Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 3/09 p. 18-20
  • Kailangan Ko ba ng Mas Mabubuting Kaibigan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kailangan Ko ba ng Mas Mabubuting Kaibigan?
  • Gumising!—2009
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mabuting Kaibigan #1​—Maganda ang Pag-uugali
  • Mabuting Kaibigan #2​—Sumusunod sa Pamantayan ng Bibliya
  • Mabuting Kaibigan #3​—Aakay sa Iyo sa Kabutihan
  • Paano Ako Magkakaroon ng Mabubuting Kaibigan?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1
  • Sino ang Tunay Kong mga Kaibigan?
    Gumising!—2011
  • Mabubuting Kaibigan—Masasamang Kaibigan
    Gumising!—2004
  • Piliing Mabuti ang mga Kaibigan Mo
    Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
Iba Pa
Gumising!—2009
g 3/09 p. 18-20

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong

Kailangan Ko ba ng Mas Mabubuting Kaibigan?

“Kapag galit ako, gusto kong may mapaghihingahan. Kapag malungkot ako, gusto kong may magpapasaya sa akin. Kapag masaya naman ako, gusto kong maibahagi ito sa iba. Para sa akin, napakahalaga ng mga kaibigan.”​—Brittany.

SINASABING kailangan ng maliliit na bata ng mga kalaro, pero ang mga kabataan naman, kailangan ng mga kaibigan. Ano ang kaibahan ng kalaro at ng kaibigan?

Ang kalaro ay isa na kasa-kasama mo.

Ang kaibigan ay hindi lamang isa na kasa-kasama mo kundi isa na kapareho mo ng pamantayan.

Bukod diyan, sinasabi ng Bibliya na “ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.” (Kawikaan 17:17) Paglalarawan iyan sa pagkakaibigang mas malalim kaysa sa nabubuong pagkakaibigan sa mga palaruan!

Ang totoo: Habang nagkakaedad ka, kailangan mo ng mga kaibigan na

(1) Maganda ang pag-uugali.

(2) Sumusunod sa pamantayan ng Bibliya.

(3) Aakay sa iyo sa kabutihan.

Tanong: Paano mo malalaman kung pasado sa mga kahilingang ito ang mga kaibigan mo? Isa-isa nating talakayin ang mga ito.

Mabuting Kaibigan #1​—Maganda ang Pag-uugali

Ang dapat mong malaman. Hindi lahat ay tunay na kaibigan. Sinasabi nga ng Bibliya na “may mga magkakasamang nagsisiraan.” (Kawikaan 18:24) Parang imposible iyan. Pero pag-isipan ito: Nagkaroon ka na ba ng “kaibigan” na mapagsamantala? O kaya’y isa na nanira sa iyo nang talikuran o nagkalat ng tsismis tungkol sa iyo? Ang gayong karanasan ay makasisira ng tiwala mo sa mga kaibigan.a Laging tandaan na mas maganda nang magkaroon ng kaunting kaibigan, pero mabubuti naman, kaysa marami nga, pero hindi naman mabubuti!

Kung ano ang puwede mong gawin. Pumili ng mga kaibigan na may mga katangiang karapat-dapat tularan.

“Maganda ang tingin ng lahat sa kaibigan kong si Fiona. Gusto kong maganda rin ang sasabihin ng mga tao tungkol sa akin. Gusto kong magkaroon ng magandang reputasyon gaya niya. Hanga ako sa gayong uri ng mga tao.”​—Yvette, 17.

Subukin ito.

1. Basahin ang Galacia 5:22, 23.

2. Tanungin ang iyong sarili, ‘Nakikita ko ba sa mga kaibigan ko ang mga katangiang kabilang sa “bunga ng espiritu”?’

3. Isulat ang pangalan ng matalik mong mga kaibigan. Sa tapat ng bawat pangalan, isulat kung ano ang kanilang ugali.

Pangalan Ugali

․․․․․ ․․․․․

․․․․․ ․․․․․

․․․․․ ․․․․․

Mungkahi: Kung puro negatibong ugali ang naiisip mo, baka panahon na para humanap ka ng mas mabubuting kaibigan!

Mabuting Kaibigan #2​—Sumusunod sa Pamantayan ng Bibliya

Ang dapat mong malaman. Miyentras desperado kang magkaroon ng mga kaibigan, mas malamang na kahit sino na lamang ang piliin mo. Sinasabi ng Bibliya: “Siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.” (Kawikaan 13:20) Ang salitang “hangal” ay hindi tumutukoy sa mga taong hindi matalino. Sa halip, sila ang mga taong ayaw tumanggap ng tamang pangangatuwiran at lumilihis sa moral na pamantayan​—mga kaibigang hindi mo kailangan!

Kung ano ang puwede mong gawin. Sa halip na basta makipagkaibigan kung kani-kanino, maging mapamili. (Awit 26:4) Hindi naman ibig sabihin nito na magtatangi ka. Sa kontekstong ito, ang pagiging mapamili ay nangangahulugang pagiging mapagmasid para ‘makita ang pagkakaiba sa pagitan ng matuwid at ng balakyot [o, masama], sa pagitan ng isa na naglilingkod sa Diyos at ng isa na hindi naglilingkod sa kaniya.’​—Malakias 3:18.

Hindi nagtatangi ang Diyos, pero pinipili niya ang magiging mga ‘panauhin sa kaniyang tolda.’ (Awit 15:1-5) Puwede mo ring gawin iyan. Sundin mo ang pamantayan ng Diyos, at malamang na kakaibiganin ka ng mga taong nagsisikap ding sumunod sa pamantayan ng Diyos. Sa bandang huli, mapatutunayan mong sila ang pinakamabuting uri ng mga kaibigan!

“Mabuti na lamang at tinulungan ako ng mga magulang ko na makahanap ng mga kaibigan​—mga kaedad ko na mahusay ang espirituwalidad.”​—Christopher, 13.

Subukin ito.

Sagutin ang sumusunod na mga tanong:

◼ Kapag kasama ko ang mga kaibigan ko, madalas ba akong nag-aalala na baka pilitin nila akong gumawa ng mga bagay na alam kong mali?

□ Oo □ Hindi

◼ Nag-aalangan ba akong ipakilala sa mga magulang ko ang aking mga kaibigan dahil natatakot akong baka hindi sila magustuhan ng mga magulang ko?

□ Oo □ Hindi

Mungkahi: Kung oo ang sagot mo sa mga tanong sa itaas, kailangan mong humanap ng mas mabubuting kaibigan. Bakit hindi kaibiganin ang mga taong medyo mas matanda sa iyo at nagpapakita ng mabuting halimbawa bilang Kristiyano?

Mabuting Kaibigan #3​—Aakay sa Iyo sa Kabutihan

Ang dapat mong malaman. Sinasabi ng Bibliya: “Ang masasamang kasama’y nakasisira ng magagandang ugali.” (1 Corinto 15:33, Magandang Balita Biblia) Isang kabataang nagngangalang Lauren ang nagsabi: “Tanggap ako ng mga kaeskuwela ko kapag sinusunod ko ang ipinagagawa nila. Wala akong kaibigan noon kaya ginaya ko na lang din ang ginagawa nila para tanggapin nila ako.” Natanto ni Lauren na kung sunud-sunuran ka sa pamantayan ng iba, magiging kontrolado ka nila na parang piyesa ng chess. Hindi makabubuti iyan sa iyo!

Kung ano ang puwede mong gawin. Kung ginigipit ka ng mga kaibigan mo na gayahin sila, putulin na ang pakikipagkaibigan sa kanila. Kung gagawin mo ito, gagaan ang iyong pakiramdam at magkakaroon ka ng mas mabubuting kaibigan​—mga kaibigang aakay sa iyo sa kabutihan.​—Roma 12:2.

“Ang matalik kong kaibigan na si Clint ay mahinahon, makatuwiran, at madamayin, kaya napatitibay-loob niya ako nang husto.”​—Jason, 21.

Subukin ito.

Tanungin ang iyong sarili:

◼ Binabago ko ba ang paraan ng aking pananamit, pagsasalita, o pagkilos mapasaya lang ang mga kaibigan ko?

□ Oo □ Hindi

◼ Napipilitan ba akong pumunta sa kuwestiyunableng mga lugar mapagbigyan lang ang mga kaibigan ko?

□ Oo □ Hindi

Mungkahi: Kung oo ang sagot mo sa mga tanong sa itaas, humingi ng payo sa iyong mga magulang o sa iba pang may-gulang na adulto. Kung isa kang Saksi ni Jehova, puwede ka ring lumapit sa isang Kristiyanong elder at sabihin mo sa kaniya na gusto mong magpatulong sa pagpili ng mga kaibigang aakay sa iyo sa kabutihan.

Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype

[Talababa]

a Siyempre, lahat ay nagkakamali. (Roma 3:23) Kaya kapag nasaktan ka ng isang kaibigan pero ipinakita niyang talagang nagsisisi siya, tandaan na “ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.”​—1 Pedro 4:8.

PAG-ISIPAN

◼ Anu-anong katangian ang gusto mo sa isang kaibigan, at bakit?

◼ Anu-anong katangian ang kailangan mong pasulungin para maging mas mabuti kang kaibigan?

[Kahon/Mga larawan sa pahina 19]

ANG SINASABI NG IBANG KABATAAN

“Nang ilayo ako ng mga magulang ko sa aking mga kabarkada, naisip kong barkada ko lang ang gusto kong makasama. Pero maganda naman ang payo ng mga magulang ko, at nang makapag-isip-isip ako, natanto ko na marami pa palang mas mabubuting kaibigan.”​—Cole.

“Para sa akin, ang pakikibahagi sa Kristiyanong ministeryo ang pinakamagandang paraan para makilala ko ang mga kakongregasyon ko. Doon ko nakakasalamuha ang iba’t ibang uri ng tao, bata man o matanda. At nakakasama ko pa ang mga taong umiibig kay Jehova.”​—Yvette.

“Hinihiling ko sa panalangin noon na magkaroon sana ako ng mga kaibigan, pero napag-isip-isip ko na wala naman akong ginagawa para makahanap ng kaibigan. Kaya nagkusa ako at nakipagkuwentuhan sa iba sa mga Kristiyanong pagpupulong. Nagkaroon agad ako ng bagong mga kaibigan. Bihirang-bihira na akong malungkot.”​—Sam.

[Kahon sa pahina 20]

SUBUKAN ITO

Makipag-usap sa iyong mga magulang tungkol sa pakikipagkaibigan. Tanungin sila tungkol sa naging mga kaibigan nila noong kabataan pa sila. Pinagsisihan ba nila ang naging pagpili nila ng mga kaibigan? Kung oo, bakit? Tanungin sila kung paano mo maiiwasan ang ilan sa mga problemang napaharap sa kanila.

Ipakilala ang iyong mga kaibigan sa iyong mga magulang. Kung nag-aalangan kang gawin ito, tanungin ang iyong sarili, ‘Bakit kaya?’ May ilang bagay ba tungkol sa iyong mga kaibigan na alam mong hindi magugustuhan ng iyong mga magulang? Kung oo, kailangan mong maging mas maingat sa pagpili ng mga kaibigan.

[Kahon sa pahina 20]

TATLONG PARAAN PARA HINDI KA MAWALAN NG MABUBUTING KAIBIGAN

◼ Maging mabuting tagapakinig. Maging interesado sa kapakanan ng iyong mga kaibigan.​—Filipos 2:4.

◼ Maging mapagpatawad. Tandaan na walang taong perpekto. “Tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit.”​—Santiago 3:2.

◼ Huwag mo silang “sakalin.” Hindi kailangang lagi kang nakabuntot sa kaibigan mo. Handang umalalay ang tunay na mga kaibigan kapag kailangan mo sila.​—Eclesiastes 4:9, 10.

[Larawan sa pahina 18, 19]

Kung sunud-sunuran ka sa pamantayan ng iba para lang tanggapin ka nila, magiging kontrolado ka nila na parang piyesa ng chess

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share