Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 10/09 p. 28-29
  • Tama Bang Maglive-in Muna Bago Magpakasal?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tama Bang Maglive-in Muna Bago Magpakasal?
  • Gumising!—2009
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Isang Laman”
  • “Umiwas Kayo sa Pakikiapid”
  • Kasal o “Live-In”—Alin?
    Gumising!—1992
  • Dapat Ba Kaming Magsama Bago Magpakasal?
    Tulong Para sa Pamilya
  • Pag-aasawa—Kaloob ng Isang Maibiging Ama
    Manatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Paghahanda Para sa Matagumpay na Pag-aasawa
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
Iba Pa
Gumising!—2009
g 10/09 p. 28-29

Ang Pangmalas ng Bibliya

Tama Bang Maglive-in Muna Bago Magpakasal?

BIBILI ka ba ng damit nang hindi muna ito isinusukat? Tiyak na hindi. Kasi kung hindi pala sukát sa iyo ang binili mo, sayang lang ang pera at panahon mo.

Ganiyan ang tingin ng marami sa pag-aasawa. Para sa kanila, mas mabuting maglive-in muna bago magpakasal. ‘Kung hindi uubra ang relasyon,’ ang katuwiran nila, ‘mas madaling maghiwalay. Wala pang gastos sa abogado.’

Malamang na ganiyan ang iniisip ng ilan na may kaibigang inaabuso ng asawa o hindi mahal ng asawa. Kaya para sa kanila, mas mabuting maglive-in muna.

Ano ba ang pangmalas dito ng Bibliya? Para masagot iyan, suriin muna natin ang sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol sa pag-aasawa.

“Isang Laman”

Napakalaki ng pagpapahalaga ng Bibliya sa pag-aasawa, at hindi iyan kataka-taka dahil ang Diyos na Jehova mismo ang nagtatag ng kaayusang ito. (Genesis 2:21-24) Layunin niyang maging “isang laman” ang mag-asawa. (Genesis 2:24) Matapos sipiin ni Jesus ang pananalitang iyon, idinagdag niya: “Ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.”​—Mateo 19:6.

Totoo, may mga mag-asawang nagdidiborsiyo.a Pero hindi iyon dahil sa may mali sa kaayusan sa pag-aasawa; hindi lang sila naging tapat sa kanilang panata sa isa’t isa.

Bilang paglalarawan: Isang mag-asawa ang bumili ng kagamitan sa bahay, pero hindi nila sinunod ang manwal nito. Kapag nasira ang kagamitan, sino ang dapat sisihin? Ang pabrikang gumawa o ang mag-asawang hindi sumunod sa manwal?

Ganiyan din sa pag-aasawa. Kapag sinisikap ng mag-asawa na sundin ang mga pamantayan ng Bibliya sa paglutas sa mga problema, napakaliit ng posibilidad na maghiwalay sila. Matatag ang kanilang pagsasama dahil may panata sila sa isa’t isa, at ang panatang ito ang pundasyon ng kanilang pagmamahalan.

“Umiwas Kayo sa Pakikiapid”

Pero baka sabihin ng ilan: ‘Bakit hindi muna maglive-in para makita kung bagay kayo? Hindi ba’t pagpapakita ito ng paggalang sa pagiging sagrado ng pag-aasawa?’

Malinaw ang sagot ng Bibliya. Isinulat ni Pablo: “Umiwas kayo sa pakikiapid.” (1 Tesalonica 4:3) Ang “pakikiapid” ay tumutukoy sa lahat ng seksuwal na ugnayan sa pagitan ng hindi mag-asawa. Kasama rito ang pagtatalik ng magkalive-in. Kaya ayon sa Bibliya, maling maglive-in ang dalawa​—kahit pa may balak silang magpakasal.

Makaluma ba ang pangmalas na ito ng Bibliya? Iyan siguro ang iniisip ng ilan. Tutal, sa maraming lupain, normal lang ang paglilive-in​—may plano mang magpakasal o wala. Pero ano ang resulta nito? Mas matagumpay ba ang kanilang pamilya? Mas maligaya ba sila kaysa sa mga nagpakasal? Mas nagiging tapat ba sila sa isa’t isa kapag mag-asawa na sila? Ayon sa mga pag-aaral, hindi. Sa katunayan, mas marami ang problema ng mga mag-asawang naglive-in muna at mas malaki ang posibilidad na magdiborsiyo sila bandang huli.

Hindi sang-ayon ang ilang eksperto sa gayong pag-aaral. “Hindi maaaring pagkumparahin ang mga nagpapakasal at ang mga taong gustong maglive-in,” ang isinulat ng isang sikologo. Ayon pa sa kaniya, hindi paglilive-in ang susi kundi ang “pagpapahalaga [ng bawat isa] sa pagiging may-asawa.”

Kahit totoo pa iyan, ipinakikita lang nito na mahalagang tularan ang pangmalas ng Diyos sa pag-aasawa. Sinasabi ng Bibliya: “Maging marangal nawa ang pag-aasawa sa gitna ng lahat.” (Hebreo 13:4) Kapag ang lalaki at babae ay nanata na mananatili silang isang laman at iginagalang nila ang kaayusan sa pag-aasawa, hindi madaling mapapatid ang kanilang pagsasama.​—Eclesiastes 4:12.

Gaya ng ipinakikita ng ilustrasyon sa pasimula, tama namang isukat muna ang damit bago ito bilhin. Pero sa pag-aasawa, ang “pagsusukat” ay hindi nangangahulugan ng paglilive-in kundi pagkilala sa isa na gusto mong mapangasawa. Ang napakahalagang hakbang na ito ay madalas na naipagwawalang-bahala, pero isa ito sa mga sekreto ng matagumpay na pamilya.

[Talababa]

a Ayon sa Bibliya, puwedeng makipagdiborsiyo at mag-asawa uli ang isa kung ang kaniyang asawa ay may seksuwal na pakikipagrelasyon sa iba.​—Mateo 19:9.

NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?

◼ Bakit sinasabi ng Bibliya na para lamang sa mag-asawa ang pagtatalik?​—Awit 84:11; 1 Corinto 6:18.

◼ Anu-anong katangian ang dapat mong hanapin sa isang mapapangasawa?​—Ruth 1:16, 17; Kawikaan 31:10-31.

[Kahon sa pahina 29]

“NAGKAKASALA LABAN SA KANIYANG SARILING KATAWAN”

Sinasabi ng Bibliya: “Siya na namimihasa sa pakikiapid ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan.” (1 Corinto 6:18) Tama naman, yamang nitong nakalipas na mga dekada, milyun-milyon ang namatay sa AIDS at sa iba pang sakit na nakukuha sa pagtatalik. Pero hindi lamang iyan. Ipinakikita ng mga pag-aaral na karaniwan sa mga kabataang nakikipagsex ang pagpapakamatay o depresyon. Marami din ang nabubuntis dahil sa pakikipagtalik sa iba’t ibang kapareha, at ang ilan sa kanila ay natutukso pa ngang magpalaglag. Batay sa mga impormasyong ito, masasabi nating hindi makaluma ang pamantayang moral ng Bibliya.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share