akin, nahihirapan akong tanggapin ang reaksiyon ng mga tao tuwing makikita nila ako. Naaasiwa ako. Pakiramdam ko’y lagi na lang akong pinagtitinginan.
Danielle: Dahil may diyabetis ako, ang pinakamabigat na hamon para sa akin ay ang alamin kung ano at gaano karami ang dapat kong kainin, at anong mga pagkain ang dapat kong limitahan. Kung hindi balanse ang pagkain ko, maaaring bumaba nang husto ang asukal sa aking dugo, at maaari akong ma-comatose.
Hiroki: Mayroon akong pasadyang silyang de-gulong, at sa buong maghapon, mga 15 oras na iisa ang posisyon ko habang nakaupo roon. Mababaw rin ang tulog ko. Kaunting kaluskos lang, nagigising agad ako.
Timothy: Noong una, hindi ko matanggap na may sakit ako. Nahihiya ako sa kondisyon ko.
Gumising!: Ano pang ibang mga problema ang napapaharap sa iyo?
Danielle, 24 Australia
Danielle: Madali akong mapagod dahil may diyabetis ako. Kailangan kong matulog nang mas mahaba kaysa sa mga kaedad ko. Hindi lamang iyan, ang diyabetis ay isang sakit na nagtatagal at walang lunas.
Natalie: Siyempre, ang pagiging maliit ko ang problema. Nahihirapan akong gawin ang ordinaryong mga bagay tulad ng pag-abot sa mga paninda sa istante. Kaya hirap akong mamilíng mag-isa.
Timothy: Laging makirot ang katawan ko, at pasumpung-sumpong ang depresyon ko. Samantalang dati, napakasigla ko. May trabaho ako at lisensiya sa pagmamaneho. Nakapaglalaro pa nga ako ng football at squash. Ngayon, nakatali na lamang ako sa aking silyang de-gulong.
Hiroki: May diperensiya ako sa pagsasalita kaya takot akong makipag-usap sa iba. Dahil hindi ko makontrol ang galaw ng aking kamay, minsan ay natatamaan ko ang iba nang hindi sinasadya. Kapag nangyari iyon, hindi ko man lang masabing, “Sori.”
Gumising!: Ano ang nakatulong sa iyo para maharap mo ang iyong situwasyon?
Danielle: Sinisikap kong ituon ang aking isip sa positibong mga bagay. Nandiyan ang suporta ng aking mapagmahal na pamilya, mga kaibigan, at higit sa lahat, ang suporta ng Diyos na Jehova. Sinisikap ko ring makakuha ng pinakabagong impormasyon tungkol sa diyabetis. Inaalagaan kong mabuti ang sarili ko.
Natalie: Pinalalakas ako ng panalangin. Hinay-hinay lamang ako sa pagharap sa mga problema. Ginagawa kong abala ang aking sarili para hindi ako makapag-isip nang negatibo. At nariyan din ang napakabait kong mga magulang na mapaghihingahan ko ng aking niloloob.
Timothy, 20 Britanya
Timothy: Kahit ilang minuto lamang araw-araw, gumagawa ako ng espirituwal na mga bagay. Halimbawa, binabasa ko ang pang-araw-araw na teksto pagkagising ko sa umaga. Napakahalaga sa akin ng personal na pag-aaral ng Bibliya at panalangin, lalo na kapag lumung-lumo ako.
Hiroki: Hindi ko na lamang iniintindi ang mga bagay na hindi ko kayang gawin. Pag-aaksaya lamang iyon ng panahon. Sa halip, ginagawa ko ang lahat para patibayin ang kaugnayan ko sa Diyos, at hindi ko ginagawang dahilan ang kondisyon ko para hindi makapag-aral ng Bibliya. Kapag hindi ako makatulog, nananalangin ako.—Tingnan ang Roma 12:12.
Gumising!: Paano ka napapatibay ng iba?
Hiroki, 23 Hapon
Hiroki: Laging pinahahalagahan ng mga elder ang mga ginagawa ko, gaano man ito kaliit. Isinasama rin ako ng mga kapatid sa kongregasyon sa kanilang mga pagdalaw-muli at pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya.—Tingnan ang Roma 12:10.
Danielle: Ang pinakanakaaantig sa akin ay kapag binibigyan ako ng taimtim na komendasyon ng mga kapatid sa kongregasyon. Dahil doon, nararamdaman ko na pinahahalagahan ako, at napapatibay nila ako.
Timothy: Isang may-edad nang sister ang laging nagsisikap na makausap ako sa mga pulong. Pinatitibay-loob ako at binibigyan ng praktikal na mga payo ng mga elder at ng kani-kanilang asawa. Isang 84-anyos na elder ang tumutulong sa akin na magtakda ng makatuwirang mga tunguhin. Isang ministeryal na lingkod ang nag-anyaya sa akin na sumama sa kaniya sa pangangaral, at ang pinili niyang lugar ay patag at puwedeng daanan ng aking silyang de-gulong.—Tingnan ang Awit 55:22.
Natalie: Pagpasok na pagpasok ko pa lamang sa Kingdom Hall, nakangiti na sa akin ang mga kapatid. Lagi akong pinatitibay-loob ng mga may-edad na, kahit na may sarili silang mga problema.—Tingnan ang 2 Corinto 4:16, 17.
Gumising!: Ano ang nakatutulong sa iyo upang maging positibo?
Hiroki: Bilang isang Saksi ni Jehova, kabilang ako sa isang organisasyong may magandang kinabukasan. Iyan ang tumutulong sa akin na maging positibo.—Tingnan ang 2 Cronica 15:7.
Danielle: Itinuturing kong isang pribilehiyo na malaman ang layunin ng Diyos. May mga taong malusog nga pero hindi sila katulad ko na masaya.—Tingnan ang Kawikaan 15:15.
Natalie: Para sa akin, mahalagang makisama ako sa mga taong masayahin. Nakapagpapatibay ring basahin ang mga karanasan ng mga patuloy na naglilingkod kay Jehova sa kabila ng pagsubok. At kapag dumadalo ako sa Kingdom Hall, alam ko na lagi akong mapapatibay at mapaaalalahanan kung gaano kalaking pribilehiyo ang maging Saksi ni Jehova.—Tingnan ang Hebreo 10:24, 25.
Timothy: Ayon sa 1 Corinto 10:13, hindi hahayaan ni Jehova na danasin natin ang isang bagay na hindi natin kayang batahin. Sinasabi ko sa aking sarili na kung ang aking Maylalang ay nagtitiwalang mapagtatagumpayan ko ang pagsubok na ito, sino ako para mag-alinlangan?
PAG-ISIPAN
Parehong nakasilyang de-gulong sina Hiroki at Timothy. Kung ganito rin ang situwasyon mo, paano makatutulong sa iyo ang mga komento nila para maging positibo ka?
Sinabi ni Danielle na “dahil hindi halata ng iba ang sintomas ng diyabetis, hindi nila alam kung gaano ito kaseryoso.” Mayroon ka rin bang ganitong uri ng sakit? Kung oo, ano ang matututuhan mo sa mga sinabi ni Danielle?
Binanggit ni Natalie na ang isa sa pinakamabigat na hamon sa kaniya ay ang reaksiyon ng mga taong nakakakita sa kaniya. Ano ang gagawin mo para hindi maasiwa ang isang gaya ni Natalie? Kung dahil sa iyong sakit o kapansanan ay pareho ang nadarama ninyo ni Natalie, paano mo matutularan ang kaniyang pagiging positibo?
Isulat sa ibaba ang pangalan ng mga indibiduwal na alam mong may kapansanan o nagtatagal na sakit.
Paano mo sila mapapatibay?