Kapag Sumalpok sa Gusali ang mga Ibon
MALIWANAG pa naman noon, pero dere-deretso sa paglipad ang isang woodpecker hanggang sa sumalpok ito sa napakataas na gusali at bumagsak sa lupa. Hindi nakita ng ibon ang salamin. May napadaang isang mabait na lalaki at nakita niya ang hilung-hilong ibon. Pinagmasdan niya ito sa pag-asang mabubuhay pa. Laking tuwa niya nang sumiyap ang ibon, tumayo, nagpagpag ng balahibo, at saka lumipad.a
Nakalulungkot, hindi lahat ng ibong sumasalpok ay nakaliligtas nang walang pinsala. Sa katunayan, mga 50 porsiyento ng mga ibong sumasalpok sa mga bahay ang namamatay. Ayon sa Audubon Society, ipinakikita ng mga pag-aaral na sa Estados Unidos pa lamang, mahigit nang 100 milyong ibon ang namamatay taun-taon matapos sumalpok sa iba’t ibang uri ng gusali. At sinasabi ng ilang mananaliksik na maaari pa ngang umabot ang bilang na ito sa halos isang bilyon! Pero bakit nga ba sumasalpok sa gusali ang mga ibon? At mayroon bang anumang magagawa para maging mas ligtas ang mga ibon?
Mga Salarin—Salamin at Liwanag
Kalaban ng mga ibon ang salamin. Kapag malinis at malinaw ang bintana, ang nakikita lamang ng mga ibon ay ang mga bagay na nasa kabila ng salamin, gaya ng kalangitan o ng berdeng mga dahon. Kaya naman kung minsan, ang walang kamalay-malay na mga ibon ay lumilipad nang napakabilis at sumasalpok sa salamin. Bukod diyan, baka makakita sila ng pandekorasyong mga halaman sa loob ng lobby o bahay na salamin ang dingding at magtangkang dumapo roon.
Sanhi rin ng problema kahit ang tinted na reflective glass. Kung minsan, hindi ang salamin kundi ang repleksiyon ng kapaligiran o ng kalangitan ang nakikita ng mga ibon, at muli, sumasalpok sila roon. May mga ibon pa nga na namamatay matapos sumalpok sa salamin ng mga gusali at mga tore ng obserbatoryo sa santuwaryo ng mga ibon at kanlungan ng iba pang mga hayop! Naniniwala ang propesor sa ornitolohiya at biyolohiya na si Dr. Daniel Klem, Jr., na mas maraming ibon ang namamatay dahil sa pagsalpok sa bintana kaysa sa anumang iba pang sanhi na nauugnay sa mga gawain ng tao, maliban na lamang siguro sa pagsira sa kanilang likas na tirahan.
May mga uri ng ibon na mas nanganganib sumalpok sa mga gusali. Halimbawa, ang karamihan sa nandarayuhang mga ibong umaawit ay sa gabi lumilipad, at isa sa mga inaasahan nila para makarating sa kanilang pupuntahan ay ang mga bituin. Maaari silang malito kapag napagkamalan nilang bituin ang maliliwanag na ilaw ng matataas na gusali. Sa katunayan, may mga ibon na litung-lito anupat pabalik-balik sila sa paglipad hanggang sa bumagsak sila dahil sa pagod. Nanganganib din ang mga ibon na lumilipad sa gabi kapag maulan o maulap ang papawirin. Sa gayong mga pagkakataon, karaniwan nang mas mababa ang lipad ng mga ibon, kaya mas nanganganib silang sumalpok sa matataas na gusali.
Epekto sa Populasyon ng mga Ibon
Sa Chicago, Illinois, E.U.A., napaulat na sa isang mataas na gusali pa lamang, may aberids nang mga 1,480 ibon ang sumasalpok at namamatay tuwing panahon ng kanilang pandarayuhan. Kaya sa nakalipas na 14 na taon, mga 20,700 ibon na ang namatay sa gusaling iyon. Siyempre, tiyak na mas mataas pa ang aktuwal na bilang ng mga ibong sumasalpok sa gusaling iyon. Bukod diyan, “hindi mga kalapati, golondrina, o gansa” ang mga ibong ito, ang sabi ni Michael Mesure, direktor ng Fatal Light Awareness Program ng Toronto, Canada, kundi “mga uri ng ibon na papaubos na.”
Halimbawa, sa Australia nitong kamakailang taon, mga 30 swift parrot, na 2,000 na lamang ang populasyon ngayon, ang sumalpok sa salamin at namatay. Sa mga museo sa Estados Unidos, marami sa mga ispesimen ng Bachman’s warbler, na ngayo’y posibleng ubos na, ang napulot sa isang parola sa Florida. Sumalpok at namatay ang mga ibong ito sa parolang iyon.
Sa mga ibong nakakaligtas matapos sumalpok sa gusali, marami ang napipinsala o nanghihina. Lalo nang mapanganib ang kalagayang ito sa nandarayuhang mga ibon. Kapag sumalpok sila at nahulog sa gitna ng mga gusali, maaaring mamatay sila sa gutom o maging biktima ng iba pang mga hayop, na ang ilan sa mga ito ay nag-aabang sa ganitong mga pagkakataon para may makain.
Mga Gusaling Hindi Nakapipinsala sa mga Ibon
Para maiwasan ang pagsalpok sa salamin, kailangan itong makita ng mga ibon at mahalata na ito ay solido. Kaya naman may ilang nakatira sa mga gusali na gumawa ng kaunting sakripisyo kahit mangahulugan pa ito na hindi na nila gaanong makikita ang tanawin sa labas—naglagay sila ng mga sticker o iba pang mga bagay na madaling makita sa labas ng bintana na madalas salpukan ng mga ibon. Ayon kay Klem, hindi mahalaga ang disenyo kundi ang agwat ng mga ito. Batay sa kaniyang pananaliksik, makabubuti kung ang agwat ng mga disenyo ay hindi lalampas nang limang sentimetro pahalang at sampung sentimetro patayo.
Ano ang magagawa para maprotektahan ang nandarayuhang mga ibon na lumilipad sa gabi? “Ang pagsalpok [ng mga ibon] sa gusali kung gabi ay . . . karaniwan nang maiiwasan kung papatayin ang mga ilaw,” ang sabi ni Lesley J. Evans Ogden, consultant sa isang pag-aaral tungkol sa ekolohiya. Sa ilang lunsod, binabawasan ang liwanag o pinapatay ang mga pandekorasyong ilaw sa matataas na gusali sa isang partikular na oras sa gabi, lalo na sa panahon ng pandarayuhan ng mga ibon. Ang mga bintana naman ng ilang matataas na gusali ay nilalagyan ng lambat para hindi mapagkamalan ng mga ibon na langit ang repleksiyon sa salamin.
Sa tulong ng gayong mga hakbang, maaaring mabawasan nang 80 porsiyento ang bilang ng namamatay na mga ibon, at milyun-milyong ibon ang maililigtas taun-taon. Pero malamang na hindi pa rin mawawala ang problema sapagkat gustung-gusto ng mga tao ang mga ilaw at salamin. Kaya naman sinisikap himukin ng mga organisasyong nagmamalasakit sa mga ibon, gaya ng Audubon Society, ang mga arkitekto at developer na isaalang-alang ang kalikasan kapag nagdidisenyo at nagtatayo ng mga gusali.
[Talababa]
a Maaaring delikadong hawakan ang nasaktang mga ibon dahil hindi naman nila alam na gusto mo lang silang tulungan. Bukod diyan, ang ilang ibon ay may mga sakit na posibleng makahawa sa mga tao. Kaya kung gusto mong tulungan ang isang nasaktang ibon, gumamit ka ng guwantes at maghugas ng kamay pagkatapos. Kung nag-aalala ka na baka manganib ang iyong kalusugan o masaktan ka, huwag mong lalapitan ang ibon. Kung kinakailangan, maaari kang humingi ng tulong sa mga propesyonal.
[Kahon sa pahina 10]
NASAAN NA ANG MGA IBON?
Tinatayang bilang ng namamatay na ibon taun-taon sa Estados Unidos dahil sa kagagawan ng tao
◼ Mga toreng ginagamit sa komunikasyon—40 milyon
◼ Pestisidyo—74 na milyon
◼ Mga alagang pusa at ligáw na mga pusa—365 milyon
◼ Mga bintanang salamin—100 milyon hanggang 1 bilyon
◼ Pagkawala ng likas na tirahan—hindi alam, pero posibleng nagdudulot ng pinakamalaking pinsala
[Larawan sa pahina 10]
Taun-taon sa Estados Unidos, di-kukulangin sa 100 milyong ibon ang namamatay matapos sumalpok sa mga bintana
[Credit Line]
© Reimar Gaertner/age fotostock