Mga Dambuhala sa Kalaliman ng Dagat
Isang dambuhalang nilalang ang biglang lumitaw mula sa dagat. Sinunggaban nito ang isang bangka, pati na ang mga sakay nito, at hinatak pailalim sa dagat. Sa ganitong eksena umiikot ang kuwento ng maraming alamat. Pero mayroon nga kayang gayon kalaking nilalang?
NOONG 2007, nakahuli ng isang colossal squid ang mga mangingisda sa Dagat Ross malapit sa Antartiko. Kasama ang mga galamay, may haba itong 10 metro at bigat na halos 500 kilo! Naniniwala ang mga siyentipiko na puwede pang lumaki ang ganitong uri ng pusit.
Ang isa pang dambuhala sa dagat, ang giant squid, ay may katawang hugis-torpedo, mga matang sinlaki ng ulo ng tao, tukang kahawig ng tuka ng parrot na kayang pumutol ng kableng bakal, walong galamay na may mga panipsip, at dalawang mahabang galamay na ginagamit sa pagkain. Kaya nitong lumangoy sa bilis na 30 kilometro kada oras—at kaya rin nitong pumailanlang sa ere!
Ayon sa rekord sa nakalipas na 100 taon, wala pang 50 beses na nakita ang ganitong mga dambuhala. Hindi pa rin sila napag-aaralan sa kanilang likas na kapaligiran.
Pagkalalaking Balyena sa Dagat
Gayunman, ang mga colossal squid at giant squid ay pagkain lang ng isa pang mas malaking hayop, ang sperm whale, na umaabot nang hanggang 20 metro ang haba at 50 tonelada ang bigat. Isang ngipin pa lang nito, halos isang kilo na! May natagpuan pa ngang patay na mga sperm whale na may mga bahagi ng giant squid sa tiyan nito. Makikita sa ulo ng mga balyenang ito ang bilug-bilog na sugat na likha ng panipsip ng giant squid, na nagpapakitang nanlalaban ang mga giant squid. Noong 1965, ang crew ng isang bangkang Sobyet na nanghuhuli ng balyena ay nagsabing nakakita sila ng laban ng isang giant squid at isang 40-toneladang sperm whale. Walang nanalo. Ang nasakal na balyena ay natagpuang lulutang-lutang sa dagat, at nakita sa tiyan nito ang ulo ng giant squid.
Talaga ngang napakalaki ng giant squid at sperm whale, pero wala silang sinabi sa laki ng blue whale, ang pinakamalaking mamalya. Ang pinakamahabang blue whale na naitala ay isang 33-metrong adultong babaing blue whale na nahuli sa Antartiko. Ang blue whale ay umaabot nang hanggang 150 tonelada. Dila pa lang nito, kasimbigat na ng isang adultong elepante! At aba, ang bagong-panganak na blue whale ay may bigat na tatlong tonelada at haba na pito hanggang walong metro! Palibhasa’y target ng mga manghuhuli ng balyena, muntik nang malipol ang blue whale noong dekada ng 1960. Sa ngayon, kasama ito sa mga uri ng hayop na nanganganib malipol.
Ang Mabangis at ang Maamo
Ang great white shark ang malamang na pinakanakakatakot na isdang kumakain ng karne, dahil sa 3,000 matatalas na ngipin nito. Ang pinakamalaking great white shark na naitala ay may haba na 7 metro at bigat na 3,200 kilo. Napakasensitibo ng pang-amoy nito, dahil kaya nitong maamoy ang isang patak ng dugo na nakahalo sa 100 litro ng tubig!
Ang butanding ang pinakamalaking isda. Umaabot nang mga 7.5 metro ang haba nito. Pero puwede itong umabot nang hanggang halos 15 metro. Kayang-kaya nitong lumulon ng isang tao, yamang ang bibig nito ay may lapad na 1.4 metro. Pero di-tulad ng mababangis na nilalang sa dagat, maliliit na plankton at isda ang kinakain ng maamong higanteng ito.
“Ang pambihirang pagkakayari ng mga sangkap na panunaw ng butanding ay umaalalay sa mga kuwento ni Jonas,” ang sabi ng magasing National Geographic tungkol sa ulat ng Bibliya hinggil sa pagkakalulon ng isang malaking isda sa propetang si Jonas. Ang mga butanding ay may ‘malumanay na paraan ng pag-aalis sa nakakain nilang malalaking bagay na baka hindi nila matunaw.’—Jonas 1:17; 2:10.
Ang Mahiyaing Higante
Ang isa pang dambuhalang nilalang sa dagat ay ang giant octopus, na umaabot nang hanggang 250 kilo. Tinawag itong devilfish dahil inaakala noon na nagpapalubog ito ng barko. Pero ang totoo, ang oktopus na ito ay mahiyain at nagtatago sa mga lungga at awang sa sahig ng dagat. Ang walong galamay nito ay may haba na sampung metro, at ito ang may pinakamalaking utak sa lahat ng nilalang na walang gulugod. Napakatalino ng mga octopus, anupat kaya nitong lumusot sa masalimuot na mga lagusan at magbukas ng garapon!
Tulad ng giant squid, ang giant octopus ay may kakayahang magbago ng kulay, gumamit ng jet propulsion sa paglangoy, at magbuga ng maitim na tinta para makatakas sa kalaban. Kaya pa nga nitong umahon sandali sa tubig para maghanap ng pagkain!
Ang mga nilalang na ito sa kalaliman ay talagang nagbibigay ng kapurihan sa kanilang Maylalang, si Jehova. Angkop ang inawit ng salmista ng Bibliya: “Purihin ninyo si Jehova mula sa lupa, ninyong mga dambuhalang hayop-dagat at ninyong lahat na matubig na mga kalaliman.”—Awit 148:7.
[Dayagram sa pahina 17]
GAANO SILA KALAKI?
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Great white shark
Giant octopus
Butanding
Giant squid*
Colossal squid*
*tinatayang laki
Sperm whale
Blue whale
piye 100 90 80 70 60 50 40 30 20 10 0
metro 30 25 20 15 10 5 0
[Larawan sa pahina 15]
Great white shark
[Larawan sa pahina 15]
Giant octopus
[Larawan sa pahina 16, 17]
Sperm whale
[Larawan sa pahina 16]
Butanding
[Larawan sa pahina 17]
Blue whale at anak nito
[Picture Credit Lines sa pahina 15]
Shark: © Steve Drogin/SeaPics.com; drawing: Getty Images; octopus: © Brandon Cole
[Picture Credit Lines sa pahina 17]
Sperm whale: © Brandon Cole; blue whales: © Phillip Colla/SeaPics.com; butanding: © Steve Drogin/SeaPics.com