Ang Pangmalas ng Bibliya
Posible Kayang Ibigin ang Kaaway?
“Sinasabi ko sa inyo,” ang sabi ni Jesu-Kristo, “patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at ipanalangin yaong mga umuusig sa inyo; upang mapatunayan ninyo na kayo ay mga anak ng inyong Ama na nasa langit, yamang pinasisikat niya ang kaniyang araw sa mga taong balakyot at sa mabubuti at nagpapaulan sa mga taong matuwid at sa mga di-matuwid.”—Mateo 5:44, 45.
NAKAKABUTI ba o nakakasamâ ang relihiyon? Para sa marami, ang relihiyon ay ugat ng pagkakapootan at karahasan—hindi ng pag-ibig at kapayapaan—lalo na kung hinahaluan ito ng pulitika, nasyonalismo, o pagtatangi. Pero ipinakikita ng sinabi ni Jesus na tinutularan ng mga tunay na ‘anak ng Diyos’ ang pag-ibig ng Diyos—iniibig nila kahit ang mga kaaway.
Isa pang lingkod ng Diyos ang nagsabi: “Kung ang iyong kaaway ay nagugutom, pakainin mo siya; kung siya ay nauuhaw, bigyan mo siya ng maiinom . . . Huwag kang padaig sa masama, kundi patuloy na daigin ng mabuti ang masama.” (Roma 12:20, 21) Pero posible nga kayang ibigin ang kaaway sa ganito kagulong daigdig? Para sa mga Saksi ni Jehova, posible! Tingnan ang halimbawa ni Jesus at ng kaniyang mga tagasunod noon.
Inibig Nila ang Kanilang mga Kaaway
Itinuro ni Jesus ang katotohanan tungkol sa Diyos, at marami ang nasiyahan sa pakikinig sa kaniya. Pero mayroon ding sumalansang, at ginawa ito ng ilan dahil sa kawalang-alam. (Juan 7:12, 13; Gawa 2:36-38; 3:15, 17) Gayunpaman, ibinahagi pa rin ni Jesus sa lahat, pati na sa mga sumasalansang, ang kaniyang nagliligtas-buhay na mensahe. (Marcos 12:13-34) Bakit? Alam niyang may ilan na puwedeng magbago, kumilala sa kaniya bilang Mesiyas, at mamuhay ayon sa Salita ng Diyos.—Juan 7:1, 37-46; 17:17.
Nang gabing arestuhin si Jesus kahit wala siyang kasalanan, nagpakita pa rin siya ng pag-ibig sa kaniyang mga kaaway. Sa katunayan, pinagaling niya ang isa sa mga humuli sa kaniya na tinaga ni apostol Pedro. Sa pagkakataong iyon, si Jesus ay nagturo ng mahalagang aral na hanggang ngayo’y gumagabay sa kaniyang mga tunay na tagasunod. Sinabi niya: “Ang lahat niyaong humahawak ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.” (Mateo 26:48-52; Juan 18:10, 11) Pagkalipas ng mga 30 taon, isinulat ni Pedro: “Si Kristo ay nagdusa para sa inyo, na nag-iwan sa inyo ng huwaran upang maingat ninyong sundan ang kaniyang mga yapak. . . . Nang siya ay magdusa, hindi siya nagbanta, kundi patuloy na ipinagkatiwala ang kaniyang sarili sa [Diyos].” (1 Pedro 2:21, 23) Maliwanag, natutuhan ni Pedro na pag-ibig, at hindi paghihiganti, ang pagkakakilanlan ng mga tunay na tagasunod ni Kristo.—Mateo 5:9.
Lahat ng ‘maingat na sumusunod sa yapak ni Jesus’ ay nagpapakita rin ng pag-ibig at kagandahang-loob. “Ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away, kundi kailangang maging banayad sa lahat, . . . nagpipigil sa ilalim ng kasamaan,” ang sabi sa 2 Timoteo 2:24. Ang mga katangiang ito ay kitang-kita sa mga Kristiyano, yamang mapagpayapa sila at laging nakikipagkasundo.
Mapagpayapang mga ‘Embahador Para kay Kristo’
Sumulat si apostol Pablo sa kaniyang mga kapananampalataya: “Kami samakatuwid ay mga embahador na humahalili para kay Kristo . . . Bilang mga kahalili para kay Kristo ay nagsusumamo kami: ‘Makipagkasundo kayo sa Diyos.’” (2 Corinto 5:20) Ang mga embahador ay hindi nakikialam sa mga bagay na may kaugnayan sa pulitika at militar ng bansang pinaglilingkuran nila. Sa halip, nananatili silang neutral. Ang atas nila ay katawanin at itaguyod ang pamahalaang kinakatawanan nila.
Ganiyan din ang mga embahador at sugo ni Kristo. Itinuturing nilang Hari si Jesus at itinataguyod ang kaniyang Kaharian sa langit sa pamamagitan ng mapayapang pangangaral ng mabuting balita. (Mateo 24:14; Juan 18:36) Kaya sumulat si Pablo sa mga Kristiyano noon: “Hindi kami nakikipagdigma ayon sa kung ano kami sa laman. Sapagkat ang mga sandata ng aming pakikidigma ay hindi makalaman, kundi makapangyarihan sa pamamagitan ng Diyos para sa pagtitiwarik ng . . . pangangatuwiran at bawat matayog na bagay na ibinangon laban sa kaalaman sa Diyos.”—2 Corinto 10:3-5; Efeso 6:13-20.
Nang isulat ni Pablo ang pananalitang iyan, ang mga Kristiyano ay pinag-uusig sa maraming lupain. Puwede sana silang gumanti. Pero inibig pa rin nila ang kanilang mga kaaway at ibinahagi ang mensahe ng pakikipagkasundo sa lahat ng nakikinig. Sinasabi ng Encyclopedia of Religion and War: “Ang mga unang tagasunod ni Jesus ay tumangging maglingkod sa militar at sumali sa digmaan.” Alam nilang ang mga gawaing ito ay “hindi kaayon ng turo ni Jesus na mag-ibigan at ng utos na ibigin ang mga kaaway.”a
Gaya ng mga Kristiyano noon, kinikilala ng mga Saksi ni Jehova si Jesus bilang kanilang Hari. Kinikilala rin nila siya bilang Hari ng Kaharian ng Diyos—isang pamahalaan sa langit na malapit nang magdulot ng walang-hanggang kapayapaan at katiwasayan sa lupa. (Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10) Kaya gaya ng mga embahador at sugo, inihahayag nila ang mabubuting bagay na gagawin ng Kahariang ito. Nagsisikap din silang maging mabuting mamamayan saanman sila nakatira—nagbabayad ng buwis at sumusunod sa batas kapag hindi naman ito labag sa batas ng Diyos.—Gawa 5:29; Roma 13:1, 7.
Pero nakakalungkot, gaya ng mga Kristiyano noon, kung minsan, mali ang pagkakilala sa mga Saksi. Bukod diyan, sinisiraan sila at pinag-uusig. Pero hindi sila gumaganti. Sa halip, nagsisikap silang “makipagpayapaan . . . sa lahat ng tao,” na umaasang ‘makikipagkasundo sa Diyos’ ang ilang sumasalansang at magkaroon ng pag-asang mabuhay magpakailanman.b—Roma 12:18; Juan 17:3.
[Mga talababa]
a “Ang lahat ng manunulat na Kristiyano na nabuhay bago ang panahon ni Constantino [emperador ng Roma mula 306 hanggang 337 C.E.] ay laban sa . . . digmaan,” ang sabi ng Encyclopedia of Religion and War. Nagbago ito nang lumaganap ang apostasya gaya ng inihula sa Bibliya.—Gawa 20:29, 30; 1 Timoteo 4:1.
b Gaya ng mga Kristiyano noong unang siglo, ipinagtatanggol ng mga Saksi ni Jehova sa hukuman ang kanilang kalayaan sa pagsamba, kung kinakailangan.—Gawa 25:11; Filipos 1:7.
NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?
◼ Ano ang dapat na maging pakikitungo ng mga Kristiyano sa kanilang mga kaaway?—Mateo 5:43-45; Roma 12:20, 21.
◼ Nang pag-usigin si Jesus, ano ang reaksiyon niya?—1 Pedro 2:21, 23.
◼ Bakit tumanggi ang mga Kristiyano noon na makipagdigma?—2 Corinto 5:20; 10:3-5.