Sekreto 5: Pagiging Makatuwiran
“Makilala nawa . . . ang inyong pagkamakatuwiran.”—Filipos 4:5.
Ano ito? Nagiging maligaya ang pamilya kapag ang mag-asawa ay nagpapatawaran sa isa’t isa. (Roma 3:23) Hindi rin sila istrikto ni kunsintidor man sa kanilang mga anak. Hindi sila nagtatakda ng napakarami at di-makatuwirang mga tuntunin. Kapag kailangan ang pagtutuwid, ibinibigay nila ito “sa wastong antas.”—Jeremias 30:11.
Bakit ito mahalaga? Sinasabi ng Bibliya na “ang karunungan mula sa itaas [ay] makatuwiran.” (Santiago 3:17) Hindi umaasa ang Diyos na magiging sakdal ang di-sakdal na mga tao, kaya hindi rin dapat asahan ng isa na maging sakdal ang kaniyang asawa. Kapag laging pinupuna ng isa kahit ang maliliit na pagkakamali, magdaramdam lang ang kaniyang asawa at hindi maaayos ang problema. Mahalagang tandaan na “tayong lahat ay natitisod.”—Santiago 3:2.
Sa maliligayang pamilya, ang mga magulang ay makatuwiran sa kanilang mga anak. Hindi sila sobrang higpit magdisiplina, ni sila man ay “mahirap palugdan.” (1 Pedro 2:18) Kapag nakikita nilang responsable na ang kanilang mga anak, binibigyan nila ng higit na kalayaan ang mga ito. Hindi nila sinusundan ang lahat ng kilos ng kanilang mga anak dahil kapag ginawa nila ito, para silang sumusuntok sa hangin. Mapapagod lang sila, pero wala namang magandang ibubunga.
Subukin ito. Tingnan kung talagang makatuwiran ka. Gamitin ang sumusunod na mga tanong.
◼ Kailan mo huling pinuri ang iyong asawa?
◼ Kailan mo huling pinuna ang iyong asawa?
Ang dapat gawin. Kung nahirapan kang sagutin ang unang tanong, pero madali mong nasagot ang ikalawa, isipin kung paano ka magiging higit na makatuwiran.
Bakit hindi ninyo pag-usapang mag-asawa kung ano ang maaari ninyong gawin para lalo ninyong maipakita ang pagiging makatuwiran?
Kapag nakikita mong responsable na ang iyong anak na tin-edyer, mag-isip ng mga bagay na papayag ka nang gawin niya.
Bakit hindi ninyo pag-usapan ng iyong anak na tin-edyer ang mga bagay na gaya ng curfew?
[Larawan sa pahina 7]
Gaya ng maingat na drayber, handang magbigay ang isang makatuwirang miyembro ng pamilya