Tulong sa mga Kabataan
Kung perpekto ang lahat ng magulang, magbibigay sila ng di-pabagu-bago at maibiging patnubay at pagsasanay sa kanilang mga anak. Kakausapin nila ang mga ito, babasahan, uunawain, at kakain silang magkakasama. Kaya lang, hindi sila perpekto. Sinasabi ng Bibliya: “Ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.”—Roma 3:23.
Kung isa kang kabataan, baka naiisip mong may kulang sa pamilya ninyo—at baka ganoon nga. Gayunman, marami kang magagawa para mabawasan ang iyong kabalisahan at maging mas masaya ka. Tingnan ang ilan sa mga paraan kung paano makakatulong sa iyo ang pagsunod sa mga simulain ng Bibliya.
Mungkahi 1
Palawakin ang Mundo Mo sa Halip na Magsolo
“Ang nagbubukod ng kaniyang sarili ay naghahanap ng kaniyang makasariling hangarin; laban sa lahat ng praktikal na karunungan ay sasalansang siya.” (Kawikaan 18:1) Naaasiwa ang ilang kabataan kapag may kaharap silang mga tao, at mas gusto nilang manood ng TV o maglaro ng video game. Ang iba naman ay sobrang mahiyain, kaya ibinubukod nila ang kanilang sarili. Sinabi ng kabataang si Elizabeth na “hindi na maaalis ang pagkamahiyain” niya. Sinabi niya: “Ang pagkamahiyain ko ay parang takot. Hirap na hirap akong lumapit at makipag-usap sa mga tao.”
Paano hinarap ni Elizabeth ang kaniyang pagkamahiyain? Saksi ni Jehova siya, at bilang bahagi ng kaniyang pagsamba, regular siyang dumadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Sinabi ni Elizabeth: “Kahit mahiyain ako, sinisikap kong makausap ang isa sa mga dumalo sa pulong. Kapag hindi ko nagawa iyon, nalulungkot ako, pero pinaglalabanan ko ito. Iniisip ko na lang ang mga nagagawa ko. Talagang nakikinabang ako kapag nakikipagkaibigan ako sa iba.”
Subukan mong isulat ang pangalan ng dalawa o tatlong tao na gusto mong makilala nang higit pa. Sa susunod na mga linggo, sikapin mong madagdagan ang nalalaman mo tungkol sa isa sa kanila. Isulat mo rin ang isang magandang bagay na puwede mong gawin sa bawat isa sa kanila sa buwang ito, at gawin iyon.—Gawa 20:35.
Kung hindi mo haharapin ang problema at magsosolo ka, lalo ka lang mababahala sa sarili mo. Pinapayuhan tayo ng Bibliya na ‘ituon ang ating mata, hindi lamang sa personal na kapakanan ng ating sariling mga bagay-bagay, kundi sa personal na kapakanan din ng iba.’ (Filipos 2:4) Kung susundin mo ang simulaing ito sa pakikitungo sa iyong mga kapamilya at sa iba pang tao, magiging mas timbang ang tingin mo sa iyong problema at mas madali kang makakahanap ng solusyon.
Mungkahi 2
Tumakas sa Seksuwal na Imoralidad
“Tumakas sa seksuwal na imoralidad. Ang lahat ng iba pang kasalanan na magagawa ng isang tao ay nasa labas ng kaniyang katawan, ngunit siya na gumagawa ng seksuwal na imoralidad ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan.” (1 Corinto 6:18, New International Version) Paano ka makakaiwas sa panggigipit na gumawa ng seksuwal na imoralidad, gayong napakaraming kabataan ang gumagawa nito?
Una, kailangan mong pag-isipang mabuti ang bagay na ito bago ka mapaharap sa panggigipit o tukso. “Pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang,” ang sabi ng isang kawikaan sa Bibliya. (Kawikaan 14:15) Sinabi ni Mbali, isang kabataang babae na taga-Timog Aprika: “Noong haiskul, kinukulit ako ng kaklase kong lalaki na makipag-date sa kaniya. Pinipilit ako ng mga kaklase kong babae na pumayag dahil ang guwapo niya—modelo siya at kasali sa soccer team ng eskuwelahan. Guwapo nga siya, pero desidido akong huwag ikompromiso ang aking moral na mga pamantayan. Para sa mga kaeskuwela ko, wala namang masama sa pakikipag-sex kahit kanino. Pero alam ko kung ano ang tama at mali. At alam ko na rin ang gagawin ko bago pa ako mapaharap sa ganitong sitwasyon.”
Ikalawa, manalangin sa Diyos na tulungan kang sundin ang kaniyang moral na mga pamantayan sa lahat ng panahon. Sinabi ni Maggie, isang kabataang taga-Inglatera: “Sa tulong ng panalangin, nagkakaroon ako ng lakas na kailangan ko para malabanan ang panggigipit na makipag-sex. Hindi ko inisip na kaya kong haraping mag-isa ang hamong ito. Ipinakikipag-usap ko rin sa mga magulang ko ang tungkol dito at, kung minsan, sa iba pang may-gulang na mga kaibigan.”
Mungkahi 3
Unawain ang Iyong mga Magulang
“Kayong lahat ay magkaroon ng magkakatulad na pag-iisip, na nagpapakita ng pakikipagkapuwa-tao, na may pagmamahal na pangkapatid, mahabagin na may paggiliw.” (1 Pedro 3:8) Wala kang magagawa kung gusto ng mga magulang mong maghiwalay o kung kailangang pareho silang magtrabaho nang buong panahon. Pero kahit paano, may magagawa ka para hindi masira ng gayong sitwasyon ang kaugnayan mo sa kanila. Para mabawasan ang iyong kabalisahan at maging mas masaya ka, makakatulong kung sisikapin mong unawain ang iyong mga magulang at ang mga hamong napapaharap sa kanila.
Sinunod ng kabataang si Amber ang payong ito. Inaamin niya na kung minsan, silang mag-ina ay nagkakainitan, hindi nagkakaunawaan, at nagkakasamaan ng loob. Pero sinabi niya: “Napakaraming pinagdaanang hirap ni Nanay. Siya lang ang mag-isang nagpalaki sa aming apat na magkakapatid. Sinisiguro niyang mayroon kaming matitirhan, makakain, at maisusuot. Hangang-hanga ako sa katatagan niya, at gusto kong gayahin ang determinasyon niya kapag napapaharap ako sa mga problema.”
Kung sisikapin mong ilagay ang sarili mo sa sitwasyon ng iyong mga magulang at uunawain mo ang nadarama nila, magkakaroon ka ng timbang na pananaw sa iyong mga problema. Matutulungan ka rin nito na makita at matularan ang magagandang katangian ng iyong mga magulang.
Pinagmumulan ng Maaasahang Payo
Ang nabanggit na mga mungkahi ay ilan lamang sa praktikal na karunungang makukuha sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Miyentras mas marami kang natututuhan sa aklat na ito, lalo mong mapahahalagahan ang maaasahang payo na ibinibigay nito.a
Para matuto ka nang higit pa tungkol sa Bibliya, makisama ka at makipag-aral sa mga Saksi ni Jehova. May makikilala ka sa kanila na puwede mong maging tunay na mga kaibigan na aalalay sa iyo kapag may problema ka at tutulong sa iyo na sundin ang matalinong payo ng Bibliya. Totoong hindi madaling mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Bibliya. Pero kung ito ang gagawin mo, makikinabang ka ngayon at magpakailanman.—Isaias 48:17, 18.
[Talababa]
a Ang aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova, ay naglalaan ng mahusay na payo mula sa Bibliya kung paano haharapin ng mga kabataan ang mga panggigipit na napapaharap sa kanila. May ganito ring mga impormasyon sa Internet sa Web site na www.watchtower.org/ype.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 8]
Ang Kailangan ng mga Kabataan sa Kanilang mga Magulang
Panahon: Sinabi ng Diyos na Jehova sa mga magulang sa Israel na dapat nilang kausapin nang madalas ang kanilang mga anak—“kapag nakaupo ka sa iyong bahay at kapag naglalakad ka sa daan.” (Deuteronomio 6:6, 7) Para magawa ito, kailangang maglaan ng panahon ang mga magulang sa kanilang mga anak. Si Jesus mismo ay naniniwala na kailangang pag-ukulan ng panahon ang mga bata. Halimbawa, nang “ang mga tao ay nagsimulang magdala sa kaniya ng mga bata upang mahipo niya ang mga ito,” ano ang reaksiyon ni Jesus? “Kinuha niya sa kaniyang mga bisig ang mga bata at pinasimulan silang pagpalain.” (Marcos 10:13, 16) Napakagandang halimbawa para sa mga magulang!
Tapat at Bukás na Linya ng Komunikasyon: Sinasabi ng Bibliya: “Nabibigo ang mga plano kung saan walang matalik na usapan.” (Kawikaan 15:22) Noong bata pa ang inyong mga anak, mahalaga ang matalik na usapan. Lalo itong mahalaga ngayong tin-edyer na sila, kung kailan karaniwan nang bihira silang nasa bahay at ang madalas nilang kasama ay ang kanilang mga kaeskuwela o kabarkada. Kung walang matalik na usapan—walang tapat at bukás na linya ng komunikasyon ang anak at ang mga magulang—ang mga tin-edyer ay magiging estranghero sa sarili nilang bahay.
Angkop na Disiplina: Ang disiplina ay pangunahin nang tumutukoy sa pagtutuwid at pagsasanay—gayunman, nasasangkot din dito ang pagpaparusa kung kinakailangan. “Ang sinumang mangmang ay nagwawalang-galang sa disiplina ng kaniyang ama, ngunit ang sinumang nagpapakundangan sa saway ay matalino,” ang sabi ng Kawikaan 15:5. Hindi maaaring ‘magpakundangan [o, makinig], sa saway’ ang isang tin-edyer kung hindi naman siya sinasaway. Siyempre, kailangang maging balanse ang mga magulang sa pagdidisiplina sa mga tin-edyer. Dapat nilang iwasan na maging sobrang istrikto dahil masisiraan ng loob ang kanilang mga anak, at baka mawalan pa nga sila ng kumpiyansa sa sarili. (Colosas 3:21) Pero hindi gugustuhin ng mga magulang na maging kunsintidor anupat hindi binibigyan ang kanilang mga anak ng kinakailangang pagsasanay. Masaklap ang ibubunga ng pangungunsinti.b
[Talababa]
b Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 5 at 6 ng aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.