Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 11/09 p. 12-14
  • Dating Opisyal ng Submarino, Ngayo’y Alagad ni Kristo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Dating Opisyal ng Submarino, Ngayo’y Alagad ni Kristo
  • Gumising!—2009
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nagbasa Ako Tungkol sa Isang Tagapamayapa
  • Nasumpungan Ko ang Sagot!
  • Oras Na Para Magpasiya
  • Ang Bago Kong “Punong Kumandante”
  • Pagharap sa mga Bagong Hamon
  • “Ang Aming Misyon ay Pagpapatiwakal”
    Gumising!—1991
  • Kung Ano ang Matututuhan Natin sa Halimbawa ni Maria
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • “Narito! Ang Aliping Babae ni Jehova!”
    Tularan ang Kanilang Pananampalataya
  • Nakayanan Niya ang Matinding Pamimighati
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
Iba Pa
Gumising!—2009
g 11/09 p. 12-14

Dating Opisyal ng Submarino, Ngayo’y Alagad ni Kristo

Ayon sa salaysay ni Andrew Hogg

“Kapag pinakawalan natin ang ating mga nuclear missile,” ang sabi ng kumandante ng aming submarino, “ibig sabihin, bigo tayo.” Ito ang nagbukas ng usapan kung tama bang sumali sa nuklear na digmaan. Paano ba ako napasok sa ganitong serbisyo?

ISINILANG ako noong 1944 sa Philadelphia, Pennsylvania, E.U.A. Malaki ang impluwensiya sa akin ng tatay, lolo, at tiyuhin ko, na pawang naglilingkod sa hukbong militar. Para sa kanila, iyon ang pinakamagandang karera. Noong bata ako, naglibot ako sa kalapít na pagawaan ng mga barko ng navy. Doon ako unang nakakita ng submarino. Mula noon, pinangarap ko nang makapagtrabaho sa isang submarino. Pagkatapos ng haiskul, pumasok ako sa U.S. Naval Academy. Pagkalipas ng apat na taon, nagtapos ako noong Hunyo 1966.

Pumasok ako sa Naval Nuclear Propulsion Program para sa pagsasanay sa nuclear engineering at operasyon ng submarino. Noong Abril 1967, pinakasalan ko si Mary Lee Carter. At sa wakas, noong Marso 1968, natupad ang pangarap ko nang atasan akong maging crew ng submarinong USS Jack. Pagkalipas ng mga isang taon, isinilang ni Mary Lee ang panganay namin, si Allison.

Noong 1971, inatasan akong maging Engineer Officer ng USS Andrew Jackson, na ang kumandante ay nabanggit sa pasimula. Habang naglalayag ang submarinong ito na kargado ng mga Polaris missile, naganap ang kinatatakutan ng lahat ng opisyal at crew ng anumang submarino​—sunog! Mga hatinggabi noon nang makarinig kami ng isang malakas na kalabog. Saka tumunog ang alarm at narinig namin, “Sunog sa machinery room one!”

Dahil ako ang may pananagutan sa halos lahat ng mechanical at electrical system, agad akong tumakbo sa likuran ng submarino para alamin ang laki ng pinsala. Nagkaroon ng sunog sa isang oxygen generator, na siyang nagsusuplay ng hangin sa submarino. Apat sa amin ang agad na nagsuot ng gas mask at gumawa ng paraan para mawala ang gas na posibleng magpalaki sa sunog. Buti na lang, walang nasaktan. Sa kabila ng sunog na iyon, nagpatuloy pa rin kami sa aming misyon​—patunay na mahusay ang pagsasanay sa crew.

Nagbasa Ako Tungkol sa Isang Tagapamayapa

Para mabawasan ang stress namin sa trabaho, pinasigla kaming magbasa-basa tungkol sa iba’t ibang kultura. Talambuhay ng mga kilalang personalidad sa militar ang madalas kong basahin. Pero sa pagkakataong ito, nagbasa ako tungkol sa isang kilalang tagapamayapa​—si Jesu-Kristo. Sinimulan kong basahin ang mga Ebanghelyo sa Bibliyang natanggap ko nang magtapos ako sa naval academy. Pero hindi ko maintindihan ang binabasa ko. Kailangan ko ng tulong.

Nang patapos na ang aming misyon, ang kumandante namin ay nagpatawag ng pulong ng mga opisyal. Ipinatalastas niya: “Ibinigay sa ating engineer ang pinakamagandang posisyon sa United States Navy. Siya ang magiging Engineer Officer ng una sa pinakabagong uri ng attack submarine ng navy.” Gulát na gulát ako!

Lumipat kami sa Newport News, Virginia, kung saan ginagawa ang USS Los Angeles. Ako ang nangangasiwa sa pagsubok ng mga engineering system at paggawa ng mga manwal at training program. Napakakomplikado ng trabaho ko, pero masaya ako. Samantala, isinilang ni Mary Lee ang anak naming lalaki, si Drew. Dalawa na ang anak namin, at naglaro uli sa isip ko ang mga tanong na ito: ‘Ano kaya ang pangmalas ng Diyos sa digmaan? Ano kaya ang nangyayari kapag namatay ang isang tao? Mayroon kayang impiyerno?’

Nasumpungan Ko ang Sagot!

Nang panahon ding iyon, may dalawang Saksi ni Jehova na pumupunta sa bahay. Nang minsan ngang tawagan ko si Mary Lee, sinabi niya, “May dalawang babae dito, may dalang Bibliya.”

“Ano raw ang relihiyon nila?” ang tanong ko.

“Mga Saksi ni Jehova,” ang sagot niya.

Hindi ko kilala ang mga Saksi, pero gusto kong maunawaan ang Bibliya. “Anyayahan mo sila isang gabi,” ang sabi ko. Di-nagtagal, bumalik ang isa kasama ang kaniyang asawa, at kaming mag-asawa ay nagsimulang mag-aral ng Bibliya.

Sa wakas, nasumpungan ko ang sagot sa matagal ko nang mga tanong. Halimbawa, natutuhan kong ang mga patay pala ay “walang anumang kabatiran.” Itinulad sila ni Jesus sa taong natutulog nang mahimbing. (Eclesiastes 9:5; Juan 11:11-14) Kaya ang mga patay ay hindi nakakaramdam ng kasiyahan ni ng paghihirap man. Sila ay ‘natutulog’ sa kamatayan, na naghihintay ng pagkabuhay-muli.

Kami ni Mary Lee ay nagsimulang dumalo sa mga Kristiyanong pagpupulong sa Kingdom Hall sa aming lugar. Doon, nakilala namin ang mga Saksi na iba’t iba ang kultura, lahi, at pinag-aralan, pero payapa at nagkakaisang naglilingkod sa Diyos. “Talagang napapabuti ng Bibliya ang buhay ng mga tao,” ang napag-isip-isip naming mag-asawa.​—Awit 19:7-10.

Oras Na Para Magpasiya

Nang sumiklab ang Digmaang Arab-Israeli noong 1973, ang Estados Unidos ay nagpadala ng mga submarino. Napakaigting ng sitwasyon, at noon ko naisip na tanging ang Kaharian ng Diyos, hindi ang pamahalaan ng tao, ang magdudulot ng tunay at namamalaging kapayapaan. Sa katunayan, madalas kong ipanalangin: “Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban . . . sa lupa,” pero hindi ko alam ang kahulugan nito. (Mateo 6:9, 10, Ang Biblia) Ngunit ngayon, alam ko nang ang Kaharian ng Diyos ay isang pamahalaan sa langit na malapit nang mamuno sa buong lupa at mag-alis sa lahat ng kasamaan.​—Daniel 2:44; 7:13, 14.

Nabahala ako sa sinasabi ng 2 Corinto 10:3, 4. Ayon dito, ang mga tunay na Kristiyano ay ‘hindi nakikipagdigma ayon sa kung ano tayo sa laman. Sapagkat ang mga sandata ng ating pakikidigma ay hindi makalaman, kundi makapangyarihan sa pamamagitan ng Diyos.’ Natutuhan kong kasama sa espirituwal na ‘mga sandatang’ ito “ang tabak ng espiritu”​—ang Banal na Bibliya.​—Efeso 6:17.

Kailangan kong pumili​—magpatuloy sa karera ko, na mahirap pero masaya, o iayon ang buhay ko sa sinasabi ng Bibliya. Matapos ko itong pag-isipang mabuti at ipanalangin, ipinasiya ko na kung talagang gusto kong maging isang tunay na tagapamayapa, gagawin ko ito ayon sa paraan ng Diyos.

Ang Bago Kong “Punong Kumandante”

Pinag-usapan naming mag-asawa ang aming kinabukasan at ipinanalangin ito. Nagpasiya kaming maglingkod sa pinakamataas na “Punong Kumandante”​—ang Diyos na Jehova. Inialay namin ang aming sarili kay Jehova, at nagbitiw ako sa navy. Inilipat ako sa Norfolk, Virginia, kung saan hinintay kong maaprubahan ang aking pagbibitiw. Takang-taka ang karamihan sa mga kasamahan ko. Kinontra pa nga ng ilan ang aking pasiya. Pero iginalang ng iba ang paninindigan ko na salig sa Bibliya.

Naaprubahan ang pagbibitiw ko noong 1974. Nang taon ding iyon, sinagisagan naming mag-asawa ang aming pag-aalay sa Diyos sa pamamagitan ng bautismo sa tubig sa “Divine Purpose” na Pandistritong Asamblea ng mga Saksi ni Jehova sa Hampton, Virginia. (Mateo 28:19, 20) Simula ito ng isang bagong buhay.

Pagharap sa mga Bagong Hamon

May dalawa kaming anak, wala akong trabaho, at sapat lang ang pera namin para makaraos nang mga dalawang buwan. Nag-aplay ako sa maraming kompanya at ipinaubaya ko na sa Diyos ang mga bagay-bagay. Di-nagtagal, isang kompanya ang tumanggap sa akin. Kalahati lang ang suweldo ko kung ikukumpara sa dati kong suweldo sa navy, pero sapat naman ito para manatili kami sa lugar na iyon.

Nang sumulong kami sa espirituwal, gusto naming maglingkod kay Jehova nang higit pa. Isang pamilyang Saksi na kakilala namin ang lumipat sa sentro ng Virginia kung saan mas malaki ang pangangailangan para sa mga tagapagturo ng Bibliya. Inimbitahan nila kaming dalawin sila. Sa dalaw naming iyon, naisip naming lumipat din doon. Humiling ako sa kompanya na idestino ako roon. Tuwang-tuwa ako dahil hindi lang ako pinayagan, binigyan pa ako ng promosyon! Sagot pa ng kompanya ang gastos namin sa paglilipat. Naisip namin, ‘Talagang pinangangalagaan ng Diyos ang mga nagsisikap na gumawa ng kaniyang kalooban.’​—Mateo 6:33.

Palibhasa’y simple lang ang buhay namin, nakakapaglingkod kaming mag-asawa bilang buong-panahong mga ministro. Nagkaroon din kami ng maraming panahon sa aming mga anak habang sila’y lumalaki. Talagang ang saya-saya namin dahil patuloy na “lumalakad sa katotohanan” sina Allison at Drew.​—3 Juan 4; Kawikaan 23:24.

Oo, may mga panahong nagkakaproblema kami sa pera, bahay, at kalusugan. At tumatanda na rin kami. Pero laging nasa tabi namin si Jehova. Pinagsisisihan ko ba ang pagbibitiw ko bilang opisyal ng submarino? Hinding-hindi! Habang binabalik-balikan namin ni Mary Lee ang naging buhay namin, masasabi naming ang paglilingkod kay Jehova ang pinakamaganda at pinakakasiya-siyang magagawa ng tao.​—Eclesiastes 12:13.

[Blurb sa pahina 14]

Nagpasiya kaming maglingkod sa pinakamataas na “Punong Kumandante”

[Larawan sa pahina 12, 13]

USS “Los Angeles”

[Credit Line]

U.S. Navy photo

[Larawan sa pahina 13]

Kami ni Mary Lee ngayon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share