Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 9/09 p. 24-27
  • Herodes na Dakila—Isang Ekspertong Tagapagtayo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Herodes na Dakila—Isang Ekspertong Tagapagtayo
  • Gumising!—2009
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Cesarea​—Isang Daungang-Lunsod
  • Ang Jerusalem at ang Templo ni Herodes
  • Samaria at Jerico
  • Mga Pambihirang Palasyong-Tanggulan
  • Herodes
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • “Noong mga Araw ni Herodes na Hari”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Herodes
    Glosari
  • Pagpaslang sa Isang Selebrasyon ng Kaarawan
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
Iba Pa
Gumising!—2009
g 9/09 p. 24-27

Herodes na Dakila​—Isang Ekspertong Tagapagtayo

NAGHARI siya sa loob ng mga tatlong dekada, mahigit 2,000 taon na ang nakalilipas. Ang kaniyang kaharian ay nasa Judea at sakop nito ang ilang lugar sa palibot. Nakilala siya bilang si Herodes na Dakila.

Si Herodes ay kilaláng isang sakim na mamamatay-tao. Ipinapatay niya hindi lamang ang kaniyang mga kapamilya kundi pati na ang maliliit na batang lalaking walang kalaban-laban. Nang ibalita sa kaniya ng mga astrologong taga-Silangan na isang batang lalaki na maghahari sa hinaharap ang isinilang, nagkunwari siya na gusto rin niyang magbigay-galang sa bata. Isinugo niya sila para hanapin ang bata at inutusang bumalik sa kaniya pagkatapos. Pero nang babalaan ng Diyos ang mga astrologo na huwag bumalik, ipinapatay ni Herodes ang lahat ng batang lalaki, mula dalawang taóng gulang pababa, sa Betlehem​—kung saan natagpuan ng mga astrologo si Jesus​—at sa kalapít na mga distrito nito.​—Mateo 2:1-18.

Pero bago ang pangyayaring ito, gustung-gusto ng mga tao si Herodes dahil sa mga kahanga-hangang istraktura na ipinatayo niya. Nagpatayo siya ng mga templo, ampiteatro, karerahan ng kabayo, at mga padaluyan ng tubig, gayundin ng malapalasyong mga tanggulan na may mararangyang paliguan. Talagang kahanga-hanga ang kaniyang mga proyekto. Humanga pati ang mga inhinyero sa ngayon na nagsasagawa ng pag-aaral sa mga kaguhuan nito.

Pumili si Herodes ng magagandang lugar para pagtayuan ng kaniyang mga gusali at ibinagay niya ang mga ito sa kapaligiran. Ang kaniyang mga palasyo ay napapalamutian ng magagarbo at detalyadong fresco at stucco​—mga painting o dekorasyon sa kisame o dingding. At ang mga sahig nito ay may disenyong mosaic. Pinauso rin niya sa Judea ang mga paliguan na istilong-Romano, na may mga heating system sa ilalim ng sahig nito. Masasabing nakapagtayo siya ng mga lunsod, at ang isa sa mga ito ay may artipisyal na baybayin.

Cesarea​—Isang Daungang-Lunsod

Ipinatayo ni Herodes sa Cesarea ang isa sa pinakamalaking daungan noong panahon ng Imperyo ng Roma. Manghang-mangha ang mga arkeologo sa laki nito. Puwedeng dumaong dito ang sandaang barko​—patunay na ang Cesarea ay naging isang sentro ng pandaigdig na kalakalan.

Ang mga piyer at panghalang sa alon ay itinayo gamit ang pinakabagong mga pamamaraan noong panahong iyon. Pero nagtataka ang mga iskolar kung paano nabuhat ng mga trabahador ang pagkalalaking bloke na, ayon sa pagkakalarawan ng istoryador na si Flavius Josephus, mga 15 metro ang haba, 3 metro ang lapad, at 3 metro ang kapal. Nitong nakaraang mga taon, natuklasan ng mga máninísid na kongkreto pala ang mga blokeng ginamit ni Herodes. Para makagawa ng mga piyer at panghalang sa alon, gumawa muna ang mga trabahador ng mga pormang yari sa kahoy, binuhusan ang mga ito ng semento, saka inilubog at ipinirmi sa ilalim.

Ang daungang-lunsod na ito ay may isang palasyo, karerahan ng kabayo, teatro na kasya ang 4,000 katao, templo na nakaalay kay Cesar Augusto, at magkakarugtong na kanal sa ilalim ng lupa. May mga padaluyan ng tubig at mga lagusan na nagdadala ng malinis na tubig sa Cesarea mula sa mga bukal sa Bundok Carmel, mga anim na kilometro ang layo mula sa lunsod.

Ang Jerusalem at ang Templo ni Herodes

Ang pinakamalaking proyekto ni Herodes ay ang templong ipinatayo niya sa Jerusalem. Ang orihinal na templo sa lugar na iyon ay ipinatayo ni Haring Solomon, ayon sa arkitektural na planong tinanggap ng kaniyang amang si David mula sa Diyos. (1 Hari 6:1; 1 Cronica 28:11, 12) Ang templong iyon ay winasak ng mga taga-Babilonya mga 420 taon matapos itong itayo. At mga 90 taon matapos itong mawasak, ang gobernador ng Juda na si Zerubabel ay nagpatayo ng mas maliit na templo bilang kapalit.

Hinggil sa templong ipinatayo ni Herodes sa lugar na iyon, isinulat ni Josephus: “Nakakalupkupan [ito] ng ginto, anupat kapag tinamaan ng sikat ng araw, para itong naglalagablab na apoy, kung kaya hindi ito matitigan ng mga tao. Kung titingnan sa malayo, para itong bundok na nababalot ng niyebe; dahil puting-puti ang mga bahaging walang kalupkop na ginto.”

Libu-libong lalaki ang nagtayo sa mga pader ng templo, na ang kanlurang bahagi ay mga 500 metro ang haba. Ang naglalakihang mga bato ay pinagpatung-patong nang walang argamasang pinakasemento nito. May isa ngang bato na tumitimbang ng halos 400 tonelada at “walang batong kasinlaki nito saanman sa sinaunang daigdig,” ayon sa isang iskolar. Kaya naman pala hangang-hanga rito ang mga alagad ni Jesus! (Marcos 13:1) Ang mga pader ay pinatungan ng pagkalaki-laking pundasyon na tinatawag na Temple Mount​—ang pinakamalaking gawang-taong pundasyon sa sinaunang daigdig. Kasya rito ang mga 350 basketball court!

Si Herodes din ang nagpatayo ng iba pang mga gusali sa Jerusalem. Isa na rito ang tanggulan ng Antonia, na malapit sa templong ipinatayo niya. Nagpatayo rin si Herodes ng palasyo at tatlong matataas at kakaibang tore sa may pasukan ng lunsod.

Samaria at Jerico

Iniregalo ni Augusto Cesar kay Herodes ang sinaunang lunsod ng Samaria. Sebaste ang itinawag dito ni Herodes. Gumanda ang lunsod nang magpatayo siya ng maraming gusali at kabilang na rito ang isang gusali na malamang ay isang istadyum na napalilibutan ng mga kolonada. Nagpatayo rin siya ng malalaking gusali na napapalamutian ng magagandang fresco.

Nagpatayo si Herodes ng isang palasyo sa Jerico, isang lunsod na mas mababa nang mga 250 metro sa kapantayan ng dagat. Ito’y may subtropikal na klima at matatagpuan sa Libis ng Jordan. Ang lawak ng Jerico ay mga 1,000 ektarya at mayroon itong mga parke at magagandang halamanan. Nagpatayo siya ng tatlong palasyo na pinagdugtung-dugtong para maging isang pagkalaki-laking tirahan. Ang bawat isa sa mga ito ay may mga tanggapan ng bisita, mga paliguan, halamanan, at mga swimming pool. Kaya naman gustung-gusto ni Herodes na tumira sa Jerico tuwing taglamig!

Mga Pambihirang Palasyong-Tanggulan

Pero may iba pang tirahan si Herodes kung taglamig. Nagpagawa siya ng isang tanggulan sa ibabaw ng mabatong talampas, ang Masada, na mahigit 400 metro ang taas sa Dagat na Patay. Nagpatayo siya roon ng isang eleganteng tatlong-palapag na palasyo na may balkonahe at mga swimming pool. Nagpatayo rin siya ng isa pang palasyo na may isang paliguan na istilong Romano. Ang mga dingding ng paliguang ito ay may mga tubo sa loob na naglalabas ng mainit na singaw at mayroon din itong palikuran na de-flush!

Sa gitna ng tigang na lugar na iyon, nakapagpagawa si Herodes ng sarili niyang health resort. Pinalagyan niya ito ng isang dosenang imbakan na puwedeng paglagyan ng mga 10,500,000 galon ng tubig. Yamang ang tanggulang ito ay may mahusay na sistema ng pag-iipon ng tubig-ulan, mayroon silang sapat na tubig para sa mga pananim, mga swimming pool, at mga banyo.

Ang isa pang kahanga-hangang proyekto ni Herodes ay ang kaniyang palasyong-tanggulan na tinatawag na Herodium, na nasa isang burol na mga limang kilometro sa timog-silangan ng Betlehem. May dalawang pangunahing bahagi ito: ang Upper Herodium at ang Lower Herodium. Nasa Upper Herodium ang malaking palasyong-tanggulan na may limang-palapag na tore​—ngayo’y isa nang kaguhuan​—na tanaw na tanaw noon. Dalawang taon na ang nakalilipas, iniulat ng mga international news agency na ang mga labí ng libingan ni Herodes ay natuklasan sa may Upper Herodium, anupat kinukumpirma ang ulat ni Josephus noong unang siglo tungkol sa prusisyon ng libing ni Herodes na naganap doon.

Ang Lower Herodium ay may karugtong na mga silid at opisina noon. Kitang-kita agad ang isang hardin na istilong Romano at may mga kolonada. Nakapalibot ito sa isang napakalaking pool na may magandang isla sa gitna. Ang sukat nito ay halos doble ng laki ng pool na ginagamit ngayon sa Olympics. Pangunahin nang ginagamit ito bilang imbakan ng tubig, pero puwede ring mag-swimming dito at mamangka. Ang tubig nito, na pinadaraan sa isang padaluyan, ay nanggagaling sa isang bukal na limang kilometro ang layo.

Ilang taon na ang nakalilipas, ganito ang komento ng isang turista tungkol sa tanawin doon: “Sa gawing silangan, natatanaw namin ang Dagat na Patay. Nasa harapan namin ang iláng ng Judea, kung saan natakasan ni David si Saul. Nakita namin na marami pala talagang puwedeng pagtaguan si David sa teritoryong iyon, lalo na nga’t kabisadung-kabisado niya ang lugar na iyon mula pa noong bata siya. Naisip din namin na habang nagpapastol ng mga tupa si David, malamang na madalas niyang akyatin ang mismong burol na ito para pagmasdan ang napakagandang tanawing nakikita namin ngayon.”

Napakarami nang naisulat na aklat tungkol sa mga proyekto ni Herodes. May sari-saring espekulasyon kung bakit siya nagpatayo ng gayon karaming proyekto. Ang ilan ay nagsasabing ginawa niya ito para magpasikat o para pabanguhin ang kaniyang pangalan sa pulitika. Anuman ang motibo niya, ang bahagyang pagtalakay na ito ay nagpapatunay na si Herodes na Dakila, bagaman malupit, ay isa rin palang ekspertong tagapagtayo.

[Larawan sa pahina 25]

CESAREA

(Sketch)

[Larawan sa pahina 25]

PALASYO SA JERUSALEM

(Modelo)

[Larawan sa pahina 25]

TEMPLO NI HERODES

(Modelo)

[Larawan sa pahina 26]

MASADA

Mga kaguhuan ng tatlong-palapag na palasyo

[Credit Line]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

[Larawan sa pahina 26]

HERODIUM

(Painting)

[Picture Credit Lines sa pahina 25]

Caesarea: Hiram Henriquez/National Geographic Stock; Palace: Courtesy of Israel Museum, Jerusalem, and Todd Bolen/Bible Places.com

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share