Ang mga Kabataan ay Nagtatanong
Ano ang Puwede Kong Isuot?
Palabas na ng pinto si Heather. Gulát na gulát ang mga magulang niya nang makita siya.
“Iyan ang suot mo?” ang tanong ng tatay niya.
“Ano po’ng masama dito?” ang sagot ni Heather. “Papasyal lang naman po kami ng mga kaibigan ko sa mall.”
“Pero huwag iyan ang isuot mo!” ang sabi ng nanay niya.
“Ma, lahat ng kabataan, ganito ang suot,” ang reklamo ni Heather, “tsaka may datíng ’di ba?”
“Puwes, hindi namin gusto ang datíng ng suot mo!” ang sagot ng tatay niya. “Balik sa kuwarto! ’Pag hindi ka nagpalit, hindi ka makakaalis!”
HINDI na bago ang ganiyang eksena. Dumaan din diyan ang mga magulang mo. At malamang na ganiyan din ang reaksiyon nila noon! Pero ngayon, kayo naman ang di-magkasundo.
Sabi mo: Komportable ako dito.
Sabi nila: Masagwang tingnan.
Sabi mo: Ang ganda kaya!
Sabi nila: Ang laswang tingnan!
Sabi mo: 50% off ’to.
Sabi nila: Dapat lang, kakapiraso lang ang suot mo eh!
Maiiwasan ba ang ganiyang eksena? Oo naman! Alam ni Megan, 23 anyos, kung ano ang sekreto. “Hindi n’yo naman kailangang magtalo,” ang sabi niya. “Puwede kayong magkasundo.” Magkasundo? ‘Ibig bang sabihin magsusuot ako ng pangmatanda?’ baka itanong mo. Hindi naman! Kailangan n’yo lang pag-usapan ng mga magulang mo ang ibang mga istilo ng damit na parehong okey sa inyo. Bakit?
1. Magiging maayos ang iyong hitsura, kahit sa iyong mga kaibigan.
2. Malamang na hindi na masyadong punahin ng mga magulang mo ang iyong suot.
3. Kapag nakita ng mga magulang mo na responsable ka sa bagay na ito, baka bigyan ka nila ng higit pang kalayaan.
Kaya ano ang puwede mong gawin? Mag-isip ng damit na nakita mo sa Internet o sa mall na gusto mong bilhin. Pagkatapos . . .
Alamin ang mga Simulain sa Bibliya
Kaunti lang ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pananamit. Sa katunayan, mababasa mo ang lahat ng payo ng Bibliya tungkol sa paksang ito sa loob lang ng ilang minuto. Pero kahit kaunti lang ang mga ito, napakapraktikal naman ng mga payo. Halimbawa:
◼ Pinapayuhan ng Bibliya ang mga babae na manamit nang “may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip.”a—1 Timoteo 2:9, 10.
Baka mapakunot ang noo mo sa salitang “kahinhinan.” ‘Ibig bang sabihin, dapat balót na balót ako?’ baka itanong mo. Hindi naman! Ang kahinhinan dito ay nangangahulugang masasalamin sa pananamit mo na may paggalang ka sa sarili at konsiderasyon sa iba. (2 Corinto 6:3) Marami namang makikitang disenteng damit. “Maaaring mahirap pumili ng damit,” ang sabi ni Danielle, 23 anyos, “pero puwede namang nasa uso ang piliin mo, huwag lang ’yung style na takaw-pansin.”
◼ Pagdating sa hitsura, sinasabi ng Bibliya na dapat magtuon ng pansin sa “lihim na pagkatao ng puso.”—1 Pedro 3:4.
Maaari ngang mapatingin sa iyo ang mga tao dahil sa suot mo, pero sa pagkatao mo nakadepende kung igagalang ka ng mga nakatatanda at mga kaedad mo. Mga kaedad mo? Oo—baka hindi rin sila sang-ayon sa pananamit na takaw-pansin. “Nakakainis ’yung mga babaing halos maghubad na para lang makaakit ng mga lalaki!” ang sabi ng 16-anyos na si Brittany. Sang-ayon din si Kay. Ganito ang sabi niya tungkol sa dati niyang kaibigan, “Gusto niyang suot ’yung mga takaw-pansin para makaakit siya ng mga lalaki.”
Tip: Iwasan ang mga damit na tipong nang-aakit dahil magmumukha kang desperado at bilib sa sarili. At dahil dito, baka bastusin ka—o mas malala pa. Sa halip, magsuot ng mahinhing damit na bagay sa iyo at sa personalidad mo.
Tanungin ang mga Magulang Mo
Hindi tamang magbaon ng seksing damit at magpalit pagdating sa eskuwela. Mas magtitiwala sa iyo ang mga magulang mo kung tapat ka sa kanila, kahit na sa mga bagay na sa tingin mo ay maitatago mo sa kanila. Sa katunayan, makabubuti kung hihingin mo ang opinyon nila kapag pumipili ka ng isusuot.—Kawikaan 15:22.
‘Bakit ko naman ’yan gagawin, lagi naman nilang kinokontra ang suot ko?’ baka itanong mo. Totoo, maaaring magkaiba kayo ng opinyon ng mga magulang mo. Pero kung minsan iyan ang kailangan mo. “Gusto kong pinapayuhan ako ng mga magulang ko,” ang sabi ng 17-anyos na si Nataleine, “ayoko kasing umalis ng bahay na nakakahiya ang suot ko o kaya’y pintasan ako ng iba.”
Bukod diyan, tandaang nasa poder ka pa ng mga magulang mo kaya dapat mo silang sundin. (Colosas 3:20) Pero minsang maintindihan mo sila—at maintindihan ka nila—magkakasundo na kayo. Baka nga hindi na kayo magtalo pagdating sa pananamit!
Tip: Kapag nagsusukat ng damit, subukang maupo o yumuko na kunwari’y may pupulutin, at tingnan kung mahinhin pa rin ito. Hangga’t maaari, hingin ang opinyon ng magulang mo o ng isang mapagkakatiwalaang kaibigan.
Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype
[Talababa]
a Bagaman patungkol sa mga babae ang payong ito ng Bibliya, angkop din ito sa mga lalaki. Tingnan ang kahong “Paano Naman sa mga Lalaki?”
PAG-ISIPAN
Mag-isip ng damit na gusto mong bilhin. Saka tanungin ang iyong sarili:
◼ Ano kaya ang datíng nito sa iba?
◼ Ano kaya ang magiging reaksiyon ng iba kung ito ang isusuot ko?
◼ Gusto ko ba talagang ganoon ang maging reaksiyon nila at matatanggap ko kaya ang epekto nito?
[Kahon/Mga larawan sa pahina 19]
Work Sheet
Panuto: Kopyahin ang pahinang ito. Hilingin sa iyong mga magulang na sagutan ang kolum sa kanan. Sagutan mo naman ang kolum sa kaliwa. Pagkatapos, magpalitan kayo ng work sheet, at pag-usapan ninyo ang inyong mga sagot. Nagulat ba kayo? Ano ang natuklasan ninyo?
PARA SA IYO
Mag-isip ng damit na gusto mong isuot o bilhin.
◼ Bakit mo gusto ang damit na ito? Lagyan ng numero ang sumusunod, depende kung alin ang mas mahalaga sa iyo.
Tatak
Datíng sa di-kasekso
Datíng sa mga kaibigan
Komportable
Presyo
Iba pa ․․․․
◼ Ano ang malamang na maging reaksiyon ng mga magulang ko?
“Hindi puwede!”
“Puwede naman.”
“OK.”
◼ Bakit kaya ayaw nila sa damit na ito?
“Masyadong malaswa.”
“Masyadong masagwa.”
“Masyadong sunod sa uso.”
“Kami ang mapipintasan sa suot mo.”
“Ang mahal!”
Iba pa ․․․․
MAPAGKAKASUNDUAN KAYA NAMIN ITO?
◼ Bakit mahalagang malaman ko ang opinyon ng mga magulang ko?
․․․․․
◼ May magagawa kaya para maging katanggap-tanggap ang damit na ito?
․․․․․
PARA SA IYONG MGA MAGULANG
Mag-isip ng damit na gustong isuot o bilhin ng anak mong tin-edyer.
◼ Bakit kaya gusto ng anak mo ang damit na ito? Lagyan ng numero ang sumusunod, depende kung alin ang sa tingin mo’y mas mahalaga sa kaniya.
Tatak
Datíng sa di-kasekso
Datíng sa mga kaibigan
Komportable
Presyo
Iba pa ․․․․
◼ Ano ang reaksiyon ko?
“Hindi puwede!”
“Puwede naman.”
“OK.”
◼ Bakit ayaw ko sa damit na ito?
“Masyadong malaswa.”
“Masyadong masagwa.”
“Masyadong sunod sa uso.”
“Kami ang mapipintasan sa suot mo.”
“Ang mahal!”
Iba pa ․․․․
MAPAGKAKASUNDUAN KAYA NAMIN ITO?
◼ Ayaw ko ba sa damit na ito dahil lang sa hindi ako nagagandahan?
□ Oo □ Malamang □ Hindi
◼ May magagawa kaya para maging katanggap-tanggap ang damit na ito?
․․․․․
ANG PASIYA
․․․․․
[Kahon/Mga larawan sa pahina 20]
ANG SINASABI NG IBANG KABATAAN
“Okey lang na may ‘style’ ka sa pananamit, basta hindi ito labag sa mga simulain sa Bibliya. Marami kang mabibiling maganda at katanggap-tanggap sa iba.”—Derrick.
“Noong tin-edyer ako, gusto kong ako ang nasusunod. Ayokong dinidiktahan ako kung ano ang isusuot ko. Pero napansin kong hindi masyadong maganda ang tingin sa akin ng iba. Nagbago ito nang sundin ko ang opinyon ng mga magulang ko at ng ibang nakatatanda.”—Megan.
“Kapag may nakikita akong babae na malaswang manamit, bumababa ang tingin ko sa kaniya. Pero kapag mahinhin at magandang manamit ang isa, naiisip ko, ‘Ganiyan ang gusto ko.’”—Nataleine.
[Kahon/Larawan sa pahina 21]
PAANO NAMAN SA MGA LALAKI?
Ang mga simulain sa Bibliya na tinalakay sa artikulong ito ay angkop din sa mga lalaki. Maging mahinhin. Hayaang makita ng iba ang pagkatao mo. Kapag pumipili ng damit, tanungin ang iyong sarili, ‘Ano kaya ang datíng nito sa iba?’ Tandaan, puwede kang makilala sa paraan ng iyong pananamit. Tiyaking makikita sa pananamit mo kung ano ang pinaniniwalaan mo!
[Kahon/Larawan sa pahina 21]
MENSAHE SA MGA MAGULANG
Kunwari, ikaw ang magulang ni Heather, na binanggit sa pasimula ng artikulong ito. Napansin mong napakaikli ng suot niya. Sinabihan mo siya, “Balik sa kuwarto! ’Pag hindi ka nagpalit, hindi ka makakaalis!” Baka nga sumunod ang anak mo. Tutal, wala siyang magagawa. Pero paano mo tutulungang mabago ang kaniyang kaisipan at hindi lamang ang kaniyang pananamit?
◼ Una, tandaan na iniisip din ng anak mo ang epekto sa kaniya ng di-mahinhing pananamit. Ayaw din naman niyang mabastos o magmukhang katawa-tawa. Huwag magsawa sa pagpapaalala sa kaniya na hindi maganda ang di-mahinhing pananamit.b Magmungkahi kung ano ang puwede niyang isuot.
◼ Ikalawa, hayaang ‘makilala ang iyong pagkamakatuwiran.’ (Filipos 4:5) Tanungin ang iyong sarili, ‘May nalalabag bang simulain sa Bibliya ang damit niya, o hindi lang ako nagagandahan?’ (2 Corinto 1:24) Kung hindi ka lang nagagandahan, puwede mo ba siyang pagbigyan?
◼ Ikatlo, huwag mo lang basta sabihin kung ano ang hindi niya dapat isuot. Tulungan siyang maghanap ng puwede niyang isuot. Sulit ang panahon mo at pagsisikap.
[Talababa]
b Mahalaga sa anak mo ang hitsura niya, kaya mag-ingat—baka maipahiwatig mong may pangit sa kaniya.