“Nawawalang Paraiso” ng Bolivia
NOONG 1906, binanggit ng presidente ng Royal Geographical Society ng Britanya kay Koronel Percy Harrison Fawcett na malaking yaman ang maaaring nakatago sa Timog Amerika. Ipinakita niya ang isang mapa kay Fawcett, at sinabi: “Tingnan mo ang bahaging ito. Blangko pa, kasi hindi pa nagagalugad.” Pagkatapos, inalok niya si Fawcett na galugarin ang rehiyong iyon, at tinanggap naman ito ng koronel.
Sa mga isinulat ni Fawcett, sinabi niyang magubat ang dalisdis ng lugar na kilala ngayong Huanchaca Plateau sa Bolivia. Tinawag niya ang lugar na ito na “nawawalang paraiso.”a Naniniwala ang ilan na ang mga isinulat at kinuhang litrato ni Fawcett ang naging inspirasyon ng Britanong awtor na si Sir Arthur Conan Doyle para isulat ang kaniyang nobelang The Lost World. Tungkol ito sa isang likhang-isip na daigdig ng mga “taong bakulaw” at ng mga nakakatakot na dinosauro na nabuhay, di-umano, hanggang sa modernong panahon. Ngayon, sa bahaging ito ng Amazonia—na halos hindi pa nagagalugad ng tao—matatagpuan ang kahanga-hangang Noel Kempff Mercado National Park ng Bolivia na itinala noong taóng 2000 bilang isang World Heritage site.b
Matatagpuan ang parke sa hilagang-silangan ng Bolivia sa may hangganan ng Brazil. Ang lugar na ito na may lawak na mahigit 15,000 kilometro kuwadrado ay halos hindi pa nagagalugad ng tao. Mayroon itong limang ekosistema: kagubatan ng mga punong madahon sa buong taon, kagubatan ng mga punong naglalagas ang dahon tuwing taglagas, madamong lugar na may mangilan-ngilang puno, latiang may mangilan-ngilang puno, at latiang mapuno. Matarik ang mismong Huanchaca Plateau—batong-buhangin ito na may lawak na 5,180 kilometro kuwadrado. May taas itong 550 metro at haba na 150 kilometro. Mukha itong gulugod sa may hangganan ng parke sa gawing silangan. May mga ilog ito at mga 20 talon—kasama na ang Salto Susana Falls, Arco Iris Falls, Federico Ahlfeld Falls, Gemelas Falls, at El Encanto Falls.
Simula ng Aming Paglalakbay
Dinarayo ng mga turistang mapagmahal sa kalikasan ang parkeng ito. Marami sa kanila ang pumupunta rito sakay ng eroplano mula Santa Cruz sa sentro ng Bolivia. Pero pinili naming bagtasin ang 700-kilometrong daan papunta sa parke kaya nakita namin ang magagandang tanawin ng Bolivia. May natanaw kaming parang kumpol ng makukulay na dahong nililipad-lipad ng hangin pero paglapit namin, mga paruparo pala! Kaso, pinagpipiyestahan sila ng gutóm na mga bayawak.
Pagdating sa national park, nakilala namin sa nayon ng La Florida, sa may Ilog Paragua, ang aming tour guide na si Guido. Isinakay namin ang sasakyan sa isang bangka patawid ng ilog. At mula roon, naglakbay kami nang di-kalayuan hanggang sa tuluyan namin sa Los Fierros. Sa daan, nakakita kami ng sorra at isang scissor-tailed nightjar—isang magandang ibon na biglang lumipad sa harap namin.
Kinaumagahan, nagising kami sa ingay ng mga ibon—apat na magagandang blue-and-yellow macaw na nakadapo sa puno sa labas ng cabin namin. Para bang sinasabi nila, “Welcome!” Unang araw pa lang ito, pero mukhang mag-e-enjoy talaga kami.
Punung-puno ng Buhay
Ang Noel Kempff Mercado National Park ay kanlungan ng mahigit 600 uri ng ibon, 139 na uri ng mamalya (mas marami pa sa uri ng mamalya sa buong Hilagang Amerika), 74 na uri ng reptilya, at marahil mga 3,000 uri ng paruparo—hindi pa kasama ang napakaraming insekto. Kabilang sa mga ibon dito ang mahigit 20 klase ng loro, pati na harpy eagle, hoatzin, at helmeted manakin. Sinabi sa amin ni Nick Acheson, isang conservationist at eksperto sa ibon sa lugar na ito, na ang mga “pambihirang uri ng ibon tulad ng mamula-mulang pygmy-tyrant at black-and-tawny seedeater ay dinarayo ng mga mahihilig sa ibon mula sa iba’t ibang dako ng daigdig.”
Makikita rin dito ang mga mamalyang giant anteater, maned wolf, jaguar, peccary, tapir, at pampas deer. Mayroon din ditong 62 uri ng ampibyan, 254 na uri ng isda, pati mga caiman, giant river otter, capybara, at magagandang pink dolphin. Talagang mag-e-enjoy dito ang sinumang mahilig sa kalikasan!
Pero takót ang maraming turista, pati na kami, dahil sa iba’t ibang uri ng tigre sa Amazonia. Ikinuwento ng nangangasiwa sa tuluyan sa Los Fierros ang unang gabi niya sa parke. Ang sabi niya: “Nagising ako nang hatinggabi kasi pakiramdam ko’y may nanonood sa akin. Tapos, pagdungaw ko sa labas ng bintana, may jaguar sa labas ng cabin ko na nakatitig sa akin, at iskrin lang ang pagitan namin! Takót na takót talaga ako kaya nagkulong ako sa banyo hanggang mag-umaga.” Lalo tuloy kaming natakot!
Pero idinagdag niya: “Bandang huli, nalaman ko na gabi pala gumagala ang mga jaguar at hindi sila dapat katakutan. Kapag nga mainit ang panahon, pumapasok ito sa mga tuluyan at humihiga sa malamig na tiles ng mga patyo. Aba, talagang matatakot nga ang mga bagong dating! Noon, nagdadala kami ng riple, lalo na kapag may tour sa gabi. Ngayon, hindi na, kasi hindi na kami takót sa kanila.” Pero sinabihan niya kaming mag-ingat pa rin sa mga hayop dito.
Papunta Na sa El Encanto Falls
Dinarayo rin ang parke dahil sa mga talon nito. Maaga kaming umalis kasama si Guido papunta sa El Encanto Falls, na may taas na 80 metro. Anim na kilometro ang nilakad namin. Nadaanan namin ang mga howler monkey at spider monkey na nakabitin sa puno na para bang bumabati sa amin. Tamang-tama ang pangalang spider monkey kasi mahahaba ang braso at binti ng unggoy na ito. Bagay din ang pangalang howler monkey kasi sa sobrang ingay nila, maririnig sila hanggang sa layong tatlong kilometro! May nakita rin kaming red-throated piping-guan, isang ibong parang pabo, na dumaan sa harap namin habang naghahanap ng almusal. Tapos, itinuro ni Guido ang mga bakas sa may gilid ng batis at sinabi niyang mga bakas iyon ng tapir, jaguar, puma, at dalawang uri ng usa. Pakiramdam namin napapalibutan kami ng mga nagtatagong hayop at pinanonood kami. Araw at gabi, buháy na buháy ang lugar na ito.
Maraming puwedeng pagtaguan ang mga hayop sa parke. Sari-sari ang halaman dito. Sa katunayan, mga 4,000 uri ng halaman ang matatagpuan dito, kabilang na ang mahigit 100 uri ng orkid, iba’t ibang uri ng puno, pakô, bromeliad, at baging. Ang gaganda ng kulay ng masasarap na prutas na nadaraanan namin. Busog na busog din kami sa amoy nito. Mayroon ditong puno ng mangaba at mga baging ng passion fruit.
Sa wakas, naririnig na namin ang dagundong ng bumabagsak na tubig. Habang papalapit kami, palakas ito nang palakas. Pagkatapos, tumambad sa amin ang mataas at napakagandang El Encanto Falls. Namumuti na ang ibabang bahagi ng talon sa lakas ng bagsak ng tubig. Napapalamutian ng pakô at bromeliad ang mga batong nakapalibot sa napakalinaw na tubig. “Kapag mainit ang panahon, nagpapalamig dito ang mga unggoy,” ang sabi ni Guido. Kaya nagbabad na rin kami habang pinagmamasdan ang kagandahan ng paligid at pinakikinggan ang musikang likha ng lagaslas ng tubig.
Konserbasyon—Pamana ni Noel Kempff Mercado
Ang conservationist na si Noel Kempff Mercado ay namatay noong 1986. Pero nagpapatuloy pa rin ang gawaing sinimulan niya—ang pangangalaga sa bahaging ito ng Bolivia. Noong 1996, nagkasundo ang gobyerno ng Bolivia at Estados Unidos na protektahan ang 880,000 ektarya ng maulang kagubatan at gumawa sila ng praktikal na hakbang para makontrol ang greenhouse gas sa iba pang panig ng daigdig. Nang sumunod na taon, inilunsad ng gobyerno ng Bolivia at ng tatlong kompanya ng enerhiya ang Noel Kempff Climate Action Project. Kaya naman ipinagbawal ang pagputol ng mga punungkahoy sa 880,000 ektarya ng kagubatan, at nang bandang huli, ginawa rin itong bahagi ng parke kaya nadoble ang laki ng Noel Kempff Mercado National Park.
Dahil sa pamamasyal naming ito, lalo kaming humanga sa Maylalang at sa kagandahan at pagkakasari-sari ng kaniyang nilikha sa planetang Lupa. “Kay rami ng iyong mga gawa, O Jehova! Sa karunungan ay ginawa mong lahat ang mga iyon. Ang lupa ay punô ng iyong mga likha,” ang sabi ng Awit 104:24. Habang ingat na ingat kaming naglalakad dito sa “nawawalang paraiso,” ninanamnam namin ang natatanging ganda nito, at bitbit namin pauwi ang masayang alaala at mga larawan sa aming kamera.
[Mga talababa]
a Noong Mayo 1925, sumulat si Fawcett sa kaniyang asawa tungkol sa kaniyang ekspedisyon. Iyon na ang huling pakikipag-ugnayan niya at nananatiling misteryo ang pagkawala niya.
b Ang lugar na ito ay ginawang parke noong 1979 at tinawag na Huanchaca National Park. Pero pinalitan ang pangalan nito noong 1988 bilang parangal sa biyologo ng Bolivia na si Noel Kempff Mercado, na pinatay ng sindikato ng droga sa talampas na iyon dahil natuklasan niya nang di-sinasadya ang isang laboratoryo ng cocaine.
[Larawan sa pahina 16]
Purpura at pulang orkid
[Larawan sa pahina 16, 17]
Ahlfeld Falls, sa loob ng national park
[Larawan sa pahina 17]
Mga macaw
[Larawan sa pahina 17]
El Encanto Falls
[Picture Credit Line sa pahina 15]
Aerial: ® 2004 Hermes Justiniano/BoliviaNature.com
[Picture Credit Line sa pahina 17]
Orchid, Ahlfeld Falls, and macaws: ® 2004 Hermes Justiniano/BoliviaNature.com