Ang Likido ng Buhay
ANG tubig ay mahiwaga. Masasabing simple ito, at masasabi rin namang masalimuot. Ang bawat molekula nito ay binubuo lamang ng tatlong atomo—dalawang hidroheno at isang oksiheno. Sa kabila nito, hindi pa rin lubusang nauunawaan ng mga siyentipiko ang mga katangian ng mga molekula ng tubig. Pero alam nating lahat na mahalaga sa buhay ang tubig, na siyang bumubuo sa mga 80 porsiyento ng bigat ng lahat ng nabubuhay na bagay. Isaalang-alang ang lima sa mga katangian ng kamangha-manghang substansiyang ito.
1. Ang tubig ay nakapag-iimbak ng maraming init nang hindi gaanong tumataas ang temperatura, kaya nakatutulong ito para maging katamtaman ang klima.
2. Ang tubig ay umaalsa kapag nagyeyelo, kaya lumulutang ito at nagsisilbing suson na pang-insulasyon. Kung ang tubig ay nagiging mas masinsin habang tumitigas gaya ng iba pang substansiya, ang mga lawa, ilog, at karagatan ay mamumuo mula ilalim pataas, anupat malilibing sa yelo ang lahat ng bagay!
3. Ang tubig ay tinatagos ng liwanag, kaya ang mga organismong nakadepende sa liwanag ay nabubuhay kahit sa mga bahaging napakalalim.
4. May atraksiyon sa isa’t isa at nagdidikit-dikit ang mga molekula ng tubig, kaya ang ibabaw ng tubig ay nababanat anupat para itong may balat. Ito ang dahilan kung kaya nagiging mga patak ang tubig, nakaaakyat ang tubig kahit sa pinakamataas na puno, at nakatatakbo sa ibabaw ng tubig ang ilang insekto.
5. Ang tubig ang kilalang pinakamabisang pantunaw. Kaya nitong magdala ng oksiheno, carbon dioxide, asin, mineral, at iba pang mahahalagang substansiya.
Mahalaga sa Pagbalanse sa Klima
Mga 70 porsiyento ng lupa ang saklaw ng karagatan, kaya napakahalaga ng papel nito sa pagkontrol sa klima. Sa katunayan, nagtutulungan ang karagatan at atmospera, anupat palaging nagpapalitan ng init, tubig, gas, at galaw sa anyong hangin at alon. Nagtutulungan din ang mga ito para dalhin ang init ng araw mula sa Tropiko papunta sa mga polo, at sa gayo’y nagiging katamtaman ang temperatura sa buong globo. Ang totoo, para mabuhay ang karamihan sa mga organismo, kailangang manatili ang temperatura sa antas na mananatiling likido ang tubig. “Lumilitaw na tamang-tama ang mga kalagayan sa Lupa,” ang sabi ng aklat na Rare Earth—Why Complex Life Is Uncommon in the Universe.
Siyempre, ang lupa ay epekto at hindi sanhi. Pero ang sanhi kaya ay nagkataon lang, o ang sanhi ay isang matalino at maibiging Maylalang? Ang sagot ng Bibliya ay ang huling nabanggit. (Gawa 14:15-17) Sa susunod na artikulo, makikita natin kung paanong ang sinasabi ng Bibliya ay sinusuportahan ng karagdagan pang ebidensiya—ang kamangha-manghang mga siklo na nakatutulong para manatiling malinis at balanse ang ating planeta.
[Kahon sa pahina 7]
ANG BIBLIYA AY TUMPAK PAGDATING SA SIYENSIYA
Ang lupa ay nakalutang sa kalawakan. “Iniuunat niya ang hilaga sa ibabaw ng dakong walang laman, na ibinibitin ang lupa sa wala.”—Job 26:7, binigkas noong mga 1613 B.C.E.
Ang lupa ay bilog. “May Isa na tumatahan sa ibabaw ng bilog ng lupa.”—Isaias 40:22, isinulat noong mga 732 B.C.E.
Ang tubig ay may siklo. “Ang lahat ng agusang-taglamig ay humuhugos sa dagat . . . Sa dakong hinuhugusan ng mga agusang-taglamig, doon bumabalik ang mga iyon upang humugos.”—Eclesiastes 1:7, isinulat bago 1,000 B.C.E.
Ang uniberso ay inuugitan ng mga batas. “Itinakda [ni Jehova] ang mga batas ng langit at lupa.”—Jeremias 33:25, isinulat bago 580 B.C.E.
[Picture Credit Lines sa pahina 7]
Magnetosphere: NASA/Steele Hill; aurora: Collection of Dr. Herbert Kroehl, NGDC; reef: Stockbyte/Getty Images