Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 2/09 p. 12-13
  • Itinadhana ba ang Kinabukasan Mo?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Itinadhana ba ang Kinabukasan Mo?
  • Gumising!—2009
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Lagi Bang Inaalam ng Diyos ang Mangyayari?
  • Ikaw ang Magpapasiya
  • Paano Mo ‘Pipiliin ang Buhay’?
  • Patiunang Kaalaman, Patiunang Pagtatalaga
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Sinasabi ni Jehova ang “Wakas Mula Pa sa Pasimula”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Ano Kaya ang Iyong Magiging Kinabukasan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Kinabukasan Mo, Nakasalalay sa Pagpili Mo!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2018
Iba Pa
Gumising!—2009
g 2/09 p. 12-13

Ang Pangmalas ng Bibliya

Itinadhana ba ang Kinabukasan Mo?

Maraming tao ang naniniwala na ang kanilang buhay at kinabukasan ay itinadhana ng isang nakatataas na kapangyarihan. Iniisip nila na nasa sinapupunan pa lamang tayo, nakasulat na sa isip ng Diyos kung ano ang mangyayari sa atin hanggang sa tayo’y mamatay. ‘Ang Diyos kasi ang pinakamakapangyarihan-sa-lahat at omnisyente, o nakaaalam ng lahat,’ ang sabi nila, ‘kaya siguradong alam niya ang lahat ng detalye tungkol sa nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap.’

ANO sa tingin mo? Itinadhana ba ng Diyos ang magiging takbo at kahihinatnan ng ating buhay? Sa ibang salita, mayroon nga ba talaga tayong kalayaang magpasiya o ilusyon lamang ito? Ano ang sinasabi ng Bibliya?

Lagi Bang Inaalam ng Diyos ang Mangyayari?

Malinaw na ipinakikita ng Bibliya na kayang alamin ng Diyos ang mangyayari. Alam niya ang “wakas mula pa sa pasimula,” ang sabi sa Isaias 46:10. Gumamit pa nga siya ng kalihim na mga tao para sumulat ng maraming hula. (2 Pedro 1:21) Bukod diyan, laging natutupad ang mga hulang iyon dahil ang Diyos ay may karunungan at kapangyarihan na tuparin ang mga iyon hanggang sa kaliit-liitang detalye. Ipinakikita nito na may mga pagkakataong ipinapasiya ng Diyos na gamitin ang kaniyang kakayahang alamin at italaga ang mangyayari. Pero itinatadhana ba ng Diyos ang mangyayari sa buhay ng bawat tao, maging ang bilang ng mga maliligtas? Hindi iyan itinuturo ng Bibliya.

Itinuturo ng Bibliya na hindi laging ginagamit ng Diyos ang kaniyang kakayahang italaga ang mga mangyayari sa hinaharap. Halimbawa, inihula ng Diyos na “isang malaking pulutong” ng matuwid na mga tao ang makaliligtas sa pagkapuksa ng masasama sa katapusan ng kasalukuyang sistema ng mga bagay. (Apocalipsis 7:9, 14) Pero pansinin na hindi nagbigay ang Diyos ng espesipikong bilang ng malaking pulutong. Ang dahilan? Hindi niya itinatadhana ang mangyayari sa bawat indibiduwal. Ang Diyos ay katulad ng isang maibiging ama ng isang malaking pamilya. Alam Niya na susuklian ng ilan sa Kaniyang mga anak ang Kaniyang pag-ibig, pero hindi Niya patiunang itinakda ang bilang nila.

Paghambingin ang paraan ng paggamit ng Diyos sa kaniyang kakayahang italaga ang mangyayari sa hinaharap at ang paraan ng paggamit niya ng kaniyang kapangyarihan. Bilang ang Makapangyarihan-sa-lahat, walang limitasyon ang kapangyarihan ng Diyos. (Awit 91:1; Isaias 40:26, 28) Pero hindi ba niya kinokontrol ang paggamit niya ng kaniyang kapangyarihan? Kinokontrol niya. Halimbawa, ipinasiya niyang huwag munang gamitin ang kaniyang kapangyarihan laban sa Babilonya, isang kaaway ng sinaunang Israel, hanggang sa dumating ang tamang panahon. “Patuloy akong nagpigil ng aking sarili,” ang sabi ng Diyos. (Isaias 42:14) Sa ganiyang paraan din ginagamit ng Diyos ang kaniyang kakayahang alamin at italaga ang mangyayari. Pinipigilan ni Jehova ang kaniyang sarili bilang paggalang sa ibinigay niya sa atin na kalayaang magpasiya.

Ang pagkontrol ng Diyos sa kaniyang kapangyarihan ay hindi nangangahulugang limitado na ang kaniyang kakayahan o hindi siya sakdal. Ang totoo, lalo pa nitong idiniriin ang kaniyang kadakilaan, at lalo pa tayong napapalapít sa kaniya dahil dito, yamang ipinakikita nito na hindi lamang siya isang Soberano na nakaaalam ng lahat ng bagay at may kapangyarihan kundi siya’y maibigin at may paggalang sa kalayaang magpasiya ng kaniyang matatalinong nilalang.

Sa kabilang banda, kung itinatadhana ng Diyos ang lahat, pati na ang kahindik-hindik na mga aksidente at ang lahat ng nangyaring kasamaan, tama lang na sisihin natin siya sa lahat ng kahapisan at pagdurusa sa daigdig. Kaya kung pag-aaralang mabuti, ang turo ng pagtatadhana ay hindi nagpaparangal sa Diyos, kundi nakasisirang-puri sa kaniya. Pinalilitaw nito na siya ay malupit, hindi makatarungan, at hindi maibigin​—ang mismong kabaligtaran ng sinasabi ng Bibliya tungkol sa kaniya.​—Deuteronomio 32:4.

Ikaw ang Magpapasiya

Sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Moises, sinabi ng Diyos sa bansang Israel: “Inilagay ko ang buhay at kamatayan sa harap mo, . . . at piliin mo ang buhay . . . sa pamamagitan ng pag-ibig kay Jehova na iyong Diyos, sa pamamagitan ng pakikinig sa kaniyang tinig at sa pamamagitan ng pananatili sa kaniya; sapagkat siya ang iyong buhay at ang kahabaan ng iyong mga araw.” (Deuteronomio 30:19, 20) Kung itinadhana na ng Diyos na ang bawat Israelita ay alinman sa iibigin siya at magtatamo sila ng buhay o ipagwawalang-bahala siya at mamamatay sila, magiging walang kabuluhan at di-taimtim ang paghimok Niyang iyon. Naniniwala ka ba na ang Diyos, na “maibigin sa katarungan” at ang mismong personipikasyon ng pag-ibig, ay kikilos nang di-makatarungan?​—Awit 37:28; 1 Juan 4:8.

Ang paghimok ng Diyos sa kaniyang mga lingkod ay lalong mahalaga sa atin sa ngayon dahil ipinakikita ng katuparan ng hula ng Bibliya na mabilis na dumarating ang katapusan ng kasalukuyang sistema ng mga bagay. (Mateo 24:3-9; 2 Timoteo 3:1-5) Paano natin maipakikita na pinipili natin ang buhay? Tularan natin ang ginawa ng sinaunang mga Israelita.

Paano Mo ‘Pipiliin ang Buhay’?

Ipinakikita natin na pinipili natin ang buhay kung ‘iniibig natin si Jehova,’ ‘nakikinig tayo sa kaniyang tinig,’ at ‘nananatili sa kaniya.’ Siyempre pa, magagawa lamang natin ang mga ito kung kilala natin ang Diyos bilang isang persona at nauunawaan natin ang mga kahilingan niya sa atin. Sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang panalangin sa Diyos: “Ito ang buhay na walang hanggan, na makilala ka nila, ang tanging tunay na Diyos, at siya na iyong isinugo​—si Jesu-Kristo.”​—Amin ang italiko; Juan 17:3, Phillips.

Ang mahalagang kaalamang iyan ay makikita sa mga pahina ng Banal na Bibliya, na angkop na tawaging ang Salita ng Diyos. (Juan 17:17; 2 Timoteo 3:16) Oo, ang kaloob na ito ng Diyos ay malinaw na katibayan na hindi itinadhana ng Diyos ang ating kinabukasan kundi gusto niyang magdesisyon tayo batay sa impormasyong inilaan niya.​—Isaias 48:17, 18.

Sa diwa, sinasabi ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Bibliya: ‘Ito ang layunin ko para sa sangkatauhan at sa lupa, at ito ang dapat ninyong gawin para magkaroon kayo ng buhay na walang hanggan. Nasa inyo na ngayon ang pagpapasiya kung makikinig kayo sa akin o hindi.’ Oo, talagang timbang ang Diyos​—may kakayahan siyang italaga ang mangyayari sa hinaharap, pero kasabay nito, iginagalang niya ang ating kalayaang magpasiya. Pipiliin mo ba ang buhay “sa pamamagitan ng pakikinig sa . . . tinig [ng Diyos] at sa pamamagitan ng pananatili sa kaniya”?

NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?

◼ Hanggang saan ginagamit ng Diyos ang kaniyang kakayahang alamin ang mangyayari?​—Deuteronomio 30:19, 20; Isaias 46:10.

◼ Bakit hindi itatadhana ng Diyos ang lahat ng bagay, pati na ang masasamang nangyayari sa tao?​—Deuteronomio 32:4.

◼ Saan talaga nakasalalay ang ating kinabukasan?​—Juan 17:3.

[Blurb sa pahina 13]

Itinuturo ng Bibliya na hindi laging ginagamit ng Diyos ang kaniyang kakayahang italaga ang mga mangyayari sa hinaharap

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share