Sanayin ang Inyong mga Anak Habang Bata
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA CANADA
◼ “Puwedeng maging mahusay na pantulong sa pag-aaral ang telebisyon,” ang sabi sa ulat na inilathala ng The New York Times. Pero “ang pagbababad sa harap ng telebisyon ay may masamang epekto sa katawan at isip ng mga bata” dahil kinukuha nito ang panahon para sa mga aktibidad na tutulong sa kanila na matuto ng iba’t ibang bagay at malinang ang pagkamalikhain at pakikipagkaibigan.
Matapos pag-aralan ang mga kaugalian sa panonood ng TV ng 2,500 bata, natuklasan ng mga mananaliksik sa Children’s Hospital sa Seattle, Washington, E.U.A., na “miyentras mas madalas manood ng TV ang mga batang edad isa hanggang tatlo, mas malamang na humina ang kakayahan nilang magpokus kapag pitong taóng gulang na sila,” ang sabi ng pahayagan. Habang lumalaki, lalong nagiging agresibo, walang tiyaga, at mainipin ang mga batang iyon. Ayon sa sikologong si Dra. Jane M. Healy, “napansin ng maraming magulang na mas nakapagtutuon na ng pansin ang kanilang mga anak na may attention-deficit disorder mula nang limitahan nila ang panonood ng mga ito ng TV.”
Ano ang puwedeng gawin ng mga magulang para malimitahan ang panonood ng kanilang mga anak? Ganito ang mungkahi ng ulat: Magtakda ng limitasyon kung anong oras at kung gaano katagal puwedeng manood ng TV ang iyong anak sa isang araw. Huwag gawing yaya ng bata ang TV. Sa halip, isali siya sa mga gawaing bahay hangga’t maaari. Piliin ang mga palabas na puwedeng panoorin ng iyong anak, at patayin ang TV kapag tapos na ang napiling mga palabas. Hangga’t maaari, samahan ang iyong anak sa panonood at pag-usapan ang nakikita ninyo. Panghuli, limitahan mo rin ang panonood mo ng TV.
Panahon, determinasyon, at disiplina sa sarili ang kailangan para matulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na maging malikhain at palakaibigan. Sulit ang mga pagsisikap dahil maganda ang ibinubunga nito. Tama ang sinasabi ng sinaunang kasabihan: “Sanayin mo ang bata ayon sa daang nararapat sa kaniya; tumanda man siya ay hindi niya iyon lilihisan.” (Kawikaan 22:6) Mahalagang bahagi ng pagsasanay na iyon ang pagtuturo sa mga bata ng mga pamantayang moral.
Nakakatulong sa mga Saksi ni Jehova ang aklat na Matuto Mula sa Dakilang Guro sa pagtuturo sa kanilang mga anak tungkol sa kagandahang asal. Oo, tiyak na habambuhay ang magiging pakinabang kung simula pagkabata, ang mga anak ay nakatatanggap ng maibiging atensiyon mula sa kanilang mga magulang at kung mahusay ang kanilang komunikasyon. Walang kapantay na kasiyahan ang madarama ng mga magulang kapag lumaking kagalang-galang at responsable ang kanilang mga anak!