Isang Matatag na Kinabukasan sa Ilalim ng Pamamahala ng Diyos
DI-MAGTATAGAL, ang ating mga pangamba hinggil sa kinabukasan ay mawawala na. Ang Diyos na ang mamamahala sa lupa sa pamamagitan ng pagtatatag ng kaniya mismong pamahalaan, na tinatawag na Kaharian ng Diyos. Nasa isip ni Jesu-Kristo ang magandang pag-asang iyan nang ituro niya sa kaniyang mga tagasunod na ipanalangin: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”—Mateo 6:9, 10.
Ang Kaharian ng Diyos ay hindi kailanman makikipagtulungan sa mga pulitikal na lider ng tao ni gagamitin man sila para tuparin ang layunin nito. Sa halip, aalisin ng kahariang ito ang bawat bakas ng pamamahala ng tao na hiwalay sa Diyos, gaya ng ipinahihiwatig ng sumusunod na hula ni Daniel hinggil sa “mga huling araw,” ang panahong kinabubuhayan natin ngayon. (2 Timoteo 3:1) “Sa mga araw ng mga haring iyon ay magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. . . . Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito [na gawa ng tao], at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.” (Daniel 2:44) Hindi ito mabuting balita para sa mga nagtataguyod ng pamamahala ng tao, pero para sa lahat ng naghahangad ng pamamahala ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian, isa itong magandang pag-asa.
Isang Napakagandang Kinabukasan!
Kapag namahala na ang Kaharian ng Diyos sa buong lupa, ang mga sakop nito ay hindi magkakabaha-bahagi dahil sa pulitika, lahi, relihiyon, o mga hangganan sa mapa. Sa halip, sila ang bubuo sa isang pangglobong kapatiran na pinagkakaisa ng katotohanan hinggil sa Diyos at ng tunay na pag-ibig. (Juan 13:34, 35; 17:3, 17) Oo, sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian, “sisibol ang matuwid,” at magkakaroon ng “kasaganaan ng kapayapaan hanggang sa mawala na ang buwan.”—Awit 72:7.
Bukod dito, tutulungan ng Kaharian ng Diyos ang masunuring mga tao na maging sakdal sa isip at katawan, anupat papawiin niya ang lahat ng sakit, pagdurusa, at kamatayan. (Apocalipsis 21:3, 4) Ano ang magiging resulta nito? Ang ating buong planeta ay magiging isang ganap na paraiso. Sa gayon, matutupad ang orihinal na layunin ng Diyos na sinabi niya sa Eden.a—Genesis 1:28.
Ang Tanging Mabuting Balita na Mapananaligan
Nang sabihin ni Jesus ang mga pangyayaring bumubuo sa tanda ng “katapusan ng sistema ng mga bagay,” binanggit din ni Jesus ang isang kapansin-pansing punto. (Mateo 24:3-7) Sinabi niya: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Mateo 24:14.
Kaayon ng kalooban ng Diyos, noong 2007, malugod na ipinangaral ng halos pitong milyong Saksi ni Jehova ang mensahe hinggil sa Kaharian sa kanilang kapuwa sa 236 na lupain. Sa katunayan, sa taóng iyon, gumugol sila ng mahigit 1.4 bilyong oras sa gawaing ito nang walang bayad. Bakit ba kumbinsdung-kumbinsido ang mga Saksi sa mga pangakong mababasa sa Bibliya? Simple lamang ang sagot. Gaya ng ipaliliwanag ng susunod na artikulo, palaging tinutupad ng Diyos ang kaniyang sinasabi.—Roma 3:4.
[Talababa]
a Tingnan ang artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Magiging Paraiso ba ang Lupa?” sa pahina 10.
[Blurb sa pahina 7]
Sinasabi ng Bibliya na magkakaroon ng “kasaganaan ng kapayapaan”