Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 5/08 p. 24-25
  • Isang Napakagandang Gulpo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Napakagandang Gulpo
  • Gumising!—2008
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Sahig ng Karagatan—Isiniwalat ang mga Lihim Nito
    Gumising!—2000
  • Aqaba, Gulpo ng
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Ang Kawili-wiling Daigdig ng mga Bulati
    Gumising!—2003
  • Isang Kawili-wiling Panonood sa mga Abuhing Balyena
    Gumising!—2003
Iba Pa
Gumising!—2008
g 5/08 p. 24-25

Isang Napakagandang Gulpo

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA MEXICO

MATATAGPUAN sa pagitan ng lupain ng Mexico at ng peninsula ng Baja California ang mangasul-ngasul na Gulpo ng California (ipinakikita sa ibaba), na kilala noon sa tawag na Dagat ng Cortés. Ang malaking bahagi ng rehiyong ito ay binubuo ng mga baybaying disyerto at matatarik na isla na ginawang World Heritage Site ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization. Bakit napakaespesyal ng lugar na ito?

Ang Gulpo ng California ay may haba na mahigit 1,000 kilometro at may lapad na mga 153 kilometro. Napakaganda at punung-puno ng buháy na mga nilalang ang gulpong ito, pati na ang mga lugar na nakapaligid dito. Sa gulpo ring ito nangyayari ang isa sa pinakamalaking pagtaas at pagbaba ng tubig sa planeta, anupat ang taas ng tubig ay umaabot nang siyam na metro sa dulong hilaga ng gulpo. Palibhasa’y laging naaarawan at sagana sa nutriyente ang tubig dito, nabubuhay rito ang maraming plankton, at sari-saring halaman at hayop. Ang magagandang katangiang ito at ang malinaw na tubig sa kalakhang bahagi ng rehiyon ang dahilan kung bakit naudyukan ang manggagalugad sa karagatan na si Jacques-Yves Cousteau na tawagin ang gulpong ito na “akwaryum ng daigdig.”

Matatagpuan sa gulpo ang mahigit 890 uri ng isda. Dito lamang makikita ang humigit-kumulang 90 sa mga ito. Kaya naman tamang-tama ang lugar na ito para sa pag-aaral hinggil sa mga nilalang sa dagat. Gayunman, nakalulungkot na marami sa mga nilalang na ito ang paunti na nang paunti, kasama na rito ang mailap na porpoise (kamag-anak ng balyena) na tinatawag na vaquita, ang salitang Kastila para sa “maliit na baka.”

Ang vaquita ang pinakamaliit sa pamilya ng mga porpoise, na umaabot lamang nang halos 150 sentimetro ang haba. Iba-iba ang kulay ng balat nito, mula medyo abuhin hanggang sa mapusyaw na kayumanggi, at ito ay may itim na mga patsé sa palibot ng mga mata nito. Makikita ito sa mababaw at malabong katubigan, malapit sa dako kung saan nagtatagpo ang gulpo at ang Ilog Colorado. Dahil mailap ang hayop na ito, bihira itong makita at limitado lamang ang nalalaman hinggil dito. Sa katunayan, natuklasan lamang ang hayop na ito noong 1958 nang matagpuan sa baybayin ng Baja California ang tatlong bungo ng vaquita.

Ang vaquita ay nasa talaan ng lubhang nanganganib-malipol na hayop yamang iilang daan na lamang ang natitira sa mga ito. Magkagayunman, marami pa ring vaquita ang namamatay taun-taon dahil nasasalabid ang mga ito sa mga lambat ng mga mangingisda. Upang matiyak na hindi mauubos ang di-pangkaraniwang mga hayop na ito, gumawa ang Mexico ng isang protektadong lugar. Bahagi ng lugar na ito ang ilang dakong pinaninirahan ng mga vaquita. Ang iba pang mga hayop na nakatira at nandarayuhan dito ay ang mga balyena, malalaking manta ray, pawikan, sea lion, at mga isdang gaya ng marlin, sailfish, at mga kawan ng tuna.

Sa malalalim na bahagi ng gulpo sa bandang timog, natagpuan ng mga siyentipiko ang di-pangkaraniwang mga nilalang. Iilang tao pa lamang ang nakakita sa mga organismong ito dahil nakatira ang mga ito sa kalaliman ng Guaymas, na mga 2,000 metro ang lalim. Matatagpuan dito ang mga bitak ng sahig ng dagat kung saan lumalabas ang mainit na tubig. Nakatutulong ito para manatiling buháy ang mga organismong naninirahan dito na kumukuha ng enerhiya, hindi sa araw, kundi sa hydrogen sulfide. Isa sa mga nilalang na ito ang tube worm, isang uri ng bulati na walang bibig at walang bituka na nabubuhay nang magkakasama. Para silang mga patpat na nakatusok sa sahig ng dagat, na sumasayaw-sayaw sa malamig at mainit na tubig. May mga baktirya sa loob ng katawan ng mga bulating ito na tumutulong din sa kanila para mabuhay. Ang mapulang bahagi ng katawan ng bulating ito ay ang hasang nito.

Bagaman nanganganib ang sari-saring nilalang sa gulpo, may magandang kinabukasan pa rin ang mga ito. Bakit natin masasabi ito? Sapagkat nagmamalasakit ang Maylalang. Sa katunayan, dahil gayon na lamang ang pagmamalasakit niya sa buong lupa, malapit na siyang kumilos upang maprotektahan ito at hindi na ito mapinsala pa. Ibabalik niya ang lupa sa dati nitong kalagayan ayon sa orihinal niyang layunin. (Genesis 1:26-28; Apocalipsis 11:18) Tiyak na sa panahong iyon, hindi sapat ang salitang “napakaganda” upang ilarawan ang kagandahan ng Gulpo ng California.

[Larawan sa pahina 25]

“Fin whale”

[Larawan sa pahina 25]

Mga “tube worm”

[Picture Credit Lines sa pahina 24]

Larawan mula sa satellite: NASA/The Visible Earth (http://visibleearth.nasa.gov/); bahura: © Dirscherl Reinhard/age fotostock

[Picture Credit Lines sa pahina 25]

Dalampasigan: Mexico Tourism Board; balyena: © Mark Jones/age fotostock; mga tube worm: © Woods Hole Oceanographic Institution

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share