Mga Magulang—Gabayan ang Inyong mga Anak
“Noon, pagbababad lang sa TV ang inaalala namin. Ngayon, nariyan na ang video game, computer at cellphone. Masyadong nakakaengganyo ang mga ito sa maliliit na bata, kaya puwede silang maadik dito . . . Nasasanay ang utak nila na maraming naririnig at nakikita—at kapag wala nito, hindi na sila mapakali.”—Mali Mann, M.D.
NABUBUHAY tayo sa daigdig ng Internet at makabagong teknolohiya sa komunikasyon. Maraming kabataan ang hindi makaalis ng bahay nang walang cellphone o portable media player. Palibhasa’y mas mura na ang mga ito at mas marami na ring features o gamit, usung-uso na ang mga elektronikong kagamitan. Kaya naman nagiging mas mahirap para sa mga magulang na subaybayan, sanayin, at disiplinahin ang kanilang mga anak.
May dalawang mahalagang bagay na makakatulong sa mga magulang. Tandaan na totoo ang sinasabi ng Bibliya sa Kawikaan 22:15: “Ang kamangmangan ay nakatali sa puso ng bata; ang pamalong pandisiplina ang maglalayo nito sa kaniya.” Tandaan din na puwedeng negatibo o positibo ang epekto ng teknolohiya sa mga bata, kaya sikapin mong maging positibo ito.
Simulan Habang Bata Pa Sila!
Sa maraming tahanan, sa TV unang nahahantad ang mga bata. Madalas pa ngang gawing yaya ang TV. Pero ayon sa ilang espesyalista sa isip, kapag nasosobrahan sa panonood ng TV ang mga bata, maaari silang maging sumpungin, mawalan ng gana sa pag-eehersisyo, malito sa kung ano ba talaga ang totoo at hindi totoo, at maging di-atentibo sa klase kapag nag-aaral na sila. Ayon kay Dr. Mali Mann, maaari pa ngang “mapagkamalang may Attention Deficit Disorder [ADD] o Attention Deficit Hyperactivity Disorder [ADHD], o baka pa nga bipolar disorder” ang ilang bata. Kaya inirerekomenda ng ilang espesyalista na huwag papanoorin ng TV ang mga batang edad dalawang taon pababa.
“Napakahalaga na sa unang mga taon ng bata ay maging malapít siya sa kaniyang mga magulang,” ang sabi ni Dr. Kenneth Ginsburg, tagapagsalita ng American Academy of Pediatrics. Nangyayari iyan kapag kinukuwentuhan ng mga magulang ang kanilang mga anak, binabasahan sila, at nakikipaglaro sa kanila. Gaya ng karanasan ng maraming magulang, kapag laging binabasahan ang mga bata, nakakahiligan din ng mga ito ang pagbabasa—na malaking tulong naman sa mga bata.
Totoong mahalaga, o napakahalaga pa nga, para sa milyun-milyong bata na matuto tungkol sa computer at iba pang teknolohiya. Pero kung napapansin mong sumusobra na ang oras na inuubos ng inyong mga anak sa computer, computer game, Internet, at sa iba pang gaya nito, isang katalinuhan na bigyan sila ng ibang mapagkakaabalahan. Halimbawa, baka puwede mo silang turuang tumugtog ng instrumento o ng iba pang mapaglilibangan—anumang gawaing kapaki-pakinabang na medyo kakaiba, kawili-wili, at nakapagpapasigla.
Ang isang mabuting libangan ay hindi lang nakakarepresko. Nakakatulong din ito sa iyong mga anak na maging malikhain at malinang ang determinasyon, pagpipigil sa sarili, at tiyaga—mga katangiang kailangan para malutas ang mga problemang hindi naaalis ng basta isang click ng mouse.
Kailangan ng mga Bata ang “Karunungan at ang Kakayahang Mag-isip”
Sa Bibliya, bata’t matanda ay pinasisigla na pasulungin ang kanilang “kakayahan sa pangangatuwiran,” o kakayahang mag-isip. (Roma 12:1; Kawikaan 1:8, 9; 3:21) At ito naman ang tutulong na malaman kung ano ang tama at mali, at kung isa bang katalinuhan na gawin ang isang bagay. Halimbawa, hindi naman bawal maglaro ng computer game o manood ng TV nang matagal, pero isa ba itong katalinuhan? Hindi naman bawal bumili ng pinakabagong gadyet o program sa computer, pero muli, isa ba itong katalinuhan? Kung gayon, paano mo matutulungan ang iyong mga anak na makapagpasiya nang may katalinuhan pagdating sa teknolohiya?
◼ Ipaliwanag ang mga panganib. Kung teknolohiya at Internet ang pag-uusapan, madaling matuto ang mga bata. Pero dahil kulang sila sa karunungan at karanasan, madali silang maimpluwensiyahan. Kaya ipakita sa kanila ang mga panganib at kung paano ito iiwasan. Isang halimbawa rito ang mga online social network. Totoong nai-express ng mga kabataan ang kanilang sarili sa gayong mga network at marami silang nakikilalang ibang kabataan, pero ginagawa itong “shopping mall” ng mga hayok sa sekso at ng iba pang may masamang motibo.a (1 Corinto 15:33) Kaya dapat paalalahanan ng matatalinong magulang ang kanilang mga anak na huwag magbigay ng personal na impormasyon sa Internet.b
Siyempre, karapatan din ng mga bata na magkaroon ng privacy—pero depende ito sa kanilang edad at kung mapagkakatiwalaan na sila. Bilang isang magulang, binigyan ka ng Diyos ng awtoridad at responsibilidad na sanayin at gabayan ang iyong mga anak. (Kawikaan 22:6; Efeso 6:4) Huwag sana nilang isipin na nanghihimasok ka sa buhay nila kundi nagmamalasakit ka at nagmamahal.
“Pero,” baka sabihin mo, “paano ko matutulungan ang mga anak ko, wala nga akong kaalam-alam sa mga gadyet nila?” Bakit hindi mo subukang matuto kahit basic lang? Si Melba, na ngayo’y mahigit 90 anyos na, ay unang nakahawak ng computer nang siya’y mahigit 80 anyos. “Noong una,” ang sabi niya, “gusto ko itong ihagis sa bintana. Makalipas ang ilang buwan, natuto na rin ako, at ngayon, alam ko nang mag-e-mail at gamitin ang ibang program nito.”
◼ Magtakda ng limitasyon. Kung nauubos ang panahon ng anak mo sa Internet, TV, o computer game, bakit hindi magtakda ng limitasyon sa paggamit ng mga ito? Makakatulong ito sa iyong anak na makitang mahalagang sundin ang simulain ng Bibliya: “Sa lahat ng bagay ay may takdang panahon.” Ibig sabihin, may panahon para sa pamilya, sa mga kaibigan, sa takdang-aralin, sa pagkain, sa ehersisyo, at iba pa. (Eclesiastes 3:1) Kapag makatuwiran at di-pabagu-bago ang mga tuntunin sa bahay, nagiging matatag ang pamilya at natutulungan ang mga anak na maging makonsiderasyon, palakaibigan, at huwaran sa kagandahang-asal.
Sa huling artikulo ng seryeng ito, titingnan natin ang ilang simulain na makakatulong sa ating lahat—bata man o matanda—na maging makonsiderasyon sa iba at makatuwiran sa paggamit ng mga produkto ng teknolohiya.
[Mga talababa]
a Makakatulong kung babasahin ng mga magulang ang artikulong “Mga Bata at Internet—Ang Dapat Malaman ng mga Magulang” sa Gumising!, isyu ng Oktubre 2008. Sa isyu naman ng Marso at Disyembre 2007 at Enero 2008, mababasa ang mga artikulo tungkol sa pornograpya, video game, at Internet.
b Ginagamit din ng ilang kabataan ang kanilang cellphone para magpadala ng malalaswa nilang litrato sa kanilang mga kaibigan. Hindi lamang ito kahiya-hiya, kundi kamangmangan din, dahil anuman ang intensiyon ng nagpadala, madalas na naipapasa ito sa iba.
[Larawan sa pahina 7]
Kailangan ng mga bata ng iba’t ibang mapagkakaabalahan para lumawak ang kaalaman nila at malinang ang pagtitiyaga at determinasyon