Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 3/09 p. 12-15
  • Pinagpala Dahil sa Pag-una sa Diyos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pinagpala Dahil sa Pag-una sa Diyos
  • Gumising!—2009
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Hamon sa Buong-Panahong Ministeryo
  • Malalaking Pagbabago
  • Lumaki ang Pamilya Namin sa Nigeria
  • Matagumpay Kahit Walang Mataas na Pinag-aralan
  • Ipinagpatuloy Namin ang Ministeryo sa Benin
  • Kusang-loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili​—Sa Kanlurang Aprika
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
  • Bahagi 4—Mga Saksi Hanggang sa Kadulu-duluhang Bahagi ng Lupa
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Pinalakas Ako ng Makadiyos na Pagkakontento
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Determinado Akong Huwag Ilaylay ang Aking mga Kamay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2018
Iba Pa
Gumising!—2009
g 3/09 p. 12-15

Pinagpala Dahil sa Pag-una sa Diyos

Ayon sa salaysay ni Pierre Worou

“Bonjour!” Buong buhay ko’y ang pagbating iyan sa wikang Pranses ang ginagamit ko. Pero noong Nobyembre 1975, inaresto ako dahil sa pagsasabi nito. Hayaan ninyong ikuwento ko kung bakit at kung ano ang nangyari mula noon.

ISINILANG ako noong Enero 1, 1944 sa Malété, Savé, sa sentro ng Benin.a Ang ipinangalan sa akin ng aking mga magulang ay Abiola, isang tradisyonal na pangalang Yoruba. Noong bata ako, pinalitan ko iyon ng Pierre, na sa tingin ko ay mas moderno at kilala.

Binibigyan ng mga tao ang mga kabataan ng palayaw. Tinawag nila akong Pastor dahil noong isilang ako, kamukha ko raw ang isang pari sa aming lugar. Pero mas gusto kong maglaro ng soccer kaysa mag-aral ng katesismo.

Noong 1959, lumipat ako sa Sakété, isang lunsod sa timog ng bansa, para ipagpatuloy ang aking pag-aaral. Nakitira ako sa pinsan kong si Simon, isang guro, na kasisimula pa lamang makipag-aral ng Bibliya sa dalawang Saksi ni Jehova. Sa umpisa, hindi ako interesadong sumali sa kanila. Bandang huli, tinanong ko ang isa ko pang pinsan, si Michel, kung gusto niya akong samahan sa pag-aaral. Pumayag siya, at doon ko narinig na Jehova pala ang pangalan ng Diyos.

Isang araw ng Linggo, nagpasiya kami nina Simon at Michel na pumunta sa pulong ng mga Saksi sa halip na magsimba. Nakalulungkot naman dahil lilima lang kaming naroroon​—ang dalawang Saksi at kaming magpipinsan. Pero nakita naming katotohanan sa Bibliya ang itinuturo nila kaya nagpatuloy kaming mag-aral. Si Michel ang unang nabautismuhan bilang sagisag ng kaniyang pag-aalay sa Diyos. Naglilingkod siya ngayon bilang payunir, ang tawag ng mga Saksi ni Jehova sa buong-panahong mga ministro.

Lumipat si Simon sa hilaga sa lunsod ng Kokoro, at sumama ako. Nakaiskedyul ganapin ang asamblea ng mga Saksi sa Ouansougon. Nag-taxi si Simon, at nagbisikleta naman ako nang 220 kilometro para makadalo. Pareho kaming nabautismuhan doon noong Setyembre 15, 1961.

Hamon sa Buong-Panahong Ministeryo

Sinuportahan ko ang sarili ko sa pamamagitan ng pagpipinta at pagtitinda ng mga larawan at pag-aalaga ng bukiring sagana ang ani. Nang dumalaw sa kongregasyon namin ang naglalakbay na tagapangasiwang si Philippe Zannou, tinanong niya kung napag-isipan ko na bang maglingkod bilang buong-panahong ministro, o payunir. Pagkatapos namin itong pag-usapan ng kaibigan kong si Emmanuel Fatunbi, ipinasiya naming magsimula sa gawaing ito pagsapit ng Pebrero 1966. Di-nagtagal, naglingkod ako bilang naglalakbay na tagapangasiwa at dumalaw sa mga kongregasyong gumagamit ng wikang Fon, Gun, Yoruba, at Pranses.

Nang maglaon, nakilala ko ang magandang Kristiyanong sister na si Julienne, na katulad ko ring gusto ng simpleng buhay. Nagpakasal kami noong Agosto 12, 1971, at sinamahan niya ako sa pagdalaw sa mga kongregasyon. Isinilang ang anak naming lalaki na si Bola noong Agosto 18, 1972. Bisikleta ang gamit namin kapag lilipat sa kabilang kongregasyon. Ako ang nagpepedal, nakaangkas si Julienne, at nasa likod naman niya si Bola. Karaniwan na, isang Saksing tagaroon ang nagdadala ng aming mga bagahe sakay ng kaniyang bisikleta. Sa ganitong paraan kami dumalaw sa mga kongregasyon sa loob ng apat na taon.

Isang araw, nagkasakit si Julienne at magdamag siyang nagtiis ng hirap. Kinabukasan, lumabas ako ng kalsada para humingi ng tulong. Bigla namang may dumaang taxi, na bihira sa lugar na iyon. Bukod pa diyan, wala itong pasahero​—aba, lalong nakapagtataka! Ipinaliwanag ko sa drayber ang situwasyon at itinanong ko kung puwede niya kaming ihatid sa Porto Novo, ang kabisera, mga 25 kilometro ang layo. Pumayag siya. Pagdating doon, ngumiti siya at sinabi: “Huwag na po kayong magbayad. Libre ko na ’to sa inyo.”

Kinailangan ni Julienne na magpagaling sa bahay ng isang Saksi sa loob ng dalawang linggo. Araw-araw siyang pinupuntahan ng mabait na doktor. Nagdadala rin siya ng kailangang mga gamot. Nang suriin niya si Julienne sa huling pagkakataon, kinakabahan ako nang magtanong ako kung magkano ang babayaran namin. Nagulat ako nang sabihin niya, “Wala po kayong babayaran.”

Malalaking Pagbabago

Noong 1975, naging Marxist ang gobyerno sa Dahomey. Ang pangalan ng bansa ay ginawang People’s Republic of Benin. Nagbago rin ang pang-araw-araw na buhay ng mga tao. Ipinag-utos na gamitin ang isang bagong pagbati: “Pour la révolution?” (Handa ka na ba sa rebolusyon?) Ang kailangang isagot ng mga tao: “Prêt!” (Handa na!) Hindi namin kayang sabihin ang pulitikal na mga islogang ito dahil sa aming budhing sinanay sa turo ng Bibliya. Kinapootan kami dahil dito.

Araw ng Linggo noong pagtatapos ng 1975, nakikibahagi ako sa ministeryo sa bahay-bahay malapit sa St. Michel nang arestuhin ako. Gaya ng binanggit sa pasimula, sumagot ako ng “Bonjour!” sa lalaking bumati sa akin ng “Pour la révolution?” Dinala ako sa presinto at pinagbubugbog doon. Pero nang araw ding iyon, tatlong Saksing tagaroon ang gumawa ng paraan para makalaya ako.

Ako ang unang Saksi ni Jehova na inaresto. Di-nagtagal, inaresto rin ang maraming iba pa sa buong bansa. Kinamkam ng gobyerno ang mga Kingdom Hall, at pinaalis ng bansa ang mga misyonero. Ipinasara pa nga ang tanggapang pansangay, at maraming Saksi ang kinailangang tumakas ng bansa, pakanluran sa Togo o pasilangan sa Nigeria.

Lumaki ang Pamilya Namin sa Nigeria

Ang ikalawa naming anak na lalaki na si Kola ay isinilang noong Abril 25, 1976. Pagkalipas ng dalawang araw, inilabas ang batas ng gobyerno Blg. 111 na nagbabawal sa gawain ng mga Saksi ni Jehova. Pumunta kami sa Nigeria, at tumuloy kami sa isang Kingdom Hall na punung-puno ng mga nagsilikas. Nang sumunod na araw, gumawa ng mga kaayusan para makalipat kami sa kalapit na mga kongregasyon. Pagkaalis na pagkaalis ng isang grupo ng mga nagsilikas sa Kingdom Hall, may papalit namang isa pang grupo. Ang mga bagong dating ay inihahatid ng mga trak sa mga kongregasyon sa ibang lugar.

Hinilingan ako ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Nigeria na dalawin ang lahat ng mga Saksing galing sa Benin. Pagkatapos ay inatasan akong maglingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa para sa isang grupo ng mga kongregasyon sa Nigeria na gumagamit ng wikang Yoruba, at nang maglaon para sa mga kongregasyong gumagamit ng wikang Gun. Motorsiklo ang ginagamit namin sa paglalakbay. Nasa harapan ko si Bola, at nasa pagitan naman namin ni Julienne si Kola.

Noong 1979, ipinagbuntis ni Julienne ang anak naming babae na si Jemima, kaya kinailangan kong huminto sa gawain bilang naglalakbay na tagapangasiwa. Ang nakababatang kapatid ni Julienne, na tinatawag naming Pépé, ay dumating galing sa Benin para makipisan sa amin. Nadagdagan pa ang aming pamilya. Isinilang ang dalawa kong anak na lalaki: si Caleb noong 1983 at si Silas noong 1987. Kaya naging walo kami sa pamilya. Nais namin ni Julienne na maging mabuting mga magulang, pero gusto rin naming manatili sa buong-panahong ministeryo hangga’t maaari. Paano namin ito magagawa? Umupa kami ng isang bukid para tamnan ng kamoteng-kahoy, mais, at gabi. Nagtayo rin kami ng isang maliit na bahay sa nayon ng Ilogbo-Eremi.

Pagkahatid sa mga bata sa eskuwela, nangangaral kami ni Julienne sa umaga. Lagi kaming umuuwi nang maaga para sabay-sabay kaming pamilya sa pagkain. Pagkaidlip sa tanghali, nagtatrabaho kami sa bukid. Sina Julienne at Pépé rin ang nagbebenta sa palengke ng inani namin. Tulung-tulong kaming lahat sa trabaho. Mabuti na lamang, madalang kaming magkasakit nang mga panahong iyon.

Matagumpay Kahit Walang Mataas na Pinag-aralan

Hindi namin hinimok ang mga bata na kumuha ng mataas na edukasyon. Alam naming ang pag-una sa gawaing pangangaral tungkol sa Kaharian, pagkakaroon ng mga katangiang Kristiyano, at kasipagan ang susi sa tagumpay sa buhay. Sinikap naming itimo sa puso ng aming mga anak ang mga simulaing ito. Tinuruan ko sila sa Bibliya at laking tuwa ko nang mahalin nila si Jehova at magpabautismo sila bilang sagisag ng pag-aalay ng kanilang buhay para maglingkod sa Kaniya!

Mas nakatatanda si Pépé sa aming mga anak at siya ang unang nagsarili. Noong dumating siya para pumisan sa amin, tinuruan ko siyang magbasa. Bagaman hindi siya gaanong nakapag-aral sa eskuwela, nagtuon siya ng pansin sa pag-aaral ng Bibliya at iba pang espirituwal na mga bagay. Pagkatapos maglingkod bilang payunir sa loob ng ilang panahon, napangasawa niya si Monday Akinra, isang naglalakbay na tagapangasiwa, at sumama siya sa kaniya sa gawaing ito. May anak na sila ngayon, si Timothy. Nagpatuloy sina Pépé at Monday sa buong-panahong ministeryo, at si Monday ay binibigyan ng mga atas sa mga asamblea.

Si Bola ay naging aprentis ng isang kusinero sa isang malaking kompanya. Di-nagtagal, napansin ng mga manedyer doon ang kaniyang magagandang kaugalian sa trabaho, pagkamaaasahan, at iba pang magagandang katangiang Kristiyano. Nang maglaon, binigyan siya ng mataas na posisyon sa kompanya. Higit na mahalaga, siya ay mabuting asawa sa kaniyang magandang kabiyak na si Jane, mahusay na ama sa kaniyang tatlong anak, at maaasahang elder sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Lagos, Nigeria.

Si Kola ay naging aprentis ng isang sastre at naglingkod din bilang payunir. Dahil natuto siya ng Ingles habang nasa Nigeria, inanyayahan siyang maglingkod sa Departamento ng Pagsasalin sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Benin noong 1995. Labintatlong taon na siya ngayong naglilingkod doon.

Ipinagpatuloy Namin ang Ministeryo sa Benin

Tuwang-tuwa kami nang mabalitaan namin na isang batas ng pamahalaan sa Benin na may petsang Enero 23, 1990, ang nagpawalang-bisa sa naunang batas na nagbabawal sa ating gawain. Maraming nagsilikas ang bumalik sa bansa. Gayundin, dumating ang bagong mga misyonero sa Benin, at muling binuksan ang tanggapang pansangay. Noong 1994, bumalik kaming mag-anak sa Benin, pero sina Pépé, Bola, at ang kanilang pamilya ay nanatili sa Nigeria.

Nakahanap ako ng part-time na trabaho. At sa kaunting kita mula sa upa sa aming bahay sa Nigeria at malaking tulong ni Bola, nakapagpatayo kami ng bahay malapit sa tanggapang pansangay para sa aming lima. Naglingkod si Jemima bilang payunir sa loob ng mahigit anim na taon habang sinusuportahan ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng pananahi. Pagkatapos, napangasawa niya si Kokou Ahoumenou, at nagboboluntaryo na sila ngayon sa kalapít na tanggapang pansangay. Malapit nang matapos sa pag-aaral sina Caleb at Silas. Sa tulong ng Diyos at pagtutulungan ng aming pamilya, kami ni Julienne ay nakapanatili nang mahigit 40 taon sa buong-panahong ministeryo.

Pinagpala ng Diyos ang gawaing pangangaral sa Benin. Nang mabautismuhan ako noong 1961, mayroong 871 Saksi ni Jehova na nangangaral ng mensahe ng Kaharian sa buong bansa. Noong taóng arestuhin ako, 2,381 na ang bilang. Nang bumalik kami sa Benin noong 1994, umabot ito nang 3,858, sa kabila ng 14-na-taóng pagbabawal. Sa ngayon, doble na ang bilang na iyan​—mahigit 9,000​—at ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo noong 2008 ay 35,752.

Kung minsan, pumupunta pa rin ako sa lugar kung saan ako inaresto mahigit 30 taon na ang nakalilipas at binubulay-bulay ko ang lahat ng nangyari. Pinasasalamatan ko nang malaki ang Diyos dahil pinagpala niya ang aking pamilya. Hindi kami kinulang ng anuman. At lagi pa rin akong bumabati ng “Bonjour!”

[Talababa]

a Kilala noon ang Benin sa pangalang Dahomey at kabilang ito sa French West Africa.

[Blurb sa pahina 13]

Ngumiti siya at sinabi: “Huwag na po kayong magbayad. Libre ko na ’to sa inyo”

[Blurb sa pahina 14]

Hindi namin hinimok ang mga bata na kumuha ng mataas na edukasyon

[Larawan sa pahina 15]

Paglilingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa, noong 1970

[Larawan sa pahina 15]

Kasama ng aming unang dalawang anak, sina Bola at Kola, noong 1976

[Larawan sa pahina 15]

Ngayon, kasama ng aking pamilya​—ang aking asawa, limang anak, manugang na babae, tatlong apo, at pamilya ni Pépé

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share