Malusog na Mommy, Malusog na Baby
ANG sarap ng pagkakahiga ng isang malusog na sanggol sa bisig ng kaniyang ina. Tuwang-tuwa naman ang ama. Dahil pangkaraniwan na lang ang ganitong eksena, hindi na masyadong binibigyang-pansin ang panganganak. Tutal, likas na proseso ito—kaya bakit kailangan pang mabahala?
Totoong karaniwan nang nagiging matagumpay ang panganganak, pero hindi palagi. Kaya nag-iingat ang matatalinong magulang para maiwasan ang mga komplikasyon. Halimbawa, inaalam nila ang sanhi ng mga problema sa panganganak, kumokonsulta sila sa doktor, at gumagawa ng mga hakbang para maiwasan ang mga panganib. Talakayin natin nang detalyado ang mga puntong ito.
Sanhi ng mga Problema sa Panganganak
Ang isang dahilan ng mga problema sa panganganak na nakakaapekto sa mga ina at sanggol ay ang kakulangan ng tamang pangangalaga sa panahon ng pagbubuntis. “Nagiging delikado ang pagbubuntis kung walang tamang pangangalaga,” ang sabi ni Dr. Cheung Kam-lau, pedyatrisyan ng mga bagong-silang na sanggol sa Prince of Wales Hospital sa Hong Kong. Sinabi rin niya na “marami sa mga inang ito ang umaasang malusog at mataba ang kanilang mga sanggol, pero hindi ito laging nangyayari.”
Ayon sa Journal of the American Medical Women’s Association, “ang pangunahing dahilan ng pagkamatay ng ina” ay ang sobrang pagdurugo, hirap sa panganganak, impeksiyon, at napakataas na presyon ng dugo. Maraming kilalang epektibong paraan ng paggamot, pero sa maraming kaso, “ang modernong paggamot . . . ay hindi kailangang maging napakakomplikado,” ang sabi pa ng babasahin.
May mga makukuhang tulong para maging malusog ang mga sanggol. Iniulat ng UN Chronicle na “dalawang-katlo ng bilang ng mga namamatay na bagong-silang na mga sanggol ay maiiwasan kung ang lahat ng ina at bagong-silang na sanggol” ay nabigyan ng paraan ng paggamot na “kilala, praktikal, at hindi masyadong komplikado.” Nakakalungkot, ang kakulangan ng kaalaman at kapabayaan ng mga nagdadalang-tao ay pangkaraniwan na lang, ang ulat ng Philippines News Agency.
Pinakamabuting Pangangalaga sa Ina at sa Sanggol
“Kapag mas malusog ang ina, mas malusog ang bata,” ang sabi ng UN Chronicle. Sinabi rin nito na hindi sapat ang pangangalagang naibibigay sa sanggol, o wala pa nga, kapag ang ina ay bihira o hindi nagpapatingin sa doktor sa panahon ng pagbubuntis at panganganak, at pagkatapos niyang manganak.
Sa ilang lupain, mahirap para sa mga nagdadalang-tao na regular na magpatingin sa doktor. Marahil, magbibiyahe pa sila o kulang sila sa badyet. Pero hangga’t maaari, dapat magpatingin sa doktor ang ina. Napakahalaga nito para sa isa na namumuhay ayon sa itinuturo ng Bibliya, na nagsasabing banal ang buhay ng tao, kasama na ang buhay ng di-pa-naisisilang na sanggol.—Exodo 21:22, 23;a Deuteronomio 22:8.
Ibig bang sabihin, dapat magpatingin sa doktor linggu-linggo? Hindi naman. Hinggil sa karaniwang mga komplikasyon na lumilitaw sa panahon ng pagbubuntis at panganganak, natuklasan ng World Health Organization (WHO) na “ang mga nagdadalang-tao na nagpapatingin sa doktor nang apat na beses lang ay katulad din ng mga nagpapatingin nang 12 beses o higit pa.”
Ang Puwedeng Gawin ng Doktor
Para maiwasan ang problema sa panganganak, ito ang ginagawa ng mga doktor, lalo na ng mga obstetrician:
◼ Tinitingnan nila ang medical record ng pasyente at nagsasagawa ng mga pagsusuri para malaman at maiwasan ang posibleng mga komplikasyon sa ina o sa bata.
◼ Kumukuha sila ng sampol ng dugo at ihi para tingnan kung may problema, gaya ng anemya, impeksiyon, Rh incompatibility, at ibang sakit. Kasama rito ang diyabetis, rubella, sakit sa bato, at sakit na nakukuha sa pagtatalik, na puwedeng magpataas sa presyon ng dugo.
◼ Kung kailangan at payag naman ang pasyente, nagbibigay sila ng bakuna para sa trangkaso, tetano, Rh incompatibility, at iba pa.
◼ Maaari din silang magrekomenda ng mga bitamina, lalo na ng folic acid.
Kapag nakita na ng doktor ang posibleng problema sa pagbubuntis at gumawa ng kinakailangang pag-iingat—o natulungan ang ina na gawin ito—napapalaki nila ang tsansang maging matagumpay ang panganganak.
Pag-iwas sa mga Problema sa Panganganak
“Ang pinakadelikadong panahon para sa isang nagdadalang-tao ay mula sa paghilab ng tiyan hanggang sa mismong panganganak,” ang sabi ni Joy Phumaphi, dating assistant director general para sa Family and Community Health ng WHO. Paano maiiwasan ang seryosong mga problema, pati mga komplikasyong puwedeng magsapanganib sa buhay ng sanggol o ng ina? Ang totoo, simple lang ang gagawin pero dapat maging maagap.b Napakahalaga nito para sa mga ayaw magpasalin ng dugo dahil sa kanilang paniniwalang salig sa Bibliya o dahil sa panganib nito sa kalusugan.—Gawa 15:20, 28, 29.
Dapat matiyak ng pasyente na mahusay at makaranasan ang kanilang doktor o komadrona pagdating sa paggamot nang walang pagsasalin ng dugo. Dapat ding tiyakin ng mag-asawa na handang makipagtulungan ang ospital o klinika.c Narito ang maaaring itanong sa doktor: 1. Ano po ang gagawin ninyo kapag maraming dugo ang nawala sa ina o sa bata o kapag nagkaroon ng komplikasyon? 2. Kapag wala po kayo sa ospital at manganganak na ang pasyente, paano namin matitiyak na igagalang ang pasiya namin?
Siyempre pa, ang matalinong ina ay makikipag-usap sa kaniyang doktor para tiyaking naaabot niya hangga’t maaari ang pinakamataas na normal na blood count bago siya manganak. Para tumaas ang blood count ng pasyente, baka irekomenda ng doktor na uminom siya ng folic acid at iba pang uri ng bitamina B, pati na ng mga iron supplement.
May iba pang bagay na isasaalang-alang ang doktor. Halimbawa, sa pagsusuri sa pasyente, may nakita ba siyang problema na kailangang bigyang-pansin? Kailangan ba ng pasyente na iwasang laging nakatayo? Kailangan ba niya ng dagdag na pahinga? Kailangan ba niyang magpapayat o magpataba o mag-ehersisyo? At kailangan ba niyang bigyang-pansin ang kalinisan sa katawan, pati na sa ngipin at gilagid?
Ipinakikita ng mga pag-aaral na kapag may sakit sa gilagid ang isang nagdadalang-tao, lumalaki ang posibilidad na magkaroon siya ng preeclampsia, isang malubhang komplikasyon na kasama sa mga sintomas ang biglang pagtaas ng presyon ng dugo, matinding pananakit ng ulo, at edema o pamamanas (sobrang likido sa mga tisyu ng katawan).d Dahil sa preeclampsia, maaaring lumabas ang sanggol nang wala sa oras. Ito rin ang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng ina at fetus, lalo na sa papaunlad na mga bansa.
Oo, ang maingat na doktor ay magbibigay-pansin sa anumang sintomas ng impeksiyon na makikita sa isang nagdadalang-tao. Kung madalas humilab ang tiyan nito, pero hindi pa kabuwanan, irerekomenda niya na agad itong ipasok sa ospital para maingatan ang buhay ng ina at ng sanggol.
“Handang mamatay ang mga ina, mabuhay lang ang kanilang sanggol,” ang sabi ni Dr. Quazi Monirul Islam, direktor ng Department of Making Pregnancy Safer ng WHO. Pero makakatulong ang mahusay na pangangalaga ng doktor sa panahon ng pagbubuntis, panganganak, at pagkapanganak para maiwasan ang mga komplikasyon, maging ang kamatayan. Higit sa lahat, kailangang panatilihin ang mabuting kalusugan, yamang malusog ang bata kapag malusog ang ina.
[Mga talababa]
a Sa orihinal na tekstong Hebreo, tumutukoy ito sa aksidenteng pagkamatay ng ina o ng sanggol na hindi pa naisisilang.
b Tingnan ang kahong “Paghahanda sa Panganganak.”
c Maaaring kumonsulta ang mga mag-asawang Saksi ni Jehova sa Hospital Liaison Committee (HLC) ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang lugar bago ang panganganak. Ang mga miyembro nito ay dumadalaw sa mga ospital at doktor para magbigay ng impormasyon tungkol sa paggamot sa mga Saksi nang hindi gumagamit ng dugo. Makakatulong din ang HLC sa paghahanap ng doktor na gumagalang sa paniniwala ng pasyente at may karanasan sa paggamot nang hindi gumagamit ng dugo.
d Bagaman hindi pa matiyak kung lumalaki nga ang posibilidad na magkaroon ng preeclampsia ang isa kapag may sakit siya gilagid, makabubuting ingatan ang gilagid at ngipin.
[Blurb sa pahina 27]
Ayon sa ulat noong Oktubre 2007, isang babae ang namamatay halos bawat minuto—536,000 bawat taon—dahil sa mga komplikasyon sa pagbubuntis.—United Nations Population Fund
[Blurb sa pahina 28]
“Taun-taon, 3.3 milyong sanggol ang isinisilang na patay at mahigit 4 na milyong sanggol ang namamatay sa loob ng 28 araw pagkasilang sa mga ito.”—UN Chronicle
[Kahon sa pahina 29]
PAGHAHANDA SA PANGANGANAK
1. Pumiling mabuti ng ospital, doktor, o komadrona.
2. Regular na magpatingin sa iyong doktor o komadrona para maging palagay ang loob ninyo sa isa’t isa.
3. Alagaan ang iyong kalusugan. Kung posible, uminom ng mga bitamina, pero huwag uminom ng gamot (maging ng mga gamot na hindi kailangan ng reseta) malibang ireseta ng doktor. Makabubuti ring huwag uminom ng alak. “Bagaman ang mga sanggol ang pangunahing naaapektuhan kapag malakas uminom ng alak ang ina, hindi pa rin maliwanag kung ligtas para sa mga nagdadalang-tao na uminom ng kahit kaunting alak,” ang sabi ng National Institute on Alcohol Abuse and Alcoholism.
4. Kung humihilab ang tiyan mo nang hindi mo pa kabuwanan (bago ang ika-37 linggo), magpatingin agad sa iyong doktor para maiwasan ang panganganak nang wala sa oras, pati na ang posibleng mga komplikasyon.e
5. Isulat ang mga desisyon mo hinggil sa paggamot. Halimbawa, nakatulong sa marami na mayroon silang pirmadong durable power of attorney (DPA). Alamin kung ano ang ginagamit at tinatanggap sa batas ng inyong bansa.
6. Pagkapanganak, ingatan ang kalusugan mo at ng iyong sanggol, lalo na kung kulang siya sa buwan. Kumonsulta agad sa isang pedyatrisyan kung may mapansin kang anumang problema.
[Talababa]
e Karaniwan nang sinasalinan ng dugo ang mga anemik na sanggol na kulang sa buwan, yamang nahihirapang gumawa ng sapat na pulang selula ng dugo ang kanilang katawan.