Kung Bakit Namin Tinanggihan ang Aborsiyon
SI Victoria, na nabanggit sa unang artikulo, ay nagsabi sa kaniyang boyfriend na si Bill na hindi niya ipalalaglag ang bata. “Nararamdaman kong may buhay sa sinapupunan ko,” ang sabi ni Victoria. “Alam kong hindi ako susuportahan ni Bill sa pagbubuntis ko, kaya hiniwalayan ko siya.”
Subalit bandang huli, nagbago ang isip ni Bill at niyaya niya si Victoria na magpakasal. Pero malaking hamon sa kanila ang magpalaki ng bata. “Wala kaming kotse, pera, kakaunti lang ang damit namin, at kapos sa maraming bagay,” ang sabi ni Victoria. “Maliit ang suweldo ni Bill, at nakatira lang kami sa maliit na apartment, pero hindi kami sumuko.”
May iba pa na nahirapan din dahil sa wala-sa-plano o di-ninanais na pagbubuntis. Pero tinanggihan din nila ang aborsiyon. Ano ang nakatulong sa kanila na manatiling matatag at mapagtagumpayan ang hamon na magpalaki ng bata? Ang pagsunod sa matalinong mga payo ng Bibliya ang susi.
Huwag Magpadalus-dalos—Gumawa ng Praktikal na mga Plano
Tama ang sinasabi ng Bibliya: “Ang mga plano ng masikap ay tiyak na magdudulot ng kapakinabangan, ngunit ang bawat isa na padalus-dalos ay tiyak na patungo sa kakapusan.”—Kawikaan 21:5.
Para kay Connie, na may tatlong anak na lalaki, kabilang na ang isang may kapansanan, hindi na niya kayang magpalaki ng isa pang anak. “Wala na kaming maipapakain sa kaniya,” ang sabi niya. “Kaya naisip naming magpalaglag.” Pero sa halip na magpadalus-dalos, lumapit si Connie sa katrabaho niyang si Kay. Ipinaliwanag sa kaniya ni Kay na buhay na ang nasa sinapupunan niya, kaya nagbago ang isip ni Connie.
Pero kailangan ni Connie ng praktikal na tulong para makapagplano. May tiyahin si Connie na malapit lang sa kanila, kaya iminungkahi ni Kay na humingi siya ng tulong dito. Ganoon nga ang ginawa niya, at handa namang tumulong ang kaniyang tiyahin. Bukod diyan, kumuha ng ekstrang trabaho ang asawa ni Connie, at lumipat sila sa mas murang apartment. Kaya naman nakaya nilang alagaan ang bagong miyembro ng kanilang pamilya.
Tinulungan din ni Kay si Connie na makahanap ng ilang ahensiya na tumutulong sa mga babaing nabubuntis nang wala sa plano. Sa maraming bansa, may gayong mga ahensiya na tumutulong sa mga bagong nanay na nagigipit. Mahahanap ang mga ito sa Internet at mga direktoryo ng telepono na karaniwan nang nasa mga pampublikong aklatan. Hindi madaling gawin ang mga bagay na ito, pero “ang mga plano ng masikap” ay nagtatagumpay.
Tandaan na Buhay ang Nasa Sinapupunan
“Kung tungkol sa marunong,” ang sabi ng Bibliya, “ang kaniyang mga mata ay nasa kaniyang ulo; ngunit ang hangal ay lumalakad sa ganap na kadiliman.”—Eclesiastes 2:14.
Ang babae na talagang matalino ay hindi nagbubulag-bulagan sa katotohanan at ‘lumalakad sa kadiliman,’ wika nga. Ginagamit niya ang ‘mga mata sa kaniyang ulo,’ na tumutulong sa kaniya na mag-isip. Tumutulong ito sa kaniya na maliwanagan sa kahihinatnan ng kaniyang mga kilos. Kaya di-tulad ng isang nagbubulag-bulagan sa kung ano talaga ang nasa kaniyang sinapupunan, ang matalinong babae ay naaawa at iingatan niya ang buhay sa kaniyang bahay-bata.
Ipinakita kay Stephanie, na nag-iisip magpalaglag, ang sonogram ng ipinagbubuntis niyang dalawang-buwang-gulang na sanggol. “Bigla akong napaiyak,” ang sabi ni Stephanie. “Naisip ko: Paano ko magagawang patayin ang isang bagay na may buhay?”
Napag-isip-isip din ni Denise, isa pang kabataang nagdalang-tao nang hindi pa kasal, na isa nang buháy na indibiduwal ang nasa sinapupunan niya. Nang bigyan siya ng kaniyang boyfriend ng pera at sabihing “bahala ka na,” sumagot si Denise: “Ipalaglag? Hindi ko magagawa ’yan!” Kaya hindi niya pinatay ang kaniyang anak.
Resulta ng Pagkatakot sa Tao
Kapag ginigipit ang isa na magpalaglag, makabubuting pag-isipan ang kawikaang ito sa Bibliya: “Ang panginginig sa harap ng mga tao ang siyang nag-uumang ng silo, ngunit siyang nagtitiwala kay Jehova ay ipagsasanggalang.”—Kawikaan 29:25.
Magsisimula pa lang mag-aral ng business ang 17-anyos na si Monica nang mabuntis siya ng kaniyang boyfriend. Nadismaya ang kaniyang nanay, isang balo na may limang anak. Pangarap niyang makapagtapos si Monica para maiahon sila sa hirap. Palibhasa’y desperado, iginiit ng kaniyang nanay na ipalaglag ang bata. “Nang tanungin ako ng doktor kung gusto kong magpalaglag,” ang sabi ni Monica, “sinabi kong ‘Hindi!’”
Palibhasa’y tuliro dahil naglaho ang mga pangarap niya para kay Monica at naiisip ang hirap sa pagpapalaki ng isa pang bata, pinalayas niya si Monica. Nakitira si Monica sa kaniyang tiyahin. Makalipas ang ilang linggo, lumambot ang puso ng kaniyang nanay at pinabalik siya ng bahay. Tinulungan si Monica ng kaniyang nanay sa pag-aalaga kay Leon, ang kaniyang anak, at napalapít ito nang husto sa bata.
Iba namang panggigipit ang naranasan ni Robin, isang asawang babae. “Ginamot ako noon ng doktor sa impeksiyon sa bato nang hindi sinusuri kung buntis ako,” ang sabi ni Robin. “Sinabi sa akin na malaki ang posibilidad na magkadiperensiya sa isip ang bata.” Kaya hinikayat siya ng doktor na magpalaglag. “Ipinaliwanag ko sa kaniya ang pangmalas ng Bibliya sa buhay,” ang sabi ni Robin. “Sinabi ko sa kaniya na hinding-hindi ako magpapalaglag.”
Tama namang mabahala ang doktor, pero hindi nanganganib ang buhay ni Robin.a “Nang isilang ko ang aking anak na babae at suriin siya,” ang sabi pa ni Robin, “nakitang kaunti lang ang diperensiya niya sa isip at mild lang ang cerebral palsy niya. Halos normal naman siya. Kinse anyos na siya ngayon at humuhusay sa pagbabasa. Mahal na mahal ko siya, at araw-araw ay paulit-ulit kong pinasasalamatan si Jehova dahil sa kaniya.”
Nakatutulong ang Pakikipagkaibigan sa Diyos
Sinasabi ng Bibliya: “Ang matalik na kaugnayan kay Jehova ay nauukol sa mga natatakot sa kaniya.”—Awit 25:14.
Tumanggi ang marami sa aborsiyon dahil isinaalang-alang nila ang pangmalas ng kanilang Maylalang sa bagay na ito. Ang pakikipagkaibigan sa Diyos at ang paggawa ng nakalulugod sa kaniya ang pinakamahalaga sa kanila. Ang mga ito ang nakaimpluwensiya sa desisyon ni Victoria, na nabanggit kanina. “Naniniwala ako na ang Diyos ang nagbibigay ng buhay,” ang sabi niya, “at wala akong karapatang putulin ang buhay na ibinigay niya.”
Nang dibdibin ni Victoria ang pag-aaral ng Bibliya, lumalim ang pakikipagkaibigan niya sa Diyos. Sinabi niya: “Dahil sa desisyon kong huwag ipalaglag ang aking anak, lalo akong napalapít sa Diyos at gusto kong paluguran siya sa lahat ng pitak ng aking buhay. Kapag humihingi ako sa kaniya ng patnubay, nagiging maayos ang lahat ng bagay.”
Ang pakikipagkaibigan sa Diyos, ang Bukal ng buhay, ay nagpapasidhi ng ating paggalang sa buhay na nasa sinapupunan. (Awit 36:9) Bukod diyan, makapagbibigay ang Diyos ng “lakas na higit sa karaniwan” para tulungan ang isang babae at ang kaniyang pamilya na makayanan ang anumang problemang dulot ng wala-sa-planong pagbubuntis. (2 Corinto 4:7) Ano kaya ang masasabi ngayon ng mga nagpakita ng paggalang sa pangmalas ng Diyos sa buhay tungkol sa kanilang naging desisyon?
Walang Pinagsisisihan
Ang mga magulang na ito ay hindi binabagabag ng kanilang budhi o nakadarama ng matinding lungkot at panghihinayang. Talagang nadama nilang gantimpala at hindi sumpa ang “bunga ng tiyan”! (Awit 127:3) Ganiyan ang nadama ni Connie, na nabanggit kanina, dalawang oras lamang pagkapanganak niya! Tinawagan niya si Kay at tuwang-tuwa niyang sinabi na sabik na sabik na siyang alagaan ang kaniyang anak. Idinagdag pa niya: “Talagang pinagpapala ng Diyos ang gumagawa ng nakalulugod sa kaniya.”
Bakit talagang kapaki-pakinabang na mamuhay ayon sa pangmalas ng Diyos sa buhay? Dahil ang mga batas at pamantayan sa Bibliya na ibinibigay ng Diyos, na siyang Bukal ng buhay, ay “para sa [ating] ikabubuti.”—Deuteronomio 10:13.
Ayon kina Victoria at Bill, na binanggit dito at sa unang artikulo, ang pagtanggi nila sa aborsiyon ang bumago sa kanilang buhay. Ipinaliwanag nila: “Lulong na kami noon sa droga at malamang na patay na kami ngayon kung hindi kami tumigil. Pero dahil sa paggalang sa buhay ng aming di-pa-isinisilang na anak, huminto kami at pinag-isipan ang takbo ng aming buhay. Sa tulong ng mga Saksi ni Jehova, nagbago ang aming buhay.”
Malapit nang mag-34 anyos ang kanilang anak na si Lance at mahigit 12 taon nang may asawa. Sinabi ni Lance: “Mula pagkabata, tinuruan ako ng mga magulang ko na magpasiya ayon sa Bibliya. Kung hindi dahil dito, hindi kami magiging ganito kasaya ng aking asawa at anak.” Ang kaniyang tatay, na noong una’y gustong magpalaglag si Victoria, ay nagsabi, “Kinikilabutan kami sa tuwing maiisip namin na muntik na naming maiwala ang aming mahal na anak.”
Balikan natin si Monica, na tumangging magpalaglag kahit na pinipilit siya ng kaniyang nanay. “Dalawang linggo pagkasilang ko sa aking anak,” ang sabi niya, “nakilala ko ang mga Saksi ni Jehova at natutuhan ko kung paano mamuhay ayon sa mga batas ng Diyos. Mula pagkabata, itinuro ko sa aking anak na si Leon ang kahalagahan ng pagsunod sa Diyos, kaya nagkaroon din siya ng masidhing pag-ibig sa Diyos. Si Leon ay isa na ngayong naglalakbay na ministro ng mga Saksi ni Jehova.”
Tungkol sa ginawa ng kaniyang nanay, sinabi ni Leon: “Alam kong mahal na mahal niya ako kaya hindi niya hinayaang mawala ako sa kabila ng matinding panggigipit sa kaniya, kaya naman gusto kong gamitin ang buhay ko sa pinakamabuting paraan para maipakita ko ang aking pagpapahalaga sa Diyos at sa kamangha-manghang kaloob na ito.”
Marami sa mga nakaunawa sa pangmalas ng Diyos sa buhay ang walang pinagsisisihan sa kanilang desisyong isilang ang bata na mahal na mahal nila ngayon. Mula sa pusong punung-puno ng pasasalamat, masasabi nila, “Tinanggihan namin ang aborsiyon!”
[Talababa]
a Kung sa panahon ng panganganak, kailangang mamili sa pagitan ng buhay ng ina at ng sanggol, nasa kamay ng mga indibiduwal na direktang nasasangkot ang pagpapasiya. Pero dahil sa pagsulong sa medisina sa maraming bansa, bihirang-bihira na ang ganitong situwasyon.
[Larawan sa pahina 7]
Natulungang magpasiya si Stephanie nang makita niya ang “sonogram” ng ipinagbubuntis niyang dalawang-buwang-gulang na sanggol
(Idinagdag ang guhit)
[Larawan sa pahina 8]
Sina Victoria at Lance
[Larawan sa pahina 8, 9]
Sina Victoria at Bill ngayon kasama si Lance at ang kaniyang pamilya
[Larawan sa pahina 9]
Kaylaki ng pasasalamat ni Monica at ng kaniyang anak na si Leon dahil hindi siya nagpadaig sa panggigipit na ipalaglag si Leon 36 na taon na ang nakararaan