Dinamikong mga Pananggalang ng Lupa
ANG kalawakan ay isang mapanganib na lugar na punô ng nakamamatay na mga radyasyon at meteoroid. Sa kalawakang ito dumaraan ang ating asul na planeta na waring sumusuong sa gitna ng barilan, gayunma’y hindi napupuruhan. Bakit? Dahil ang lupa ay protektado ng kamangha-manghang pananggalang—malakas na magnetic field at atmospera na sadyang dinisenyo para sumustine sa buhay.
Ang magnetic field ng lupa ay nagmumula sa pinakaloob ng planeta at umaabot hanggang sa kalawakan, kung saan lumilikha ito ng di-nakikitang pananggalang na tinatawag na magnetosphere (ipinakikita sa kanan). Pinoproteksiyunan tayo ng pananggalang na ito mula sa direktang tama ng radyasyon galing sa kalawakan at sa iba pang mapanganib na mga elemento mula sa araw. Kasama sa mga elementong ito ang solar wind, na tumutukoy sa tuluy-tuloy na daloy ng partikula na punô ng enerhiya; solar flare, na sa ilang minuto lamang ay nakapaglalabas ng enerhiyang sinlakas ng bilyun-bilyong bombang hidroheno; at coronal mass ejection (CME), na nagbubuga ng bilyun-bilyong tonelada ng materya mula sa corona ng araw patungo sa kalawakan. Ang mga solar flare at CME ay parehong lumilikha ng matitingkad na aurora (ipinakikita sa gawing kanan sa ibaba), makukulay na liwanag na makikita sa itaas na bahagi ng atmospera malapit sa magnetikong mga polo ng lupa.
Ang atmospera ng lupa ay nagbibigay ng karagdagang proteksiyon. Ang panlabas na suson ng atmospera, ang stratosphere, ay may isang uri ng oksiheno na tinatawag na ozone, na humaharang sa 99 na porsiyento ng radyasyong ultraviolet (UV). Kaya ang maraming anyo ng buhay, kasali na ang mga tao at plankton, ay ipinagsasanggalang ng ozone layer mula sa mapanganib na mga radyasyon. Kapansin-pansin, pabagu-bago ang dami ng ozone sa stratosphere depende sa tindi ng radyasyong UV, kaya ang ozone layer ay isang dinamiko at mabisang pananggalang.
Ang atmospera ay nagsasanggalang din sa atin mula sa araw-araw na pagbulusok ng milyun-milyong meteoroid, ang ilan ay pagkaliliit at ang iba naman ay pagkalalaki. Mabuti na lamang, ang karamihan sa mga ito ay nasusunog na sa atmospera, at nagiging matingkad na mga kislap ng liwanag na tinatawag na meteor, o bulalakaw.
Hindi hinaharang ng mga pananggalang ng lupa ang radyasyon na mahalaga sa buhay, gaya ng init at nakikitang liwanag. Ang atmospera ay nakatutulong pa nga para maikalat ang init sa palibot ng globo, at sa gabi, nagsisilbi itong kumot para hindi kaagad makalabas ang init.
Ang atmospera at magnetic field ng lupa ay talaga namang kahanga-hangang mga disenyo na hindi pa rin lubusang nauunawaan. Ganiyan din ang masasabi tungkol sa isa pang katangian ng lupa—sagana ito sa tubig sa anyong likido.