Mula sa Aming mga Mambabasa
Arka ni Noe at Arkitekturang Pambarko (Enero 2007) Alam kong kahanga-hanga ang pagkakagawa sa arka, pero ang hindi ko alam ay kung gaano ito katibay. Naipaliwanag ng artikulo sa simpleng paraan kung bakit tamang-tama ang haba, lapad, at taas ng arka para maging ligtas ito sa paglalayag sa dagat. Gamit ang dayagram sa artikulo, gumawa ako ng modelo ng arka kasama ng ibang kabataan sa aming kongregasyon. Gumawa kami ng mga hayop na yari sa tiniklop na papel at inilagay ang mga iyon sa loob ng arka. Nagdrowing din kami ng larawan ni Noe at ng kaniyang pamilya. Lalo naming naintindihan ang pangyayaring ito sa Bibliya nang gawin namin ang proyektong ito. Maraming salamat.
T. A., Hapon
Mahilig gumawa ng modelo ng mga bagay-bagay ang aking anim-na-taóng-gulang na anak. Tuwang-tuwa kaming mag-ama na sa dulo ng artikulong ito ng Gumising! ay may instruksiyon kung paano gumawa ng modelo ng arka ni Noe. Ang saya-saya namin nang hapong iyon dahil sa inyong napakagandang artikulo! Sa abalang daigdig ngayon at sa tindi ng panggigipit na napapaharap sa mga kabataan sa paaralan linggu-linggo, malaking tulong sa amin na mga magulang ang magasing gaya ng Gumising! para mapalaki namin ang aming mga anak sa daan ni Jehova.
M. F., Estados Unidos
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Maaalis ang Bisyong Ito? (Nobyembre 2006) Naantig ako nang mabasa ko ang artikulong ito. Nadama kong talagang nagmamalasakit si Jehova at tumutulong siya sa atin na malutas ang ating mga problema. Maulit man natin ang ating maling nagawa, “handang magpatawad” si Jehova. (Awit 86:5) Ang pagkaalam sa bagay na ito ay tumutulong sa gaya naming mga kabataan na ‘tumakas mula sa mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan.’—2 Timoteo 2:22.
V. F. F., Brazil
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit ba Napakaraming Bawal? (Disyembre 2006) Anim na taon na ako ngayong nag-aaral ng Bibliya. Napakaistrikto ng aming mga magulang, pero alam kong kapakanan naming magkakapatid ang iniisip nila. Ang artikulong ito ay tumulong sa akin na maunawaan kung bakit nag-aalala para sa amin ang aming mga magulang. Tumulong din ito sa akin na pahalagahan ang pagmamalasakit sa akin ni Jehova.
K. T., Thailand
Alibughang Anak Ako (Disyembre 2006) May alam na ako tungkol kay Jehova mula pa noong 1992. Pero dumating ako sa punto na para bang gusto ko nang iwan si Jehova. Gaya ni Meros Sunday, maraming malungkot at masayang sandali sa buhay ko. Pagkaraan ng tatlong-taóng paglayo kay Jehova, humingi ako ng tulong sa kaniya. Ngayon, naglilingkod na akong muli kay Jehova! Salamat sa inyong artikulo.
D. K., Ukraine
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Kailan Ako Puwede Nang Makipag-date? (Enero 2007) Ako po ay 15 taóng gulang. Nang dalawin ko ang aking tiyo at tiya, nakilala ko ang isang 17-anyos na binatang Saksi. Nagsimula kaming mag-usap sa Internet. Madalang lamang noong una. Pero di-nagtagal, araw-araw na kaming nag-uusap at nahulog ang loob namin sa isa’t isa. Nang mabasa ko ang artikulong ito, natanto kong nagde-date na pala kami. Sa tulong ng aking mga magulang at ng artikulong ito ng Gumising!, ginawa ko kung ano ang tama—pinutol ko ang aming ugnayan. Magkaibigan pa rin kami, pero mas mahalaga sa akin ang aking kaugnayan kay Jehova. Buti na lamang at natauhan ako dahil sa artikulong ito.
D. D., Canada