Ang mga Kabataan ay Nagtatanong
Paano Ko Gagawing Kasiya-siya ang Pagsamba sa Diyos?
Nakahilata sa kaniyang kama ang 16-anyos na si Josh. Nakatayo ang kaniyang ina sa may pintuan ng kuwarto. “Joshua, bumangon ka na!” ang mariing sabi nito. “Alam mo namang pulong ngayong gabi!” Ang nanay ni Josh ay isa sa mga Saksi ni Jehova, at regular na bahagi ng kanilang pagsamba bilang pamilya ang pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Pero nitong huli, tinatamad nang dumalo si Josh.
“Nanay naman, kailangan ko po ba talagang dumalo?” ang angal niya.
“Tumigil ka na sa karereklamo at magbihis ka na,” ang sagot ng ina. “Ayokong mahulí na naman tayo sa pulong!” ang sabi pa ng ina, sabay talikod at naglakad papalayo.
“Pero Inay,” ang pahabol ni Josh habang di pa nakakalayo ang ina. “Hindi dahil iyan ang relihiyon ninyo, ibig sabihin iyan na rin po ang relihiyon ko.” Alam niyang narinig siya ng kaniyang ina, dahil huminto ang mga yabag nito. Pero hindi na siya sinagot ng kaniyang ina at nagpatuloy na ito sa paglalakad.
Medyo nakonsiyensiya si Josh. Ayaw naman talaga niyang saktan ang kaniyang ina. Pero hindi rin niya pinagsisisihan ang sinabi niya. Wala na siyang magawa kundi . . .
Napabuntung-hininga na lang si Josh, bumangon sa kaniyang kama at nagbihis na. Saka bumulung-bulong sa kaniyang sarili, “Balang-araw, ako na ang magdedesisyon para sa sarili ko. Hindi ako katulad ng iba sa Kingdom Hall. Hindi talaga ako bagay maging Kristiyano!”
NARAMDAMAN mo na rin ba ang tulad ng nadama ni Josh sa tagpong ito? May mga pagkakataon bang samantalang nasisiyahan ang iba sa mga Kristiyanong gawain, ikaw naman ay napipilitan lang? Halimbawa:
◼ Para sa iyo, ang pag-aaral ba ng Bibliya ay parang paggawa lamang ng mga takdang-aralin sa eskuwela?
◼ Naaasiwa ka bang sumama sa pangangaral sa bahay-bahay?
◼ Madalas ka bang naiinip sa mga Kristiyanong pagpupulong?
Kung oo ang sagot mo sa mga tanong na tulad nito, huwag kang masisiraan ng loob. Kailangan mo lang gumawa ng kaunting mga pagbabago, at masisiyahan ka na sa paglilingkod sa Diyos. Tingnan natin kung paano mo ito magagawa.
Unang Hamon: Pag-aaral ng Bibliya
Kung bakit hindi ito madali. Baka iniisip mong hindi ka lang talaga “palaaral.” Tila mainipin ka—nahihirapan kang umupo nang matagal at magtuon ng pansin! Isa pa, hindi ba’t napakarami mo nang dapat pag-aralan sa eskuwela?
Kung bakit dapat mo itong gawin. Pinatnubayan ng Diyos ang pagsulat ng Bibliya. Bukod diyan, ito rin ay “magagamit sa pagtuturo ng katotohanan, . . . sa pagtutuwid sa likong gawain, at sa pag-akay sa matuwid na pamumuhay.” (2 Timoteo 3:16, Magandang Balita Biblia) Sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya at pagbubulay-bulay sa mga nabasa mo, magkakaroon ka ng higit na kaunawaan. Ang totoo, kung walang tiyaga, walang nilaga. Kung gusto mong maging mahusay sa isang isport, kailangan mong matutuhan kung paano ito nilalaro at dapat kang magpraktis. Kung gusto mong maging malusog, kailangan mong mag-ehersisyo. Kung gusto mong makilala ang iyong Maylalang, kailangan mong mag-aral ng Salita ng Diyos.
Kung ano ang sinasabi ng ibang kabataan. “Kinailangan kong gumawa ng mabibigat na pasiya noong maghaiskul ako. Kung anu-anong kalokohan ang ginagawa ng mga kaeskuwela ko, kaya kailangan kong magpasiya: ‘Iyan din ba ang gusto kong gawin? Ang katotohanan ba talaga ang itinuturo sa akin ng mga magulang ko?’ Kailangan kong mapatunayan sa sarili ko.”—Tshedza.
“Noon pa ma’y alam ko nang katotohanan ang mga natutuhan ko. Pero kailangan kong mapatunayan ito sa sarili ko. Nais kong sumamba sa Diyos dahil gusto ko—at hindi dahil gusto ng pamilya ko.”—Nelisa.
Kung ano ang puwede mong gawin. Gumawa ka ng sarili mong plano sa pag-aaral ayon sa iyong mga hilig at pangangailangan. Makakapili ka ng mga paksang gusto mong pag-aralan. Ano kaya ang uunahin mo? Bakit hindi mo subukang pag-aralang mabuti ang iyong Bibliya at suriin ang iyong mga paniniwala, marahil sa tulong ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?a
Kung paano mo ito gagawin. Bilang pasimula, lagyan ng tsek ang dalawa o tatlong paksa sa Bibliya na makikita sa ibaba na gusto mo pang matutuhan—o, kung gusto mo, maaari mong isulat ang ilan sa mga paksang naiisip mo.
□ Mayroon bang Diyos?
□ Paano ako makatitiyak na pinatnubayan ng Diyos ang mga sumulat ng Bibliya?
□ Bakit dapat akong maniwala sa paglalang sa halip na sa ebolusyon?
□ Ano ang Kaharian ng Diyos, at paano ko mapatutunayan na umiiral ito?
□ Paano ko ipaliliwanag ang aking paniniwala kung ano nangyayari kapag namatay ang isang tao?
□ Bakit dapat akong maniwalang magkakaroon ng pagkabuhay-muli?
□ Paano ko matitiyak kung alin ang tunay na relihiyon?
□ ․․․․․
Ikalawang Hamon: Pakikibahagi sa Pangangaral
Kung bakit hindi ito madali. Maaaring nakakakaba ang makipag-usap sa iba tungkol sa Bibliya—lalo na kung makikita ka ng isang kaeskuwela.
Kung bakit dapat mo itong gawin. Inutusan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod: “Gumawa ng mga alagad . . . , na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Pero mayroon pang ibang dahilan kung bakit dapat mo itong gawin. Ipinakikita ng mga pag-aaral na sa ilang lupain, karamihan ng mga kabataan ay naniniwala sa Diyos at sa Bibliya. Pero hindi sila umaasang magiging maganda ang kinabukasan. Sa pamamagitan ng iyong pag-aaral ng Bibliya, taglay mo ang mismong impormasyon na hinahanap at kailangan ng karamihan sa mga kabataang tulad mo!
Kung ano ang sinasabi ng ibang kabataan. “Naghanda kami ng kaibigan ko ng mabibisang introduksiyon, at pinag-aralan namin kung paano haharapin ang mga pagtutol at kung paano gumawa ng mga pagdalaw-muli. Nang lalo akong nagsikap sa gawaing pangangaral, lalo itong naging kasiya-siya.”—Nelisa.
“Nakatulong nang malaki sa akin ang isang Kristiyanong kapatid na babae! Anim na taon ang tanda niya sa akin. Isinasama niya ako sa pangangaral, at kung minsan nag-aalmusal pa kami sa labas. Ipinakita niya sa akin ang nakapagpapatibay na mga teksto sa Bibliya na nakatulong para mabago ang aking pananaw. Dahil sa kaniyang magandang halimbawa, mas interesado na ako ngayong tumulong sa mga tao. Napakalaki ng utang na loob ko sa kaniya!”—Shontay.
Kung ano ang puwede mong gawin. Pagkatapos magpaalam sa iyong mga magulang, humanap ng isang kapatid sa kongregasyon na mas matanda sa iyo at puwede mong makasama sa pangangaral. (Gawa 16:1-3) Sinasabi ng Bibliya: “Sa pamamagitan ng bakal, ang bakal ay napatatalas. Gayundin pinatatalas ng isang tao ang mukha ng iba.” (Kawikaan 27:17) Makikinabang ka nang malaki sa pagsama sa mga mas matanda sa iyo na may malawak na karanasan. “Ang totoo, mas masarap kasama ang mga mas matanda sa iyo,” ang sabi ng 19-anyos na si Alexis.
Kung paano mo ito gagawin. Isulat mo sa ibaba ang pangalan ng isang kapatid sa inyong kongregasyon, bukod sa iyong mga magulang, na makatutulong sa iyo sa gawaing pangangaral.
․․․․․
Ikatlong Hamon: Pagdalo sa mga Kristiyanong Pagpupulong
Kung bakit hindi ito madali. Palibhasa’y maghapon ka nang nakaupo sa eskuwela, parang pabigat na sa iyo ang makinig pa nang karagdagang isa o dalawang oras sa mga salig-Bibliyang pahayag.
Kung bakit dapat mo itong gawin. Ang Bibliya ay nagpapayo sa mga Kristiyano: “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon, gaya ng kinaugalian ng iba, kundi nagpapatibayang-loob sa isa’t isa, at lalung-lalo na samantalang inyong nakikita na papalapit na ang araw.”—Hebreo 10:24, 25.
Kung ano ang sinasabi ng ibang kabataan. “Kailangan mo talagang maghanda para sa mga pulong ng kongregasyon. Kung minsan, kailangan mo lang kumbinsihin ang iyong sarili na mag-aral. Kapag nakapaghanda ka, masisiyahan ka sa pulong dahil alam mo kung ano ang tinatalakay, at makakapagkomento ka pa.”—Elda.
“Napansin kong kapag nakakapagkomento ako, mas nagiging kawili-wili sa akin ang mga pulong.”—Jessica.
Kung ano ang puwede mong gawin. Maglaan ng panahon para makapaghanda nang patiuna, at kung posible, magkomento ka. Makatutulong ito sa iyo para mas madama mong bahagi ka ng pagpupulong.
Bilang paglalarawan: Alin ang mas kasiya-siya—ang manood ng isang isport sa telebisyon o ang maglaro mismo nito? Talagang mas kasiya-siya kung kasali ka sa isang aktibidad sa halip na maging tagapanood lamang nito. Ganiyan din sana ang maging pananaw mo sa mga Kristiyanong pagpupulong.
Kung paano mo ito gagawin. Isulat mo sa ibaba kung kailan ka puwedeng gumugol ng kahit 30 minuto bawat linggo para maghanda sa isang pulong ng kongregasyon.
․․․․․
Nararanasan ng maraming kabataan ang pagiging totoo ng Awit 34:8, na nagsasabi: “Tikman ninyo at tingnan na si Jehova ay mabuti.” Masisiyahan ka ba kung ikukuwento lamang sa iyo ang tungkol sa isang katakam-takam na pagkain? Hindi ba’t mas kasiya-siya kung matitikman mo mismo ito? Ganiyan din pagdating sa pagsamba sa Diyos. Tikman at tingnan mo mismo kung gaano kasiya-siya na makibahagi sa pagsamba sa Diyos. Sinasabi ng Bibliya na ang isa na hindi lang basta tagapakinig kundi tagatupad din ng gawain ay “magiging maligaya sa paggawa niya nito.”—Santiago 1:25.
Makikita mo ang marami pang artikulo mula sa serye ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong” sa Web site na www.watchtower.org/ype
[Talababa]
a Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
PAG-ISIPAN
◼ Bakit tila nakababagot sa isang tin-edyer ang makibahagi sa pagsamba sa Diyos?
◼ Alin sa tatlong aspekto ng pagsamba na tinalakay sa artikulong ito ang gusto mong pasulungin, at paano mo ito gagawin?
[Larawan sa pahina 20, 21]
Kung gusto mong maging malusog, kailangan mong mag-ehersisyo. Kung gusto mong makilala ang iyong Maylalang, kailangan mong mag-aral ng Salita ng Diyos